Chapter Reiven Alleje: Chapter 14

Hindi alam ni Sofiajade kung tatanggapin ang pakikipagkamay ni Martin de Guia. He was surreal for her. Parang di dapat may nag-e-exist sa mundo ang tulad nito. Wala itong karapatan na maging katulad ni Reiven sa maraming bagay at magpakita na lang sa kanya.

Napilitan siyang makipagkamay dito. “Sofiajade Gosiaco. Bisita ako ni Daeia.”

“Ah! Siya siguro ang alay nila,” anito at nilingon ang tribong Aringan na nagkakasiyahan. “Nasabi nila sa akin na galing ka sa Manila.”

“Yes. First day ko ngayon. Matapos ang halos isang araw na paglalakad sa bundok para makarating dito, muntik na akong sagasaan ng rumaragasang kabayo. And of course, there’s the unsightly falls scene.”

Isinipa nito sa lupa ang paa at umangat ang gilid ng labi nito na parang naa-amuse sa kanya. “Pasensiya na sa gulo.”

“Pareho lang naman tayong may kasalanan.”

“May kasalanan ako?” angal nito.

“Konti lang.” Kung di siya inakit ng kakisigan nito ay di lalala ang gulo. Pati si Reiven na nabubulabog sa langit ay natutuliro na rin marahil sa nangyayari.

“Hindi pa nagagamot ang sugat mo?” tanong nito.

Tiningnan niya ang tuhod na may malaking hiwa. “Ah! Gagamutin ko na.” Nawala sa isip niya ang sugat dahil kinailangan nilang humarap sa paglilitis. Tuluyan na niya itong nakalimutan nang bumalik siya sa kuwarto sa kaiisip kay Martin.

“Ako na ang gagamot,” prisinta nito.

“Ha?” gulat niyang bulalas at tiningala ito. “Ako na lang.”

Niyakag siya nito sa upuan kahoy sa labas ng kubo. “Dala ko ang medicine kit ko. Baka mamaya ma-infect pa iyan.”

“Pero…”

“Nakabihis na ako. Pwede na siguro kitang gamutin.”

Tahimik siya at hinayaan itong gamutin ang sugat niya. Magaan lang ang kamay nito na parang ingat na ingat. Wala naman siyang naramdaman dahil nakatitig lang siya sa mukha nito. He was every inch Reiven Alleje. Ang kurba ng kilay nito, ang labi, ang tangos ng ilong.

“Hindi ka dapat nagso-shorts kapag nasa gubat. Mabilis kang masusugatan o kaya kakagatin ng mga insekto. Baka lalo kang magkasakit.”

“Magsu-swimming sana ako kaya ako naka-shorts. Ikaw nga walang damit.” Naningkit ang mata nito nang tingalain siya. Ngumisi siya. “Ah! Okay lang sa iyo. Lalaki ka naman saka may ipapakita ka namang katawan.”

“I won’t commit that mistake again.”

Humaba ang katahimikan. Nailang yata ito sa kanya. Sana di na lang niya binanggit. Ganito rin naman sila ni Reiven noon pero nawawala ang pagkailang kapag kinapalan na niya ang mukha niya.

“Doc, saang planeta ka galing?” tanong niya.

“Hindi ba ako mukhang taga-Earth?”

“Wala lang.” Baka kasi kagrupo din ito ni Reiven sa langit. Kahit nakakainis ito, gumagaan ang loob niya dito dahil mukhang may mabait din itong side tulad ni Reiven. “Doc, may girlfriend ka na?”

“Bakit? May gusto ka sa akin?”

“Hindi. Nagtatanong lang ako. May boyfriend na kaya ako!”

Inilabas nito ang gasa sa kit. “Anong sasabihin ng boyfriend mo kapag nalaman niyang nakita mo ako sa waterfalls kanina nang walang kahit anong damit?”

Humalakhak siya para di ipahalata dito na naiilang siya. “Nakita ko na kaya siyang nakahubad.” Natigil siya sa pagtawa nang kumunot ang noo nito. “Ah! Hindi iyon katulad ng iniisip mo. Aksidente lang ang nangyari.”

“Aksidente?” Lalong lumalim ang kunot ng noo nito.

“K-katulad mo kanina sa falls. Ganoon! Di ko sinasadya.” Nakadama siya ng lungkot nang maalala si Reiven. Masyado na ba niya itong nami-miss? Lahat na lang ng gawin ni Martin ay naalala niya ito.

“Hindi ko sasabihin sa boyfriend. Di rin kita hinuhusgahan. You don’t have to explain,” wika nito at inilapat ang gasa sa ibabaw ng sugat niya. “I am sorry.”

Nangilid ang luha sa mata niya. Mariin niyang pinagdikit ang labi para pigilang umiyak subalit kumawala ang hikbi sa labi niya.

Tiningala siya nito. “Bakit ka umiiyak? May masakit pa ba sa iyo?”

Umiling siya. Minsan lang siya umiyak nang mamatay si Reiven. Iyon ay matapos malaman na patay na ito. Matapos iyon ay kailangan niyang ipakita sa lahat na malakas siya sa mga maling paratang dito. Iyon kasi ang maibibigay niyang suporta sa mga nagmamahal dito.

She just realized that she missed Reiven. Lahat ng bagay tungkol sa lalaking ito ay nagpapaalala sa kanya kay Reiven. Pero di niya ito matawag na Reiven.

“Sorry. Naalala ko lang kanina na muntik na akong hatawin ng isandaang beses. Buti na lang sinagip mo ako.”

Umupo ito sa tabi niya at hinaplos ang likod niya. “Delayed reaction ka ata. Tumahan ka na dahil ayokong makakita ng babaeng umiiyak.”

Mabilis niyang pinahid ang luha. Baka isipin nito na OA siya dahil mababaw lang naman ang iniiyakan niya. Hindi niya alam kung gaano kalalim ang sugat na iniwan ni Reiven sa kanya hanggang makita niya si Martin.

“Bumalik ka na sa Tambogon ngayon. Maraming nangangailangan sa iyo, hindi ba? Saka sana ma-train mo ang kabayong pasaway na iyon para tuluyan mo nang magamot ang mga tao sa tribo.”

“Thank you,” anito at tumango. “One more thing. Kapag may nakita kang lalaking nakahubad, tumakbo ka na agad palayo, ha? Paano kung totoong rapist ako kanina? Napahamak ka pa.”

“Tatandaan ko iyon.” Hindi naman niya inaasahan na maakit siya dito. Kaya sa halip na tumakbo siya palayo ay pinanood pa niya ito. Di na siya uulit dahil ang minsang pagkaakit niya dito ay santambak na kapahamakan ang dala.

Ibinulsa nito ang kamay sa pantalon. “Goodnight!”

Kumapit sa barandilyang kawayan ng kubo habang pinagmamasdan ito palayo. Hawak nito ang sulo at inaakay ang kabayong si Aloy. Di pa rin tumitigil ang pagtibok ng puso niya. Di naman niya nagugustuhan si Martin de Guia.

She just missed Reiven. It would always be Reiven.

“KAPAG nasira ang kagubatan, wala nang punong sasala para luminis ang hangin. Natatandaan ba ninyo ang photosynthesis? Ginagamit ng halaman sa paggawa ng pagkain ang carbon dioxide na inilalabas natin sa katawan at inilalabas naman nila ang oxygen na siyang hinihinga natin,” paliwanag ni Sofiajade sa mga batang estudyante ng Aringan. Mula batang paslit hanggang teenager ay kasama sa lecture.

“Wala na po kaming hanging hihingahin kapag naubos ang puno?” nakapangalumbabang tanong ni Armiya.

“Tama. Mawawalan din ng tirahan ang maraming hayop. At maari ring gumuho ang lupa at magbaha sa mga bayan kapag tag-ulan. Sa tag-init naman, magiging mainit ang mundo. Di na rin kasing ganda ang lugar na ito.”

“Pero sa ibang tribo po nagmimina sila. Mas uunlad daw ang tribo namin doon pero di naman sang-ayon si Apo Tulka,” wika ng pinakamatandang si Agos. Mulat na rin ang mga kabataan doon sa mga isyu.

“Siguro nga uunlad ang buhay ng iba sa pagmimina. Pero hanggang kailan? Tama si Apo Tulka. Mahalaga ang lupa. Dito kayo nakakapagtanim at patuloy kayong mabubuhay. Pero kapag nagmina kayo, anong gagawin ninyo sa lupang nalason na pagkatapos? Di na ninyo maibabalik pa sa dati. Pati kayo walang makakain. Ano pa ang ipapamana ninyo sa magiging anak ninyo?” tanong niya.

Nagpalakpakan ang mga ito pagkatapos. Tumayo naman si Daeia sa harapan. “Marami ba kayong natutunan, mga bata?”

“Opo,” sabay-sabay na sagot ng mga ito at nagtaasan ng kamay. “Pwede pa pong magtanong? Ano po ang dagat?”

Natawa siya sa tanong ng mga ito. Nakita kasi nito ang image ng dagat sa laptop niya at walang ideya ang mga ito tungkol doon. Malayo ang tribo sa bayang may dagat kaya manghang-mangha ang mga ito kanina.

“Mamaya na ang mga tanong. Mananghalian muna tayo,” sabi ni Daeia. “Sumuko ka na ba sa kanila?”

“Hindi! Naaliw nga ako sa kanila. Pakiramdam ko di kami nalalayo ng edad.” Madalas pa nga siyang nasasabihan ni Myco ng isip bata. She still loved animes. Iyon kasi ang paraan niya para maging masaya. Na normal lang ang lahat sa kanya.

Nang lumabas sila ng eskwelahan ay napapaligiran si Martin ng mga bata. “Doktor po kayo, di ba? May magic din po ba kayo tulad ni Ilka Dresdana?” tanong ng batang si Armiya. “Nakakausap din po ba ninyo ang mga anito?”

“Wala akong kapangyarihan,” natatawang sagot ni Martin.

“Paano po kayo nakakapanggamot?”

“Nag-aral akong mabuti. Wala man akong kapangyarihan, pero ginagamit ko ang iba’t ibang klase ng kaalaman para magamot ang sakit ng tao,” wika nito. “Sa amin, kahit wala kang kapangyarihan ang importante mag-aral ka.”

Nagkatinginan ang mga bata. Sa tribo kasi na iyon ay naniniwala pa sa mga anito. Ang mga ito ang napapala at nagpaparusa sa mga tao. Bago pa sa mga ito ang konsepto ng agham at teknolohiya.

“Doctor de Guia!” tawag ni Daeia dito. “Mabuti nabisita mo ulit kami.”

Tumango si Martin. “Oo. Dinalaw ko si Habagat. Taga-Tambogon ang girlfriend niya. Nang umuwi siya dito matapos galing doon, nilalagnat daw siya. Kaya tiningnan ko dahil baka may malaria na rin siya. Mukhang karaniwang lagnat lang naman pero kailangan pa rin namin siyang obserbahan.”

“Ano ang pwede naming gawin para di kumalat ang sakit?” tanong ni Daeia.

Nakatulala lang siya kay Martin habang nagpapaliwanag ito. Ang sarap-sarap pakinggan ng boses nito. Nakaka-in love.

“Miss Gosiaco,” tawag ni Martin sa kanya.

Siniko siya ni Daeia. “Tawag ka ni Doc Martin.”

“Ha? Ano iyon?” tanong niya.

“Kasi baka pasukan ang bibig mo ng lamok. Baka ma-malaria ka rin.”

Isinara niya ang bibig. Nakakahiya. Nakita pa siya nitong natulala sa kaguwapuhan nito. “Sorry. Medyo napagod ako sa pagtuturo.”

“Siya ang nag-lecture sa mga bata sa environment awareness,” dagdag ni Daeia. “Maiwan ko muna kayo. Titingnan ko kung nakaluto na sila.”

“Environmentalist ka pala,” sabi ni Martin at inalalayan siyang umupo sa inukit na upuang kahoy sa ilalim ng puno.

“Bakasyon ko sa trabaho. For a change, naging useful ako sa organization na sinalihan ko. Masaya palang maging teacher. Nakakapagod lang. Mas madalas kasi akong nakakulong sa laboratory kaysa pumunta sa ganitong klaseng lugar.”

“This place is heaven. Kailangang protektahan. I love forests.”

“I know,” mahina niyang usal. Gusto ni Reiven ang mga gubat.

Gulat itong lumingon sa kanya. “How did you know?”

“Ha? I mean… kahit naman sino magugustuhan ang gubat. Akala kasi nila uncivilized ang mga tao dito. Pero tayo pa ngang mga itinuturing na sibilisado ang siyang naninira ng kalikasan, hindi ba?” Natawa siya. “Well, iyon ang natutunan ko sa pagpunta dito. I am actually a city girl at heart.”

“Hindi mo kasama ang boyfriend mo dito?”

Umiling siya. “He is busy.” Busy ito sa langit kababantay sa kanya. “Kumusta na pala ang training mo kay Aloy?”

“He improved a lot. Di na mahirap pasunurin. Kaya mas malaya na kaming gumalaw ng mga kasamahan ko. Di tulad dati na de numero ang kilos namin.”

“You earned their respect and trust. Congratulations!” bati niya. “Hindi ba mukhang delikadong kabayo si Aloy? He is a bit wild.”

“Kasama siya sa band ng mga wild horses na gumagala sa gubat na ito. May ritual ang mga Tambogon na huhulihin ang isa sa kanila at magiging sasakyan ng pinuno nila. Nahuli nga nila pero di naman nila na-tame. Kaya para makuha ang respeto at tiwala nila na mapapagaling ang mga kasamahan nila, kailangan daw naming paamuin. Kapag napaamo namin, ibig sabihin sugo kami ng mga anito nila para tulungang gumaling ang mga katribo niya.”

“And you did it! Hindi ba mahirap iyon? Wala kang gamit na saddle. Sa mga rodeo ko lang karaniwang napapanood iyon.” Tulad sa laban ni Reiven at Reid.

“May kaibigan si papa na may rancho sa Venezuela. Siya ang nagturo sa akin noong nagbabakasyon ako doon. It was fun.”

“Fun? Delikado iyon. To tame a wild horse, you must be really good at it. You must be a natural. Like…”

“Like who?” tanong nito nang di niya nadugtungan agad.

Like Reiven, muntik na niyang idugtong. No. Si Reiven na naman. Naihahambing na naman niya ito kay Reiven. Another similarity. Bakit kailangan din nitong maging magaling sa kabayo? Sana ay lampa na lang ito.

“Doctor de Guia, sumabay ka na sa aming mananghalian,” yaya ni Daeia.

Tumayo si Martin. “Salamat pero kailangan ko nang bumalik sa Tambogon. Marami pang kailangang asikasuhin. Bago sa kanila ang lahat ng paraan na itinuturo namin para makaiwas sa sakit. Babalik na lang ako sa ibang araw.”

“Salamat sa kwentuhan,” sabi niya.

Kumaway si Martin sa kanya at sumakay sa naghihintay na si Aloy. May naramdaman siyang panghihinayang nang umalis ito. Na parang isang malaking bahagi ng puso niya ang tinangay nito.

“Anong napagkwentuhan ninyo?” tanong ni Daeia na may halong panunukso.

“Wala lang. Tungkol sa trabaho niya.”

“Halatang titig na titig ka sa kanya kanina. Ang guwapo kasi!”

“Hindi ko napansin,” aniya at iniwas ang tingin. “Gutom na ako.”

“Tama. Kailangan mo pa ng energy sa open forum ninyo ng mga bata.” Umuklo ito at may pinulot sa lupa. “Sa iyo ba ang bracelet na ito?”

Isa iyong white gold bracelet na may linyang pula. Kinapa niya ang braso. Wala doon ang bracelet niya. “Akai ito ko iyan!”

Hindi niya inaalis ang bracelet kahit saan siya pumunta. Iyon kasi ang pinakaimportanteng alaala sa kanya ni Reiven. Ang linya na nag-uugnay sa kanilang dalawa saan man ito naroon. Si Reiven pa rin ang akai ito niya kahit na wala na ito sa mundong iyon. Wala itong kinalaman kay Martin. Kung anuman ang pagkakapareho ng mga ito, theirs were just mere coincidence. Not destiny.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.