Ang akala ni Sofiajade ay hindi na muling titibok ang kanyang puso mula nang mawala ang virologist na si Reiven. Isang aksidente ang kinasangkutan nito nang mag-training ito sa isang pharmaceutical company sa Venezuela. At nabalitang patay na ito.
Ngunit kung ang mga mata ay nakakamali ng tingin minsan, hindi ang puso. Hindi maaring hindi iyon makakilala. Kaya kahit anong pagkumbinsi ng paningin niya na hindi si Reiven ang estrangherong nakita niya na naliligo sa talon, sa bulubundukin ng Cordillera, naghuhumiyaw naman ang kanyang puso na si Reiven nga ang lalaki!
“What? Hindi ngayon ang product presentation?” bulalas ni Sofiajade.
“I am sorry, Miss Gosiaco. It looks like you are not informed. Nabago ang original schedule,” sabi ni Reid Alleje na kalmadong nakaupo sa tapat niya.
Nasa terrace siya ng mansion ng mga Alleje sa Tagaytay. Nasa baba ay kitang-kita ang itinatayong Stallion Riding Club na pag-aari nito.
Kilala ang mga Alleje pagdating sa equine business. Lalo pang sisikat ang mga ito oras na magbukas ang Stallion Riding Club ni Reid Alleje na magiging kanlungan ng mamahaling kabayo mula sa iba’t ibang parte ng mundo at magsisilbing paraiso ng mayayaman at sikat na kalalakihan sa Pilipinas.
He was like a king, calm and composed. At parang di man lang ito natinag sa dilemma niya. Habang siya naman ay haggard na haggard.
“At sinabihan pa nila akong tumuloy agad dito galing sa airport. Nakalimutan na naman siguro ng Suichiro Hinata na iyon na sabihan ako dahil busy siya sa girlfriend niya,” paninisi niya sa kaibigan sa mahinang boses.
Siya ang pinakabatang imbentor ng Hinata Industries na nakabase sa Japan. Binibigyan ng pagkakataon ng mga ito ang mga batang imbentor na Pilipino katulad niya. Scholar siya ng mga ito sa Tokyo University. Bakasyon niya sa eskwelahan kaya makakasama siya sa presentation para sa Stallion Riding Club kung saan sarili niyang security system ang kasama sa pagpipilian.
Isang sikat na imbentor din sa Hinata Industries ang kanyang ina na si Jeanna Gosiaco. Habang ang ama niyang si Michael Gosiaco ang hahawak sa mismong security head ng riding club. Ang security company na pag-aari ng pamilya niya ang pinagkakatiwalaan ng mga Alleje na mag-handle ng Stallion Riding Club.
“Magpapatawag ako ng meeting oras na mapagdesisyon na kung isasama ang Forest Trail sa riding club o mananatili sa private estate ng pamilya,” paliwanag ni Reid. “So until then, you may relax. Ipapahanda ko ang isa sa mga guestroom.”
“Thank you, Sir Reid,” aniya at tumayo. Kahit na magkakilala ang pamilya nila, lagging businesses-like ang pakikitungo niya dito.
“Hindi mo ba kukumustahin si Reiven?”
Kumislap ang mata niya at kakaibang pagkasabik ang naramdaman niya nang mabanggit ang pangalan ng kapatid nito. “Si Reiven?” Luminga-linga siya. “Dumating na ba siya? Nandito na siya?”
“I thought you’d never ask.”
Si Reiven Alleje ang pangalawa sa tatlong magkakapatid na Alleje. Nakilala niya ito noong seventeen lang siya. Mas matanda ito ng apat na taon sa kanya. Isa siyang teenager na haling na haling noon sa mga imbensiyon niya at sa mundo ng anime. Weird nga daw siya. Pero nang makilala ang masungit, suplado pero guwapong si Reiven ay biglang nag-iba ang pamantayan niya sa kaguwapuhan. Kung dati ay mga anime lang ang nagugustuhan niya, bigla siyang nagdesisyon na ang half-Spanish, half-Filipino na ito ang lalaking gusto niyang pakasalan.
Mukhang itinadhana pa dahil sa University of Tokyo rin ito nag-aral ng Medicine para maging isang virologist. Magkatabi pa ang apartment nila. At kahit isang nuisance ang tingin nito sa kanya at parang isang nakakairitang virus, gusto pa rin niyang sundan ito nang sundan. Mahigit dalawang taon na ang nakakaraan pero walang ibang lalaki sa puso niya kundi si Reiven lang.
Biglang nawala ang ngiti niya nang maalalang dalawang buwan na silang di nagkita ni Reiven mula nang pumunta ito sa Venezuela para mag-training sa isang pharmaceutical company ng kaibigan nito.
“Hindi na lang sana ako nagtanong.” Bumuntong-hininga siya. “Hindi naman naalala ng lalaking iyon na tumawag. Nag-aalala pa mandin ako sa kanya. Tapos pinadalhan lang niya ako ng postcard. Aanhin ko ang postcard? Ni hindi man lang niya ako kumustahin kung…”
Humalukipkip ito at may imbing ngiti sa labi. “Bakit hindi mo ka mismo magreklamo sa kanya? Ipapahatid kita sa Forest Trail.”
“Nandito siya?” bulalas niya. “Kailan pa?”
Biglang lumakas ang tibok ng puso niya. Malaman lang niya na nasa iisang langit lang sila ni Reiven ay nagugulo na ang sistema niya. Paano ay nai-imagine agad niya ang maganda nitong katawan na kayang tunawin ang buto niya kapag niyakap siya. At ang itim na mga mata at magandang boses boses nito ay sapat na para panginigin ang tuhod niya.
“Mag-iisang linggo na siya dito. Mas magandang magkita kayo bago pa niya malaman na nandito ka, hindi ba?” makahulugan nitong sabi.
Oras na malaman ni Reiven na nasa paligid lang siya, tiyak na magtatatakbo ito palayo. May allergy ata ito sa kanya. Palibhasa ay mas gusto nitong kapiling ang mga virus kaya di ito sanay maka-appreciate ng kagandahang tulad ng kanya.
“Hindi kaya tumakbo agad siya oras na makita ako?”
“I don’t think so. He has a match to win if he wants to keep the Forest Trail as his own haven. Baka kailangan niya ng moral support mo.”
Naging palaisipan na naman sa kanya kung ano ang klaseng kompetisyon mayroon sa magkapatid. Ang alam niya ay nag-aagawan ang mga ito sa Forest Trail na pag-aari ng mga Alleje. It was a virgin forest that was a part of the Alleje estate. Magsisilbi iyong atraksiyon sa maraming miyembro dahil tahimik ang lugar.
But it was also Reiven’s haven. Doon ito sa Forest Trail kapag gusto nitong mapag-isa. Madalas ay dala ni Reiven ang mga libro nito, sasandal sa isa sa mga puno at magbabasa hanggang makatulog.
Walang gustong magbigay sa magkapatid. So they had to settle it their way. The Alleje way. Dahil parehong bihasa sa ilang horse sports ang magkakapatid, namimili na lang ang mga ito kung anong horse sports ang paglalabanan.
Isang golf cart ang naghatid sa kanya sa bungad ng Forest Trail. Iyon na ang magsisilbing mode of transportation sa pag-iikot sa riding club. Sa pagpasok naman sa Forest Trail ay maari lang sumakay ng kabayo o maglakad.
Una niyang pinuntahan ang mga puno kung saan madalas niyang makita si Reiven. Wala ito doon. “Malamang nasa falls,” isip-isip niya at binilisan ang lakad.
Maya maya pa ay narinig na niya ang lagaslas ng tubig mula sa talon. Habang palapit siya sa falls ay unti-unti siyang pinangangapusan ng hininga. Isa lang ang ibig sabihin kapag nasa falls ito.
Mabilis siyang nagtago sa likod ng mga halaman nang makita niya itong naliligo falls. He was bathing under the cascading water in his naked splendor. He was like a pagan god. Tiyak na nagsasaya ang diwata ng tubig sa nakikita ng mga ito. Reiven was perfect. He was six feet tall with lean muscled bronze body. At gusto niyang mainggit sa tubig na sumasamba sa katawan nito.
Napalunok siya. Hindi siya dapat nanonood. Bata pa siya at lalong virgin pa siya. Dapat ay nakikita lang niya iyon kapag kasal na siya kay Reiven. Mariin siyang kumapit sa maliit na sanga ng halaman sa harapan niya. Pero paano pa niya mailalayo ang tingin niya sa magandang tanawin. Isa itong biyaya ng langit. Magandang pagkakataon para sa kanya. Sino siya para tumanggi?
Napahiyaw siya sa pinaghalong sakit at pangangati na nanuot sa kamay niya. Binitiwan niya ang halaman. Nang tingnan niya ay namumula ang kamay niya. Mukhang nairita iyon sa halamang nahawakan niya.
“Sino iyan?” tanong ni Reiven.
Bigla niyang ipininid ang bibig. Narinig na siya ni Reiven. Lagot siya oras na malamang naroon siya at napanood niya itong naliligo ng walang saplot sa katawan.
“Ik! Ik! Ik! Ik!” Nasa gubat naman siya. Pwede nitong isipin na may ik-ik doon. Pwedeng isipin ni Reiven na may supernatural beings o engkanto, lamang lupa at iba pa sa paligid. Lusot na siya.
“Hindi ako naniniwala sa mga aswang at ik-ik!” sigaw nito. “Sino ka?”
Patay! Alagad nga pala ito ng siyensya. At di ito naniniwala sa mga supernatural being. Anong gagawin niya?
“Tuko! Tuko!” Pasimple siyang humakbang nang paupo. Kailangan na niyang makaalis dahil pasidhi nang pasidhi ang pagkahilahil na nararamdaman niya sa kamay niya. Parusa ba iyon ng langit sa panonood niya kay Reiven?
“Tuko. That’s interesting. I want to see one.”
Natuliro siya nang marinig ang labusaw ng tubig. Aahon na si Reiven. Makikita na siya nito. Bigla siyang tumayo mula sa pinagtataguan. “Huwag kang lumapit! Kapag nakagat ka ng tuko…” Bigla siyang napatingin sa sentro ng katawan nito. “Iyong tuko…” Namula ang buong katawan niya at di na siya nakapagsalita pa.
Kanina ay may tubig pa na nagtatago sa alindog nito. Ngayon ay nakabuyayang na ito sa buong mundo. Wala na itong itinago sa kanya.
Umangat ang gilid ng labi nito. He seemed so comfortable with his body. Ni di man lang ito nahiya sa kanya samantalang tirik na tirik ang araw. “Ah! Iyan na pala ang itsura ng tuko ngayon. At nakakapagsalita pa.”
NANLAKI ang mata ni Sofiajade nang salubungin ang amused na mga mata ni Reiven. Nakita na siya nito. Nuknukan siya ng katangahan. Ibinuko niya ang sarili niya. Nasaan na ang kahenyuhan niya kapag si Reiven ang kasangkot. Wala na. Nilipad na ng hangin at tinangay ng tuko.
Napaupo siya at nagtago ulit sa likod ng mga halaman. “Tuko! Tuko!”
Lumapit ang mga yabag ni Reiven at tumigil sa kabila ng halaman. “I think it is too late for that. Nakita na kita, Sofiajade. Bakit ka sumigaw kanina?”
Hinawakan niya ang pulsuhan ng kamay niya. Di niya pwedeng sabihin dito ang totoo. Kung bakit ba nagpabuko siya? Di siya tuloy makaharap dito.
“Tuko! Tuko!” aniya sa kawalan ng masasabi. Madalas naman niyang sundan si Reiven noon. Pero ngayong hubad ito, anong laban niya? Nanginginig na ang tuhod niya at nabura yata ang bokabularyo sa utak niya.
“Patingin ng kamay mo.”
Umiling siya at nananatili itong di tinitingnan. “Tuko! Tuko!”
“Mukhang nairita ang kamay mo. Humawak ka sa halaman na ‘to? Halika! Gamutin natin!” anito at tinangkang hawakan ang kamay niya.
“Huwag!” saway niya dito.
“Bakit? Gagamutin lang natin. Baka lumala iyan.”
“Magbihis ka muna!” utos niya.
“Iisipin mo pa ba iyon kaysa sa…”
Tumayo siya at matalim itong tiningnan. “Exhibitionist ka ba? Gusto mo ba talagang iparada ang katawan mo sa buong mundo? Sana di ka na lang nagdoktor. Naging exotic dancer ka na lang sana o nude model.”
Tinalikuran niya ito at mariing napapikit. Maya maya pa ay wala na siyang dugo. Di ito dapat pumaparada ng nakahubad sa harap niya. Paano na ang kanyang inosenteng utak? Puro pa mandin ang pagmamahal niya dito. Walang bahid ng kamunduhan. Pero oras na bulatlatin ang utak niya, ang nakikita na lang niya ay ang kahubdan nito. How about her innocent love? Di na inosente.
“Alright!” bulalas nito at naglakad palayo.
Pasimple niya itong sinilip sa siwang ng mga halaman. “Bihis ka na?”
Lumapit ito sa kanya nang nakasuot ng pantaloon. Dali-dali siyang tumalikod para kunyari ay di naman niya ito pinapanood. “I am dressed. Well, half-dressed. But I won’t rape you. Now let me see your hand.”
Kusa niyang ibinigay ang kamay dito. “Isuot mo ang t-shirt mo mamaya.”
Hinugasan nito ang kamay niya sa sapang binabagsakan ng falls. “What are you fussing about? Kanina ka pa nanonood sa akin na maligo sa falls pero di mo naman ako pinagbihis.”
Nag-init ang mukha niya at tinangkang bawiin ang kamay dito. “A-Alam mo na nanonood ako pero wala kang sinabi na kahit ano?”
Hinigpitan nito ang pagkakahawak sa kamay niya. “Ano ngayon kung nanood ka? You won’t rape me or anything. Di rin ako mabubuntis. And I don’t want to act like some prudish virgin.”
“And I am. Well, I am a virgin! Masama?”
Kinuha nito ang first aid kit sa bag nito na nakasabit sa kabayo nito na nakatali sa puno. “There’s nothing wrong in being a virgin. Just stay that way.”
“Kung paparada ka nang nakahubad sa harap ko, baka mapikot ka nang wala sa oras. Gusto ko naman virgin ka kapag ihinarap ka sa altar.”
“What makes you think I am not?” kaswal nitong tanong habang pinapahiran ng ointment ang kamay niya.
“Ha! Hindi ka na virgin? Sino ang lumapastangan sa iyo? Babalatan ko siya ng buhay. Akin ka lang!” mariin niyang sabi.
“Relax. Busy ako sa paghanap ng mas effective na vaccine para sa bagong strain ng yellow fever. Wala akong oras sa mga babae. Lagi naman, di ba?”
Magaan ang kamay nito habang ginagamot ang kamay niya. That was Reiven. He was a healer first and foremost. Kaya kahit nakalinya sa horse business ang pamilya nito ay pinili nito na manggamot ng mga tao.
“Ibig sabihin di mo ako nami-miss kasi busy ka sa virus?”
“Well, not that much. Masarap din pala ang pakiramdam na maya’t maya akong nakikiramdam kung may stalker ako o bigla ka lang susulpot.”
“Akala ko pa mandin nami-miss mo ako. Pwes, magtiis ka dahil di ako basta basta mawawala sa paningin mo.”