Chapter Reiven Alleje: Chapter 12

“I love you so. Love is the beautiful one,” kanta ni Sofiajade habang hinahawi ng patpat ang mga halamang nakaharang sa daraanan niya sa masukal na kagubatan ng Aringan.

“Sofiajade, pasensiya na kung di ka namin naisabay sa chopper. Sabi ni Sir Reid mas gusto mo daw na mag-trekking na lang,” hinging-paumanhin ni Daeia.

Naunang dumating si Daeia sa tribo sakay ng chopper at piloto ang asawa nitong si Mark Ashley. Habang siya ay naglakad ng mahigit sampung oras mula sa bayan para lang marating ang tribo.

“It is not your fault. Di naman ikaw si Reid Alleje na ilang beses ko nang isinumpa kada muntik na akong malaglag sa bangin o kaya nasu-suffocate na ako sa sobrang lamig kapag bumababa ang fog o kaya nadudulas ako sa putikan. Maganda naman itong lugar ninyo. I love it.”

Nasa gitna ng kabundukan ng Cordillera ang tribong Aringan. Sinusubukan pa rin ng mga ito na I-preserba ang lumang tradisyon at lalo pang pagyamanin. Umaasa si Daeia na di mapag-iiwanan ang mga katribo nito. Gusto nitong maging edukado ang mga katribo para di na mapaglalaruan ng mga tagapatag. Karamihan kasi sa mga tagatribo na walang pinag-aralan ay naagawan ng lupa ng mga gahaman.

Ang main concern naman ngayon ng tribo ay kung paano mapangangalagaan ang kalikasan. May mga mining company, illegal loggers at poachers na pumapasok sa lugar. Kailangang maging aware di lang ang mga taga-tribo ang dapat gawin at implikasyon ng pagkasira ng kalikasan.

“Hindi ka kaya makulitan sa mga bata. Matanong sila.”

“Nag-research naman akong mabuti. Member naman ako ng organization ni Doc Tamara. Di lang ako active. Mabuti nang mapakinabangan nila ako. Saka baka mga bata pa ang makulitan sa akin.”

Gusto niyang mapangalagaan ang lugar na iyon. It was a sight. The rice terraces, the lake and the forest itself. Pupuntahan pa daw nila ang waterfalls.

“Mukhang mahilig ka sa bata. Bakit di ka na lang mag-asawa?”

“Bakit ba lahat gusto akong mag-asawa? Nakakarindi na, ha!”

“Love is a beautiful thing. Sayang ang panahon kung di mo mararanasan iyon,” anito at kumislap ang mga mata. She was obviously in love with her husband. Kung may asawa rin naman siya na kasing guwapo ni Mark Ashley at mahal na mahal siya, masarap talagang maranasang magmahal.

“Daeia, naranasan ko nang magmahal. It’s really beautiful. Kahit na di ko masyadong matagal na nakasama si Reiven, naging masaya ako.”

Malungkot na di na niya makakasama pa si Reiven pero sapat nang naramdaman niyang mahal siya nito. Sayang lang at di ayon ang panahon sa kanila. Kaya kaysa malungkot at magmukmok, binubuhay na lang niya ang masasayang alaala nilang dalawa. Masaya si Reiven kung masaya rin siya.

“Di mo naiisip humanap ng ibang boyfriend?”

“Kapag na-in love ka basta mo na lang mararamdaman iyon. Kahit na ayaw mo pang mahalin ang isang tao, di mo naman malalabanan ang nararamdaman mo. Katulad din iyon na di mo mapipilit na mahalin ang isang tao. DI lang siya ang lolokohin mo kundi pati sarili mo.”

“So ibig sabihin open ka pa rin na ma-in love sa iba?”

“Kung mai-in love ako sa iba.” Nang mga oras kasi na iyon ay si Reiven lang ang laman ng puso niya. Maybe she’d die an old maid and won’t stop loving him.

“Sabagay, parang magnanakaw na lang daw na dadating ang pag-ibig. Di mo alam kung saan, kailan o paano.”

“I agree. At kapag dumating na, nanakawin lahat pati ang puso mo.”

Natigilan sila ni Daeia sa pag-uusap nang marinig ang paparating na yabag. Isang malaking itim na kabayo ang bigla na lang sumulpot mula sa kakahuyan. Sakay nito ang isang lalaki na walang suot na pang-itaas. Nakasuot lang ito ng itim na pantalon at papunta sa direksiyon nila.

“Tumabi kayo!” sigaw ng lalaki.

Naestatwa siya sa kinatatayuan nang marinig ang malalim na boses ng lalaki. He was used to men who were domineering and commanding. Ganoon din ang lalaking iyon. Pero di siya natigilan dahil sa pag-uutos sa boses nito. Di siya natatakot.

Gusto lang niya itong panoorin. He was like an ancient bronze god riding that powerful horse. Parang ipinanganak ito para sumakay sa isang makapangyarihan at mabangis na kabayo. May mga maiitim itong mga mata na di nagpapakita ng takot. Ipinapagaspas ng hangin ang lagpas balikat nitong buhok. He was like a work of art.

And for a moment, she saw an apparition. She saw Reiven.

“Dapa!” utos ni Daeia. Hinila siya nito palayo sa daraanan ng kabayo.

Hinapit nito ang balikat niya at isubsob siya sa lupa. Naramdaman niya ang paghagibis ng kabayo sa tabi niya. Dinig na dinig din niya ang dagundong ng paa nito nang dumaan sa tabi niya.

Saka lang tumibok nang malakas ang puso niya at ginapangan siya ng takot. Napakalapit niyon. Kung di siya naiiwas ni Daeia, baka tinalaktak na siya ng kabayo. Nang mawala ang takot niya ay saka lang niya naisip na muntik na siyang mamatay sa kagagawan ng lalaking iyon na parang diyos-diyosan ng kakahuyang ito. Mabuti na lang at kaunting galos lang sa braso ang mayroon siya gawa ng pagkakadapa niya.

Kumawala siya sa pagkakadagan ni Daeia at tumayo. Tumakbo siya sa daan para sundan ang lalaki at ang kabayo nito. “Hoy! Bumalik ka dito!”

Ang walang modo. Ni hindi man lang nag-sorry sa kanila. Nagpapatakbo ito nang walang habas sa kakahuyan. NI hindi man lang nito naisip na may tao ito na maaring masagasaan. At lalo siyang nainis nang di nito pinatigil ang kabayo.

“May sugat ka!” bulalas ni Daeia at itinuro ang tuhod niya.

Nang yukuin niya ang tuhod ay may hiwa doon. Marahil ay dahil naluhuran niya ang matalim na bato sa tabi ng daan. Napangiwi siya dahil nang igalaw niya iyon ay naramdaman niya ang sakit.

“Naiwan ko ang first aid kit ko sa kubo!” sabi niya at di alam kung paanong lilinisin ang sugat niya. “Kasalanan ng walang modong lalaking iyon. Akala naman niya ganoon kaganda ang katawan niya at parang si Tarzan siya kung maghubad dito. Ni hindi tayo tinigilan.”

“Hindi ko na nakita ang itsura niya. Di ko rin alam kung tagasaang tribo siya. Natakot ka ba kaya hindi ka agad nakagalaw?”

Napahawak siya sa dibdib. Hindi naman siya natakot noong una. Parang isang babae lang siya na natulala sa isang guwapo at makisig na lalaki. Hindi pa niya iyon na gawa sa buong buhay niya. Heto siya ngayon. Muntik nang mamatay.

“Salamat sa pagliligtas sa akin.”

“Wala iyon. Malapit na tayo sa falls. Mauna ka na. Pupunta lang ako sa kinukunan ng halamang gamot ni Dresdana para di maimpeksiyon ang sugat mo,” sabi nito.

Hindi na lang niya iisipin ang nangyari. Kalimutan na niya ang guwapong lalaki. Kapahamakan lang ang dala nito sa kanya. Di na siya matutulala sa guwapong walang modong lalaki kahit kailan!

“HUMANDA ang lalaking iyon sa akin! Oras na magkita kami, siya mismo ang ipapatalaktak ko sa mga kabayo,” nagpupuyos na wika ni Sofiajade habang pababa ng trail papunta sa waterfalls. Naghiwalay na sila ng daan ni Daiea. Tutulungan na lang daw siya nitong maglinis ng sugat niya. Mabuti na ring di nito marinig ang mga karumal-dumal niyang balak sa lalaking walang modo na iyon

Isinigaw na lang niya ang inis niya. “Akala ba ng lalaking iyon siya ang may-ari nitong gubat? Sino siya? Si Kabunian? Si Bathala?” tukoy niya sa sinaunang diyos ng mga tribo doon. “Ang guwapo naman ng mga diyos nila kung ganoon,” maisip-isip niya. Pwede lumevel sa kaguwapuhan at kakisigan ng mga ancient Greek and Roman gods. Natigilan siya. Bakit doon sa kakisigan ng lalaking iyon natuon ang isip niya?

Isa itong kaaway. Di ito karapat-dapat pagpantasyahan. At bakit naisip niya si Reiven dito? Dahil sa kabayo? O dahil muntik na siyang mamatay?

Maya maya pa ay narinig niya ang lagaslas ng tubig sa talon. Ililigo na lang niya ang inis niya sa lalaking iyon. Sayang lang ang ganda niya kung maiinis siya.

Maglulublob na sana siya sa falls nang makita niya ang isang guwapong lalaki na naglulunoy sa ilalim ng bumabagsak na tubig. Bahagyang natatakpan ng tubig ang mahaba nitong buhok pero naaninaw niya ang matangos nitong ilong.

Napigil niya ang hininga dahil parang isa itong diyos ng kabundukan na sinasamba ng tubig. Parang gusto niyang makisamba sa tubig. Katawan pa lang nito ay ulam na. At sa palagay niya ay wala itong saplot sa ilalim ng tubig.

Sino ito? Saang kalangitan ito nagmula?

Bigla siyang nagtago sa likuran ng puno. Napahawak siya sa dibdib niya. Sa ilalim niyon ay naghuhurumentado ang puso niya.

“Sofiajade, kumalma ka. Katawan lang iyan ng isang lalaki. Nakakita ka na rin ng hubad na lalaki. SI Reiven. Ang lalaking mahal mo. Hindi naman nalalayo ang ganda ng katawan niya sa lalaking iyan.” Huminga siya nang malalim at tumingala sa langit. “Reiven, hindi kita pagtataksilan. Okay? Di ko naman sinasadya na makakita ng hot body. Katawan lang iyan. Ikaw ang mahal ko.”

Pasimple siyang siyang sumilip. Siguro naman kapag nakita niya ulit ang lalaking iyon ay di na siya maaapektuhan. Nashock lang siya na makakita ng hubad na katawan. Hanggang doon lang iyon. The end.

Subalit nang sumilip siya sa falls ay naroon pa rin ang lalaking may mapang-akit na katawan. Naglulunoy sa tubig. Makasalanan talaga ang mga mata. Sa halip kasi na iiwas niya ay lalo pa niya itong tinitigan. Masarap kabisaduhin ang bawat kurba ng katawan nito at ang mga muscles nito.

Mariin siyang pumikit. “Patawad, Reiven! Hindi ko sinasadya. Titingin lang ako. Hindi ako hahawak. Sa iyo pa rin ang puso ko.”

Nakarinig siya ng halinghing ng kabayo. Iyon ba ang sagot ni Reiven mula sa langit? Na magmumukha siyang kabayo kapag nagtaksil sila dito?

Dumilat siya at luminga sa paligid. Isang itim na kabayo na nakatali sa puno sa di kalayuan ang nakita niya. Kilala niya ang kabayong iyon! Iyon ang maangas na kabayong muntik nang tumalaktak sa kanya.

Kung naroon ang kabayo, ibig sabihin ay naroon din lalaking walang modo na muntik nang sumagasa sa kanya. Dahan-dahan niyang nilingon ang lalaking may mapang-akit na katawan na naliligo sa falls. Ito ang muntik nang mag-hit and run sa kanya kanina. Ang dahilan kung bakit nagurlisan ang kanyang makinis na balat.

“Siya pala iyon!”

Bakit di niya naisip na iyon din ang may mapang-akit na katawa na naliligo sa fall?. Kampon ito ng dilim! Muntik na nga siya nitong patayin, gusto pa nitong pagtaksilan niya ang pinakamamahal niyang si Reiven.

Kailangan niyang makaganti dito. DI siya papayag na di makabawi.

Sumilip-silip muna siya. Nakapikit ito habang nagre-relax sa falls. “Sige, pakasaya ka,” mahina niyang usal at nilapitan ang kabayo.

Humalinghing ang kabayo at nagpumiglas nang maramdaman siya. Dumistansiya siya dahil baka dambahin siya.

“May tao ba iyan?” tanong ng lalaki.

Nagtago siya sa likod ng puno at sumipol. Bumalik ito sa paliligo. Akala siguro nito ay may ibon lang doon. “Hihihi!” mahina siyang humagikgik na parang mangkukulam nang dahan-dahang kalagin ang tali ng kabayo.

Nang maggalaw ulit ang kabayo ay naramdaman nitong malaya na ito kaya mabilis itong nagtatakbo palayo. Gulat na napalingon ang lalaki nang marinig ang halinghing at yabag ng papalayong kabayo.

“Aloy! Aloy! Bumalik ka!” tawag ng lalaki sa kabayo nito. Sumipol ito para tawagin ang kabayo pero nagtatakbo na palayo ang kabayo.

Di niya mapigilang humalakhak. Sa wakas ay nakaganti na siya.

“Sino ka? Bakit pinakawalan mo si Aloy?” dumadagundong ang boses ng lalaki sa buong kagubatan.

Natutop niya ang bibig. Sa sobrang saya niya ay nakalimutan niyang di pala nito dapat malaman na naroon siya.

Narinig niya ang labusaw ng tubig. Nang lumingon siya ay umaahon na ang lalaki. “Humanda ka sa akin kapag nahuli kita,” banta nito.

DI niya alam kung saan siya natuliro. Sa galit nito o dahil wala itong suot na kahit isang saplot sa katawan kahit na mataas pa ang araw. Di nagawang itago ng mga anino ng nagtatayugang puno ang magandang katawan nito. At wala na itong iiwan pa sa imahinasyon niya dahil wala na itong saplot maliban sa hangin.

Mabilis niyang inalis ang mata dito. DI lang siya kay Reiven magkakasala ngayon kundi maging sa sarili niya. Mapapahamak na siya ay nagpapaakit pa siya.

Drat! Malapit na ito. Ano pa bang itinatayo-tayo niya doon? Kailangan na niyang makatakas. Kailangan niyang lumayo! Kailangan niyang matakasan ang mapang-akit nitong katawan dahil baka mawalansiya ng bait kapag nagpang-abot silang dalawa.

Tumingala siya at nakita ang matarik na trail. Kung doon siya dadaan, di siya maaabutan ng lalaki. Kumapit siya sa mga nag-usliang ugat ng puno sa lupa at sa mga damong malilit na nakatanim doon.

“Bumalik ka dito!” sigaw ng lalaki sa malalim na boses. Nakakatakot! Kapag naabutan siya nito, baka ihawin siya nito nang buhay.

Kapag nakatakas siya doon, di na talaga siya titingin pa sa ibang lalaki. DI na siya magtataksil. Kahit gaano pa kakisig. Kahit gaano pa kaguwapo.

Basa ang lupa dahil sa katatapos na ulan. Di madaling umakyat. DI madaling tumakas. “Patawarin mo ako, Reiven,” usal niya. “Iligtas mo ako. Tulungan mo ako.”

Kaunti na lang ay makakarating na siya sa trail sa taas. Makakatakas na siya. Dininig ng langit ang kanyang dasal. Pinapatawad siya ni Reiven.

Pagtapak niya para itulak ang sarili pataas ay nadulas siya. Kumapit siya sa kahit anong mahahawakan niya. Isang ugat ang naabot niya pero naputol iyon.

“Ahhh!” sigaw niya at tuloy-tuloy na gumulong pababa.

Itinakip niya ang braso sa mukha. Bumagsak siya sa mga halaman at damo sa baba. Napaungol siya. Pinaparusahan yata siya ng langit sa ginawa niya.

“Nasaktan ka ba?” anang malambing na boses ng lalaki at kinapa ang katawan niya. Inaalam kung may nabali sa kanya.

Tumili siya. Isang hubad na lalaki, hinahawakan ang katawan niya. Hindi ito maaari. Si Reiven ay nagbihis muna bago hinawakan ang dulo ng darili niya para gamutin ang sugat niya. Lapastangan ang lalaking ito.

“Hindi kita gagawan ng masama. Tinitingnan ko lang kung may masakit sa iyo,” anito at binitawan siya. “Sa lakas ng sigaw mo, di ka nasaktan sa palagay ko.” Naramdaman niya ang pagtalim ng mata nito sa kabila ng naliligaw na hibla ng buhok sa noo at mata nito. “Sino ka? Anong kailangan mo sa akin?”

Magtataray sana siya at susungitan ito nang hawiin nito ang buhok na tumatabing sa mata nito. Napipilan siya. Itim na itim ang mga matang nakatitig sa kanya. They were as dark as night. Mahahaba ang pilik-mata nito.

Kilala niya ang mga mata nto. They were Reiven’s eyes.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.