Chapter Reiven Alleje: Chapter 3

Nakapikit si Sofiajade habang pinakikiramdaman ang malamig na simoy ng hangin. Mataas na ang sikat ng araw kaya bahagyang sumakit ang ulo niya. At isa pang nagpapasakit ng ulo niya ay ang presensiya ni Keziah sa lupain ng mga Alleje. Aalis naman ito agad pero tangay naman nito si Reiven.

Naramdaman niyang umupo sa tabi niya. Parang may mainit na hanging humalo sa malamig na simoy ng hangin. Di iyon kaiga-igaya sa pakiramdam. Di na niya kailangan pang dumilat para malaman kung sino iyon. Si Keziah.

“You must be disappointed, Sofiajade. Aalis agad si Reiven. Dumayo ka pa yata ng bakasyon dito para lang makasama siya,” komento nito.

Gumuhit ang sarkastikong ngiti sa labi niya at nanatiling nakapikit. “I’m here for the product presentation. Nagkataon lang na nandito rin si Reiven. Hindi naman ako katulad mo na kailangan pang gawing dahilan ang sakit at kamiserablehan ng ibang tao para makalapit kay Reiven.”

“I am just here as a friend and a colleague.”

Dumilat siya at nilingon ito. “Oh, really? Come on! Dalawa na lang tayo dito. Hindi naman naririnig ni Reiven ang pagpapanggap mong kaibigan niya. Babae rin ako. I know that you like him. And you are doing everything to get near him.”

Walang bukambibig si Keziah na kaibigan ito ni Reiven. Na parang pag-aari nito si Reiven at walang ibang babaeng pwedeng lumapit sa binata. Kahit nga siya ay muntik na nitong bakuran kay Reiven. Na nakaka-distract daw siya sa pag-aaral ni Reiven at ayaw ni Reiven na nakikita siya. Nagulat pa ito nang si Reiven mismo ang lumapit sa kanya para magsabay na daw silang umuwi. Noon na niya nalaman na isang karibal din ang trato sa kanya ni Keziah.

“Magkasama kami ni Reiven sa trabaho. It’s a pity. Kung ganyan ang ugali mo, hindi siya tatagal na kasama ka. Hindi mo naiintindihan ang trabaho niya.”

“I understand his job perfectly well. Miss Español, bata pa lang ako tinuruan na ako ng mga magulang ko na ihiwalay ang personal kong buhay sa trabaho. Kaya nga hindi ko ma-tolerate ang mga babaeng tulad mo na may ulterior motive sa kanya at ginagamit na front ang trabahong mahal na mahal niya.”

“So what is your point?”

“Aminin mo kay Reiven na in love ka rin sa kanya. Then let’s have a fair fight. Do you agree?” tanong niya.

Ayaw niya sa lahat ang mga taong nagkukunwari para manlamang. Kung masasabi nito kay Reiven ang totoo, kahit pa isama nito si Reiven kung saang lupalop ng mundo ay payag siya. Mas alam kasi ni Reiven ang gagawin kung sakali mang akitin ito ni Keziah. Makakapag-ingat ito. DI tulad ngayon. Kung bakit kasi may pagka-clueless si Reiven sa mga kilos at nararamdaman ng mga babae.

Tumayo ito. “I don’t have time for your childish games. Huwag mo sanang pag-isipan ng masama kung palagi kaming magkasama ni Reiven.”

“Huwag mo na lang akong kausapin kung magsisinungaling ka lang.”

Lumapit ang isa sa mga kawaksi sa kanila. “Ma’am, ipinapatawag po kayo ni Sir Reiven sa kuwarto niya.”

“Ako ba?” excited na tanong ni Keziah.

“Ay, hindi po. Si Miss Sofiajade po.”

Muntik na siyang bumulanghit ng tawa nang makita ang disappointment sa mukha ni Keziah. Di naman ito madidismaya kung di ito umaasa na kakausapin ito ni Reiven. “Excuse me!”

Naabutan niya si Reiven na nakatayo sa may bintana ng kuwarto nito. Nakabukas ang luggage bag nitong wala pang laman na kahit ano at nakakalat pa sa kama ang mga damit nitong nakasuot pa sa hanger.

“Bakit mo ako ipinatawag? Kailangan mo ng katulong na mag-empake?” aniya at tinanggal ang polo nito sa hanger. “Sinasanay mo ako sa wifely duties ko, no?”

Hinablot ang polong hawak niya at ihinagis sa kama saka hinila siya papunta sa bintana. “Tingnan mo ang Forest Trail mula dito. Maganda, di ba?”

Marahan siyang tumango. Mula sa kulumpon ng puno ay nagliparan ang mga ibon. Napasinghap siya. Maganda na kasi ang Forest Trail kapag naroon siya pero maganda rin pala iyon kapag tinanaw mula sa malayo.

“Maganda nga.Pero mag-eempake na ako. Nagmamadali kang umalis, di ba?”

“Sino ang may sabing mag-eempake ka ng gamit ko? Gusto ko lang panoorin ang Forest Trail kasama ka.” Lumungkot ang mga mata nito. “Kapag bumalik ako, hindi ko na alam kung ano ang itsura ng Forest Trail.”

“Hindi mo ba natanong sa kuya mo kung ano ang plano niya oras na mapunta sa kanya ang Forest Trail?”

Umiling ito. “No. I just intend to protect it. Ayokong magpapatapak ng ibang tao doon ng walang permiso ko. Sabi sa akin ng lolo ko, pwedeng baguhin ang ibang parte ng lupain namin huwag lang ang Forest Trail.”

“Alam din siguro ng kapatid mo ang tungkol doon. At hindi niya kalilimutan ang bilin ng lolo mo.”

“Sa palagay mo ba mali na nagpatalo na lang ako kaysa ipaglaban ko ang isang bagay na importante sa akin?”

“Its not a lost cause. Aalis ka para may ibang tao na tulungan.”

“Sa palagay mo ba matitiis mong magka-boyfriend ng tulad ko? Paano kung bigla kitang iwan dahil mas kailangan ako ng ibang tao?”

Iwinasiwas niya ang kamay. “Sanay na ako diyan. Sa mga anime na napapanood ko, lagi na lang ipinagpapalit ng mga hero ang heroine sa misyon nila. Saka mukhang kailangan ko ring tiisin na may kontrabida sa pag-iibigan natin.” At sumimangot siya nang maisip si Keziah.

“Sinong kontrabida? Si Kuya Reid?”

Maasim siyang ngumiti. “Ikaw at ang pagiging pakipot mo. Kailan mo ba ako sasagutin, ha? Kailan mo sasabihing mahal mo ako?”

“Anong mahal? Mag-empake ka na nga. Nagha-hallucinate ka na naman.”

Inismiran niya ito at binalikan ang mga damit nito. “Bakit ba nagtitiis ako sa iyo? Kung ayaw mo talaga sa akin, bastedin mo na lang ako. Hindi iyong susungitan mo ako pero inaalila mo naman ako. Kung hindi lang kita mahal…”

Natigil siya sa pagdaldal nang kintalan siya nito ng halik sa pisngi. “Hindi na ako masyadong masungit, ha?”

Lumuwag ang pagkakawak niya sa polo nito na nasa hanger pa. Hinalikan siya nito? Sandali lang iyon pero nakamarka pa rin sa balat niya. Reiven’s mark. Sa wakas ay nagka-first kiss din siya at si Reiven pa.

Niyugyog nito ang balikat niya. “Hoy! Ano nang nangyari sa iyo?”

Napahawak siya sa sentido. “Teka lang. Parang lalagnatin yata ako.”

“Anong palagay mo sa halik ko? Virus tulad ng sa iyo?” asik nito.

Napaupo siya sa kama. Noon lang niya naramdaman na nanlalambot ang tuhod niya. Iba pala kapag siya ang humalik kay Reiven at iba kapag ito ang humalik sa kanya. Nanunuot sa laman niya. “Siguro nga virus iyon. Doc, di ba kapag virus the same virus din ang gagamitin sa vaccine? Kailangan ko ulit ng virus.”

“Hindi na mauulit iyon.” Kinuha nito ang damit nito at padarag na tinanggal sa hanger. “Bilisan mo diyan!”

“Tandaan mo! Wala nang ibang magtitiis na babae sa iyo kundi ako. Sungit!”

Napangiti siya nang pailalim siya nitong sinulyapan. Nagulat lang siya sa halik nito kaya iyon ang reaksiyon niya. Sa susunod naman kasi na halikan siya nito, sana ay tagal-tagalan na nito para maging mas masaya siya.

Kailangan lang niyang hintayin ang araw na iyon.

Isinulat ni Reiven ang findings niya sa bagong strain ng enderovirus. Isa iyong virus na ang tinitira ay respiratory system at nervous system. Nasa research laboratory siya ng Manato Laboratories na pag-aari ng stepfather ni Keziah.

Isang bayan sa Venezuela na naging biktima ng virus na iyon ay di nakaranas ng doctor. Mga herbal plants ang ginagamit ng mga ito. Sa kasamaang palad ay lalong lumala ang virus dahil sa local plant na iyon. It became deadlier.

“Any good news?” tanong ni Keziah.

Umiling siya. “More bad news.”

Sumilip ito sa microscope. “This looks nasty.”

“Iyan ang resulta kapag ginamit ang remedy na ibinibigay ng mga local healer nila. Sa halip na makatulong sa mga may sakit, lalo pa silang pinapatay.”

“Malulungkot tiyak si Papa Vergel kapag nalaman ito. Doon ipinanganak ang first wife niya kaya. May simpatya siya sa mga tao doon.”

“So we have to find an inoculation that works. Dapat ding sabihan ang local authorities na tigilan na ang paggamit ng halaman na iyan. Sa una, akala nila pinipigilan ng gamo nag sakit dahil nawawala ang mga sintomas. It just aggravates the virus itself. Next thing you know, you are dead.”

Mahigit dalawang buwan na siya sa Venezuela. Ito na ang pangalawang kaso na nahawakan niya. Hindi kasi niya basta basta matanggihan ang pamilya ni Keziah. Isa ring challenge sa kanya na harapin ang virus at epidemya sa bansang iyon.

“Natural lang na mahirap makahanap ng gamot. Tingnan mo ang ebola virus at ang AIDS. Ilang taon nang nag-aaral ang mga scientist pero wala pa ring lunas.”

“And it so damn frustrating. Ayokong abutin ng taon sa project na ito. I just want to get over it. Gusto kong bumalik sa Japan.”

“Akala ko ba gusto mo sa CDC sa States mag-base? O kaya WHO?”

Kahit naman sinong baguhang virologist na tulad niya ay pangarap na makapasok sa prestihiyosong organisasyon tulad ng Center for Disease Control at World Health Organization. “May opisina ang WHO sa Pilipinas at Japan. CDC has one in Tokyo. Pero di naman iyon ang iniisip ko. I just want to go to Tokyo. Pwede rin siguro na tulungan ko si Tamaki-sensei sa research niya.” Si Professor Tamaki ang head ng Department of Virology sa Tokyo University at paborito siyang estudyante nito.

“Why not here? Marami ring opportunity dito,” suhestiyon ni Keziah.

Tinanggal niya ang gloves. “I want to see Sofiajade. It is almost spring. It’s the season of cherry blossoms. Matutuwa din iyon kapag kasama ko siyang nag-cherry blossom watching.”

“Ipagpapalit mo ang trabaho sa cherry blossom watching?”

“Well, it’s our favorite time in Japan. Saka walang mag-aalaga kay Sofiajade. May allergy kasi siya sa pollen. Kapag spring nagkakasakit siya.”

Bawal kay Sofiajade na ma-expose sa pollen. Pero dahil gustong-gusto nito mga pink na cherry trees kapag sakura season ay di rin niya ito mapigilan na pumunta sa park para lang titigan ang mga cherry trees.

“I didn’t know that you care so much about her.”

“Matagal na tayong magkasama, akala ko alam mo na.”

“Madalas mo kasi siyang sinusungitan.”

“That’s really me. Masungit. Pero wala naman siyang pakialam sa kasungitan ko. Siya lang yata ang hindi basta-basta natatakot sa akin kapag masungit ako. Once I am annoyed, she will tease me more. I can’t get rid of her so I might as well get used to the idea that she’s around. She’s irritating sometimes. Pero mas gusto ko siyang kasama kasi nakakawala ng stress.”

“You hate her childish pranks.”

“That makes her unforgettable. Ikaw ba hindi ka napapagod na masyado tayong seryoso sa trabaho natin. Hindi ka ba matutuwa na may kasama kang magpapangiti sa iyo? Inside this laboratory, I feel like I’m seventy years old. With Sofiajade around, parang teenager lang ako,” aniya at lumabas siya ng laboratory.

Ngayon na lang niya na-realize ang kahalagahan nito sa kanya. Madalas kasi ay nauunahan siya ng inis kapag nakabuntot ito sa kanya. Panggulo lang kasi ito sa buhay niya noong una. Pero ngayon ay hinahanap-hanap niya ito. Kaya naman araw-araw niyang inaabangan ang email nito.

Ginawa na nitong diary ang email niya. Surprisingly, he was reading every word that she wrote. Bigla tuloy niyang na-miss ang araw-araw na buhay kasama ito. Mas boring ang buhay kapag wala ito.

“You still like her even if she hates me?” nagtatampong tanong ni Keziah nang sumunod sa kanya.

“You are older than her. Huwag mong sabihing pinapatulan mo siya? I thought you are more matured than that.”

Maang itong napatingin sa kanya. “Kinakampihan mo siya? At ako pa ang immature sa aming dalawa ngayon.”

“You are not acting your age. It doesn’t suit you.”

Nakakasundo niya ito sa trabaho dahil may tiwala siya sa personal judgment nito. Di rin ito nagpapadala sa emosyon nito. Ngayon lang niya nakita ang side nito na parang bata. Walang kinalaman ang propesyunal nilang relasyon sa babaeng magugustuhan niya. Di naman nakikialam si Sofiajade sa trabaho niya.

“At ano ang dapat kong gawin? Hayaan kang ma-in love sa kanya? She’s a brat! At nakita mo ba kung paano niya akong supladahan? Makakasundo mo ba ang babae na di makasundo ang kaibigan mo?”

Nagkibit-balikat siya. “Hindi ako nakikisali sa away ng mga babae.”

“Hindi mo man lang ako ipagtatanggol sa kanya?”

Pinagmasdan niya ito. Dapat ba talaga na masali siya sa gulong iyon. “Walang isyu dito kung di mo naman papansinin ang pagseselos niya sa iyo. I don’t know why you are making a big deal out of this. Wala itong kinalaman sa trabaho natin.”

Bumuntong-hininga ito na parang sumuko na lang sa isang laban. “You are right. This is going nowhere. Kung siya ang gusto mo, wala naman siguro akong magagawa, hindi ba?” malungkot nitong usal. “I just wish you’d stay longer.”

Maganda naman ang trabaho niya doon. Pero iba ang plano niya. He just wanted to be with Sofiajade as soon as possible.

Paliko sila ng hallway nang dumaan ang isang grupo ng mga Japanese kausap ang head scientist ng research laboratory.

“Parang kilala ko siya,” usal niya nang makita ang isa sa mga Hapon na siyang nasa unahan ng grupo. “Hindi ba isa siya sa kumandidato sa Parliament ng Japan na natalo? Anong ginagawa niya dito?”

Hinila siya Keziah sa ibang direksiyon. “Hindi. Hindi siya iyon.”

“Mga investors ba sila?” tanong niya. “Or client?”

“Stop being so nosy!” asik ni Keziah sa kanya.

Puno ng pagtatanong sa mga mata niya nang pagmasdan ito. “What’s wrong?”

Iniwas nito ang tingin sa kanya. “W-Wala. Gutom lang siguro ako. Saan mo gustong mag-lunch?”

Hindi niya intensiyong mag-usisa kanina. Napaka-simple lang naman ng tanong niya. Pero dahil sa reaksiyon ni Keziah, di niya maiwasang maghinala. There was definitely something fishy. Anong itinatago nito? May lihim ba ang laboratory na iyon na di na niya dapat pang malaman?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.