Chapter Myco Gosiaco: Chapter 19

“Ang swerte mo talaga! Parang noong isang linggo lang, isinusumpa ka pa ng mga tao dito sa riding club. Kita mo naman ngayon. Nakatapak ka na ulit dito. Ibinalik ka na ulit ni Sir Myco.”

Sunud-sunud ang kain ng ubas ni Grasya habang nakikipagkwentuhan sa kay Olympia. Dapat ay maglilinis lang ito sa bahay ni Myco pero di na nito mapigil makipagdaldan nang makita siya. Na-miss din siya ng kaibigan.

“Akala ko rin di na ako makakatapak pa dito. Akala ko nga rin galit kayo sa akin,” malungkot niyang sabi. “Kanina ni ayaw mo akong kausapin. Parang natakot ka pa ng makita mo ako.”

Pinagdikit nito ang dulo ng hintuturo na parang nahihiya. “Kasi baka mamaya di mo rin ako kilalaning friend dahil di tayo magkauri.”

“Walang kinalaman ang totoong estado ko sa buhay nang pakikisama ko sa iyo noon. Noong nakipagkaibigan ako, bukal sa akin iyon.”

“Noon bang mahalin mo si Sir Myco, totoo din ba iyon? Napaaway pa ako dito sa pagtaanggol sa iyo. Sabi kasi nila sinungaling ka. Pinaikot mo lang si Sir Myco. Naramdaman ko naman na naging totoo ka. Kaso di ka naman nagsasalita sa media tungkol sa issue.”

“Kailangan ko pa bang magpaliwanag? Si Myco lang naman dapat ang pinagpapaliwanagan ko. Pero di naman siya maniniwala sa akin. Isang beses ka lang naging sinungaling, habambuhay na iyong mamarka sa pagkatao mo. Pakiramdam ng mga tao sa paligid mo, lagi kang magsisinungaling.”

Di nga niya alam kung may magandang idudulot ang pagbabalik niya. Kung kahit isang porsiyento ng tiwala sa kanya ni Myco ay maibabalik niya.

Nakakabigat lang ng loob na inaalagaan nga siya nito at inaalala pero di naman nito pinaniniwalaan ang bawat sabihin niya.

“Sa palagay ko gusto ka talaga ni Sir Myco,” sabi nito. “Ang usap-usapan dito, nag-resign si Sir Myco basta huwag ka lang idemanda.”

“Isinakripisyo niya ang sarili niya para sa akin?”

Mahal na mahal ni Myco ang trabaho nito. Importante din dito ang riding club. Bakit basta-basta nitong bibitawan para sa isang katulad lang niya? Imposible! Sinira niya ang lahat. Masama siyang babae sa paningin nito. Di nito isusuko ang isang bagay na mahalaga dito para sa kanya.

“Oy, hindi ako sinungaling. Narinig ko na nag-away sila ng tatay niyang masungit. Kung bibitiwan lang daw ni Sir Myco ang riding club, magkalimutan na daw silang mag-ama. At ikaw ang may kasalanan. Siguro nagkausap sila ni Sir Reid kaya di na natuloy.”

“Ano naman ang nakain niya at ginawa niya iyon? Tapos ibinalik pa niya ako ngayon dito. Baka magtalo ulit sila ng tatay niya.”

“Tumpak! Buti na lang nasa Tokyo siya. Kaya maswerte ka dahil di mo kailangang harapin ang dragong tatay ni Sir Myco.”

“Di rin niya ako pwedeng maabutan dito. Mag-aaway na naman silang mag-ama. Ayoko ng gulo.”

Hanggang kailan ba niya guguluhin ang buhay ni Myco? Malayo na nga siya dito at kahit galit ito sa kanya, siya pa rin ang iniisip nito. At dahil doon ay nasasaktan ang mga taong mahal nito. Ano ba ang tumatakbo sa isip nito?

Nang matapos ang trabaho ni Grasya sa bahay ni Myco ay umalis din ito. Nangako ito na dadalawin siya kapag wala na itong trabaho. Lumabas siya ng kuwarto. Iniwan ni Myco ang hinihiwang gulay sa kusina at inalalayan siya.

“Bakit lumabas ka agad? Hindi pa malakas ang katawan mo.”

“Naiinip ako sa kuwarto ko. Wala akong kausap. Saka sabi ni Doc Kester lumabas din ako. Wala namang nabaling buto sa akin. Puro bugbog lang ang katawan ko,” katwiran niya at umupo sa stool.

“Huwag ka lang magpipilit na gumalaw kung hindi mo kaya. Dadalaw ang Papa at Kuya mo mamaya. Gusto nilang tiyaking naalaagaan ka dito,” sabi nito.

“Hindi ko alam kung bakit pumayag silang alagaan mo ako.”

“Bakit naman hindi? Hindi kita sasaktan at di kita pagsasamantalahan. Protektado ka rin kapag kasama mo ako.”

“Kahit naman di tayo magkasama, pinoprotektahan mo ako.”

Inangat nito ang tingin mula sa hinihiwang carrots. “Ha?”

“Nag-resign ka sa riding club para lang di nila ako idemanda. Sabi ni Grasya, nag-away daw kayo ng Papa mo dahil doon.”

“I don’t think I have to explain myself.”

“Tama. Di mo kailangang magpaliwanag. Siguro magulo lang ang isip mo noon.” And looking back, he must be regretting it.

“I don’t want to see you hurt. Sa dami ng di magagandang article na lumabas sa iyo at sa mga masasamang salitang sinabi ng ibang tao tungkol sa iyo, masakit na siguro iyon. It is already out of my control. Hindi kita kayang protektahan sa kanila. I just did what I can.”

“At ipinagpalit mo ang trabaho mo?”

“Sinabi ni Tito Vien na kasalanan ko kung bakit ka nakapanggulo sa riding club. It was an error of judgment on my part. Nasa akin na ang chance na mahuli ka pero nagawa mo pa rin akong lusutan.”

“Ang totoo, na-corner mo na ako kay Miss Agatha. Effective ang strategy na ginamit mo para paaminin ako. Pero hindi ko pa pwedeng bitiwan ang riding club. Kailangan kong tapusin ang misyon ko dito.”

“Ang sabi mo mahal mo ako!” May bahid ng hinanakit ang tono nito.

“Aaminin ko. Hindi totoo ang kwento ko sa kanya na pumasok ako sa riding club kaya ako nandito. But you are the reason why I stayed longer. Parang gusto ko habambuhay na lang nandito bilang si Florecina dahil gusto kong makasama ka. Ayoko nang maging Olympia dahil kamumuhian mo kapag nalaman mo kung sino ako. Na mortal mo akong kaaway.”

Madilim ang mukha nito nang lapitan siya. Ayaw na siguro nitong marinig pa ang mga kasinungalingan niya. Mali siya. Di na niya dapat pang sinabi dito na mahal niya ito. Na gusto niya itong makasama. Di rin naman ito maniniwala.

Nagulat siya nang kabigin siya nito ng yakap. “Just ten seconds, Olympia. Just give me ten seconds.”

“Ten seconds? Para saan?” naguguluhan niyang tanong.

“Ten seconds para maniwala na mahal mo nga ako at gusto mo akong makasama kahit na ten seconds lang.”

Ipinikit niya ang mata at iniyakap ang kamay sa katawan nito. Ten seconds of blissful heaven in his arms. Gusto din niyang kunin ang maikling sandali na iyon para maniwalang di ito galit sa kanya. Na kayang lagpasan ng pagmamahal niya dito ang kahat ng pagsubok na nakaharang sa kanila. Gusto niyang tumagal ang sampung segundo na iyon habambuhay.

“Ten more seconds,” usal nito.

Sana ay di na matapos pa ang sampung segundo nito. Iyon na siguro ang pinakamasayang sampung segundo sa buhay niya. Bakit di na lang sila makulong sa loob ng sampung segundo na iyon? Na ang tanging mahalaga lang ay ang nararamdaman nila. Walang kasinungalingan na maaring maghiwalay sa kanila.

Dumilat siya nang marinig niya ang doorbell. “Not yet! Not yet!”

“Huwag mo na lang pansinin ang doorbell kung ayaw mo. Magsasawa din iyan at aalis.” Nakakainis talaga ang istorbo sa maliligayang sandali.

Lumuwag ang pagkakayakap nito sa kanya. “I can’t. Baka magwala ang Papa at Kuya mo oras na di agad sila pinagbuksan ng pinto.”

“Ha? Andito na sila agad? Ang bilis naman nilang dumating,” angal niya.

“My thoughts exactly.”

Gusto niyang magsintir nang bitiwan siya ni Myco para pagbuksan ng pinto ang mga kapamilya niya. Bakit ba maiiklil lang ang maliligayang sandali? Kailan kaya mauulit ang ten seconds nila ni Myco? O baka hindi na.

TAHIMIK na nakaupo sa garden si Olympia habang naglalaro sa mini golf course sina Myco at Eleuterio. Nakuha ni Myco ang kiliti ng Papa niya. Mukhang mapapanisan siya ng laway dahil wala siyang balak na kausapin ang Kuya R-Jan niya na nakaupo sa tapat niya.

“Hindi ka ba nagugutom?” tanong ni R-Jan. “Magpapa-deliver ako.”

“Hindi na, Kuya. Kaya ko na ang sarili ko. Pasensiya nga pala kung naabala ka pa sa pagpunta dito. Importante pa mandin sa iyo ang trabaho mo sa publication. Don’t worry. Sasabihin ko kay Papa na maaga na kayong umuwi. Baka kasi magkasakit ka kapag nakita mo akong inaalala ni Papa.”

Humugot ito ng malalim na hininga at tumingin sa malayo. “Naiintindihan ko kung galit ka pa sa akin. Malaki ang kasalanan ko sa iyo. Kung hindi ko ginawa ang article na iyon at ipinangalan sa iyo, walang mga tao na gustong manakit sa iyo. I am so sorry.”

“Kahit naman mag-sorry ka, wala na akong magagawa. Nasira na ang pangalan at career ko. Patuloy pa rin ang banta sa buhay ko. Hindi ko nga alam kung babalik sa normal ang buhay ko. Pero sabi mo nga, pwede pa naman akong magsulat. Di ako tatanggihan ng mga kaibigan mo sa tabloids.”

“Hindi ko dapat sinabi iyon. Olympia, bata pa lang ako naghahanap na ako ng mga taong nagmamahal sa akin. Sa bahay na kinakalihan ako, basura ang trato sa akin ng kinilala kong tatay. Natuwa ako nang malaman kong si Papa ang tunay kong tatay. Pero nandiyan ka naman para agawin ang atensiyon niya. Pati siya basura din ang tingin sa akin. Wala na akong inisip kundi kung paano aagawin ang atensiyon niya. Kung paano ka pababagsakin.”

“At nakuha mo ang gusto mo. Congratulations!”

Malungkot itong ngumiti. “Demonyo siguro ang tingin mo sa akin. Masayang masaya ako na nasasaktan ka. Lalo na nang maagaw ko ang atensiyon ni Papa. Pero nang malaman kong muntik ka nang mamatay, I hated myself. Ako ang kuya mo. Dapat inaalagaan kita pero ipinahamak lang kita. Kung may magagawa lang sana ako para ituwid ang mali. Siguro dapat mag-public apology na rin ako.”

“May epekto pa ba iyon? Ako pa rin ang pag-iinitan ng fans ng mga Stallion boys na iyan lalo na ng fans ni Myco.”

“Bakit naman? Kasalanan ko ang lahat. Ako dapat ang saktan nila.”

Tipid siyang ngumiti. “Di sila magagalit sa iyo dahil guwapo ka. Unfair ang mundo para sa mga katulad ko.”

“Sarkastiko yata ang pagkakasabi mong guwapo ako.”

Mahina siyang tumawa. “Guwapo ka naman talaga, ah! Lamang lang ng dalawang paligo iyang si Myco sa iyo.”

Ginagap nito ang kamay niya. “Gagawin ko kung ano ang tama. Ako mismo ang magpapasara sa Focal Point.”

“Ha? Pero di ba ngayon naging mas mabenta ang magazine mo?”

“Because they thought that I will thrive on sensationalism. Titingnan nila kung ano na namang sekreto ng ibang tao ang pasasabugin ko. Isa pa, nasira na ang kredibilidad ko nang gamitin ko ang pangalan mo.”

Pinisil niya ang kamay nito. “Natutuwa ako dahil tumanggap ka ng pagkakamali. Mahirap harapin ang consequences ng mga kasalanan mo pero naging matapang ka. Hindi lahat ng tao nagagawa iyan.”

“At kailangan ko ring bumawi kay Myco. Pati ang mga taong pinagkakatiwalaan niya, binigyan ko ng daan para traidurin siya.”

“Sasabihin mo sa kanya kung sino ang source mo?” tanong niya.

“Myco is a nice man. Kahit bata pa siya, kaya na niyang hawakan ang security ng riding club. Dahil diyan may mga taong naiinggit sa kanya at gusto siyang pabagsakin. Pagkakataon ko na ito para matulungan siya.”

TULOG-KITI si Olympia. Ni di siya makabuo ng tulog dahil maya’t maya niyang pinakikiramdaman kung nakabalik na si Myco. Mula nang umalis ito matapos ang pag-uusap nito at ng Kuya R-Jan na ay di pa ito bumabalik. Si Grasya ang kasama niyang natulog at napilitan ding mag-stay in ang nurse.

“Grasya, tulog ka na?” tanong niya sa kaibigan.

Isang matunog na hilik ang isinagot nito sa kanya. Pagod na pagod ito sa maghapong trabaho kaya di na siya nakayanan pang samahang maghintay kay Myco. Nag-aalala siya. Bakas ang tinitimping galit sa mukha ni Myco nang umalis. Parang susugod ito sa giyera. NI hindi ito tumawag mula kanina.

Naidlip ulit siya at alas kuwarto na ng umaga nang magising siya. Bumangon siya para tingnan kung dumating na si Myco. Hindi kasi siya nagising kung sakali mang dumating na ang sasakyan nito.

Paglabas niya ay nakita niya itong nakasalampak sa harap ng chess board. Nakatitig lang ito doon. Ni di naman nito ginalaw ang piyesa.

“Nauuhaw ka ba?” tanong nito. “Ikukuha kita ng tubig.”

Umiling siya. “Tiningnan ko lang kung dumating ka na.”

Inilagay nito ang cushion seat sa tabi nito at tinapik iyon. “Kadarating ko lang. Hindi pa rin naman ako nakatulog kaya dito muna ako.”

Umupo siya sa tabi nito. Mukhang malalim ang iniisip nito. “May problema?”

Inangat nito ang white na queen subalit ibinaba ulit. “Alam ko na kung sino ang tumulong sa inyo ng kuya mo para makapasok ka dito, nag-falsify ng documents mo at kumuha ng fake identity mo at tumulong sa iyo para makopya ang files sa laptop ni Martin. Isa sa pinagkakatiwalaan kong tauhan sa security section. Isa sa.” Inangat ulit nito ang queen at mariing itinuktok sa board. “Si Tito Vien.”

“Hindi ba siya ang assistant mo?”

“Isa siya sa malalapit na tauhan kay Papa. Mentor ko rin siya. Kaya di ko alam kung bakit gusto niya akong pabagsakin.”

“Dahil sa inggit. Mas marami siyang experience sa iyo at mas matanda pero ikaw ang naging head ng security ng Stallion Riding Club.”

“O dahil sa pera. Oras na bumagsak ako, hindi natin alam kung sino pa ang papapasukin niya dito kung anong impormasyon ang pwede niyang ibenta. Malaki ang utang na loob niya sa kuya mo. He also seized the opportunity to take me down. Kaya pala paulit-ulit niyang sinasabi sa akin na mag-resign na.”

Pinisil niya ang balikat nito. “Myco.”

Isa na namang taong malapit dito ang sumaksak sa likuran nito. Kasalanan niya. Binigyan ng pagkakataon ang taong iyon para saktan ito. And his love for her weakened him. Marahil ay naguguluhan ito.

“Mataas ang respeto ko sa kanya pero bakit niya ginawa iyon. Tiwalang-tiwala ako na siya ang magiging kakampi ko sa paghawak ng riding club,” nanlulumo nitong sabi at kinuyom ang palad. “Parang kamag-anak ko siya kung ituring.”

He must be hurting so badly. Alam niya kung ano ang pakiramdam ng taong malapit dito. Nawala din ang lahat sa kanya dahil inilagay niya ang buhay niya sa kamay ng iba. Iyon pala ang nais lang ng taong iyon ay ibagsak siya.

He slowly caressed her face. “I need you, Olympia.”

Hindi na siya nag-isip pa nang marinig iyon. Iniyakap niya ang kamay sa leeg nito at isinuko ang labi dito. They shared a feverish kiss. Iyon pang ang paraan para malaman nitong di niya ito iiwan. Iyon lang ang paraan niya para iparamdam dito ang pagmamahal niya. It would be also the memory that she would savor.

Naramdaman niya ang pagpatak ng luha sa mata niya. Isang desisyon ang nabuo sa utak niya. Desisyon na makabubuti para kay Myco kahit masakit sa kanya.

“I love you, Myco.”

He paused and stared at her. “Bakit ka umiiyak?”

“Because this is also goodbye.”

“S-Sandali. Kung totoong mahal mo ako, di ka aalis. Kasama mo na ako. Pagkakataon mo na ito para patunayan sa akin na mahal mo nga ako.”

Malungkot siyang ngumiti. “Katulad din ako ni Sir Vien. Pinagkatiwalaan mo ako pero sinira ko lang ang tiwala ko. At kung mananatili ako sa tabi mo, lalo lang kitang sisirain. Ayokong bigyan ng pagkakataon ang ibang tao para saktan ka.”

“Kung aalis ka, paano kita poprotektahan sa mga taong gustong manakit sa iyo?”

“Pupunta ako sa malayong lugar. Dati ka pa naman nag-suggest sa akin na pumunta sa ibang bansa, di ba? Doon muna ako sa walang nakakilala sa akin.”

“Mag-aalala lang ako.”

“Then stop worrying about me. Galit ka sa akin, di ba? Iyon ang pangibabawin mo. I don’t deserve your kindness or your love. Hate me, Myco. Hindi na ako si Florecina. Ako na si Olympia Montez. Hindi na babalik ang babaeng karapat-dapat sa pagmamahal mo o sa kabaitan mo.”

Iniwan niya itong nakatulala at bumalik sa kuwarto niya. Pilit siyang ngumiti kahit na patuloy ang pagdaloy ng luha sa mata niya. Wala na sa kanya si Myco. Wala naman siyang karapatan sa pagmamahal nito sa simula pa lang.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.