Inaliw ni Olympia ang panonood ng mga nagliliparang ibon sa dalampasigan. Nilalaro ng paa niya ang puting buhangin at ang alon ng Pacific Ocean. Nasa Casiguran, Aurora siya at tumutuloy sa resthouse ng kaibigan niyang namamalagi sa ibang bansa. Malayo sa sibilisasyon at gulo. Malayo sa Stallion Riding Club. Malayo kay Myco Gosiaco.
Nang sabihin niya kay Myco na lalayo siya, inisip niyang bumalik sa Vietnam. May English newspaper na nag-aalok sa kanya ng magandang trabaho doon. Pero naalala niya na gusto pa niyang ituloy ang paggawa ng libro niya. Kapag napangalahati na niya iyon, saka na siya babalik sa mundo ng balita.
Naramdamdaman niyang may nakatingin sa kanya. Nang lumingon siya ay isang lalaki ang nakasandal sa puno ng niyog sa di kalayuan at nakatingin sa kanya. Si Myco.
Pinakatitigan pa niyang mabuti ang lalaki. Baka mamaya ay nag-iimahinasyon lang siya sa matinding init ng araw. Pero di pa rin ito nawawala sa harap niya. Isang linggo lang mula nang huli silang magkita at wala halos nabago sa itsura nito.
“Naestatwa ka na diyan,” sabi nito at umangat ang gilid ng labi. She stared at his dark brooding eyes. She was positive. It was Myco Gosiaco.
“Myco!” tawag niya dito at tinakbo ito. She wanted to tell him how much she missed him. Kung gaano siya kasaya na naroon ulit ito. Pinapatawad na ba siya nito. Did he want her back in his life? Nahigitan ba ng pagmamahal nito sa kanya ang galit nito? Ilang araw na niyang pinapangarap ang sandaling iyon.
Natigilan siya dahil nakatitig lang sa kanya si Myco. Itinuro nito si Doc Martin na nakatayo sa di kalayuan. “Siya ang may kailangan sa iyo.”
“Doc Martin, nandito rin kayo? May virus outbreak ba dito?”
Ang alam niya ay nasa ibang bansa din ito para I-assist ang mga kasamahan sa virus hunting ng mga ito. Sa dami ng naglalabasang sakit sa mundo, kailangang on the go ang mga katulad nito. At matapos ang gulo sa ridng club, akala niya ay pipilitin na lang nitong huwag siyang makita at itago ang tunay nitong pagkatao.
“Baka pwedeng pumasok muna. Ang layo ng pinanggalingan namin,” sabi ni Martin at pinagpag ang T-shirt.
“I am sorry. Nawala sa isip ko. Pasok.”
May dalawang kuwarto sa cottage. Isang kuwarto lang ang inookupa niya. “Hindi ka ba nalulungkot dito?” tanong ni Martin.
“Hindi. Masarap nga dito dahil tahimik.”
“At wala rin siyang kapitbahay sa paligid,” sabi ni Myco. Seryoso pa rin ito ang mukha nito. Ano ba ang pakialam nito sa kapitbahay niya? Kung siya ang ipinunta nito, tatanggapin niya ang komento nito. Pero hindi naman. Sinamahan lang nito si Martin.
“Hindi rin naman ako magtatagal,” wika ni Martin. “Importante lang sa akin na makausap kita. Kailangan kong magpa-interview. Handa na akong sabihin sa lahat kung sino ako,” matapang na sabi nito.
“Bilang si Reiven Alleje?” tanong niya. “Bakit? Tahimik na ang buhay mo bilang si Doctor Martin de Guia. Hindi ba mas masaya ka doon?”
Pinagsalikop nito ang palad at itinukod ang siko sa hita. “Kailangan ko nang harapin kung sino talaga ako bago mawala sa akin ang babaeng pinakaimportante sa akin. Wala siyang mamahalin kundi si Reiven lang. It would be Reiven Alleje or nothing.”
Mukhang desidido na ito. Hindi madaling lumantad sa publiko at sabihin ang totoo. Maraming kailangang isaalang-alang. Handa ba itong isugal ang lahat para lang matanggap ng babaeng mahal nito?
“Pero bakit ako ang gusto mong mag-interview sa iyo? Nandiyan naman si Boy Abunda at iba pang sikat sa showbiz.”
“I am not a showbiz person. I need a journalist whom I trust. At ikaw lang ang mapagkakatiwalaan ko.”
“Sigurado kang nagtitiwala ka sa akin? Sira na rin ang pangalan ko at walang matinong diyaryo o news company sa Pilipinas ang kukuha sa akin.”
Kahit ang Papa niya ay di pa rin siya gustong papuntahin sa publication. Kahit na inamin ng kapatid niya ang pagkakamali, di pa rin nito madaling maibabalik ang tiwala sa kanya. Isang reporter na maganda ang reputasyon ang dapat kunin ni Martin.
“Olympia, hindi ba malaking pagkakataon it o para sa iyo? This is an exclusive. Di na magbibigay pa ng interview si Martin maliban sa iyo,” sabi ni Myco. “Once he becomes Reiven Alleje, he would be more private.”
“Kung gagawin ko ang interview na ito, hindi dahil kailangan ko ng exclusive para tanggapin ulit sa news world. Gusto ko pinaniniwalaan ko ang ibinabalita ko,” aniya at direktang tiningnan si Myco. Kailangan niya ng taong magtitiwala sa kanya lalo na sa panahong iyon.
“Naniniwala ka na isa akong mabuting tao. Kailangan ko ng taong nakakakilala sa akin. Na gagawin ang interview na ito di dahil exclusive ito at sisikat ka ulit. Kung kahit minsan itinuring mo akong kaibigan, tulungan mo ako. Gusto kong isipin na di lang ito isang interview. Na isang kaibigang mapagsasabihan ko ng sekreto ang kausap ko,” paliwanag nito.
“This is way too risky.”
“I know.”
“Oras na lumabas ang interview na ito at malaman ng publiko na ikaw si Reiven Alleje, di mo na pwedeng bawiin.There is no turning back Dr. Martin de Guia.”
Maraming gulo ang maari nitong kaharapin bilang si Reiven Alleje. Kailangan din nitong harapin ang multo ng nakaraan nito. Isang malaking responsibilidad ang kailangan nitong harapin.
“Yes.”
“Sisimulan na ba natin ang interview?”
“I am ready to be Reiven Alleje again.”
KINAMAYAN ni Olympia si Doctor Martin de Guia nang matapos ang interview. No. He was Reiven Alleje now. Nasa kamay na niya ang lahat ng sagot sa tanong niya nang pumunta siya sa riding club. Kung siya ang tatanungin, ayaw niyang ilabas iyon dahil mapanganib para kay Reiven. Maaring maging mitsa iyon ng buhay nito. Ngunit kailangan nitong gawin. At siya lang ang gusto alam nitong makakatulong dito.
“Take a rest. You need it,” aniya at lumabas muna ng cottage. It was an emotional turmoil for both of them. Kailangan niyang sumagap ng sariwang hangin matapos ang mga nalaman niya.
Oras na ma-publish ang artikulong iyon, kailangan niyang harapin ang sariling hamon sa buhay niya. Isang malaking tanong kung bakit siya ang pagsasabihan ni Reiven at pagkakatiwalaan. There would be questions about the validity of the interview. May pag-asa pa ba siya na bumalik sa pinakamamahal niyang trabaho o mas gusto na lang niyang magtago, malayo sa mga tao?
Nilingon siya ni Myco na nakaupo sa upuang kawayan sa ilalim ng puno ng niyog. Lumabas ito ng cottage para silang dalawa lang ni Reiven sa inteview.
“Tapos na ang interview ninyo?” tanong niya.
“Yes. Mukhang hindi siya sanay sa interview. Pinagpahinga ko muna.”
“Hindi madali ang pinagdaanan niya bago siya nagdesisyong magpa-interview. Sugal din ang ginawa niya dahil di niya sigurado kung tama ang paraan na naisip niya para mawala ang galit sa kanya ng kapatid ko.”
“So Sofiajade is the lucky girl.”
“Lucky girl? Loving an Alleje is a tough choice. Kung mahirap ang pinagdaanan ng kapatid ko noong una para lang hanapin si Reiven, alam ko na mas mahirap pa ang pagdadaanan niya sa mga darating na araw. Its up to Reiven to protect her now.”
“I think it is tough loving a Myco Gosiaco as well.”
“Bakit? May babae bang magkakamaling mahalin ako?”
“Ako. Hindi ba mahal kita?”
Hinipan nito ang naligaw na buhok sa noo nito saka ito luminga sa paligid. “Sa palagay ko mas maganda kung bumalik ka na lang sa Manila. Malayo ang lugar na ito sa sibilisasyon.” Wala iyong kinalaman sa pagmamahal niya dito. Kung ganoon ay di ito naniniwala na mahal siya nito.
Parang kabibeng nabasag ang puso niya. Akala ba nito ay madali lang para sa kanya na sabihing mahal niya ito? Dapat na siguro niya iyong tanggapin. Wala siyang magagawa para tanggapin siyang muli ni Myco, mahalin nito at paniwalaan nito.
“Babalik naman ako sa Manila. Kung ipa-publish ko ang interview ko kay Reiven, gusto kong ma-publish sa newspaper ni Papa. Hindi sa iba.” Sa pamamagitan ng interview na iyon, baka mabawi din niya ang tiwala ng ama niya. “Tapos baka ayaw ko na ring bumalik sa dati kong trabaho. Baka gusto ko munang magsulat ng libro. Lahat ng experience ko bilang isang reporter at ang tingin ko sa mundo.”
“At dito ka lang? Malayo sa mga tao?”
“Anong palagay mo sa mga nakatira dito? Hindi tao?”
Ginagap nito ang kamay niya. “Olympia, what if I love you? Sasama ka ba sa akin pabalik sa Manila ngayon? Ibalik mo ang dati mong buhay. We could be together. Poprotektahan pa rin kita.”
Masarap sana iyon. Magkakasama sila ulit. Maipagpapatuloy niya ang buhay niya at makukuha niya ang lahat ng pangarap niya. Kasama na si Myco at ang lahat ng pwedeng ipangako ng isang lalaking nagmamahal sa kanya.
Kung wala lang sanang what if.
“Hindi ako sasama.”
“Bakit? Sabi mo kanina mahal mo ako.”
“You hate Olympia Montez. Paano kung ang mahal mo ay ang babaeng nabuhay lang sa ilusyon na ginawa ko. Si Florecina. Hindi ako magiging si Florecina kahit kailan. Magkasakitan lang tayong dalawa. Ayoko nang saktan ka, Myco. Baka madismaya ka lang kapag nalaman mong mas gusto mong magalit sa akin kaysa mahalin ako.”
“So this is goodbye?” tanong niya habang nakatingala sa kanya. There was so much sorrow in his eyes. Ang alam niya ay di ito basta basta nagpapakita ng kahinaan. But he looked so vulnerable at that moment.
Iniwas niya ang tingin dito. “Gigisingin ko na si Reiven. Mukhang paparating na ang chopper ninyo.”
Gusto niyang batukan ang sarili habang naglalakad palayo kay Myco. Mas gusto yata niya kung niyakap na lang niya ito at tinanggap ang sinasabi nitong pagmamahal. Pwede naman siyang magkunwari na mahal talaga siya nito.
Pero iyon ba talaga ang magpapasaya kay Myco? Sa laki ng gulong idinala niya sa buhay nito, parang wala na siyang karapatang maging masaya sa piling nito. Kasama na ang kaligayahang magkunwaring mahal siya nito.
“GUSTO mong I-publish ko sa diyaryo natin ang interview mo kay Reiven Alleje?” tanong ni Eleuterio nang basahin ang interview niya kay Reiven. “Olympia, ano ang guarantee ko na totoo ang lahat ng ito?”
Nasa publisher’s office siya. Ayaw pa siya nitong kausapin noong una nang sabihin niyang magpapasa siya ng article. Bumalik na lang daw siya tabi ng Pacific Ocean at mag-concentrate sa libro niya.
“Iyan ang exclusive interview ko kay Reiven. Maglalabas ang mga Alleje ng public statement na nire-recognize nila ang interview ko kay Doctor Martin de Guia nang aminin niyang siya si Reiven Alleje.”
“This is too risky,” maasim ang mukhang sabi nito. “Ngayon pa lang tayo bumabangon sa eskandalong ginawa ng kapatid mo. May bago na naman. Baka alikabok na lang ang matira sa publication na ipapamana ko sa iyo.”
Hinawakan niya ang kamay nito. “Pa, sa publication lang natin ako may tiwala. Gusto ko na tayo ang makakuha ng exclusive na ito. Hindi sa iba. Ito na rin ang huling pabor na hihingin sa inyo. Kung ayaw na ninyong magsulat ulit ako, kahit ito na ang huling article na ipa-publish ko sa diyaryo.”
Matagal na sandaling nag-isip si Eleuterio. “Naalala mo ang sinabi ko sa iyo noon? Na kapag pumalpak ang news magazine ng kapatid mo, kailangan mong magpakasal sa lalaking pipiliin ko?”
“Opo, Pa. Pero…”
“Nagsara ang news magazine ng kuya mo.” Nasa New York ang Kuya R-Jan niya at inaasikaso ang properties na iniwan dito ng namayapang ina. “Kailangan mong magpakasal sa lalaking napipisil ko sa iyo kung gusto mong ma-publish ang interview mo kay Reiven Alleje. Hahayaan na rin kitang magsulat ulit.”
Bumuntong-hininga siya. “Pa, mabigat po ang hinihingi ninyo. Malay ko ba kung kani-kanino na lang ninyo ako basta ipakasal.”
“Buhay mo ang pagsusulat, di ba? Di ka mabubuhay nang di ka bumabalik sa news world. I know that, hija. Dahil pareho ang dugong nananalaytay sa ating dalawa.”
“Gusto ko munang malaman kung sino ang Poncio Pilatong pakakasalan ko.”
Ngumisi ito at nilaro ang ballpen sa daliri. “No. I want a guarantee first. Kung papayag ka sa kondisyon ko, nailalabas na ang article na ito bukas din. At kung ayaw mo, I don’t think mapa-publish pa ang interview mo at di ko alam kung may maniniwala,”
“Give me time to think, Pa.”
“I think it is too late for that.”
Bumukas ang pinto at nahigit niya ang hininga nang makita kung sino ang lalaking pakakasalan niya. “Myco?”
“GOOD MORNING!” magalang na bati ni Myco.
Naestatwa na lang si Olympia at nakatitig lang dito nang lapitan at kamayan ito ng papa niya. “Good morning, hijo. Akala ko hindi ka na makakarating ngayon. I know how busy you are.”
“Olympia is coming to submit her article. Gustong malaman ni Reiven kung kailan iyon maipa-publish. It is really urgent.”
Nilingon siya ng papa niya nang may imbing ngiti sa labi. “Have a seat, hijo. Olympia and I are discussing it.”
Umupo si Myco sa tapat niya. Hindi niya mapahinahon ang malakas na kaba sa dibdib niya. Kinuyom niya ang mga palad na nakapatong sa hita niya.
“May problema po ba sa article?” tanong ni Myco.
Tumikhim ang papa niya bilang sagot. Di pa nga naman niya nasasabi ang desisyon niya. Kung pakakasalan ba niya ang lalaking napili nito o hindi.
“Pa, tungkol sa pinag-usapan natin kanina…” Nagpapalit-palit ang tingin niya dito at kay Myco. Hindi siya sigurado. Si Myco ba talaga ang pakakasalan niya? Bakit?
Imposibleng pumayag na magpakasal si Myco sa kanya kahit na sa bangungot. Baka naman ibang lalaki ang ipapakasal sa kanya ng papa niya.
Paano pa siya magpapakasal sa ibang lalaki kung nasa harap lang niya ang lalaking mahal niya? Parang kumuha na rin siya ng lubid at itinali sa sariling leeg.
Bakit kailangang ito ang danasin niya? Ano naman kayang klaseng lalaki ang ipapakasal sa kanya ng tatay niya? Pwede bang kahit kalahati ng kaguwapuhan at katalinuhan ni Myco ay makuha nito?
Hindi na niya gusto ang kahit na! Gusto niya si Myco ang pakasalan niya.
“Paano, hija? Ipapa-layout na ba natin ito?” tanong ng papa niya.
Kailangan na niyang magdesisyon. May pangako siyang dapat na tuparin kay Reiven. Nakasalalay ang kaligayahan nito at ang babaeng mahal nito sa article na iyon. At maging ang pangarap niyang makabalik bilang isang magaling na reporter ay maari niyang makuha muli.
Isa pa, kailangan din niyang tumupad sa nauna nang kasunduan nilang mag-ama. Kahit na nakilala pa niya si Myco o hindi, kailangan pa niyang tumupad sa kasunduan nila. Pagkakataon na rin niyang bawiin ang respeto at tiwala ng papa niya.
She could have her old life back even without Myco.
Handa na ba siyang maging miserable ang buhay niya?
“Mukhang malaki ang problema mo sa pagpapakasal sa akin.”
Bigla siyang dumilat. Nakatuon sa kanya ang matiim na mata ni Myco. Tama ba ang narinig niya? Tinatanong nito ang tungkol sa kasal nila?
“Ha? Anong pagpapakasal natin?” tanong niya.
Ibinaling nito ang tingin sa papa niya. “Sir, akala ko po nasabi na ninyo kay Olympia bago pa man ako makarating dito.”
“Yes. I already did. She’s just asking for a little more time.”
Si Myco ang pakakasalan niya? Ang nag-iisang lalaking mahal niya at nag-iisang lalaking gusto niyang pakasalan ang napili ng papa niya para sa kanya? Nananaginip ba siya o naghahalusinasyon? Tututol ba siya kung iyon ang matagal na niyang pangarap?
Pinakatitigan ni ya si Myco. Di kaya nahipnotismo lang ito? May sakit? O pinakulam ng tatay niya?
“Bakit ganyan ka kung makatingin?” tanong ni Myco.
“Alam mo ba kung ano ang sinasabi mo?”
“Oo.” Ginagap nito ang dalawang kamay niya at direkta siyang tiningnan sa mga mata. “So tell me, Miss Montez. Will you marry me?”
NILALARO-LARO lang ni Olympia ang pagkain habang pinapanood naman ang ganadong-ganadong si Myco. Masyadong mabilis ang pangyayari. Nang tanungin siya ni Myco kung gusto niya itong pakasalan, oo na agad ang isinagot niya. Ni di na siya nag-isip. Parang magic words na lang iyon na mawawalan ng bisa anumang sandali kapag di niya nasabi ang tamang sagot. Kaya heto ngayon. Kasalo na niyang kumakain ang lalaking namumuhi sa kanya pero nakatakda na niyang pakasalan.
“Bakit hindi ka kumakain? Excited ka ba sa paglabas ng interview mo kay Reiven. You can finally have your name back, you know?” sabi nito habang hinihiwa ang yakitori.
“Ikaw? Paano kang nakakakain nang maayos?” tanong niya. “At ano naman ang pumasok sa utak mo na pakasalan ako? Anong sinabi mo kay Papa?”
“Na mahal kita.”
“At naniwala naman siya sa iyo?” Humigpit ang hawak niya sa chopstick. “I will never forgive you for lying.”
“Mukha ba akong sinungaling? Kailan ako nagsinungaling sa iyo? Nagsinungaling ka ba nang sabihin mong mahal mo ako?”
“Kahit naman sabihin ko, di ka rin naman naniniwala.” Wala na yata siyang masasabing totoo na pwede nitong paniwalaan.
“You have your own reason why you decided to marry me. May sarili rin akong dahilan. Let’s leave it that way.”
“Sandali! Dahil ba natalo ka sa chess match ninyo ng ate mo? At ngayon, kinasabwat mo si Papa na ipakasal ako sa iyo?” Naningkit ang mata niya. “Nagkasundo kayo nang wala akong kaalam-alam. Kailan pa ito? Bago kayo pumunta sa Aurora?”
“Importante pa ba iyon? The fact remains that we agreed to get married. Bukas na bukas, kukunin natin ang gamit mo sa Aurora,” sabi nito.
Inangat niya ang tingin at inangat ang isang kamay. “Teka. Huwag mo munang pagdesisyunan ang buhay ko. Kanina pa lang ako pumayag na magpakasal sa iyo. Saka di naman simple ang kasunduan namin ni Papa.”
“Alam ko na iyon. Na kapag naisara ang news magazine ng kapatid mo, kailangan mong pakasalan ang lalaking pipiliin niya.”
“At pumayag akong magpakasal dahil kailangan kong I-print ang interview ko kay Reiven. May sarili din naman akong plano sa buhay kahit na pumayag akong magpakasal sa iyo. I just need time to think things out.”
“Pag-iisipan mo kung gusto mo pang mag-backout o hindi?” Tumiim ang anyo nito. “I trust that you have a word of honor, Olympia. If you want to back out…”
“Hindi ako magba-backout. I just want to live my life.”
“Anong klaseng buhay ba ang gusto mo? Tumunganga sa Pacific Ocean habang inaamag ang laptop mo na di mo naman nasusulatan ng kahit isang chapter ng libro mo.”
“Sinabihan mo akong lumayo. At least kahit tumunganga ako sa Pacific Ocean, matatahimik ka na. Malayo na ako sa iyo.”
“When I asked you to stay away from me, inisip ko na ibalik mo sa dati ang buhay mo. Ang alam ko, may mga news company pa rin na willing mag-offer ng trabaho sa iyo. Ngayong pumayag ka nang magpakasal sa akin, dapat lang siguro na maibalik sa dati ang buhay mo. You will take your reputation back. Magsisimula iyon oras na mailabas mo ang article tungkol kay Reiven.”
“Kanina, gusto ko pang bawiin ang reputasyon ko at ang buhay ko. Pero ngayong nandito ka, parang di ko na alam kung ano ang gusto ko. Dahil mas hindi ko sigurado kung anong klaseng buhay ang naghihintay sa akin kasama ka.”
He hated her so much. Ano ang magiging buhay niya kasama ang isang lalaking mahal niya pero namumuhi naman sa kanya?
“It is me or someone else. Kahit na di mo ako pakasalan, hahanap pa rin ang papa mo ng lalaking ipapakasal sa iyo. You have the whole night to think. Mark Ashley will take us to Aurora tomorrow. Kung hindi ka sasama, ibig sabihin ayaw mong magpakasal sa akin. You always have a choice, Olympia.”