Di kumikibo si Olympia habang inililigpit ang mga gamit niya sa cottage. Nang sunduin siya ni Myco, sumama na lang siya. It couldn’t be helped. Kung di niya ito pakakasalan, ibang lalaking ang pakakasalan niya. Kahit paano ay alam niya kung anong buhay ang kinakaharap niya kay Myco.
“Wala ka naman palang masyadong gamit dito,” sabi ni Myco nang kunin ang bag sa kanya. “Bakit naman dito mo naisipang magtago?”
“Masarap dito. Tahimik. Walang gulo.”
“At wala ka ring natatrabaho. Walang mag-I-stimulate ng utak mo dito. I know your type. You love to thrive on danger. Kung nasaan ang balita, naroon ka. Kung nandito ka lang, stagnant ang utak mo.”
“Kung stagnant na ang utak ko, ano na lang ang mas bagay na trabaho sa akin? Babalik na lang ako sa pagiging housekeeper?” tanong niya.
“Nah! It doesn’t suit you. Mas bagay sa iyong maging reporter. You are talented. Sayang naman kung magiging housekeeper ka lang.”
“Walang halong sarcasm iyan?” Di ito kumibo at nagpatuloy lang sa pagliligpit ng gamit. “Myco, noong mawala ba ako naisip mo ako?”
“Kapag hindi ako busy.”
“Lagi ka namang busy.”
“Napapanaginipan kita,” kaswal na sagot nito.
“Naks! Si Totoy natututo nang mambola!” sabi ng chopper pilot nilang si Mark Ashley na nakasilip sa may pinto. “Kanino mo naman natutunan ang outdated na pambobola na iyan?”
Matalim itong sinulyapan ni Myco. “Go away!”
Tumawa lang si Mark Ashley. “Bakit hindi muna kayo magpaiwan dito? Maganda ang panahon. Masarap maglakad-lakad sa beach. Romantic ang atmosphere. Dapat may mga ganyang elements kung mambobola ka para naman paniwalaan ka niya.”
“Kailangan ko na siyang ibalik sa riding club.”
“Sa riding club? Bakit doon?” tanong niya.
“Dahil sa palagay ko, mas magagawa mo ang libro mo kaysa dito. In case you don’t know, marami nang news company ang naghahabol sa iyo. Pati ang kalaban ng news agency ninyo, gusto kang ipirata. Marami rin ang gusto ng interview dahil nabawi mo rin ang reputasyon mo. Kung tutuloy ka sa mansion ninyo, tiyak na maraming manggulo sa iyo. Maliban kung gusto mo ng magulong buhay.”
“Okay. Sa riding club tayo,” usal niya at pumikit nang makasakay ng chopper. Mula ngayon, lahat ng galaw niya ay si Myco na ang mag-iisip para sa kanya. Mukhang napag-isipan na nito ang lahat ng galaw niya.
Kinabig nito ang ulo niya at ihinilig sa balikat nito. “Matulog ka muna. Ako ang magbabantay sa iyo,” masuyong bulong nito.
Nang tingnan niya ito ay nakapikit na ito at mahimbing na matutulog. Ngumiti na lang siya at magaang hinaplos ang pisngi nito. “Babantayan daw niya ako pero siya pa ang unang nakatulog sa akin.”
“Buong araw niyang nilinisan ang bahay niya. Dadating ka daw kasi. Kaya pagod na pagod iyan.”
“Bakit pa siya naglinis? Pwede naman siyang magpalinis sa iba. Ang dami-daming housekeeper sa riding club.”
“Ganoon talaga kapag in love. Para namang di mo alam.”
In love si Myco? Kanino? Ni hindi nga ito sigurado kung kanino talaga ito in love. Kahit sabihin pa nitong mahal siya nito, kailangan niyang malaman kung sinong babae ang nasa puso nito? Si Florecina na una nitong nakilala o si Olympia na minsan nitong itinuring na kaaway pero makakasama nito habambuhay.
Kung mahal lang sana siya ni Myco, baka sakaling may pag-asa pa para sa kanilang dalawa. Pwede ba siya nitong mahalin bilang si Olympia ngayon?
NAKATITIG lang sa labas ng bintana si Olympia sa kuwarto niya sa villa ni Myco habang pinagmamasdan ang pagbagsak ng ulan. Kadarating lang niya sa riding club pero ulan agad ang sumalubong sa kanya.
Napapitlag siya nang bumukas ang ilaw. Nasa may pinto si Sofiajade na siyang nagbukas ng switch. “Madilim na dito. Hindi mo pa binubuksan ang ilaw.”
“Sorry. Hindi ko napansin. How’s Japan?”
“Dusty. It’s spring and cherry blossoms season. Kahit na gusto kong tingnan ang mga cherry blossoms, allergic naman ako sa pollen.”
“Cherry blossoms and Sakura festival.” Pumikit siya. “Nice. Hindi katulad dito sa Pilipinas umuulan kahit na summer.”
Umupo ito sa tabi niya. “Ngayon lang namang hapon umulan.”
“Maganda rin ang panahon nang umalis ako sa Aurora. Nang papalapag na ang chopper kanina saka umulan. Ni hindi ko napanood ang sunset.” Nangalumbaba siya. “Parang hindi ako welcome dito.”
“Silly. Bakit mo nasabi iyan? Di ba nandito ka matapos kang maaksidente?”
“Hindi naman ako nagpakita sa ibang tao. Dito lang ako sa villa ni Myco. Saka hindi rin naman ako nagtagal noon.” Huminga siya nang malalim. “Now it is different.”
“Yes. Ikaw na ang babaeng gusto niyang pakasalan at ihaharap niya sa magulang namin. Isn’t it nice? Masarap ma-in love, hindi ba?”
Matabang siyang ngumiti. “Kailangan lang naman niya ng babaeng pakakasalan dahil natalo siya sa chess game ninyo.”
Kagaya niya, kahit sino ay pwedeng ipakasal sa kanya ng papa niya. Si Myco naman ay may pagpipilian. Kahit sinong babae na lang ay pwede nitong pakasalan kung gugustuhin nito para masunod ang kasunduan nito at ng papa nito.
Kumunot ang noo ni Sofiajade. “Ha? Kailan ko naman natalo si Myco?”
Biglang bumukas ang pinto at bumulaga sa kanila ang madilim ang mukhang si Myco. “Hey, you two! Bakit hindi pa kayo nakabihis para sa dinner?”
Biglang tumayo si Sofiajade. “Nakalimutan ko! Lagot tayo kay Papa kapag na-late tayo!” anito at patakbong lumabas ng kuwarto niya.
“Hindi mo sinabi sa akin!” paninisi niya kay Myco at tinanggal ang tali ng buhok niya. Binuksan niya ang bag niya at hindi niya alam ang dadamputin. Hindi pa siya nakakapag-empake. “Anong uunahin ko?”
“Huwag mong itatali ang buhok mo mamaya.”
Tiningala niya ito. “Bakit?”
“You look like a femme fatale with your hair down. I like it that way.”
“Ha?” Ibig bang sabihin ay mas nagagandahan ito sa kanya kapag nakaladlad ang buhok niya? Ngayon lang siya nakatanggap ng papuri dito.
“It would be a tough night. Huwag mong ipapakita sa kanilang mahina ka. Show them what you are made of, Olympia,” he said in a gentle voice.
Sinundan niya ito ng tingin hanggang makalabas ito. Ano ba ang naghihintay sa kanya ngayong pinili niyang makasama si Myco?
LALONG lumakas ang buhos ng ulan habang nasa Lakeside Café na sila Olympia para sa dinner kasama ang pamilya ni Myco. Masaya ang kwentuhan ng mga ito. Matagal na di nagkita-kita dahil nakabase sa Hinata Industries sa Tokyo si Jenica Gosiaco.
“Olympia, nasabi sa akin ni Myco na dati kang nagtrabaho sa Japan,” sabi ni Jenica. “Great! I really love that country.”
“I really love Japan. Pero ilang buwan lang po ako doon. Inilipat din po ako sa Korea. Sa iba’t ibang East and Southeast Asian countries po ako ipinadala. Bago po ako umuwi dito, nasa Vietnam po ako.”
Maganda ang pagtanggap nito sa kanya kaya magaan ang loob niya dito. Mukhang natural nang palakaibigan ang mga babaeng Gosiaco. Nanay na agad ang trato niya kay Jenica lalo na’t matagal nang namatay ang mama niya.
“Nanalo ka rin pala na Asian Journalist of the year,” sabi ni Michael Gosiaco subalit di nito inangat ang tingin sa kinakain.
“Y-Yes, Sir,” mahina niyang sagot. Nanghihina siya kapag kausap ito. Nakakaramdam siya ng negatibong enerhiya tuwing nagsasalita ito.
“I am so impressed! Siguro miss na miss mo nang magsulat,” wika ni Jenica. “Plano mo bang bumalik ulit sa Vietnam o dito ka na lang sa Pilipinas magtatrabaho? With your talent, you can work wherever you want.”
“I agree that she is quite talented. She did a good job in infiltrating the riding club. That must be her greatest achievement,” komento ni Michael.
Parang naulinigan niya ang matalim na kidlat at ang dagundong ng kulog sa nang matalim na sulyap ang ipinupukol sa kanya ni Michael Gosiaco. Mukhang ito ang dapat niyang paghandaan sa gabing iyon.
Lalo siyang hindi nakahinga. Ayaw pa mandin niya sa lahat ay pag-usapan ang ginawa niya sa riding club noong una. Pilit na niyang kinakalimutan ang malaking pagkakamaling iyon.
“Pa, do you have to bring it up? Tapos na iyon,” angal ni Sofiajade.
Bahagya siyang yumuko. “I already apologized about it, Sir. Nalaman naman po siguro ninyo kung ano ang totoong nangyari. Gusto ko lang pong malaman kung ano ang totoo. I am just doing my job.”
“Yes. Your job. Isang article lang tungkol sa interview mo kay Reiven Alleje, nagkukumahog na ang lahat na bumalik ka sa media world. Napakadali sa kanila na kalimutan ang lahat ng pagkakamali mo. But how about my son’s reputation? Mababawi ba ng anak ko ang lahat ng sinira mo sa sorry mo?”
Lalo siyang napayuko. Sa lahat ng pagkakamaling ginawa niya, si Myco ang nagdusa. Himala ngang nasa riding club pa rin ito hanggang ngayon.
Sa mundong ginagalawan ni Myco, simpleng pagkakamali lang ay makakasira na sa pangalan nito. Sa kabila ng lahat ng achievements nito, pwedeng mabura ang lahat ng iyon at di na ito pagkatiwalaan pa ng ibang tao.
“I am sorry, Sir. Pero sa palagay ko po makakabawi naman si Myco. He is very talented. Hindi rin naman po niya gusto ang nangyari. Kung di siya pinagtulungan…”
“Kung hindi mo binigyan ng pagkakataon ang mga kasamahan niya na traidurin ka, you mean,” paglilinaw ni Michael. “You helped them bring my son down. Maswerte pa siya dahil nandito pa rin siya sa riding club. Kung hindi, baka kahit bilang isang janitor hindi na siya tanggapin sa riding club.”
Parang pinipiga ang dibdib niya. Akala niya ay sapat na ang galit sa kanya ng mga fans ng riding club. Akala niya ay sapat nang muntik na niyang ikamatay ang pagkakamali niya. May mas sasakit pa pala kapag harap-harapang ipamukha sa kanya ang konsekwensiya ng lahat ng ginawa niya.
Kinagat niya ang labi habang pinipigilang mapaiyak. Mas masakit pa iyon kaysa sa halos itakwil siya ng papa niya dahil si Myco ang sinaktan niya. At narito ngayon ang mga taong nagmamahal kay Myco na sinaktan din niya.
“Pa, that’s enough,” saway ni Myco sa ama.
Dito bumaling ng tingin si Michael. “Hijo, desidido ka bang pakasalan siya?”
“Yes, Papa. I’ve never been this serious in my life.”
Tumunog ang kubyertos sa plato nang padarag bitiwan ni Michael. “I don’t get it. Akala ko ba matalino ka. Bakit mo pakakasalan ang babaeng ito?”
“Because you told me that I should get married soon. Gusto mo nang magkaroon ng apo at obligasyon ko iyon dahil ako ang magdadala ng apelyido natin,” kaswal na sagot ni Myco.
“Why this woman!” Napapikit siya nang mariin nang dumagundong ang boses ni Michael. “Siya ang babaeng sumira sa reputasyon mo. Don’t tell me that you are in love with her? That’s stupid!”
“Michael, huwag mo namang takutin ang mga bata,” mahinahong sabi ni Jenica. “Pwede bang mamaya na lang natin pag-usapan?”
“No! Sasabihin ko ang lahat ng gusto ko. Kulang sa pangaral ang anak mo. Nakakalimutan na yata niya na ang babaeng pakakasalan niya ay ang babaeng muntik nang sumira sa pangalan ng angkan natin. Muntik nang mawalan ng kompiyansa sa atin ang mga kliyente natin. Paano kung bumagsak ang kompanyang pinaghirapan kong itayo? Your son is becoming weak because of this woman!”
“Pa, wala tayong magagawa kung siya ang gustong pakasalan ni Myco. At sa palagay ko, di naman siya kasing sama ng iniisip ninyo,” depensa ni Sofiajade. “Why don’t you give her a chance?”
“A chance to what? Ruin your brother once more?” Michael sneered. Tumayo ito at ihinagis ang napkin sa mesa. “Kung gusto niyang magpakasira, huwag niyang ipapakita sa akin. Dahil idinala niya ang babaeng iyan dito sa riding club at gusto pa niyang pakasalan, ipinakikita lang niya sa lahat na mahina siya. He is not worth the Gosiaco’s name. Hindi iyan ang Myco Gosiaco na kilala ko.”
Tahimik na umiyak si Olympia nang sila na lang ni Myco ang maiwan sa function room na iyon. “Huwag mong pansinin ang sinabi ni Papa,” saway sa kanya ni Myco.
“Naiintindihan ko naman kung galit siya sa akin pero sana hindi na siya magalit sa iyo.” Yumuko siya. “I am sorry. Malaki pala talagang gulo ang ginawa ko.”
“Tapos na ang gulong iyon, Olympia. Kung anuman ang sinabi ni Papa, opinion lang niya iyon.” Hinawakan nito ang baba niya ang inangat ang mukha niya. “Hindi ka dapat balat-sibuyas sa mga sinabi niya.”
“Totoo naman. Sinira ko ang buhay mo. Wala akong kontrol sa bagay na iyon, Myco. Pero ngayon, di mo na kailangang pahirapan ang sarili mo. Kung magpapakasal tayo, masisira lang ang pamilya mo. Baka tuluyan na ring masira ang reputasyon mo.”
“So you are backing out,” anito sa malamig na boses.
“Para rin naman sa iyo ang gagawin ko. Hindi mo naman ako kailangan sa buhay mo, Myco, Puro gulo lang ang dala ko sa iyo.”
“Kahit na. Gusto ko pa rin dito ka sa tabi ko,” giit nito.
Maang siyang napatingin dito. Nakikita niya ang determinasyon sa mga mata nito na parang gustong-gusto nga siya nitong makasama. Na parang handa nitong isugal ang pangalan at buhay nito para lang sa kanya.
“Ano ba talaga ang kailangan mo sa akin, Myco? Bakit ako pa ang gusto mong pakasalan? Gusto mo ba talagang sirain ang buhay mo?”
“It is my own life. I have my reasons. Hindi ko na siguro kailangan pang sabihin kung ano ang dahilan ko.” Ginagap nito ang kamay niya. “But for now, I want you to be strong. Marami kang maririnig na salita kay Papa pero hanggang doon lang iyon. Hindi niya kayang salungatin kung anuman ang gusto kong gawin ko sa buhay ko.”
“Sana lang maging masaya ka sa desisyon mo na ito, Myco.”
Hindi niya alam kung ano ang dahilan ni Myco pero handa siyang suportahan ito. At gagawin niya ang lahat para mapasaya si Myco sa panahong magkasama sila.
INUNAT ni Olympia ang kamay nang matapos na niya ang first chapter ng libro niya. Noong nasa Aurora siya ay wala siyang masimulan doon. Pero ngayong nasa Stallion Riding Club na siya, kusa na lang dumaloy ang lahat ng salitang kailangan niya. May magic nga yata ang riding club. O dahil baka mas payapa ang isip niya.
Marami ang nagtaas ng kilay nang sabihin ni Myco na girlfriend siya nito. Ayaw niyang ipabanggit dito ang tungkol sa kasal dahil di pa naman siya sigurado doon. Mukhang mas seryoso nga lang si Myco na pangatawanan ang pagiging boyfriend nito. Sa bawat kausap nito, wala na itong sinabi kundi “Si Olympia, girlfriend ko”. Na parang walang nakaraan na isinumpa nito ang pagiging Olympia niya. Ngayon ay kinaiinggitan siya ng mga babae sa riding club. Napaamo niya ang isa sa pinakamasungit na member ng riding club.
Lumingon siya sa hagdan nang makarinig ng papalapit na yabag. “Myco!”
Halos magkandarapa ito sa pag-akyat nang marinig ang tawag niya. “Bakit? Anong nangyari? May problema ba?” nagkukumahog nitong sabi.
“Relax!” Tumayo siya at hinawakan ang kamay nito. “Ibabalita ko lang sa iyo na tapos ko na ang chapter one ko!”
“Great! We should celebrate! Anong gusto mong kainin? Ipagluluto kita.”
“Ha? Hindi ba pagod ka pa sa trabaho. Ako na lang. Sa dami ng trabaho mo sa security department, minsan nga di ka na nakakakain.
Umiling ito. “Ako na. Maluwag ang schedule ko ngayon. Give me thirty minutes.”
“Tutulong na ako sa iyo.”
“Naalala mo ang ginagawa ko sa makukulit na reporters?”
“Ipinapakain sa bulkan.”
Ngumiti ito at kinintalan siya ng halik sa labi. “Good. Mabuti na alam mo.”
Umupo siya sa stool habang pinapanood itong magluto. Ang alam niya ay sanay mag-utos si Myco. Napaka-commanding nito. Pero di niya inaasahan na pagsisilbihan nito ang isang babae. Masarap pala itong magmahal. Kapag pinagsisilbihan siya nito, kaiba ang itsura nito sa Myco na masungit at pinangingilagan sa riding club.
“Baka bumaba din ang tingin ng iba sa iyo dahil sa pagsisilbi mo sa akin.”
“Silly. Nakita mo ba si Reid Alleje? Ang tapang noon pero nauutusang maghugas ng plato ni Doc Tamara. Huwag mong pansinin si Papa. Masyado lang siyang old school kaya di niya naa-appreciate ang bagong concept ng pagiging totoong lalaki.”
“Na?”
“Ang totoong lalaki, dapat marunong ding magluto.”
Ngumiti siya pero may lungkot na naiwan puso niya. Akala pa mandin niya ay sasabihin nitong mahal siya nito. Pero sa klase ng pagsisilbi nito sa kanya, dapat ay maging masaya na siya. Myco was treating her like a princess.
“Mag-celebrate ka rin kasama ang mga kaibigan mo. Lumabas kayo.”
May inabot itong coupon sa kanya. “Eat all you can dessert sa Rider’s Verandah?”
“Hindi kita masasamahan diyan.” Kinintalan siya nito ng halik sa pisngi. “Enjoy!”
“OLYMPIA, lagot kami kay Sir Myco kapag pinayagan ka naming magtrabaho kasama namin,” sabi ni Chiharu habang inaayos ang bed cover sa isa sa room sa Guesthouse. “Eh, prinsesa ka ng defenders ng riding club tapos magiging alila ka lang sa araw na ito.”
“Siyempre! Mas mapapadali ang trabaho kung tutulungan ko kayo. Gusto ko nang matikman ang dessert ni Chef Miles.” Ito kasi ang gumagawa ng mga cakes and pastries sa Rider’s Verandah na sikat na sikat sa riding club.
Wala naman siyang ibang kaibigan na pwedeng yayain kundi ang dalawa lang. Ang iba niyang dating kasamahan ay ilang sa kanya. Habang ang iba namang guest at asawa o nobya ng mga members ay ilag sa kanya. Mabibilang lang ang totoo kung ngumiti o bumati sa kanya. Di pa rin siya tanggap doon.
“Heto na nga! Naglalaway na ako!” sabi ni Chiharu na lalong binilisan ang lakad.
“Ang mga Flower Girls! Iwas na tayo,” sabi ni Grasya.
“Bakit ko naman sila iiwasan? Sila ba ang may-ari ng riding club?”
“Wow! Bumalik na pala ang diwata ng mga janitress?” Nakapamaywang na sabi ni Miss Kampupot. May design kasing kampupot ang dress nito. Uniform kasi ng mga Flower Girls ang disenyo ng bulaklak na codename ng mga ito sa damit.
“Baka naman break na sila ni Myco!” kinikilig na sabi ng Babaeng Gumamela. “Kaya ayan! Bumalik sa pagiging alila.”
“Excuse me lang! Hindi alila si Olympia dito,” pagtatanggol ni Chiharu. “Hindi siya janitress at lalong di sila break ni Sir Myco.”
“Eh, bakit naka-uniform siya ng pang-housekeeper?” tanong ni Miss Santan. “Hindi kaya nagko-community service siya para sa kasalanan niya sa SRC?”
“Oh, good! Tulungan natin siyang maayos ang community service niya.” Tinadyakan ni Miss Kampupot ang trash can sa gilid ng hallway. Sumabog ang laman niyon sa sahig. “Pulutin mo ngayon! Pronto!”