“Forget it!” bulalas ni Reiven.
Ang kulit nito! Akala ba nito ay basta basta siya makikinig sa utos nito?
“Malakas ang memorya ko. Kahit ihampas mo pa ang ulo sa pader ko at mabura ang lahat ng impormasyon sa utak ko, hindi naman mabubura sa puso ko naman mahal kita. Unless you rip my heart out of my chest…”
Tumayo ito at mariin siyang hinalikan sa labi. It was just a simple kiss to shut her up. Tuluyan na nga siyang natahimik pero nagwawala naman ang puso niya. Tinatakot ba siya nito? Kung gusto siya nitong I-intimidate, dapat ay nananakot at mapwersa ang halik nito. Hindi takot ang nararamdaman niya kundi pag-ibig.
Gusto niyang sabihin dito na mali ito ng strategy pero di naestatwa siya nang maghiwalay ang labi nila at titigan lang siya nito sa mga mata nitong puno ng emosyon. Di ito galit sa kanya. He was actually smiling at her. A smile full of warmth. “Forget about forgetting me. I don’t think I could live with that.”
“Ha? Binabawi mo na lahat ng inutos mo sa akin?”
“Hindi yata ako makakatagal na tratuhin mo akong estranghero. Hindi ko rin kaya na di ka alagaan. Hindi rin ako makakatagal na di ka alalahanin. At lalong di ko yata makakaya kung tuluyan akong mabubura sa puso mo.”
Hinaplos niya ang pisngi nito. Baka mamaya ay hologram lang ito at hindi totoong Reiven. But he was real. Hindi ito imahe na nagmimistulang hangin kapag hinawakan niya. His skin was soft and warm. Kung ganoon ay totoo rin ang sinasabi nito. “Reiven, iyong problema mo…”
Hinawakan nito ang kamay niya at inilapat ang palad niya sa pisngi nito. “The urge to be with you is more powerful than my dilemma. You love me despite everything. Sa tingin ko kaya ko iyang tapatan.”
“Kaya mo ba iyon?”
Ipinatong nito ang kamay niya sa baliakt niya at saka hinapit ang baywang niya. He pressed his forehead against hers. Napalunok siya. Hahalikan na naman ba siya nito? Iyon lang ba ang katapat ng pagmamahal niya? Ang halik nito? Hindi na siguro masama. Pwede na iyong paubrahin kung babaliwin naman siya ng halik nito.
Pigil niya ang hininga sa unti-unting paglapit ng mukha nito sa kanya. “I love you, Sofiajade Gosiaco,” bulong nito nang halos magkadikit na ang labi nila.
“Mahal mo ako?”
“Yes.” Kumurba ang ngiti sa labi nito na parang “I love you” ang pinakamagandang salita na nasabi nito. “It took me a long time to admit it. At first, you are just a nuisance. Panggulo ka lang sa organisado kong buhay. Pero nang pumunta ako sa Venezuela at di na kita nakita, na-miss kita. It was supposedly a big move on my career. Pero mas gusto ko pang bumalik na lang sa Japan para makita ka. Mas gusto ko pang manood ng cherry blossoms kasama ka kaysa tutukan ang pinakamatitinding virus na tutulong sa pag-angat ng career ko.”
“Tapos?” tanong pa niya.
“I made a mistake. Kaya gusto kong magtago na lang sa mundo. Pero haharapin ko iyon dahil gusto kong makasama ka. Loving you makes me braver than I thought. You inspire me. Because you are brave enough to love me,” madamdamin nitong sabi. “Thank you, Sofiajade.”
“Tapos ano pa?”
Natigilan ito. “I love you. Ano pa ba ang gusto mong sabihin ko bukod doon?”
“I love you. Ano pa ba ang dapat kong sabihin? Hindi naman kita pwedeng alukin na lang agad ng kasal dahil hindi pa ito ang oras. Nagsisimula pa lang tayo.”
“Sino namang may sabi na inaasahan kong pakakasalan mo agad ako? Bukod ba sa I love you wala nang iba?”
Napaisip ito at umiling. “Wala na. Ano pa ba dapat?”
Bumagsak ang balikat niya sa sobrang pagkadismaya. “Iyon lang pala. I love you lang. Akala ko hahalikan mo ako. Iyong totoong halik. Hindi iyong pambata.”
Hinaklit nito ang balikat niya at inalog. “Kasasabi ko pa lang na mahal kita. Hindi mo pala ako iniintindi dahil mas gusto mo pa ang halik ko.”
Naihilig niya ang ulo sa dibdib nito. “Reiven, tama na. Nahihilo ako. Ano naman ang masama kung mas interesado ako sa halik mo kaysa sa I love you mo? Action speaks louder than words.” She pouted her lips. “Sige na.”
Diniinan nito ang balikat niya at napaupo siya. “Akala ko iba ka sa kanila. Pare-pareho lang kayong mga babae. Katawan lang ang habol ninyo sa aming mga lalaki.”
Tiningala niya ito. “Kanino mo naman nakuha iyan?”
Iniwas nito ang tingin sa kanya na parang nahihiya. “Kay Reichen.”
“Nagpapaniwala ka naman sa kapatid mong playboy. Mas bata iyon sa iyo.”
“Mas matanda nga ako sa kanya pero marami na siyang naging girlfriend. Totoo naman ang sinabi niya, ah!”
Tumawa siya ng sarkastiko. “Marunong ka palang mag-joke. Ngayon ko lang nalaman. Huwag ka ngang magpapaniwala kay Reichen. Nasisira ang immaculate image mo. At inosente ang pagmamahal na nararamdaman ko sa iyo.”
Hinuli nito ang mga mata niya. “Hindi ka interesado sa katawan ko?”
“Konti lang. Mga sixty percent ng pagmamahal ko.”
Pumikit ito nang mariin at huminga nang malalim. “Kumain ka na lang. Parang gusto kong bawiin ang pagmamahal ko sa iyo.”
“Wala ka nang magagawa. Di na iyan mawawala at di na iyan mabubura sa puso mo. I tried. Pero kita mo naman hanggang ngayon in love pa rin ako. Masasanay ka rin. Kaya huwag mong kalilimutan ang kiss ko. Para gumaling na ako.”
Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “Tama na iyan, ha?”
“Ang kuripot na lang nito. Halik lang di pa maging galante,” reklamo niya.
Ginagap nito ang kamay niya. “Let’s get away from here for a while, Sofiajade. Kalimutan natin ang lahat ng masasamang nangyari sa atin kahit sandali lang.”
Hinaplos niya ang ilalim ng mata nito.. Pagod na pagod na ito. Di man ito magsalita, alam niyang mahirap ang pinagdaanan nito. Hindi niya ito kayang protektahan sa masasamang nangyari sa buhay nito pero pwede silang tumakas kahit sandali. Baka pagbalik nila ay normal na nitong maipagpatuloy ang buhay nito.
“Saan tayo pupunta?”
“I want to go home.”
MAINGAY ang polo field sa kantiyawan ng mga players at dagundong ng yabag ng kabayo. Tawa nang tawa si Reiven nang mapabagsak ang kapatid na si Reichen at naagawan ng bola. Kakampi nito ang kapatid na si Reid at ang pinsang si Emrei. Habang sa kalabang team naman ay ang papa ni Reiven ang team leader. Kakampi ang pinsan na si Beiron at ang bunsong kapatid ni Reiven na si Reichen na umuwi pa galing sa Spanish Riding School sa Vienna. Pumalakpak si Sofiajade nang maka-goal ang team nila Reiven.
“Padamihan na lang tayo ng girlfriend! Boring ang polo!” sigaw ni Reichen na di matanggap na kanina pa natatambakan ang mga ito.
Binatukan nito ng amang si Engracio. “Puro pagpapa-cute sa babae ang alam mo kaya tayo natatalo. Get your head in the game.”
“Pinagbibigyan ko lang ang team ni Kuya Reiven dahil baka mapahiya siya sa girlfriend niya,” sabi ni Reichen at inginuso siya.
“Mas magaling lang talaga kami sa iyo,” sabi ni Reiven at pasimple siyang sinulyapan. Ngumiti na lang siya. Totoo naman ang sinabi ni Reichen na nagpapa-impress ito. Lagi itong nang-aagaw ng bola. Bukod pa doon ay magaling na team captain si Reid.
Humalakhak si Allegria nang maggitgitan ang asawa nitong si Engracio at ang anak na si Reid. “Oh, they grow up so fast. Mula nang maging binata ang mga anak ko, ngayon ko na lang ulit sila nakitang magkakasama.”
Nagmukhang bata si Allegria sa bawat halakhak nito. Lalong tumingkad ang ganda nito habang pinapanood ang asawa, mga anak at pamangkin. Madalas ito sa Spain dahil may lupain ang mga Alleje doon. Umuwi lang ito sa pakiusap ni Reiven.
“Akala ko po regular naman kayong nagkikita-kita.”
“But they never had this kind of fun. Masyado nang busy ang mga binata ko sa kani-kaniyang buhay. Reid is busy with this riding club. Si Reichen naman di makakaalis basta-basta sa Spanish Riding School at busy sa mga girlfriend niya. And there’s Reiven. Sa kanilang tatlong, siya ang pinaka-loner. Hindi siya mahilig makipag-socialize sa mga tao kaya wala rin siyang kaibigan. Mas gusto pa niyang magbabad sa laboratory. But look at him now. Siya pa mismo ang nagyaya ng polo game na ito at nagpatawag sa pinsan at kapatid niya. Kaya nga kahit na busy si Beiron sa Al Ishaq at pati si Reichen sa school, nandito pa rin sila. Minsan lang naman kasing humiling sa kanila si Reiven.”
“Na-miss po siguro niya kayong lahat. Matindi po ang pressure sa laboratory dahil hawak nila ang case sa eien no hikari virus.” Malapit nang matuklasan ang gamot para sa virus kaya hinayaan na si Reiven sa isang linggong bakasyon nito.
“He did something wrong. Ano iyon?” tanong ni Allegria.
Gulat niya itong nilingon. “Tita, ano naman po ang gagawing mali ni Reiven? Na-burn out lang siya sa research kaya siya nandito.”
Itinuon nito ang tingin sa bawat galaw ni Reiven at malungkot na ngumiti. “I am his mother. Alam ko kung may mali sa anak ko. Reiven is usually quiet and distant. A loner. Pero kapag may ginawa siyang mali, lalapit iyan at maglalambing. Anong nangyari sa Japan, Sofiajade? Hindi ka naman siguro buntis.”
Pagak siyang tumawa. “Naku! Imposible pong mangyari iyon. Mahirap pong akitin ang anak ninyo. Mas conservative pa po siya sa lola ko.”
Kontrolado ni Reiven ang kilos at emosyon nito. Alam niyang nirerespeto siya nito. Isa pa, mas emosyonal ang relasyon nila kaysa sa pisikal. Ayaw din ni Reiven na mawala dito ang tiwala at respeto ng pamilya niya.
“I love my children. Kahit na sabihin pang malalaki na sila at may isip, they will always be my little boys. As a mother, I will always be forever worried about their welfare. Takot ako kahit magalusan sila. Takot akong masaktan sila. At kung may problema sila at nasasaktan, gusto ko pa rin silang yakapin at ipaghele hanggang makalimutan nila ang mga problema nila.”
Such a loving mother. Mahal na mahal nga nito ang mga anak nito. Ayaw niyang mag-alala pa ito kay Reiven. Di niya pwedeng sabihin ang mga bangungot na pinagdadaanan ni Reiven. Sa palagay niya ay dapat na si Reiven mismo ang magsabi niyon sa sariling ina at hindi siya.
Ginagap niya ang kamay nito. “Tita, Reiven is fine. Kasama naman po niya ako. Hindi ko siya pababayaan.”
“I know. Hindi mo siya pababayaan. Pero kahit karamay pa ni Reiven ang lahat ng taong nagmamahal sa kanya, a part of him will always be alone. Mas gusto niyang sarilinin ang mga problema. Kaya nga ako nag-aalala sa kanya. Hindi siya nagsasabi ng nararamdaman niya. Reichen is always such a baby boy. Open siya sa akin. Akala mo rin si Reid independent. Nagsasabi iyan sa amin ng papa niya kapag may problema siya. Si Reiven, hindi ko alam…”
Pinigil niyang huminga nang malalim. Ayaw niyang makahalata si Allegria na mayroon ngang problema. Hindi rin niya alam kung may magagawa siya para kay Reiven maliban ang mahalin ito. Sana ay sapat na ang pananatili nila sa riding club para maglaho ang lahat ng pinangangambahan ni Reiven.
“GOOD morning!” bati ni Sofiajade kay Reichen na naabutan niya na nakaupo sa may rodeo arena. Tinanghali siya ng gising dahil madaling araw na natapos ang kwentuhan ng lahat sa mansion. Nang magising siya ay siya na lang ang naiwan sa mansion. Pinasabihan siyang sumunod na lang sa arena.
“You are late. Kanina ka pa hinihintay ni Kuya Reiven,” sabi nito.
Umupo siya sa tabi nito. “Ano ang mayroon? Another match? Huwag na. Baka ilampaso ka na naman ng team ng Kuya Reiven mo.”
Humalakhak ito. “Wala na akong kinalaman sa laban ngayon. Si Kuya Reid at Kuya Reiven na lang ang maglalaban. Itutuloy nila ang bareback bronc riding match nila.”
“Tapos na iyon dahil nasa Kuya Reid mo na ang karapatan sa Forest Trail.”
“Gusto nilang ituloy. Mapipigilan ko ba sila sa kaligayahan nila?”
Napakapit siya sa harang ng audience’s seat. “Bakit di mo sila pigilan? Alam mo naman kung gaano kadelikado ang match na iyan.”
“Anong magagawa ko? Mas bata ako sa kanila. Di sila makikinig sa akin. Baka padambahan pa nila ako sa kabayo. Sayang ang kaguwapuhan ko.”
Tumayo siya at sumigaw. “Reiven, huwag ka nang tumuloy. Delikado!”
Inalalayan siya ni Reichen para umupo ulit. “Those two men are out to prove something, Sofiajade. Hindi mo sila mapipigilan.”
“Ano ba ang premyo nila sa match na iyan kung walang Forest Trail?”
“Si Kuya Reid gustong patunayan na karapat-dapat na sa kanya mapunta ang Forest Trail. Pride.”
“How about Reiven? What does he want to prove?”
“He wants to show that he is good enough to protect you. It’s a test of courage. Ganyan naman ang mga lalaki kahit noong unang panahon pa. Gusto naming magpa-impress sa babaeng gusto namin. Isa pa, matindi ang frustration niya nang basta na lang niyang isuko ang Forest Trail nang di lumalaban. Kaya pabayaan na lang natin siya.”