Kusang kumukumpas ang kamay ni Sofiajade habang nakaupo sa tabi ng falls at pinakikinggan sa music pod niya ang Nocturne ni Chopin. Sa saliw ng huni ng ibon at ng lagaslas ng tubig sa talon, pakiwari niya ay nagko-concert ang London Symphony Orchestra sa Forest Trail ng Stallion Riding Club.
It was a perfect way to relax. Walang tao sa riding club noon dahil weekdays. She practically had the whole forest on her own. Hinaplos niya ang pulang linya sa bracelet niya. Pakiramdam niya ay nasa tabi lang niya si Reiven.
Naputol ang pangangarap niya nang makarinig siya ng malakas na tawanan at papalapit na yabag. “Reiven Alleje?” bulalas ng isang babae. “Siya ba ang namatay na kapatid nina Reid at Reichen Alleje seven years ago?”
“Oo. Iyong namatay sa sumabog na terrorist laboratory. He is a mad scientist.”
Tumaas ang presyon ng dugo niya nang marinig na si Reiven ang pinag-uusapan ng mga ito. Matagal nang di nababanggit ang pangalan ni Reiven sa popular na riding club bilang respeto na rin sa naulila nito. Pero heto at may mga dalahira pang walang matinong magawa sa mundo kundi pagtsismisan si Reiven.
“Yeah! Everybody thought he was an angel. Demonyo naman pala. May kinalaman pala siya sa bioterror attack ng isang kulto sa Japan. Sayang, no? Guwapo pa mandin siya,” sabi ulit ng pangalawang babae.
“Buti na lang wala na siya sa mundo. Kundi di ko gugustuhing pumunta dito sa riding club. Baka lipulin niya lahat ng mga guwapong prinsipe ng Pilipinas.”
Isang paraiso ang Stallion Riding Club. Eksklusibo ang membership sa riding club ng mga mayayaman, guwapo at batang kalalakihan ng Pilipinas. Para iyon sa mga taong gustong palawakin ang koneksiyon at impluwensiya at sa mga gusto ng privacy. Sari-saring horse sports, mamahaling kabayo at mamahaling facilities ang ipino-provide doon para sa mga miyembro at state of the art ang security system.
Limitado lang din ang mga kababaihang pwedeng makapasok sa riding club. Kailangang may imbitasyon muna iyon mula sa member. Kaya naman ang lahat ng kababaihan sa Pilipinas ay nangangarap makapasok ng riding club. At sa kasamaang palad, kasama ang mga babaeng higad yata ang dila na pati ang pinakamamahal niyang si Reiven na nananahimik ay pinagtsitsismisan pa.
Matalim na tingin agad ang isinalubong niya sa tatlo nang makarating ang mga ito sa falls. “Hi!” bati pa ng mga ito sa kanya.
Di niya inaalis ang matalim na tingin sa mga ito. Kung nakakakamatay lang siguro ang tingin, kanina pa nagtumbahan ang mga ito nang bumubula ang bibig.
“Ay! Suplada! Insecure yata sa ganda natin,” sabi ng unang babae. Isa itong model ng bagong brand ng bareta ng sabon. Maganda pero mukha nang ina.
Iniikot ng pangalawang babae ang hibla ng buhok sa daliri. Natalo ito sa isang talent search at sexy star na ngayon. “Anong problema mo, Miss?” nakataas na kilay na tanong nito. Ito ang bagong fling ng kababata niyang si Jairon Vince. Bibisita lang sa riding club para makipagnegosyo kay Hiro, nagdala pa ng mga babaeng higad.
Tumayo siya at pinagpag ang palda. “Wala akong problema. Kayo meron.”
Itinuro ng model ng sarili. “Kami? At bawal na ba ang maganda dito?”
Ngumisi siya. “Badmouthing Reiven Alleje is subject for ban. So I suggest that you pack your stuff now and apologize to the Allejes,” aniya at naglakad palayo.
Hinarang siya ng dalawa. “Sino ka para gawin iyon? You are not credible enough,” sabi ng sexy star. “Sikat kami kaya paniniwalaan nila kami.”
“Ako lang naman ng dating girlfriend ng teroristang sinasabi ninyo.”
Muntik na siyang humagalpak ng tawa nang namutla ang dalawa. “M-Miss, hindi naman namin sinasadya. Saka patay naman na siya…”
Natigil sa pagsasalita ang model nang panlakihan niya ng mata. “Wala ba kayong respeto? Mananahimik ba kayo o gusto ninyong palanguyin kayo ni Reid Alleje palabas ng riding club?”
Pitong taon nang wala si Reiven pero nananatili pa rin ang pagmamahal dito ng pamilya nito. Isang ipinagbabawal sa riding club ang pagsasalita ng masama tungkol dito.
Dahil sa pagsabog ng Manato Laboratories ay napatunayang ito ang kasabwat ng Light of Heaven cult sa pagpo-produce ng mga biological warfare agents. Ang virus na si Reiven ang nakatuklas ay siyang ginamit ng mga ito sa pag-atake sa subway station sa Japan. Ayon sa mga imbestigador ay sinadya ang pagsabog para ibaon ang ebidensiya. Sa kasamaang-palad ay kasama sa mga ito si Reiven.
Even Reiven was branded as a terorist. Napatunayan ng mga Alleje na inosente si Reiven pagiging isang terorista sa kabila ng di mamatay-matay na espekulasyon na ito ang isa sa mga scientist na nagme-maintain ng laboratory na nagde-develop ng bioterror agent na maghahasik ng sakit at lilipol sa maraming tao sa mundo. Kaya di siya papayag na di matuto ng leksiyon ang mga babaeng ito.
“Miss, hindi na kami uulit,” pakiusap ng sexy star at halos lumuhod sa harap niya. “Gusto mo ba halikan ko ang paa mo?”
“Ako din ba gagawin iyon?” tanong ng model dito.
“Oo. Ganoon naman ang ginagawa sa mga teleserye kapag inaapi ang mga bida at magaganda, hindi ba?”
Ngumisi siya. Mas gusto yata niyang ingudngod na lang ang dalawa kaysa pahalikan ang paa niya. Baka magka-fungi pa ang paa niya sa mga ito. “Hindi ninyo ako makukuha sa drama. Mouth is the origin of sin. A closed mouth can be your happiness. So say goodbye to your happiness, girls. Say goodbye to Stallion Riding Club.”
“HANGA talaga ako sa tainga mo, Ate. Mas matindi ka pang sumagap ng sound waves kaysa sa spy ear na naimbento mo. May dalawang pang babae na nadagdag sa ban sa riding club dahil sa rekomendasyon mo,” humahangang sabi ni Myco matapos I-serve ang order na nagba-ban sa dalawang babaeng guest na riding club. Ito na ang security head ng Stallion Riding Club.
“Hindi ko kasalanan. Mag-uusap lang sila laban kay Reiven, doon pa sa dinig na dinig ko. Sa halip na mag-sorry, sinabi nilang okay lang daw iyon dahil patay na si Reiven. Eh, kung sila kaya ang ipadala ko sa after life?”
“Masyado kang high blood. Sabagay, kung nag-iisip sila dapat sana hindi sila nagsalita ng kahit anong bawal kay Kuya Reiven. Baka kung si Doc Tamara pa ang makarinig sa kanila, ipaladkad pa sila sa kabayo,” sabi ni Myco at pumalatak. “Dati si Reid Alleje lang ang nakakatakot. Ngayon pati si Doc Tamara. Sasama ka pa.”
“Ayaw mo noon? Mapapadali ang trabaho ninyo ng mga tauhan mo?”
Biglang bumukas ang pinto at pumasok ang galit na galit na si Jairon. “Matandang dalagang virgin! Mag-usap tayo!” sigaw nito.
Tumikhim si Myco. “Excuse me, Kuya Jai! Opisina ko ito. Di ka pwedeng basta-basta na lang pumasok nang di kumakatok. Si Reid Alleje lang pwedeng gumawa niyan. Pangalawa, hindi ka pa member dito. Baka pati ikaw mai-report ng matandang virgin na sinisigawan mo.”
“Ah, ganoon ba? Sorry,” sabi ni Jairon at lumabas ng pinto saka kumatok.
“Come in!” sigaw ni Myco. “Yes, Mr. Yun? What can I do for you?”
“Pwede ko na bang sigawan ang matandang virgin na nagpa-ban sa dalawang guest na kasama ko?” tanong ni Jairon.
“You have my permission.” Malapit sa pamilya nila ang mga Yun. Matalik na kaibigan ni Myco ang nakababatang kapatid ni Jairon na si Julian Veron. Kaya kahit ni members ang mga ito sa riding club ay nakakapasok ang mga ito doon.
“Anong matandang virgin? Sapak gusto mo?” banta niya kay Myco.
Ipinaling nito ang swivel chair paiwas sa kanya. “Wala na akong sinabi.”
Bumuka ang bibig ni Jairon. “Hoy…”
“Hoy ka rin!” putol agad niya sa sasabihin ni Jairon bago pa ulit siya nito mabulyawan. “Sino ang may sabi na magdala ka ng babaeng walang pakundangan kung magsalita? Tinawag nilang terorista si Reiven. You know the rules here. Bawal na magsalita nang laban sa kanya. Nananahimik na iyong tao.”
Kinalas ni Jairon ang butones ng polo nito. “Baka pwede nating pag-usapan ito. Masakit sa akin na nakikita silang umiiyak. They are really sorry. Ipambabayad ko na lang ang katawan ko para hindi sila ma-ban. Gamitin mo!”
Kinalabit niya si Myco. “Chibi-kun, ipatawag mo ang mga guards. Pakikaladkad ang lalaking ito na may karumal-dumal na hangarin. Dali! Kinikilabutan ako! Pwede ba?”
Nagtulug-tulugan na si Myco. “Goodnight!” anito habang nakapikit at prenteng nakasandal sa swivel chair nito.
Nanghihilakbot talaga siya sa mga katulad ni Jairon na parang handang iparada ang katawan sa harap niya at akitin siya. Guwapo naman si Jairon. He was a typical Chinese mestizo. Marami namang babaeng naghahabol dito. Ito rin ang nagpapatakbo ng kompanya ng pamilya nito na nagma-manufacture ng electronic parts ng computers. Matino din ang pamilyang pinanggalingan nito. He was quite a catch kahit nga di ito nagme-member ng Stallion Riding Club dahil di na daw nito kailangan pa. He was simply not Reiven. Period.
“Miss Old Maid Virgin, magpasalamat ka dahil may katulad ko pang nagpiprisinta na baguhin ang miserable mong kalagayan. Tapus-tapusin mo na ang pagluluksa mo kay Reiven Alleje. Let go! Nandito lang ako para sa iyo.”
Pinitik niya ang noo nito. “Jairon Vince Yun, kahit habambuhay akong magluksa kay Reiven, okay lang. Di tulad sa iyo. Buhay pa ako, impyerno na ang buhay ko. Kabi-kabila kaya ang girlfriend mo.”
Tumikhim ito at matamis na ngumiti. “Kung magiging girlfriend kita, ididispatsa ko silang lahat. Ikaw lang ang babaeng mamahalin ko.”
“Ako lang? Paano na si Alexandria?”
“Sinong Alexandria? Wala yata akong kilalang Alexandria,” inosente nitong sabi at niyugyog ang balikat ni Myco. “Myco, may kilala ka bang Alexandria?”
Instructor nila ni Myco sa tai chi si Alexandria. Naging estudyante din nito ni Jairon at nakita niya ang love-hate relationship ng dalawa.
Dumilat si Myco, nanlilisik ang mga mata. Mukhang tuluyan na itong nakatulog. At ang masamang balita ay parang dragon ito kapag basta basta ginising. “Alexandria? Oo! Siya ang nag-iisang babaeng mamahalin mo. For some stupid reason, you broke up with her. At ngayon ikakasal na siya sa boyfriend niyang Canadian. Ano pa ang gusto mong marinig? Na naroon ka sa restaurant nang mismong mag-propose ang boyfriend niya at umatungal ka nang tanggapin niya? Ah! Imbitado pala kami sa kasal niya. Sasama ka?”
Parang tinamaan ng kidlat si Jairon sa narinig. Nakatulala lang ito at parang zombie na naglakad palayo. “Xandi… my Xandi… bakit pinili mo ang Kanong iyon kaysa sa akin? Mas guwapo naman ako kaysa sa kanya.”
“Ang sabi sa akin ni Xandi mukha siyang anghel sa kaguwapuhan,” kontra niya. “Titigan lang siya ni Joshua, parang nasa langit na siya.”
“At dahil parang anghel, mabait si Joshua. Nasabi ba iyon ni Ate Xandi sa iyo na mala-anghel ang kaguwapuhan mo?” tanong ni Myco.
Bumagsak ang balikat ni Jairon. Kanina ay confident na confident ito na kaya nitong ang lahat ng babae sa mundo. Ngayon ay parang binagsakan ito ng langit. Kapag si Xandi na ang pinag-usapan ay gumuguho na ang mundo nito.
“Kapag ba na-ban ako sa riding club, palalanguyin ako ni Reid Alleje sa Taal Lake? May buwaya bang kakain sa akin sa lake?” mahina nitong tanong.
“Hindi ka iba-ban ni Sir Reid,” sabi ni Myco. “Iba nga lang ang ipapagawa niya. Kailangan mong um-attend sa kasal ni Ate Xandi.”
Halakhak ang isinagot niya bilang pagsang-ayon kay Myco. “Perfect!”
Humihingal sa galit silang sinibat ng matalim na tingin ni Jairon. “I hate you two! I hate this riding club! Curse all the lovers in the world!” sigaw nito.
“Masyado yata siyang nasaktan, Ate,” iiling-iling na sabi ni Myco. “Bakit nga ba hindi ka na lang pumayag na maging boyfriend siya?”
“Aanhin ko ang lalaki na hindi naman talaga ako ang mahal? Pareho lang naman kami ni Jairon. Wala rin akong silbi sa isang lalaki. Di ko siya kayang mahalin kung hindi siya si Reiven. My heart only beats for him.”
“HIRO, gusto ko ang bagong technology na dine-develop ninyo. Recycling printed circuit boards in computers into environment-friendly raw materials for use in fuel, plastic, and other useful consumer products,” sabi ni Reid habang binabasa ang listahan ng mga bagong projects ng Hinata Industries. Gusto kasi ni Reid na ito ang mauuna sa mga technology na ilalabas pa lang nila.
Kadalasan ay kasama si Sofiajade sa meeting dahil inaalam din niya kung ano ring klaseng innovation at technology ang kakailanganin ng riding club para mai-develop din nila. Ang Stallion Riding Club ang isa sa pinaka-demanding nilang kliyente. Pero mas malaki naman ang kapalit niyon dahil lahat ng members ng riding club ay produkto rin ng Hinata Industries ang ginagamit.
“Sakit ng ulo ang computer waste sa environment. Dapat lang na I-promote ang technology na iyan,” sang-ayon ni Doc Tamara na isang environmentalist.
“We will work on it.” Kinamayan ni Hiro sina Reid at Tamara. “Kailangan ko pa ng pumunta sa Tokyo ngayon. May meeting pa kami ni Papa.”
“Isasama mo ba si Jemaikha?” tukoy niya sa nobya ni Hiro.
“Not yet. Ayaw niya sa Tokyo ngayon dahil winter pa. Kapag siguro Sakura Festival na lang. Manonood daw kayong dalawa. Susunod ka na rin ba?”
“Yes. Isang linggo lang ako pwedeng mawala,” sabi niya.
“Mag-extend ka ng bakasyon. Make it a month,” suhestiyon ni Hiro. “Ngayon ka na lang ulit nagbakasyon. Relax!”
“Kung dito ka magbabakasyon, ilan pa kaya ang maiba-ban dito sa riding club?” tanong ni Reid nang naiwan siya sa table.
“Konti lang naman ang walang pakundangan na magsalita tungkol kay Reiven. Nagkataon lang na ako ang nakakarinig sa kanila,” sabi niya. “More than the riding club, you prefer people to pay a little respect to your brother.”
“Hanggang ngayon ba wala ka pa ring boyfriend?” tanong ni Reid.
“Alam mo na ang sagot diyan,” sabi niya at sumubo ng cake.
“Sofie, dapat kapag bininyagan ang baby namin ni Reid, may boyfriend ka na din,” kondisyon ni Tamara.
“Are you pregnant? This is exciting! Babae ba o lalaki?” tanong niya. Sa wakas ay magkakaroon na rin ng anak ang dalawa matapos ang mahigit sampung taong kasal.
“Kapag lalaki, Reiven ang ipapangalan namin,” sabi ni Tamara.
Ngumisi siya. “Pwede bang hintayin ko ang paglaki niya?”
“Sofiajade, Reiven will never come back,” direktang wika ni Reid.
Malaking trahedya ang idinala sa Alleje ng pagkamatay ni Reiven. Ayon sa mga dokumentong naiwan sa file ng Manato Laboratories, natuklasan na ni Reiven ang strain ng virus at natagpuan sa file nito. Idiniin ng iba na kasama ito sa terrorist group at pati pangalan ng mga Alleje at ng mga Rafiq na may mataas na posisyon sa kaharian ng Al Ishaq ay nadamay. Muntik na ring di nagbukas ang Stallion Riding Club dahil doon. Nakasama pa ang espekulasyon na nobya nito si Keziah na stepdaughter ng may-ari nG Manato Laboratories kaya may kinalaman si Reiven sa paggawa ng bioterror agents.
Subalit nagpakita ng suporta ang mga kasamahan ni Reiven sa pamumuno ni Tamaki-sensei. Pinatunayan nito na sI Reiven ang isa sa mga unang virologist na nagbigay ng tulong para makahanap ng gamot para sa virus. Di rin siya tumigil sa pagdepensa kay Reiven. Wala nang ebidensiya pang naiharap laban dito. Namatay na ang isyu at natabunan ng iba pa. Naibukas ang riding club at naging matagumpay. Ngayon ay lalo pang tiningala ang mga Alleje sa lipunan. Subalit pare-pareho nilang alam na di na mabubura ang sugat na naiwan sa pagkawala ni Reiven.
“Sir Reid, alam ko na hindi na siya babalik. Ang pagmamahal ko sa kanya, tulad ng pagmamahal mo. Kahit ipangalan mo pa sa anak mo ay Reiven, di mo maisasalin sa kanya ang pagmamahal mo sa kapatid mo. It’s different. And I don’t think I could fall in love again unless its Reiven,” wika niya.
“You are like a sister to me. I am sure matutuwa si Reiven kung makikita kang masaya at may boyfriend ka na,” katwiran naman nito.
Malungkot siyang ngumiti. “Masaya siguro si Reiven pero hindi ako.”
Humawak si Tamara sa braso ng asawa. “Reid, hindi ko pinapunta si Sofie dito para pilitin siyang magka-boyfriend.”
“Bakit nga pala ipinatawag ninyo ako, Doc?” tanong niya.
“Gusto ni Mama Allegria na sa Spain muna ako habang nagbubuntis ako. Baka daw di ko maiwasang magtrabaho kung nandito ako sa riding club. Baka pwedeng ikaw ang sumama kay Daeia na bumalik sa Aringan. Nangako akong magbigay ng lecture sa mga bata doon tungkol sa environment conservation.”
Isang personalidad sa tribo ng Aringan sa Cordillera ang mga Alleje. Ang mag-asawang Alleje kasi ang nag-sponsor sa conservation ng mga sagradong wild horses ng tribo. Sa tulong din ng Stallion Riding Club at Stallion Shampoo and Conditioner ay naitayo ang paaralan sa tribo. Si Daeia ay miyembro ng tribo na kasal sa isa sa mga member ng riding club. Ito ang nagsisilbing administrator ng eskwelahan.
“Ako? Titira sa bundok? Kaya ko ba iyon?”
Ang alam niya ay kalahating araw na lakaran iyon. Ayaw niya sa malumot, maputik at matatarik na kabundukan. She was a city girl at heart.
“Sofiajade, bawal daw tanggihan ang buntis,” paalala ni Reid. “Sige ka. Kasalanan mo kapag pumangit ang baby namin na si Reiven.”
Maasim siyang ngumiti. “Sige na, Reiven. Mamumundok na ako para sa iyo. Tiyakin mo lang na kasing guwapo ka ng Tito Reiven mo paglabas mo,” sabi niya sa anak ni Tamara. Alam niyang naririnig siya nito kahit na sinapupunan pa lang ito. After all, she promised that she’d do everything for Reiven.