Naestatwa si Olympia sa kinatatayuan. Noon lang siya nasigaw-sigawan at nautusan na parang alipin sa riding club. Kahit noong housekeeper pa siya doon ay wala pang nagtrato sa kanya tulad ngayon. Di tuloy siya nakagalaw o nakapagsalita.
“Oh, dear! Bawal yata siyang utusan. After all, she’s Olympia Montez now,” nakangising sabi ni Miss Santan. “Ang mga kamay niya ay para lang sa pagsusulat sa laptop niya. Di siya dapat pinagsusulat ng basura.”
Sinipa ng Babaeng Gumamela ang mga basurang nakakalat. “As if I care. Sa totoo lang, basura ang tingin ko sa kanya. Mas mataas pa ang tingin ko sa kanya noong housekeeper lang siya kaysa ngayon.”
“You are right. Hindi ko nga alam kung ano ang nakita sa kanya ni Myco at naging girlfriend siya.” Ngumisi si Miss Kampupot. “Mas maganda naman tayo, mas may breeding at tiyak na din natin sisirain ang reputasyon ng mga Stallion boys.”
Iyon pala ang tingin sa kanya ng karamihan sa riding club. Isang basura. Isang anay na minsan nang nagtangkang sumira sa tinitingalang riding club. Hindi na siya nakikita ng mga ito bilang isang tao.
Kahit pa anong gawin niya, di pa rin mawawala ang stigma sa kanya. Di na niya mababawi pa ang pangalan niyang nasira. She was painted black all over.
Nakatulala lang siya at di gumagalaw. Parang nasa madilim lang siyang kalawakan at lumulutang. Ano ba talaga ang ginagawa niya sa riding club? Bakit kailangan pa niyang manatili doon kung di naman siya welcome. Isang malaking kalokohan kung mananatili pa rin siya doon.
Itinulak siya ng Babaeng Gumamela. “Hey! Masyado ka yatang nalilibang sa kwentuhan namin. Ano ba? Magpulot ka na!”
“Bakit hindi kayo ang magpulot?” anang galit na boses ni Myco.
Namutla ang tatlo at di nagawang lingunin ang papalapit na si Myco. “Ah! Bakit naman kami ang magpupulot? Hindi naman namin trabaho iyan,” malambing na sabi ng Babaeng Gumamela. “Hindi ba dapat sila na lang dahil trabaho nila iyan?”
“Gusto ba ninyong I-report ko na lang ito kay Sir Reid para siya na ang magre-recommend kung isu-suspend ang access ninyo dito. Hindi ninyo pwedeng tratuhin na utus-utusan lang ang mga empleyado dito. Hindi naman kayo members,” mariing wika ni Myco. “Saka nakita ba ninyo kung sino ang pinagpupulot ninyo? Si Olympia. She’s…”
“Shhh!” Kumapit si Miss Santan sa braso ni Myco. “Please. Huwag mo nang sabihin na girlfriend mo siya. She doesn’t deserve that title. Mas bagay tayo. Kaya ibasura mo na lang siya dahil iyon ang bagay sa kanya.”
Sa simula pa lang ay di na niya gusto ang mga Flower Girls. Basta kasi Stallion boys ay handa ang mga itong mahalin basta masabi lang na may mayaman, guwapo at sikat na lalaking nadidikit ang pangalan sa mga ito.
Napakababaw kung tutuusin pero baka mas mataas pa ang tingin ng mga tao sa mga ito kaysa sa kanya. Nilinlang niya si Myco. Kahit na sabihin pa niyang mahal niya ito, baka wala nang maniwala kahit pa si Myco.
Mas maganda nga siguro kung mga Flower Girls na lang ang mahalin ni Myco. Di ito banta sa seguridad at magandang pangalan ng pamilya ni Myco. Habang siya ay habambuhay nang nakakabit sa pagkatao niya ang pagiging sinungaling.
Pumiksi si Myco. “Magpupulot ba kayo o magkita na lang tayo sa opisina,” singhal nito. “Akala ba ninyo malilibang ninyo ako?”
Napatili ang tatlo sa sobrang pagkataranta. Di siguro inaasahan na magagalit si Myco sa mga ito. Di rin niya inaasahan iyon. Hindi ba dapat ay matuwa nga ito dahil may tatlong babaeng handa itong mahalin? Di nito dapat pinagpupulot ang tatlo.
Nagkanya-kanyang luhod ang tatlo para pulutin ang kalat. “Sabi ko nga magpulot na agad tayo, girls! Magandang exercise ito,” sabi ni Miss Santan.
“Myco, gagawin ko ang lahat para lang mahalin mo ako. Kung gusto mo kahit na linisin ko pa ang buong riding club para sa pagmamahal mo,” sabi ni Miss Kampupot.
“Pagpupulot na ba ng basura at paglilinis ang batayan ng pagmamahal ngayon?” nahihindik na tanong ng Babaeng Gumamela.
“Sino naman ang may sabi na pinagpupulot ko kayo para mahalin ko kayo? Kayo naman ang nagkalat niyan, hindi ba? At wala akong planong magpalit ng girlfriend.”
“Pero Myco…” tutol sana ni Miss Santan.
Nagdilim ang mukha ni Myco. “Walang sinuman ang pwedeng mag-utos o sumigaw kay Olympia. Hindi ninyo siya alila.”
“Tama na, Myco,” saway niya dito. “Huwag ka nang magalit sa kanila.”
“Huwag magalit? You also have no right to tell me that. Magagalit ako kung kailan ko gusto. Come!”
Hinatak ni Myco ang kamay niya at hinila siya palabas ng Guesthouse. Hindi ito nagsalita hangga’t di sila nakakarating sa opisina nito sa security headquarters. Walang humaharang sa daraanan nito lalo na’t mainit ang ulo nito.
“What the heck are you doing? Sino ang may sabi na dapat na maging housekeeper ka na naman? What’s with that dress?” sermon nito. “Nagulat na lang ako nang sabihin ni Yoanna na nandito ka!”
“Tinulungan ko lang sila Grasya na tapusin ang trabaho niya para makahabol kami sa Rider’s Verandah. Wala rin naman akong gagawin. Naiinip lang ako.”
“Olympia, you don’t belong here anymore. Nakita mo nga kung paano ka nila tratuhin. Hindi ka na empleyado dito.”
“Gusto ko lang magkaroon ng silbi. Gusto kong makabawi sa mga pagkakamali ko. Habang nandito ako sa riding club, pakiramdam ko isa akong kriminal na di naranasan na magbayad sa mga kasalanan ko.” Nangilid ang luha sa mata niya kasabay ng paninikip ng dibdib niya. “Hindi na ako makahinga dito, Myco.”
“Huwag mong isipin ang mga Flower Girls na iyon. Wala naman silang magagawa. At hindi na rin mauulit ang ginawa nila sa iyo.”
“Tama naman sila, Myco. Anuman ang opinion nila sa akin, nagre-reflect iyon sa lahat ng tao dito sa riding club. They don’t want me here. I am unwelcome. They hate me. Para sa kanila, isa lang akong panirang damo.”
“That is not true,” tanggi nito.
Sinapi niya ang pisngi at pagak na tumawa habang patuloy na pumapatak ang luha sa mata niya. “Who are you kidding? Nakatutok ang mata mo sa mga camera dito sa riding club. At parang di mo alam ang sentimyento ng mga nandito. They hate me. Tuwing tinitingnan nila ako, gusto nila akong tunawin. Tuwing lalapit ako, parang may nakakahawa akong sakit. Basura ako para sa kanila, Myco. At hindi ba ganyan din naman ang tingin mo sa akin?”
“It is just your imagination.” Hinawakan nito ang balikat niya. “Alam ko na masama ang loob mo dahil sa ginawa ng mga Flower Girls sa iyo. Pero di mo dapat idamay ang buong riding club. Baka naman masyado ka lang nadadala ng konsensiya mo sa mga pagkakamali mo noon. Or maybe you are just paranoid. So stop it, Olympia!”
“Paranoia man iyon o hindi, alam ko na kung bakit idinala mo ako dito, Myco. Alam ko na rin kung bakit gusto mo akong pakasalan. Because you hate me so much that you want me suffer.”
Magaan nitong niyugyog ang balikat niya. “Why would I do that? Kung galit na galit ako sa iyo, sana hinayaan na lang kitang dumugin ng mga fans ng riding club. Hinayaan na lang sana kitang mamatay. Isn’t that a befitting revenge? Pero hindi. Sinagip kita. Sinaktan ba kita habang nandito ka? Hindi.”
Tinakpan niya ang tainga at umiling. “NO! I don’t want to hear your kindness. Lalo mo lang akong pinapatay sa pagiging mabait mo. Stop it!”
“Gusto mong hinayaan na lang kitang mamatay? Hindi ako masamang tao. At ano ang masama kung gusto mo akong protektahan o alagaan.”
“Because this is your type of revenge. Dahan-dahan mo akong pinapatay. Habang puro kabutihan ang ibinibigay mo sa akin, nararamdaman ko naman ang galit mo sa pamamagitan ng mga tao sa paligid mo. Idinala mo ako dito sa riding club para iparamdam sa akin na di ninyo ako patatawarin. At kahit ano pang gawin ko, hindi na ako makakabawi para mga pagkakamaling ginawa ko. You loathe me forever.”
“Olympia, pwede bang makinig ka muna sa akin?”
Umiling siya. “That’s enough. Ayoko nang makinig sa kahit na ano. Puro pampalubag-loob lang ang sasabihin mo. DI naman ako manhid na mauuto mo, Myco. Mula sa pamilya mo hanggang sa mga guest at members dito, lahat sila galit sa akin. This is just too much!”
Napahikbi siya at tinutop ang labi. Patakbo siyang lumabas ng kuwarto. “Olympia, come back!” tawag ni Myco sa kanya at tinangka siyang habulin.
Binilisan niya ang takbo kahit na nanlalabo ang mata niya sa luha. NI di na niya nakikita ang dinadaanan niya. Kung sinuman ang kasalubong niya o baka may mabangga siya. Gusto lang niyang makatakas. Makalayo. Hindi na mahalaga kung saan. Kailangan na niyang makaalis doon bago pa mawala ang buong pagkatao niya.
BUMUNTONG-HININGA si Olympia habang enjoy na enjoy naman sa pamamahinga sa grazing ground ng riding club ang iba’t ibang kabayo. Sa lugar na iyon ay malayang makipag-interact sa kahit na sino ang mga kabayong nakapastol doon.
Nakasandal siya sa puno habang pinagmamasdan sa di kalayuan naman si Momo-chan, ang paboritong kabayo ni Myco. Masaya itong nanginginain ng damo. Ni di nito nalalaman kung gaano kamiserable ang pakiramdam niya.
Humakbang siya palapit dito. “Momo-chan, alam mo ba ang pakiramdam ng mag-isa? Iyong parang wala kang kakampi sa mundo. Mahirap pala kapag walang nagmamahal sa iyo. Mabigat ang problema mo pero wala kang karamay.”
Natawa siya nang mahina nang humalinghing ito. Di niya alam kung gusto nitong makisimpatya sa kanya o gusto nitong manahimik siya dahil nagagambahala ang pamamahinga nito.
“Sabi sa akin ni Myco, ulila ka daw nang makuha niya. At siya mismo ang nag-alaga sa iyo at nagpalaki. Maswerte ka. Nang mag-isa ka lang sa mundo, nariyan si Myco para alagaan ka at mahalin. Samantalang ako…”
Nakagat niya ang labi at napahikbi. Si Myco lang ang nagparamdam sa kanya ng matinding kalungkutan. Ipinaramdam nito sa kanya na isang basura lang siya. Na wala siyang karapatan na mahalin.
Niyakap niya ang sarili. She had always been strong. Tuwing may hinaharap siyang pagsubok, kahit kailan ay di siya nanghina at nagpatalo sa problema. Subalit sa labis na lungkot na nararamdaman niya ngayon, gusto na lang niyang umiyak at magpakalunod sa luha. Wala siyang kakayahan pang bumangon at maging masaya.
Tanggap naman niya na di siya kayang mahalin ni Myco. Pero dapat ba itong maghiganti sa kanya sa pagpaparamdam na di siya tanggap ng mga tao sa paligid niya. Na di siya tanggap sa mundong iyon.
Gugustuhin ba niyang makasama pa ang lalaking ito habambuhay kung puro pasakit naman ang handa nitong ibigay sa kanya?
“Momo-chan, pwede bang yakapin ka? Please! Gusto ko lang ng karamay. Gusto ko lang ng kakampi.”
Di man maintindihan ng kabayo ang sinasabi niya, basta huwag lang niyang maramdaman na nag-iisa siya.
Humalinghing si Momo-chan. Itinaas nito ang ulo nito na parang ayaw magpahawak dito. Napaurong siya nang itinaas nito ang dalawang paa. Sumigaw siya dahil gusto siya nitong dambahin. Katapusan na yata niya. Napakasaklap naman ng kamatayan niya kung saka-sakali. Nag-iisa at walang nagmamahal. Ultimo kabayo ay ayaw siyang mahalin. Wala siyang silbi sa mundo.
“Olympia!” narinig niyang tawag ni Myco sa kanya.
Pumaikot ang bisig nito sa kanya at naramdaman niyang gumulong siya sa lupa kasama ang katawan nito. Habol niya ang hininga habang nakahiga sa lupa at pinoprotektahan naman siya ng katawan nito.
“Myco…” Iniligtas siya nito? Ginawan na naman siya nito ng pabor. Dapat siyang mainis pero nangingibabaw ang pasasalamat niya dito. Pero tama bang sinagip siya nito? Mas mabuti na mawala na lang siya sa buhay nito.
“Are you okay?” nag-aalala nitong tanong at hinaplos ang mukha niya.
“B-Buhay pa ba ako?” tanong niya.
“Bakit? May plano ka bang magpakamatay?” singhal nito. Naglaho ang pag-aalala sa mga mata nito at naging matalim. Tinulungan siya nitong bumangon. “Hindi mo dapat nilalapitan si Momo-chan. Mas masungit pa sa akin ang kabayong iyan. Piling tao lang pinapayagan niyang humawak sa kanya.”
Binaha ulit ulit siya ng kalungkutan. Muli niyang naalala kung paanong mag-isa lang siya. Napaiyak siya. “A-Ayaw din niya sa akin.”
“Ayaw naman talaga niya sa iyo. Natural. Ayaw niya sa mga babae.”
Umiling siya at tinutop ang bibig. “Ayaw sa akin ng lahat. Ang riding club, ang mga tao dito, ikaw at pati ang kabayo mong si Momo-chan. Ayaw ninyo sa akin! Ayoko na dito, Myco. Aalis na ako.”
Hinawakan nito ang balikat niya at niyugyog. “Olympia, masyado ka nang nagiging emotional. Get hold of yourself.”
“May dahilan ako para maging emotional. Nobody likes me here. Idinala mo ako dito para lalo kong maramdaman ang galit sa akin ng mga tao, hindi ba? Pabayaan mo na lang akong umalis dito, Myco. Please!”
“Gusto mo bang umalis dito?”
Tumango siya. “Yes.”
“Oras na lumabas dito, ibig sabihin ayaw mo na akong pakasalan.”
Tiningala niya ito. May lungkot sa mga mata nito sa halip na galit gaya ng inaasahan niya. Parang natatakot ito na tuluyan niya itong iwan.
“Myco, hindi ako aalis dito dahil ayaw kong magpakasal sa iyo. Nagkasundo na tayo. I honor that. Hindi ako tumatakas sa kasunduan natin. Kahit na pahirapan at saktan mo ako, tatanggapin ko.”
Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak nito sa balikat niya. “Iyan ba ang akala mo? Na gusto kong gawing miserable ang buhay mo?”
Hindi ko maibabalik ang lahat ng nasira sa iyo dahil sa mga pagkakamali ko. Baka sakaling sa ganitong paraan, makakuha ka ng fulfillment at may maibalik ka sa sarili mo. Pero mangyayari lang iyon kapag kasal na tayo. Habang hindi pa, hayaan mo muna sana akong maging masaya para sa sarili ko. Hayaan mo akong makawala dito sa riding club kahit na sandali lang. Gusto ko lang maramdaman na pwede ko pang irespeto ang sarili ko. Simple lang naman ang hinihingi ko, hindi ba?”
Ibinaba nito ang kamay at kinuyom ang palad. “Olympia, hindi kita idinala dito sa riding club para parusahan o para iparamdam sa iyo ang galit ko.”
“Ano pang ginagawa ko dito?”
Kinabig nito ang batok niya at mapusok siyang hinalikan. Sinubukan niya itong itulak palayo pero di siya nito pinakawalan. His kisses were hot. Sizzling hot. Sumisigid sa bawat himaymay ng laman niya. Bakit hinahalikan siya ni Myco sa ganitong paraan? Bakit kailangan pa niyang maramdaman na mahal siya nito sa yakap at halik nito kung ibang babae naman ang mahal nito? Ang babaeng di na magiging siya kailanman.
“Dahil gusto ko ng protektahan at mahalin ka. I want to help you to be whole again. Na kung anuman ang nawalang piraso sa buhay at pangarap mo, tutulungan kitang buuin lahat iyon. Sabay nating bubuuin. Magsisimula tayo ng bago.”
“Gusto mo akong mahalin? Bakit? Galit na galit ka sa akin, hindi ba?”
“Because I love you. Akala ko hindi ako makakaramdaman nito. Para sa akin, hangal lang ang nagmamahal. Nagiging mahina sila at nawawala sa tamang pag-iisip.” Tipid itong ngumiti. “I didn’t expect I would become one of them. And that I would love the most suspicious person in my life. My worst nemesis. Sabi ko wala akong pakialam sa mga babae lalo na sa iyo. Ilang babae na ang nakiusap sa akin na ipaglaban ko sila. I didn’t give a damn about them. Pero nang hamunin ako ni Kevin para sa iyo, sabi ko hindi ako papayag na mapunta ka sa kanya. I risked my life for you. Isinugal ko rin ang pangalan ko para tiyakin ko lang na di ka makulong o masampahan ng kaso. Kahit ang trabaho ko na buong buhay kong pinagsikapan, isusuko ko rin para sa iyo.”
Niyakap niya ito. “Myco!” Napakarami ng isinakripisyo nito para sa kanya. Hindi na niya kailangan pang magtanong. Mahal nga siya nito. “Teka! Di ba pinakasalan mo lang naman ako dahil sa kasunduan ninyo ng Papa mo? Natalo ka sa chess ng ate mo.”
“That woman?” Ngumisi ito. “Kahit kailan di niya ako natalo sa chess. Kaya di kita pakakasalan dahil sa utos ng papa ko. Nang nag-desisyon kang lumayo, kinausap ko ang papa mo. I told him that I want to marry you and I love you. Sabi niya siya daw ang bahala sa akin.”
Umasim ang mukha niya. “Magkasabwat pala kayong dalawa kung ganoon.”
Itinuro nito ang sarili. “Inosente ako diyan! Ang paalam ko manliligaw ako. Di na daw kailangan. Mukhang gustong-gusto ka na niyang ipamigay.”
“Baka hindi ako ang mahal mo kundi si Florecina. I can’t bring her back anymore, Myco. Hindi ako siya.”
Magaan nitong pinitik ang noo niya. “How could you be so stupid, Olympia? I love you. Plain and simple. I love you as you. Hindi ko minahal ang pagiging Florecina mo. What I love about her is her uniqueness. Mga bagay na kay Olympia Montez ko lang makikita.”
“But you hate me. Gusto mo siguro akong ipakain sa bulkan noon.”
“But I didn’t. Naihagis na ba kita sa bulkan? Naligo lang tayo sa hot spring.”
“Sabi mo noon, galit ka pa rin sa akin pero nag-aalala ka. Nag-aalala ka para dahil minsan akong naging si Florecina. Pero galit ka pa rin sa akin.” Di niya makakalimutan ang pagkamuhi sa mga mata nito nang malaman ang pagpapanggap niya. Parang di na siya nito mapapatawad kahit kailan.
“Pinatawad kita. Minahal pa rin kita kahit na si Olympia Montez ka. I am ready to set aside my ill feelings so that you won’t get hurt. Kung di lang kasalanan, muntik ko nang pilipitin ang leeg ng mga batang bumunggo sa iyo. Sinundan pa kita hanggang sa Aurora para lang tingnan kung maayos ang environment doon.”
“Sinundan mo ako hanggang sa Aurora?”
“Sa palagay mo paano ko nalaman na nandoon ka noong ihatid ko si Reiven. Natural sinundan kita. May kinuha din akong titingin-tingin sa iyo.”
Yumakap siya sa leeg nito. “Myco, ginawa mo iyon para sa akin. Kahit na muntik ko nang sirain ang career mo, di mo pa rin ako iniwan?”
“Ayoko nang bumalik sa dating ako. Parang makina na walang maramdaman. You made me feel, Olympia. You made me lose control and you make me feel good. Hell! Nag-iba na rin ang concept ko sa pagiging malakas ng personality ng isang lalaki. Samantalang dati, muntik na akong mag-resign nang makita kong utusan ni Doc Tamara si Sir Reid na maghugas ng plato. Well, that’s love. It could be your weakness and your strength. And you won’t care about the world.”
“You are right. Nawalan ako ng focus sa trabaho dahil sa iyo. My senses told me to stay away from you. Pero lapit naman nang lapit ang puso ko. Myco, I don’t mind becoming a housekeeper just to secure my place beside you.”
“Hindi mo kailangang maging kahit na ano. I love you, Olympia Montez. And I would do everything for you. From kissing to dying.”
Pinigilan ng daliri niya ang labi nito. “No. Kissing would be fine.”
“Nice answer.”
And when he kissed her lips, it was more than fine. Si Myco ang magtatama ng lahat ng mali sa buhay niya. She felt whole again. No. She was never whole before until Myco Gosiaco loved her.