“Sumagot ka! Sino ka? Anong kailangan mo sa akin? Bakit pinakawalan mo ang kabayo ko?” nanlilisik ang mata at galit na galit na tanong ng guwapo at makisig na lalaki kay Sofiajade. Mahigpit ang hawak nito sa balikat niya at parang handang pilipitin ang leeg niya anumang oras. Iyon na yata ang katapusan niya.
It was odd. Dapat ay dinedepensahan niya ang buhay niya. Hubad ang lalaking nasa harap niya at may sugat siya sa tuhod. Paano kung bago siya patayin ay gahasain pa nito ang kanyang mala-diyosang katawan? Dapat ay tumakas na siya. Hindi siya dapat nakatulala lang.
Parang nahipnotismo siya habang nakatitig sa itim nitong mga mata. Wala na siyang pakialam kung isa man itong halimaw. Ang tanging nakikita niya ay si Reiven.
He had Reiven’s black eyes. Kuhang-kuha iyon sa mata ng mga Alleje na may mahahabang pilik-mata na nakakatunaw lalo na kapag galit. Pero di lang mga mata nito na ang kahawig kay Reiven. Maging ang mata, ilong, hugis ng mukha, kilay at isama na ang pamatay na katawan na isang yakap lang sa kanya ay matutunaw na ang buto niya.
Mas matanda lang ito kay Reiven. He must be in his early or mid-thirties. Mas malalim din ang boses nito na hawig ang timbre kay Reiven. At buhay ito. Ramdam niya ang init ng katawan nito na lalong nanghaharuyo sa kanya.
“Sasagot ka ba? Bakit bigla kang napipi?” singhal nito.
He was perfectly male. Hindi siya makahinga. She didn’t repulse him at all. Samantalang nandidiri siya kapag may lalaking umaakit sa kanya.
Inangat niya ang kamay. “Ikaw…” Gusto niyang haplusin ang mukha at katawan nito pero natatakot siyang bigla na lang itong maglaho. Na isa lang itong parusa ng mga anito dahil sa panggugulo niya sa paliligo ng diyos ng mga ito.
“A-Anong ako?” anito at bahagyang iniwas ang mukha. “Nakikinig ka ba? Alam mo ba kung anong gulo ang ginawa mo? Kapag di na nakabalik si Aloy sa Tambogon, alam mo ba ang gagawin nila sa akin? Alam mo ba kung ilang buhay rin ang sisirain mo?”
Parang nawala ang epekto ng hipnotismo sa lakas ng sigaw nito. Nayayanig ang pagkatao niya. Ano pang itinititig niya dito? Magkaaway nga pala sila. Ito ang muntik nang magpadala sa kanya sa kabilang buhay kanina.
“Hoy! Hindi mo ako nakikilala?” Itinuro niya ang mukha. “Titigan mo ako. Ako ang muntik mo nang ipatalaktak sa kabayo mo kanina.”
Lumuwag ang pagkakahawak nito sa balikat niya. “G-Ganoon ba? Pasensiya ka na. Hindi ko naman sinasadya…”
“Di sinasadya? Muntik na akong mamatay!” Itinuro niya ang tuhod niya. “Ayan ang ebidensiya. May sugat ako.”
“Hindi pa nagagamot iyan. Baka maimpeksiyon iyan. Gamutin natin.”
Nag-panic siya dahil sa sugat niya nabaling ang atensiyon nito. Naalala na naman niya si Reiven nang mahuli niya itong naliligo sa falls at mairita sa nahawakan niyang halaman ang kamay niya. Inalok din nitong gamutin siya kasama ang hubad nitong katawan.
“Gagamutin mo ako? Nakahubad ka pa! Ipaparada mo ang hubad na katawan mo sa harap ko? Magbihis ka kaya?”
Kahinaan yata niya ang pekpektong katawan ng lalaking ito. Nanlalambot ang tuhod niya. Hindi na siya makahinga. Kung gagamutin pa siya nito nang nakahubad, baka pasukan pa ng masamang hangin ang utak niya at gahasain niya ito. Paano na ang pangako niya kay Reiven na ito lang ang sasambahin niya?
“Paano ako magbibihis kung pinakawalan mo ang kabayo ko? Nandoon ang lahat ng damit ko at gamit ko,” panggagalaiti nito. “Kaya kung inirereklamo mo na nakahubad ako, ikaw din ang may kagustuhan niyan.”
“Hindi, ha! Hindi ko gustong makakita ng nakahubad!” kaila niya.
“Siguro sinadya mo talaga iyon.” Pumalatak ito. “Mga babae talaga!”
Tinaasan niya ito ng kilay. Anong ibig nitong sabihin? Na laging pinagnanasaan ng mga babae ang katawan nito? “Huwag mo akong itulad sa mga babae mo. Pinakawalan ko ang kabayo mo para makaganti sa iyo. Kulang pa iyon nang muntik na akong sagasaan ng kabayo mo. Dapat lang sa iyo iyan!”
Kahit pa siguro maghubad ito sa harap niya habambuhay, di ito makakabawi sa kanya. Una, muntik na siya nitong patayin. Pangalawa, muntik na niyang pagtaksilan ang alaala ni Reiven dahil sa pagparada nito sa katawan nito.
“Sinabihan naman kitang tumabi, ah!” depensa nito.
“Kahit na. Wala ka pa ring ingat. Nasugatan na nga ako. Buti sugat lang. Kaya kahit na ipangalandakan mo pa ang katawan mo sa mundo, di ka pa makakabawi sa kasalanan mo.”
Nakuyom nito ang palad. “Magpasalamat ka nakakapagtimpi ako sa iyo!”
“Bakit? Anong gagawin mo sa akin? Sasakalin mo ako? Hahalikan?” Nahigit niya ang hininga nang maisip ang kasunod niyon. “Gagahasain?” Bigla niyang niyakap ang sarili nang ma alalang nakahubad ito. “Gagahasain mo ako, no? Saklolo!”
Tinakpan ng palad nito ang bibig niya. “Anong gagahasain? Di ko gagawin iyon? Huwag kang maingay. Wala akong gagawing masama sa iyo…”
Pumiglas siya. “Sabi mo lang wala pero meron! Meron! Meron!”
Natigilan siya sa pagsigaw nang humagibis ang pana sa tabi niya at bumaon iyon sa lupa di sa tabi ng kamay niya. “Bitiwan mo siya kung ayaw mong masaktan!”
Napalunok siya at di nakagalaw sa sobrang takot. Dumating na ata ang mga katribo ng lalaki. Malamang ay iihawin siya ng buhay ng mga ito. Makasalanan siya. Pinagnasaan niya ito.
Itinaas ng lalaki ang kamay nang may mga sibat na tumutok dito. Nang tumingala siya ay si Daeia ang may hawak na pana.
Ligtas na siya.
“SOFIAJADE, nasaktan ka ba?” tanong ni Daeia habang namamahinga siya sa kubo. “Hindi na kita dapat pinabayaang mag-isa. Muntik ka pang mapahamak.”
“Okay lang ako. Saka di mo kailangang mag-sorry. Dumating naman kayo sa oras. Ligtas ako,” sabi niya at inilabas ang first aid kit niya.
“Baka madala ka. Dayo lang ang lalaki na iyon. Mababait mga tao dito.”
“Tagasaan daw siya?” tanong niya.
Di maikakailang may hawig ang lalaki kay Reiven. Di kaya may nawawalang kamag-anak o pinsan ang mga ito at naligaw sa kabundukang iyon?
“Hindi ko alam. Pero nililitis na siya ni Apo Tulka at ng mga pinuno. Kapag napatunayan na may masama siyang tangka sa iyo, gagawin siyang alipin.”
“Ganoon ba? Maari bang sumama ako sa paglilitis?”
Di niya alam ang mga batas ng tribo. Pero kung mapaparusahan man ang lalaki, kailangang maging malinaw kung ano talaga ang kasalanan nito.
“Kailangan ka talaga doon.”
Ginaganap ang paglilitis sa harap ng bahay ni Apo Tulka na isang ilka. Katabi nito si Dresdana, ang kakambal ni Daeia at susunod na ilka ng tribo. Nagsisilbi itong spiritual adviser ng tribo at nagsasagawa ng mga ritwal. Kasama din ito ng mga pinuno kapag humahatol sa mga paglilitis.
Nakaupo ang mga ito sa malalaking bato na nakapaikot sa apoy. Sa tapat ni Apo Tulka ay nakaupo sa malapad na bato ang lalaki. “Ako po si Doctor Martin de Guia. Bisita po ako ng tribong Tambogon.”
“Ah! Isa ka palang tagapatag,” wika ng isa sa mga pinuno. Bagamat nakikipag-ugnayan na ang mga ito sa mga tagalungsod, skeptical pa rin ang mga ito sa mga dayo dahil pinagtatangkaan ang mga likas na yaman doon kasama na ang ancestral domain at ang sagradong mga kabayo ng tribo.
Isa itong doctor? Totoo kaya iyon? Mas mukha kasi itong model na sanay magbilad ng katawan kaysa isang disente at pinagpipitaganang doctor. Kahit na nakabihis na ang lalaki ay naiisip pa rin niya ang hubad nitong katawan.
“Wala po akong intensiyong masama sa kasama ninyo. Ang totoo naliligo lang po ako sa talon nang nakita ko na lang po nakawala ang kabayo ko.” Tumutok ang mata nito sa kanya. “Siya po ang nagpatakas.”
Itinaas ni Apo Tulka ang kamay. “Inaanyayahan ka namin dito.”
Muntik na siyang umurong. Binigyan siya ng nagbababalang tingin ni Daeia. Di siya maaring tumanggi. Napilitan siyang umupo sa tabi ni Martin de Guia.
“Siya ang panauhin ng mahal na alay,” sabi ng pinakamatandang pinuno ng kapulungan. “Hindi siya gagawa ng gulo.”
“Pinakawalan mo nga ba ang kabayong nasa pangangalaga ng doctor?” tanong sa kanya ni Dresdana. “Ang ginawa mo ay walang ipinagkaiba sa pagnanakaw kung lilitisin ka sa tribo ng Tambogon. Mahalaga ang mga kabayo sa tribo nila. At ang kabayong iyon ay pag-aari pa ng pinuno nila. Ang kaparusahan doon ay isang daang hagupit ng kahoy na may tinik.”
Napalunok siya at di nakakibo. Di tuloy niya alam kung aamin siya. “Gusto ko lang namang gumanti dahil muntik na niya akong sagasaan ng kabayo niya. May sugat pa nga po ako sa tuhod dahil doon,” depensa niya.
“At hindi ko iyon sinasadya,” mariing sabi ng lalaki habang tuwid ang tingin nito sa mga pinuno ng tribo. “Sinasanay pa ang kabayo ni Apo Kame. Kailangan ko itong mapaamo at sanayin kung gusto kong maipagpatuloy ng mga kasamahan ko ang panggagamot namin sa mga tagatribo.”
“Kung doctor ka, bakit naman di nila gustong magpagamot?” tanong niya.
“Hindi basta-basta naniniwala ang mga taga-tribo sa modernong medisina,” paliwanag ni Martin. “Nakarating sa amin na may epidemya ng malaria sa tribo. Di nila alam kung ano ang tamang gamot o kung alin sa nakagawian na nila ang nagpapalala sa sitwasyon. Ilan na sa kanila ang namatay. Kung di namin sila matutulungan, baka pati dito kumalat ang sakit.”
Nakatitig lang siya kay Doctor de Guia habang nagsasalita. He reminded her so much of Reiven. Naalala niya ang misyon ni Reiven sa mundo. Ang gamutin ang maraming tao. Habang iniisip niyang makaganti dito, ipinahamak lang pala niya ang mga taong gusto nitong matulungan. Matutuwa ba si Reiven sa ginawa niya?
“Pasensiya na. Hindi ko alam,” mahina niyang usal.
“Nililitis ka namin dahil sa pinararatangan ka sa pagtatangkang panggagahasa sa panauhin namin,” sabi ni Dresdana. “Totoo ba ito?”
“Hindi! Maari ninyong isalang sa kumukulong tubig ang kamay ko para patunayan kung nagsisinungaling ako,” kampanteng sagot ng lalaki.
Alagad ito ng siyensiya pero iginagalang pa rin nito ang tradisyon ng tribo. Mapapatunayan lamang na di ito nagsisinungaling kung matapos ibabad ang kamay nito sa mainit na tubig ay di iyon malalapnos.
“Baka malapnos ang kamay mo,” kinakabahan niyang wika.
“Hindi ako nagsisinungaling,” wika nito. “It is all about faith.”
Mali iyon. Di naman nito kailangan pang dumaan sa mahirap na pagsubok. Marami pa itong mas importanteng bagay na gagawin kaysa doon.
Tumayo siya. “Nagsasabi po siya ng totoo. Hindi po niya ako gustong pagsamantalahan. A-Akala ko lang po iyon kasi nakahubad siya at galit na galit sa akin. Kasalanan ko rin naman po dahil nang pakawalan ko ang kabayo niya, kasama din doon ang damit niya. Wala po talaga siyang kasalanan,” paliwanag niya.
Gulat siyang tiningala ni Martin. Di marahil inaasahan na iaabswelto niya ito. Sila lang namang dalawa ang may problema. Di na kailangan pang pati ang buong tribo ay bulabugin nila. Ayaw naman niya itong mapahamak.
“Makakaalis na ba ako?” tanong ni Martin.
“Kailangan naming ipaalam sa Tambogon ang ginawa ng panauhin namin,” wika ni Dresdana. “Ayaw naming magkaroon ng sigalot ang mga tribo namin kung di namin ipapaalam ang pagkawala ng kabayo ng pinuno.”
“Tanong ko lang po? Hahagupitin ba talaga nila ako ng isandaang beses?” nakangiwi niyang tanong.
“Iyon ang batas na dapat nating igalang,” wika ni Apo Tulka.
Napakasaklap naman ng kapalaran niya. Talagang may galit ang langit sa kanya. Maisip pa lang niya na hinahagupit siya ng kahoy na may tinik ay ikamamatay na niya. Isandaang beses na hagupit!
Makaligtas lang siya doon, di na siya gagawa ng kalokohan. Hindi na siya magsusungit kay Martin de Guia kahit talaktakin siya ng kabayo nito o maghubad pa ito sa harapan niya. Ipinapangako rin niya na di niya ito pagnanasaan pa. Magiging tapat siya kay Reiven. Ito lang ang mamahalin niya.
“Sa palagay ko ay di na kailangan pang parusahan siya. Naibalik sa akin si Aloy,” wika ni Martin at tipid na ngumiti.
“Paano siyang nakabalik?” tanong niya.
“Natagpuan siya ng mga kawal sa Lawa ng Monandra,” wika ni Apo Tulka. Ang lawang iyon kasi ang sagradong lugar ng mga kabayo. Marahil kahit si Aloy ay naakit sa lugar na iyon.
“Pero hindi ba magagalit ang mga taga-Tambogon?” tanong niya.
“Panatilihin na lang nating sekreto ito,” wika ni Martin. “Bisita ka dito at mas maganda kung maging masaya ng pagbisita mo dito.”
Noong una ay ito ang masama. Sa huli ay siya pa ang iniligtas nito. Sa halip na magalit sa kahihiyang ibinigay niya dito ay kabutihan pa ang iginanti nito.
“Makakabalik ka na sa Tambogon,” wika ni Apo Tulka.
NAKATULALA si Sofiajade habang sapo ang dibdib. Mag-isa na lang siya sa kubong tinutuluyan niya pero di pa rin bumabagal ang tibok ng puso niya. Nakikita pa rin niya at naririnig si Doctor Martin de Guia.
Nananadya ba ang tadhana? He reminded her so much of Reiven. At sa loob ng mahabang panahon, ngayon na lang ulit bumilis ang tibok ng puso niya. Ngayon na lang ulit siya nagnasa sa isang lalaki. Sa kahawig pa ng lalaking mahal niya.
“Reiven, sinusubok mo ba ako?” tanong niya at tumingin sa labas ng bintana. “O baka naman nagpapadala ka na ng kapalit mo dito sa lupa. Ayoko sa kanya!”
Physically, malaki ang pagkakahawig ni Martin kay Reiven. Isang tingin pa lang nito ay parang matutunaw na siya. Pareho ring dokor ang mga ito at nakahandang magsilbi sa maraming tao.
May pagka-dominante rin ang mga ito at pagkasuplado. Naiirita lang siya kay Martin habang nato-tolerate niya si Reiven dahil sa pagmamahal niya. Bakit kailangan pang dumating si Martin sa buhay niya at guluhin ang kanyang mundo?
Nakarinig siya ng mahinang katok. “Miss Gosiaco, gising ka pa?”
“Reiven?” usal niya at dali-daling binuksan ang pinto.
Nakakunot ang noo nito nang mapagbuksan niya.“Sinong Reiven? Boyfriend mo?”
Nawala ang ngiti niya nang maalalang di ito si Reiven. He was Martin. Marahan siyang tumango. “O-Oo. Kaboses mo kasi siya.”
Bakit ba bigla niyang tinawag si Reiven? Kahit noong mamatay si Reiven ay di naman niya iyon ginawa. Alam niyang wala si Reiven. Kahit di niya tanggap, di naman niya binabanggit ang pangalan nito na parang wala siya sa sarili.
“Well, I am not Reiven.” Inilahad nito ang palad. “I am Doctor Martin de Guia… kung di mo natatandaan ang pangalan ko.”