Pinanlakihan niya ng mata si Hiro. Madalas kasi nitong biruin si Reiven na aagawin siya lalo na noong bago-bago pa lang silang magkakilala ni Reiven. Kahit pa biro, di iyon nakakatuwa. Baka isipin ni Reiven na may namamagitan sa kanila ni Hiro. Masira pa ang diskarte niya.
Biglang isinara ni Reiven ang libro. “B-Bakit?” Bakas ang pagtataka at iritasyon sa mga mata nito.
Ngumisi si Hiro. “Hindi mo naman yata siya naasikaso dito. Saka hindi rin siya makapag-concentrate sa mga projects niya dahil sa pag-aalaga sa iyo.”
Hinampas niya sa braso si Hiro. “Don’t mind him. Gusto lang niyang mang-inis.” Pinanlakihan niya ng mata si Hiro bilang babala.
“Baka nga naman napapabayaan mo na ang obligasyon mo sa Hinata Industries at sa pag-aaral mo,” sabi ni Reiven.
“Naniwala ka naman diyan. Basta kumain ka lang. May bagong menu sa Ichiraku. You should try it. Siyempre di mawawala ang steamed vegetables na paborito mo,” sabi niya at inilapit ang lunch box dito.
Handa pa rin siyang pagsilbihan si Reiven kahit anong mangyari. Kahit siguro totoo ang biro ni Hiro na ibabalik siya nito sa Pilipinas ay di siya sasama. Mas kailangan ni Reiven ang suporta niya ngayon.
“Everyone’s freaking over that virus. Sa aiport nga todo-todo ang inspection bago ako nakaalis. May mga member pa rin daw ng Eternal Light na nagkalat sa mundo. May nakuha na ba kayong gamot sa virus?” tanong ni Hiro at pasimple na ring kumain sa sarili nitong lunch set.
“The inoculation we produced isn’t good enough.” Tumigas ang anyo ni Reiven. “Kaya nga di kami tumitigil hangga’t di nagagawan ng solusyon. Marami pang taong pwedeng mapahamak at marami pang kailangang sagipin.”
“At hindi mo rin kailangang pabayaan ang sarili mo. Kumain ka muna,” sabi niya at inilapit ang pagkain nito dito.
“Mamaya na lang. Tatapusin ko pa ito,” sabi ni Reiven. Muli ay nakakulong na naman ito sa sarili nitong mundo. Parang wala na naman itong pakialam sa kung anong nangyayari sa paligid nito maging sa masarap na pagkain sa harapan nito.
“Busog ka pa siguro sa dinala kong breakfast sa iyo kanina.” Di siya pumapalya sa pagdadala ng pagkain dito dahil ayaw niya itong magutom. Parang practice na rin niya iyon kapag kasal na sila.
“Breakfast?” tanong ni Reiven. “Anong breakfast?”
Natigagal sila. “Hindi ba dinalhan kita kaninang umaga? Sabi mo kasi di ka pa nag-aagahan. Sabi ko nga kainin mo bago mo simulan ang trabaho mo.”
Ipinagluto pa niya ito para lang tiyakin na makakakain ito. Natuto siyang bumangon nang maaga kahit na tinatamad siya at lalong nasanay din siyang magluto. Iyon na lang kasi ang maitutulong niya kay Reiven.
Tumingala ito at parang nag-iisip. “Iyon siguro ang nasa desk ko kanina.”
“Nasa desk mo lang? Hindi ka nag-breakfast?” pagalit niyang bulalas. NI hindi nga yata nito nakita ang iniluto niya.
“Sofiajade, alam mo kung gaano kami ka-busy. We are running against time. Marami akong tao na kailangang tulungan,” giit nito.
“Pero di mo rin dapat binabalewala ang pinaghirapan ko dahil para din iyon sa iyo,” katwiran niya. Nakakasakit na ito ng damdamin. Okay lang kung siya ang balewalain nito. Pero sarili na nitong kalusugan ang kinakalimutan nito.
“I don’t have time to argue with you,” he said in a cold voice. “Kailangan ko nang bumalik sa laboratory.”
“Hindi ka ba kakain muna ng lunch?” tanong ni Hiro.
“Dadalhin ko na lang. Kakainin ko rin maya maya, “ sabi ni Reiven at dinampot ang box ng lunch set nito.
Inilayo niya ang kahon dito. “Huwag na. Kung di mo rin lang naman kakainin ngayon, kami na lang ang kakain. Kaya umupo ka diyan. Di ka aalis dito hangga’t di mo pa nakakain iyan. Baka mamaya bulukin mo lang.”
Dumilim ang mukha niya. “Sofiajade, stop acting like a sissy.”
“And now I am the sissy. Sino ba sa atin ang matigas ang ulo? Look at yourself! Hindi ka nga nakakakain, mukhang di ka na rin nagsusuklay. Saka nakita mo na ba ang sarili mo sa salamin? Nanlalalim na ang mga mata mo. Natutulog ka pa? When was the last time that you had a decent sleep?”
Bakas ang matinding pagod sa mukha nito. Namumungay na rin ang mga mata nito. Halatang nilalabanan lang nito ang antok. Hindi ito maaring magpatuloy. Parang pinapatay na rin nito ang sarili nito.
“Matutulog din ako oras na matapos namin ang research,” wika ni Reiven.
So he was not sleeping at all. “Nagpapakamatay ka ba?”
“Sofiajade, you must understand. Hindi ako matatahimik hangga’t di ko natutulungan ang mga taong iyon. They need me,” katwiran ni Reiven. “And besides, I can take care of myself. Wala ka bang klase? Huwag mo na akong masyadong intindihin. Tapusin mo na ang lunch mo. I am leaving.”
Humarang siya sa dadaanan nito. “Reiven, umuwi ka na muna. Magpahinga ka. Kumain ka nang maayos kahit isang araw lang. For just a day, forget about your research. Hindi ka naman nila binabawalang magpahinga.”
“Wala akong karapatan na magpahinga,” anito sa maigting na boses. Parang katumbas na ng buhay nito ang research project na iyon at di nito maiwan. “Kailangan nila ako dito. Please understand.”
Umiling siya. “Hindi kita maintindihan.”
Marami na itong hinarap na ibang virus. Nakamamatay din pero ngayon lang naman yata ito parang masisirain ng bait hangga’t di nakakahanap ng solusyon. SHe knew that it was a big project. Malaking bagay iyon sa career nito. But there was urgency in his voice. Na parang ikamamatay nito iwan lang saglit ang research.
“I need to find the cure,” mariin nitong wika.
“You will. Pero kailangan mo munang ayusin ang sarili mo. Hindi mo sila matutulungan hangga’t ganyan ang kondisyon mo,” kampi ni Hiro sa kanya. “Makinig ka na kay Sofiajade. Mas lalo lang siyang mag-aalala sa iyo.”
“Babalik ako sa apartment ko kapag tapos na ito,” anang si Reiven na walang balak na magpatianod sa kanila.
Mahigpit niya itong pinigilan sa braso. “No! Do it now!”
Nilagpasan siya ng tingin ni Reieven. “Hiro, do me a favor. Ibalik mo na siya sa klase niya. May importante pa akong aasikasuhin.” Binaklas nito ang kamay niyang nakahawak sa braso nito at tumalikod.
Nakuyom niya ang palad. Naranasan na niyang balewalain dati. Nasanay na rin niyang ikonsidera nito na walang kwenta ang mga iniisip niya. Pero iyon ang unang pagkakataon na bumangon ang galit sa dibdib niya. Binalewala niya ang pag-aalala niya dito at di niya iyon mapapatawad. Ayaw siya nitong pakinggan. Well, he’d make her listen one way or another.
“Reiven!” tawag niya dito.
Nilingon siya nito. “What?” iritado nitong tanong.
Umigkas ang nakakuyom niyang kamao at tumama sa panga nito. “Listen! Hindi ako papayag na…” Bumagsak na lang si Reiven sa lupa. Pikit na pikit ang mata nito at di na dumilat pa. Mukhang di na rin ito babangon.
“Sofiajade, anong ginawa mo?” bulalas ni Hiro.
Tinapik niya ang pisngi ni Reiven. “Reiven! Reiven, gumising ka!”
“Sofiajade, napatay mo yata siya!”
“DOMO arigatou, Toma-sensei,” pasasalamat ni Sofiajade sa doctor na tumingin kay Reiven nang ihatid ito sa pinto ng apartment.
Nakasandal si Hiro sa tabi ng pinto ng kuwarto ni Reiven. Mahimbing na natutulog si Reiven sa kama. Mula nang suntukin niya ito at nawalan ng malay ay di pa rin ito nagigising. “No wonder di mo pa rin boyfriend si Reiven hanggang ngayon. Nakakatakot kang maging girlfriend. At first I thought you are a sweet girl. Nanununtok ka pala kapag nagalit.”
Inambaan niya itong suntok. “Sabi mo patay na siya.”
Mahina itong tumawa. “Sa sobrang pagod kasi niya bigla na lang siyang tumumba. Poor guy. May pasa na siya sa panga, may bukol pa siya.”
Bukod doon ay wala nang iba pang damage sabi ng doctor. Maliban sa tiyak na kinabukasan na magigising si Reiven sa sobrang pagod. Nangangailangan na raw kasi ng pahinga ang katawan nito.
“Mabuti na rin ang nangyari.” Inayos niya ang kumot ni Reiven. “Mahinang-mahina na siya kanina. Di halos kumakain at walang tulog. Kaya nga kahit di naman kalakasan ang suntok ko, tumumba agad siya.”
“Ganyan ba siya ka-dedicated sa trabaho niya na halos magpapakamatay na siya sa pagod at gutom?” tanong nito.
“Hindi ko rin siya maintindihan hanggang ngayon. Siya ang laging nagpapaalala sa akin na dapat kong alagaan ang sarili ko. Pero ngayon parang sarili naman niya ang pinarurusahan niya.”
Pareho silang natahimik kalaunan dahil wala rin silang masagot sa mga tanong nila. Sa ngayon ay mababawasan ang alalahanin nila kung makakapag-pahinga si Reiven. Siguro naman ay natuto na ito ng leksiyon.
Pumunit sa katahimikan ang malakas na sigaw ni Reiven. “Awaremi!” pagmamakaawa nito. “Iie! Iie! Dete iku! Watashi no sei ja nai!” may itinataboy ito at sinasabi nitong di ito ang may kasalanan.
Pabiling-biling ang ulo nito sa higaan. Tinapik niya ang pisngi nito. “Reiven! Reiven, wake up!”
Dumilat ito at hinawakan siya sa bilikat. “Ketten no ja nai!” bakas ang takot sa mata nito nang dumilat. “Nasaan sila? Nasaan?”
“Sinong sila?” tanong niya.
Nagpalinga-linga ito. “Nandito ang mga namatay sa subway attack. Lahat sila nandito at sinisisi ako.”
“Pare, nananaginip ka lang,” sabi ni Hiro at binigyan ito ng tubig. “Uminom ka muna. Tinakot mo kami doon. Akala namin kung ano.”
Uminom ito ng tubig pero bakas pa rin sa mata ang takot. Basang-basa rin ito ng pawis dahil sa panaginip. “Sinisisi daw nila ako. Kailangan kong makahanap ng gamot para mapatawad nila ako.”
Nagkatinginan sila ni Hiro. Mas malala pa yata ang nangyayari kay Reiven ngayon. “Panaginip mo lang iyon,” sabi niya. “Hindi iyon totoo. Wala ka namang kasalanan sa nangyari, di ba?”
“Saka ginagawa mo rin ang lahat para makahanap ng gamot,” wika ni Hiro.
Bumangon si Reiven. “No! Babalik ako sa laboratory. Di ako dapat umalis.”
Mangiyak-ngiyak niya itong niyakap. “Hindi! Dito ka lang. Magpahinga ka pa. Kailangan mong matulog. Hindi ka aalis.”
Dinudurog ang puso niya sa pinagdadaanan ni Reiven. He was a man with a strong personality. Pero mula nang mangyari ang trahedya, unti-unti na ring itong nag-iiba. Parang di na ito ang Reiven na kilala niya. Nararamdaman na rin niya na sa pagdaan ng araw ay nawawala ito sa kanya.
“Pare, masamang panaginip mo lang iyon,” sabi ni Hiro. “Kailangan mo lang magpahinga. Baka mag-aalala pa si Sofiajade sa iyo.”
“Sofiajade?” animo’y natauhan si Reiven at tinitigan siya. Nawala ang takot sa mga mata nito at gumuhit ang ngiti sa labi nito. “Dito ka lang sa tabi ko?”
Tumango siya. “Dito lang ako. Gusto mo ba marinig ang Mozart CD mo para makatulog ka ng mahimbing?” Iyon ang pampatulog ni Reiven.
“You don’t like Mozart,” paalala nito. “You hate classical music.”
“Huwag mo na akong intindihin, ha? Magpahinga ka lang.” Kahit na dumugo pa ang tainga niya sa classical music basta matiyak lang niya na makakatulog nang mahimbing si Reiven at di na ito dadalawin pa ng masamang panaginip.
Isinalang niya ang CD ni Mozart sa player nito. Pati ang iba pang classical artist tulad nina Chopin at Beethoven ay ini-line up na niya. Nang pumailanlang ang oboe concerto ni Mozart ay unti-unting pumikit ang mata nito. Hindi siya umalis dito. Gusto niyang nasa tabi lang siya nito kung sakaling bumalik ang bangungot nito. Maya maya pa ay naging normal na ang paghinga nito at panatag na nakatulog. Wala na ang panaginip dahil sa masayang musika.
Alas onse na ng gabi nang dalhan siya ng cherry blossom tea ni Hiro. Di rin siya nito iniwan sa pagbabantay kay Reiven.
“Nasa may subway ba kayo nang mangyari ang attack?” tanong nito.
“Galing kami sa Akihabara. Pasakay sana kami ng subway pauwi pero di na nagpapalapit ang mga pulis sa area. The rest of the scene, napanood na lang namin sa TV. Kaya nga nagtataka ako. Bakit parang na-trauma siya? Anong kasalanan niya sa mga iyon? Wala rin naman siyang kilala sa mga nadisgrasya sa tren.”
“Pressure siguro sa trabaho niya. Virologists run against time. Sa kanila nakasalalay ang ikagagaling ng biktima ng mga virus. Gusto niyang sumagip ng maraming buhay. At pakiramdam niya, siya ang may kasalanan kung may iba pang mga mamamatay o mabibiktima ng virus na iyon.”
“Sana nga panaginip lang ni Reiven ang lahat. Sana nga paggising niya bukas, babalik na siya sa dati.”