Chapter Reiven Alleje: Chapter 7

MAYA’T mayang sinusulyapan ni Sofiajade si Reiven. Tinatantiya niya ang mood nito habang nag-aagahan. Umagang-umaga ang ginagasgas na nito ang Princess China Orchestra CD nito. Gusto yata siyang gantihan sa panununtok niya.

Nakatulog siya sa pagbabantay sa tabi ng kama nito. Umuwi na kasi si Hiro dahil ipinatawag ito ng Papa nito sa Hokkaido. Nang magising siya ay nakahiga na siya sa kama at dumudugo na rin ang tainga niya sa mga paborito nitong classical music CD. Nakaluto na rin ng agahan si Reiven. Mukhang bumalik na ito sa normal.

“Bakit ganyan ka makatingin?” tanong nito at bahagya siyang sinulyapan sa pagitan ng pag-inom ng tsaa at ng research paper na dumating dito mula sa Center for Disease Control na may base sa Tokyo.

Ngumisi siya. “M-Masakit pa iyan?”

“Alin? Iyong pasa sa panga ko o ang bukol ko?”

“Pareho.”

Hinaplos nito ang panga. “Nagi-guilty ka ba kaya tinatanong mo? Magso-sorry ka ba sa akin?”

“Sino naman may sabing magso-sorry ako sa iyo? Ikaw ang dapat na nagso-sorry sa akin. Inaalagaan at inaalala kita pero di mo naman iniintindi. Magpasalamat ka sa akin dahil pinatulog kita. Kung hindi, baka hanggang ngayon nangangalumata ka pa rin sa laboratory.”

“So you won’t apologize. Okay lang na nasaktan mo ako?”

Huminga siya nang malalim at hinaplos ang pasa nito. “Ikaw kasi! Ang tigas ng ulo mo. Makikinig ka sa akin kung ayaw mong masaktan. Dahil sa susunod na di ka kumain o natulog, patutulugin ulit kita.”

“Ganyan ka pala kasarap magmahal,” sarkastikong sabi nito. “Alam mo ba na kahit mga kapatid ko, di pa ako nasusuntok kahit minsan. Kahit si Papa. Ikaw lang ang nakagawa niyan sa akin!”

Tinaasan niya ito ng kilay. “May angal? Maiintindihan ko kung wala kang oras sa akin, Reiven. Pero magagalit ako kapag di mo inalagaan ang sarili mo.”

Lumamlam ang mga mata nito na parang may kahalong lungkot. “Hindi mo naman ako kailangang alagaan.”

“Bakit? Ipagmamalaki mo na naman sa akin na kaya mo ang sarili mo? Isang suntok ko nga lang sa iyo, tumutumba ka na. Anong ipinagmamalaki mo?”

“No.” Malungkot itong ngumiti. “I am not sure if I deserve that love.”

Kumunot ang noo niya at pinakatitigan itong mabuti. “Reverse psychology ba iyan na hindi ko deserve ang tulad mo?”

Sa pagbalik nito sa Tokyo, akala niya ay unti-unti na siya nitong natutunang mahalin. Pero mali pala siya. Baka mas naging mabait lang ito sa kanya pero di naman siya nito kayang mahalin. Akala ba nito ay ganoon kadali lang para dito na baklasin siya sa buhay nito?

Ginagap nito ang kamay niya. “Sofiajade, I have something to tell you. This is very important. At pagkatapos nito, magbabago ang lahat.”

May naramdaman siyang takot nang salubungin ang matiim nitong mata. Ano ba ang sasabihin nito? Kung ito man ang problema, kaya niyang tanggapin ito nang buong-buo. Pero bakit parang ayaw niyang marinig anumang sasabihin nito?

Nag-ring ang doorbell. Tumayo agad siya. “It’s okay. Ako na. Baka si Hiro ito. May package na ipinadala sa kanya si Mama para sa akin.”

Ayaw pa niyang marinig anumang sasabihin niyon. Kung sisirain lang naman niyon ang masasayang bagay sa buhay niya, baka maaring ipagpaliban muna. Hindi iyon ang tamang oras.

Subalit di si Hiro ang napagbuksan niya kundi si Keziah. “Si Reiven?” tanong nito at tuloy-tuloy na pumasok.

“Si Hiro ba iyan?” Nawala ang ngiti ni Reiven nang makita si Keziah. “What are you doing here?” tanong nito sa malamig na boses.

“Nasabi sa akin ni Tamaki-sensei na may sakit ka kaya pumunta agad ako dito.” Hinaplos nito ang pisngi ni Reiven. “Anong sabi ng doctor?”

Reiven flinched. “Stop asking about my welfare. I don’t need your concern. And please do me a favor. Huwag ka nang magpapakita sa akin.”

Napasinghap si Keziah. “Reiven… bakit?”

“Alam mo na dapat ang sagot diyan,” mariing wika ni Reiven.

Maang siyang napatingin kay Reiven. Mas malala pa ang nararanasan ni Keziah ngayon kompara sa kanya. “Reiven, teka. Dinadalaw ka lang naman ng kaibigan mo. Bakit mo naman siya itinataboy?”

Karibal man niya si Keziah pero di naman ito dapat na ipagtabuyan ni Reiven. Pareho lang naman silang babae. Kahit siguro siya ay sabihan ni Reiven na ayaw na nitong makita ay masasaktan din siya.

“Sofiajade, could you please leave us for a while?” mangiyak-ngiyak na pakiusap ni Keziah.

Mahigpit na hinawakan ni Reiven ang braso niya. “You are not leaving. Kung may aalis dito, hindi ikaw iyon.”

“Kailangan nating mag-usap.” Pinagsalikop ni Keziah ang palad. “Please, Reiven. Pakinggan mo lang ako kahit sandali.”

“What for? Get out! Hangga’t kaya pa kitang irespeto bilang isang tao. What you did to me was unforgivable, Keziah. Unforgivable.”

Lalong nagdilim ang mukha ni Reiven. Humigpit din ang pagkakahawak nito sa braso niya. Galit na galit ito subalit bakas din sa mukha nito ang matinding sakit. Mukhang napakabigat ng ginawang kasalanan ni Keziah dito na sumugat sa pagkatao nito.

Natutop ni Keziah ang bibig. “I am sorry, Reiven. Kung may magagawa lang ako para mapatawad mo ako at maibalik natin ang dati.”

“Imposible nang bumalik pa tayo sa dati, Keziah. Maliban na lang kung maibabalik mo pa ang lahat ng nasira mo.”

Bumagsak ang balikat ni Keziah at tumalikod. “I am sorry,” mahinang usal nito at halos kaladkarin ang paa palabas ng pinto.

“Reiven, why did you do that? Kaibigan mo siya!” May pinagsamahan naman ang mga ito. Di man niya alam kung ano ang dahilan ng pagkakasira ng mga ito, sana naman ay napag-usapan nang maayos ang lahat.

“She is not my friend,” wika ni Reiven sa malamig na boses at binalikan ang binabasang report. “Kalimutan mo na ang nangyari ngayon at kalimutan mo na si Keziah. Mas marami pang importanteng bagay kaysa sa kanya.”

“Ganyan ba talaga katigas ang puso mo?” tanong niya. “You are so cold.”

“Call it whatever you want. Finish your breakfast. Malapit na ang exam mo, di pa? Marami rin akong aasikasuhin sa laboratory. Sayang ang oras.”

“Paano na si Keziah? Baka naman pwedeng…”

Isinara nito ang report at tumayo. “What’s between me and Keziah is none of your concern. You shouldn’t bother yourself with it.”

“Paano kung gawin mo rin sa akin ang ginawa mo sa kanya?”

“You will never be like her. You are too pure and innocent to… forget it! Huwag mo na lang akong pakialaman.”

“Di pala kita dapat pakialamanan. Pwes, huwag tayong magpakialamanan. Hindi na kita maintindihan, Reiven. You are so cold.” Siya ang tumayo at naunang umalis sa apartment nito. Palabag niyang isinara ang pinto paglabas.

He was cold and distant. Natatakot siya sa Reiven na nakita niya kanina. Hindi niya ito kilala. Ito ang tao na pag-uusapan kapag may problema. Kung di lang din naman importante ang opinyon niya para dito, di na lang niya ito kakausapin. Tuturuan niya ito ng leksiyon!

HINDI makapaniwala si Sofiajade nang titigan ang digital calendar niya na may kasamang diary niya. Isang linggo. Isang linggong tumataginting na niyang di nakakausap si Reiven. Iyon na ang pinakamahabang panahon na di sila nag-usap.

Dati-rati kapag nagtatampo siya dito ay di siya nakakatiis. Wala pang isang oras ay sinusuyo na niya ito at siya ang nagso-sorry. Pero di sa pagkakataong ito. Magmamatigas siya. Di niya ito kakausapin. Masyado itong nawiwili.

Nagpumiglas ang puso niya sa dibdib niya nang makita sa security camera sa hagdan na naka-access sa computer na paakyat sa floor niya si Reiven. Sinasabi ng puso niya na dapat ay buksan na niya ang pinto, batiin ito na parang di sila nagkatampuhan. At magiging masaya ulit siya.

Humalukipkip siya at umirap. “Huh! Hindi kita kakausapin. Kung gusto mo ng kausap, ikaw ang mauna. Titikisin kita! Tuturuan kita ng leksiyon!”

Gusto pala nito ay wala na silang pakialamanan. Pwes, wala siyang pakialam dito. Di lingid sa kanya na di pa rin nito kasundo si Keziah. Ang mismong insider niya ay si Tamaki-sensei. Ito mismo ang nagkwento na di lang si Keziah ang kausapin-dili ni Reiven. Halos ang lahat ng tao ay di na ito nakikipag-kwentuhan o nakikipagtawanan man lang. Parang may sarili na itong mundo.

No man is an island. Di rin siya matitikis ni Reiven. Siya na lang ang nagtitiis na babae sa kasungitan nito. Kakausapin din siya nito.

Nagitla siya nang sa halip na katukin ang pinto niya ay tuloy-tuloy lang itong pumunta sa sarili nitong apartment. Nilagpasan lang nito ang pinto niya nang di man lang sinusulyapan o di man lang nagtatangkang kumatok.

Bigla siyang tumayo. Ni di niya pinansin ang pagbagsak ng swivel chair niya. “Aba! At talagang tinitikis mo ako, ha?”

Lumabas siya ng kuwarto niya at kinatok ang apartment nito. It was too much. Sobra na ang isang linggong paghihintay! “Reiven! Reiven!”

Binuksan nito ang pinto. “Nande?” tanong nito kung bakit sa pormal na boses.

Itinulak niya ito sa dibdib at pumasok sa apartment nito. “Ganito ba talaga ang gusto mo? Ni di mo ako tatanungin kung gutom ako o kung kumain ako? Kung may nagyaya ba sa akin ng date o ibinagsak ako ng prof ko?”

“I don’t think I have to ask you anything. Hindi ka gutom dahil alam kong di ka makakatiis na di kumain. Kung may magyaya man ng date sa iyo, alam kong di mo papansinin. And your professors like you so much.”

Napanganga siya. “Wala kang balak na kumustahin ako o kausapin?”

“Sabi ni Tamaki-sensei okay ka lang daw. Nabanggit niya sa akin.”

Humalukipkip siya. Kaya naman pala di siya nito kinukumusta dahil naikwento na ni Tamaki-sensei dito. “Dapat di na siya nagkwento sa iyo ng kahit ano! Dahil kung wala kang interes sa buhay ko, di rin ako interesado sa iyo. At hindi rin ako ang unang lalapit sa iyo para makipagbati.”

Prente itong umupo sa couch. “So what’s this conversation all about?”

“Gusto ko lang sabihin na di ako makikipag-ayos sa iyo! Asa ka! Akala mo ba makikipagbati ako sa iyo tulad ng dati? Na susuyu-suyuin kita? Hindi na! Ikaw ang may kasalanan kaya ikaw ang dapat na mag-sorry.” Dinuro niya ang dimple sa gilid ng labi nito. “Tandaan mo iyan, ha?” Inirapan niya ito saka tinalikuran.

“You have to endure it, Sofiajade.”

Marahas niya itong nilingon. “What?”

“You should get used to the idea of not having me around. Masanay ka nang wala ako sa buhay mo,” anito sa malungkot na boses. Kahit ang ngiti sa labi nito ay di umabot sa mga mata nito. Hindi ito ang Reiven na matigas at malamig. Di ito ang Reiven na nagtaboy sa kay Keziah na puno ng galit.

Parang dinukot ang puso niya sa dibdib niya. Hindi lang isang linggo ang panahong tinutukoy ni Reiven. Habambuhay na iyon. Napakahabang panahon. Na parang di na sila magkikita pang muli.

“Galit ka ba talaga sa akin dahil nakikialam ako sa buhay mo? Ayaw mo akong mahalin? Ayaw mo ring tanggapin ang pagmamahal ko? Ano?”

“Just give me up. Stop loving me.”

Dinakot niya ang harap ng polo nito. “Imposible ang hinihingi mo sa akin, Reiven. Alam mo iyan! Ano bang nangyayari sa iyo?”

“I don’t need your love. Anybody’s love. I don’t deserve it. At kung mahal mo talaga ako, mas padadaliin mo ang buhay ko kung di mo ako mamahalin.”

Ito ba talaga si Reiven? Mas matatanggap pa niya kung galit ito sa kanya o sasabihin nitong naiinis ito sa atensiyong ibinibigay niya. But he wasn’t. He was just a lonely man. Asking for the woman who loved him to stop loving him.

Pinili nitong ikulong ang sarili sa malungkot at madilim na mundo.

“Bakit ginagawa mo ito sa sarili mo, Reiven?” tanong niya kasabay ng pagpatak ng luha sa mata niya. Hinaplos niya ang pisngi nito subalit mabilis din nitong iniiwas ang mukha. He didn’t want her touch. Sabihin na lang nito na di siya nito kayang mahalin. Basta huwag lang nitong patigilin ang pagtibok ng puso niya. Hindi siya papayag na pagkaitan ito ng pagmamahal.

Hinawakan nito ang balikat niya at inilayo siya. “Hindi mo ako kilala.”

“Paanong di kita kilala? Matagal na tayong magkakilala. I know everything about you.”

Umiling ito. “Hindi mo ako kilala. Paano kung mamamatay-tao ako?”

“No. Hindi mo gagawin iyon. Kaya nga gusto mong maging virologist dahil gusto mong I-dedicate ang sarili mo sa pagsagip sa ibang tao.” Niyakap niya ito. “Hindi ako makakagulo sa trabaho mo. Di ko rin hihingin sa iyo na mahalin ako. Just don’t ask me to stop loving you. I can’t.”

Binaklas nito ang pagkakayakap nito sa kanya. “You have to forget about me. Kalimutan mong nagkakilala tayo. Treat me as a stranger.”

Umawang ang labi niya sa pagkagulat. “You are crazy! I can’t…”

Binuksan nito ang pinto ng apartment nito. “You must! Paglabas mo sa pinto na ito, isipin mong di mo ako kilala. Wala nang Reiven Alleje sa buhay mo. Burahin mo ang anumang bagay na naalala mo sa akin.”

“Reiven, please don’t!” Parang sinabi rin nito na kalimutan na niyang huminga. Didn’t he know that he was her life?

“Don’t talk to strangers, Sofiajade. Don’t.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.