Chapter Reiven Alleje: Chapter 2

“Kaya ba umuwi ka sa Pilipinas nang malaman mong umuwi ako?”

Napaingos si Sofiajade sa tanong ni Reiven. “Di naman sa iyo lagi iikot ang mundo ko, Mr. Alleje. Nandito ako para sa product presentation namin. Kasama ang security system ko sa pagpipilian ng riding club.”

“Ah, good! I thought you all you want to do is dream about me.”

Ngumisi siya. “I am a genius. I can do both at the same time. Isama pa natin na busy ako sa mga anime na pinagpapantasyahan ko habang wala ka.”

“Di naman totoo ang mga anime mo.”

“Mas charming naman sila at guwapo kaysa sa virus mo.”

“So what’s this? Nagseselos ka sa trabaho ko?”

“No!” In a way, she was jealous. Mas gusto pa kasi ni Reiven na makipagtitigan sa microscope nito at aliwin ang sarili sa buhay ng mga virus kaysa sa pansinin siya. Huminga siya nang malalim. Parang di na siya nasanay na di siya nito gustong makasama. “Babalik na lang ako sa mansion.”

Pinigilan nito ang kamay niya. “Ayaw mo ba akong makasama?”

“Nakasama na kita, di ba? Tama na iyon.” Sapat na rin na nakita niya ang katawan nito. Baka magtagal pa siya doon at ano pang pumasok sa isip niya. Nadudumihan na naman ang inosente niyang utak.

“Then stay with me. Baka ito na ang huling pagkakataon natin na ma-enjoy ang lugar na ito. Baka bukas parte na ito ng riding club.”

Nagdalawang-isip siya. Bihira ang pagkakataon na si Reiven mismo ang mag-aalok na makasama niya ito. Kalimutan muna ang pagpapainosente. Di na siya masisisi ni Reiven kung mapikot niya ito maya-maya lang.

Umupo siya sa tabi nito. Mukhang maaliwalas ang mukha ni Reiven kapag nasa lugar na iyon kahit na alam niyang malungkot ito nang mga oras na iyon.

Sa harap ng ibang tao, napaka-pormal nito. He was always guarded. Di basta basta nagpapakita ng atensiyon. But at the Forest Trail, he didn’t care much about hiding his emotion. It was his haven after all. He could be himself. He could even roam around naked. Komportable ito doon na parang iyon ang kaharian nito.

“Anong paglalabanan ninyo? A race? One on one polo?”

“Bareback bronc riding.”

“What? Alam mo ba kung gaano kadelikado iyon?”

Mga bronc o wild o half-tamed horses lang ang ginagamit sa bronc riding. Mapangahas ang mga ganoong klase ng kabayo. Sa bareback bronc riding ay walang saddle ang kabayo at tanging tali lang sa kabayo ang pwedeng hawakan.

“I am used to it. Sa lahat ng rodeo event, iyon ang paborito ko.”

Nanikip ang dibdib niya. “At matagal ka na ring walang practice.”

“Nagpa-practice ako. Pero mas gusto ko sanang walang masyadong practice para mas exciting.”

Pinanlakihan niya ito ng mata. “Gusto mong mabiyuda ako agad?”

“Anong mabiyuda?” Ginulo nito ang buhok niya. “Magpahinga ka muna at mukhang lumilipad pa ang utak mo. Ibabalik na kita sa mansion.”

Tahimik sila habang nakasakay siya sa kabayo nito na marahang naglalakad palabas ng Forest Trail at akay ni Reiven. Kilala niya ito. Kapag may gusto itong makuhang isang bagay, isusugal nito ang buhay nito.

“Reiven, kahit hindi ka manalo sa match basta safe ka,” paalala niya.

“I will keep that in mind.”

“At magtsi-cheer ako sa laban ninyo.”

Tumingala ito at ngumiti. “For the first time, I really need that.”

Her world lit up when he smiled. Maganda ang sikat ng araw kaya wala siyang dapat ipag-alala kay Reiven.

Hindi man siya nito mahal ngayon, gusto niyang ipakita dito na mananatili siya sa tabi nito. And she would patiently wait for the day that he would love her back.

BAKAS ang iritasyon sa mukha ni Reiven at pasimpleng tinatanggal ang pang-itaas na butones ng riding habit nito. “Do I really have to wear this?”

Tinampal niya ang kamay nito. “Oo. At huwag ka nang umangal. Dapat masanay ka nang isuot iyan dahil di daw matutuloy ang match ninyo ng kuya mo kapag di mo suot iyan. Saka bagay naman sa iyo.”

Nasa arena sila na bahagi ng riding club kung saan gaganapin ang bronc riding match ng dalawa. Subalit may isang kondisyon si Reid. Kailangan munang isuot ni Reiven ang riding habit na magiging official uniform ng riding club. Bukod sa helmet ay may knee pad at arm pad din na pamproteksiyon.

Kanina ay handang-handa na si Reiven pero ngayon ay mukhang gusto na nitong umurong sa laban. Ayaw nitong isuot ang riding habit kundi pa niya pinilit.

Matalim siya nitong tiningnan. “Tell me. Saan ka nakakita ng bronc riding match na naka-riding habit? I am not comfortable with this. Ang mga cowboy hindi naman mukhang equestrian. And I am more comfortable riding a wild horse without shirt. I don’t need fancy clothes.”

Tinusok ng daliri niya ang pisngi nito. “Una, ito ang kauna-unahang match dito sa riding club kahit di pa nagbubukas. Your brother wants it to be formal.”

“That’s silly.”

“Pangalawa, maghuhubad ka na naman sa harap ko. Gusto mo talagang magpapikot sa akin, no?” Ipinaypay niya ang palad sa mukha. “Hindi ko alam kung bakit gustong-gusto mong sirain ang kainosentehan ko.”

Tumikhim ito at pinaglaruan ang butones ng riding habit nito. “Ibig sabihin hindi ako masyadong attractive kapag nakadamit ako?”

Dahan-dahan niya itong nilingon at ngumisi nang magsalubong ang mata nila. “Pareho lang naman. Pero walang masyadong carnal thoughts kapag nakadamit ka. Hindi kita naiisip pikutin. Hanggang ano lang ako…”

“Anong ano?” Tumingkayad siya at tangkang hahalikan ang pisngi nito. Pero pinigilan ng palad nito ang noo niya. “Don’t you even dare.”

“Ang damot mo naman. Di ka naman mamamatay pag hinalikan kita. Saka sa pisngi lang naman iyon.” Bakit ba alam agad ni Reiven kung hahalikan siya nito? Ilang beses na niyang sinubukan pero lagi nitong napipigilan ang plano niya.

“Ayoko. Baka mamaya may virus iyan.”

Inirapan niya ito. “Mamatay kang virgin.”

“Bakit? Ikaw lang ba ang babaeng magkakagusto sa akin?”

“Hindi.” Guwapo naman ito at kahit sa Japan ay marami itong natatanggap na chocolates kapag February fourteen mula sa admirers nito. Siya lang ang sumasakit ang ngipin sa pagkain ng chocolate nito. “Ako nga lang ang nakakatiis sa kasungitan mo. Kaya kapag natauhan ako, magiging virgin ka habambuhay.”

“Anong sabi mo?” asik nito.

Nag-aapoy na ang itim nitong mga mata. Mukhang nairita na ito sa kakulitan niya. At dapat ay tumatakas na siya kay Reiven. Baka mamaya ay di pa siya makanood ng match nito kung gugustuhin nito.

Tumuro siya sa langit. “Reiven, ano iyon?”

Tumingala naman ito. “Ano?”

Tumingkayad siya at kinintalan ito ng halik sa gilid ng labi. Nagtatalon siya sa tuwa matapos iyon. “I did it! Sa wakas.”

“What’s that?” madilim ang mukha nitong tanong.

Humalukipkip siya at iniwas ang tingin dito. “Nothing. It’s just a virus.”

Iniyakap nito ang braso sa leeg niya mula sa likuran niya. “Anong virus? It was a kiss.”

“Alam mo naman pala. Nagtatanong ka pa.”

“You tricked me.”

“Ah! Hindi ko na kasalanan iyan. Di ka umiwas. Saka ganyan ba talaga ang mga virgin na lalaki? Saglit lang ang kiss na iyon. Big deal na sa iyo? Affected?”

Pinisil nito ang pisngi niya. “My virginity has nothing to do with it.”

Humalakhak siya ng nang-iinis. “Ilang taon ka na ba? Virgin ka pa rin. Ngayon ka lang siguro nahalikan ng babae kaya ka nagkakaganyan.”

“Do you want me to lash your insolent tongue?”

“Reiven, hindi ko alam na steer wrestling pala ang pina-practice mo at hindi bronc riding,” sabi ni Reid nang pumasok sa arena.

Sumibi siya. “Sir Reid, question! Ang mga lalaki ba sadyang maiinitin ang ulo kapag virgin at wala pang first kiss? Parang pinoprotektahan ang puri nila lagi.”

“Wala akong alam diyan,” anang si Reid at iniwas ang tingin. Na parang may itinatago itong sekreto sa kanya.

“Gusto mong malaman ang first kiss ni Kuya?” bulong ni Reiven sa kanya.

“Sino ang first kiss niya?” tanong niya.

Nag-twitch ang mukha ni Reid. “Anong pinag-bubulungan ninyo?”

“First kiss niya ay noong Grade six siya,” sagot ni Reiven. “Classmate niya iyon na puro pimples at mataba. Tapos noong birthday niya, hinalikan siya. Ayun! Nilagnat si Kuya Reid ng isang linggo.”

“Shut up, Reiven!” saway ni Reid dito. “O gusto mong dila mo na lang ang latiguhin ko?” Ayaw na nitong alalahanin pa ang kahindik-hindik nitong nakaraan.

“Mas gusto mo yata ganoon din ang first kiss mo, eh!” kantiyaw niya kay Reiven. “Kapag ako puro ka reklamo.”

“Naka-first base ka na, Sofiajade?” tanong ni Reid.

Makahulugan siyang ngumiti. “Well…”

Tinakpan ni Reiven ang bibig niya. “Wala kang sasabihin. Wala!”

Lumapit sa kanila ang isa sa mga tauhan ng riding club. “Excuse me. Sir Reiven, may bisita po kayo.”

Kasunod nito ang isang babae na nakasuot ng white dress, nakapusod ang buhok at may makapal na salamin. Naningkit ang mata niya nang makilala kung sino ang mukhang mahinhing di makabasag-pinggan na babae.

It was Keziah Español. Kaklase ito ni Reiven sa Tokyo University at stepfather nito ang may-ari ng malaking pharmaceutical company sa Venezuela.

“Good morning!” mahinang bati ni Keziah.

“Akala ko na nasa Venezuela ka pa. May problema ba?”

Kagagaling lang din ni Reiven sa pharmaceutical company nila Keziah kung saan nag-training ito sa epidemiological department. Pinagbigyan lang nito ang kahilingan ni Keziah na mag-training ito kahit ang gusto naman talaga ni Reiven ay sa mga research laboratory ng World Health Organization at Center of Disease Control subukan na magtrabaho. Pangarap kasi nito na maging virus hunter.

“Susunduin sana kita. May bagong virus na pinag-aaralan ang research department. Ilan na ang napatay ng virus na ito. We need your help.”

Kumapit agad siya sa braso ni Reiven. Wala siyang balak na pakawalan ito. Kahit pa sabihin ni Reiven na colleague lang nito si Keziah ay wala siyang tiwala sa babae. Gusto nI Keziah si Reiven.

“Kailangan bang sunduin mo pa si Reiven?” tanong niya. “Pwede namang tawagan mo na lang o kaya I-email.”

“I want to make sure that he can’t say no,” mariing sagot ni Keziah. Naglaban ang mga tingin nila. Nagdeklara ito ng giyera.

“So it means that we have to leave as soon as possible?” tanong ni Reiven.

“Aalis ka? Paano ang match natin?” tanong ni Reid.

Tinanggal ni Reiven ang helmet. “I forfeit. Mas kailangan na naming makabalik sa Venezuela. Nasa Manila ba ang Learjet ni Kuya Beiron? Baka pwede kaming magpahatid sa Caracas.”

Sa isang iglap ay nagbago ang lahat. Kanina lang ay handa na itong ipaglaban ang Forest Trail. Basta-basta na lang nitong isusuko?

“Kagagaling mo pa lang doon,” paalala niya.

“I know,” wika ni Reiven. “Pero gusto ko pa ring makatulong.” Bumaling ito kay Keziah. “What type of virus is it? Gaano na kalala ang sitwasyon?”

“Reiven, wait!” tawag ni Reid dito pero naglakad na palabas ng arena si Reiven. Nakatuon na ang atensiyon nito sa pakikinig sa sitwasyong maaabutan nito kapag dumating ng Venezuela.

“Sa akin na agad ang Forest Trail? This is boring,” usal ni Reid.

Magkakalayo na naman sila ni Reiven. Sasama na naman ito kay Keziah. Bakit ba may pakiramdam siya na di na ito babalik pa sa kanya tuwing umaalis ito kasama si Keziah? Or maybe she could never have him at all.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.