“You only have thirty minutes for that lunch. Pagkatapos, kailangan mo nang lumabas sa restaurant na iyan,” mariing utos ni Myco nang tawagan siya nito sa cellphone niya. Naka-park ang kotse niya sa labas ng Tsubu-Tsubu Cafe, isang vegetarian restaurant kung saan siya may lunch siya kasama ang head ng Megos.
“Yes, Boss,” malamya niyang sagot.
Sunud-sunuran na siya kay Myco mula nang sunduin siya nito sa Honduras. Napilitan siyang manatili sa lodge kung saan siya iniwan nila Martin. Isa sa mga tauhan ng papa niya na naka-base sa Central America ang kumuha sa kanya sa lodge at nagbalik sa kanya sa Tegucigalpa.
Mula sa Tegucigalpa ay nakaabang na sa kanya ang Learjet ng mga Rafiq. Naroon na si Myco, si Beiron at maging si Reid Alleje mismo. Kung torture sa kanya ang ilang araw na pananatili sa gubat, mas torture sa kanya na nakasama ang tatlong lalaki sa eroplano. Sa kabuuan ng flight ay animo’y isa siyang kriminal na binasahan na ng hatol.
Hindi siya makakatapak sa riding club. Suspendido ang unlimited access niya matapos niyang gawing hostage ang riding club para di siya sundan ng mga ito. She designed their security system and Myco had a hard time fortifying it. Tinanggalan din siya ng access sa system para di na niya maipam-blackmail pang muli.
Maging sa Hinata Industries ay guwardiyado ang kilos niya sa takot na pati iyon ay gamitin din niyang hostage sa susunod na mahibang siya sa kay Martin de Guia. At para di siya makatakas, may tatlo siyang bodyguard na may instruction ng papa niya na balian siya ng buto oras na subukan niyang tumakas ulit.
“Na-survey na ang mga makakasama mo sa lunch. Sabi ni Edrian, kasama ni Doctor Constantinou si Martin de Guia. Bawal kang tumitig sa kanya nang mahigit sampung segundo,” mariing bilin ni Myco. “Baka mabaliw ka na naman. At alam mo kung ano ang gagawin sa iyo oras na gumawa ka ulit ng kalokohan.”
She let out a sigh. “Yes, I know. Ipapatapon mo ako sa gitna ng Pacific Ocean. Doon sa walang kahit anong klaseng technology at walang kahit anong idea sa sibilisasyon ang mga tao kung may tao man.” Gumaganti sa kanya si Myco. Hindi nito matanggap na napatumba niya ito.
Papasok sa restaurant ay parang escorted criminal siya. May nauna nang dalawang bodyguard na nakaupo sa table sa tapat ng couch na inookupa nina Doctor Constantinou. Mas mabuti pa yatang naiwan na lang siya sa gubat kaysa humingi ng tulong sa kapatid niya. Hinayaan niya itong kontrolin siya.
“Miss Gosiaco!” Ngiting-ngiti ang founder at director ng Megos Warrior na si Doctor Constatinou nang kamayan siya. “Thank you for coming. We really appreciate it. Have a seat.”
Umupo siya sa tabi ni Doctor Constantinou. Nasa harap niya sina Adolf at Martin. “Doctor Shearmur, Doctor de Guia, it has been a long time.”
Alanganing ngumiti si Adolf at uminom ng tubig. Martin only gave her a curt nod. “I am glad that you are back home safely,” anang si Martin sa malalim na boses.
“Yes, of course. How’s your Honduras trip?” kaswal niyang tanong na parang wala itong atrasong ginawa sa kanya.
“Boring without you,” sagot ni Adolf.
“It was a success,” maagap namang sagot ni Doctor Constantinou. “It could have been more successful if you were with them the whole time. I apologize, Miss Gosiaco. It was an error in judgment on Doctor de Guia’s part.”
“It was an error in judgment to bring her there in the first place. She almost died. If I have to leave her in the middle of the jungle, I will do it again,” mariing wika ni Martin at matapang na sinalubong ang tingin ni Doctor Constantinou.
Tumikhim si Doctor Constantinou at binigyan ng nagbababalang tingin si Martin. “Miss Gosiaco, Doctor de Guia is out of the Honduras project. I brought him here to apologize to you.”
Nagtagis ang bagang ni Martin ngunit piniling manahimik. It must be painful for him. Napaka-dedicated nito sa trabaho at dahil sa kanya ay nawala dito ang isang malaking virus hunting expidition.
“Doctor Constatinou, it’s better if you bring the project back to him. He is a compassionate leader and he has a brilliant mind,” nakangiting depensa niya kay Martin. “I will still give my support. Hinata Industries pledged to replicate and improve my traveler’s digital microscope. And they will even provide you with our latest laptop computer. It has its own GPS and uses fingerprints as password. With the emerging bioterror war, you really need it for security.”
“Thank you! Thank you, Miss Gosiaco.” DI mapagsidlan ng tuwa si Doctor Constantinou nang kamayan siya. Malaki ang maitutulong ng mga gadgets na iyon para sa mga project nito. At maibabalik pa kay Martin ang Honduras project.
Tumayo siya. “I must be going.”
Sinulyapan lang niya si Martin pero matiim lang ang tingin nito sa kanya. He must have really hated her for hounding him.
Palabas na siya ng restaurant nang habulin siya nito. “Miss Gosiaco!”
Tumigil siya sa paglalakad at nilingon ito. “Yes?”
“Hindi ako magpapasalamat dahil nakiusap kang ibalik ako sa Honduras project. I don’t need your help. Kung alisin man ako sa project, handa akong harapin ang consequences ng ginawa ko. Hindi na kita kayang dalhin sa pupuntahin namin dahil mas delikado. Kahit na tanggalin pa nila ako sa Megos…”
Nagkibit-balikat siya. “You don’t owe me anything. Hindi ka rin nila dapat tinanggal sa project. You are one of their best brains.”
“Sa susunod, huwag mo na akong depensahan.”
“Ginawa ko lang ang tama. Kung di kaya ng pride mo na nakatulong ako, problema mo na iyon.” Naramdaman niya ang paglapit ng bodyguard niya. Malapit nang maubos ang oras niya. “Just save your breath, Doctor de Guia. Isipin mo na lang ang mga taong masasagip mo kung kalilimutan mo ang galit mo sa akin.”
“Ma’am,” untag sa kanya ng head ng bodyguard niya.
Ngumiti siya ng tipid. “Matatapos na ako dito.”
“Why the bodyguards?”
“To keep me from doing insane things.” Di na nito kailangang malaman na para lang sundan niya ito ay nagkagulo ang Stallion Riding Club. “At kapag tinitigan kita nang mahigit sampung segundo, ipapatapon ako ng kapatid ko sa Pacific Ocean. Kaya kung wala ka nang sasabihin, aalis na ako.”
“Miss Gosiaco, one more thing…”
Hinawakan nito ang kamay niya. She heard a clank of metal. Nang tingnan niya ay magkadikit ang akai ito bracelet nila. The magnetic red line of the bracelets were linked. It was that unbreakable bond again.
Nagsalubong ang mga mata nila. His dark eyes were in awe. Parang isa itong bata na may nadiskubreng kakaibang mahika. It was that line that kept them together. Ang linya na pilit nitong iniiwasan.
Nanikip ang dibdib niya. Totoo pa ba ang destiny kung mali na ang lahat para sa kanilang dalawa sa simula pa lang? Kung ito mismo ay di naniniwala sa nararadaman niya. Na isa lang siyang malaking baliw na naghahabol dito.
Para saan pa ang pulang linya na iyon kung lagi naman silang naglalayo. Baka kalokohan lang ang lahat. Di sila para sa isa’t isa.
She pulled away her bracelet’s latch. Humiwalay iyon sa bracelet nito. “Goodbye, Doctor de Guia.”
Di na niya ito nilingon pa. She would break that bond. Wala siyang pakialam sa bracelet na iyon. Kahit anong gawin niyang paglaban para sa pag-ibig nila, wala na iyong silbi. Dapat na lang niyang tanggapin na patay na si Reiven. At di na niya nakilala pa si Doctor Martin de Guia.
NAKAUPO sa sala ng villa ni Myco sa Stallion Riding Club si Sofiajade habang naglalaro ng chess ang papa niya at si Myco. Nasa kusina naman ang mama niya at abala sa pagluluto ng miryenda para sa kanila.
Naging busy ang lahat sa kanya-kanyang trabaho lalo na’t ilang buwang nanatili sa Japan ang mama niya para I-monitor ang development ng new trainees nila sa Hinata Industries. Bukod sa pag-aasikaso ng papa niya sa Gosiaco Security ay dumadalaw-dalaw din ito sa riding club para I-monitor ang trabaho ni Myco. Family day nila ang araw na iyon. Walang sinuman ang magtatrabaho sa kanila maliban na lang kung may malaking emergency. Katatapos lang ng malaking event na Mister and Miss Stallion Riding Club kaya makakapag-relax si Myco.
“Sofiajade, kinausap ako ng lolo ni Jairon Vince. Gusto ka daw niya para sa mga apo niya. Mamili ka na daw kina Warren, Jairon at kay James,” sabi ng papa niya at itinapat ang horse sa bishop ni Myco.
Nilaro-laro niya ang pulang linya ng akai ito bracelet niya. “Ayoko sa mga apo niyang mayayabang. Ayoko sa mga singkit.”
“Kay Prince Rostam ka na lang, Ate,” anang si Myco naman. “Magmumukha ka tiyak tao kapag naging prinsesa ka.”
“Hindi na ako mag-aasawa,” nakasibi niyang sabi. “Isa lang ang gusto ko.”
“Sino sa dalawa?” tanong ng mama niya at inilapag ang bowl ng veggie salad sa glass table. “Si Reiven na patay na o si Doctor Martin de Guia na iniisip mong si Reiven pa rin. Kung ganyan ang way of thinking mo, walang mangyayari sa iyo.”
“Ma, sino ba ang mas pipiliin ninyo sa dalawa kung ako kayo?” tanong niya.
“Sino ba ang mahal mo?” tanong ni Jeanna.
Huminga siya nang malalim. “Mahal ko si Doctor de Guia dahil nararamdaman ko na siya rin si Reiven. At kahit na sabihin ko na di siya si Reiven, iyon pa rin ang nararamdaman ko. Mahal ko siya. At kahit siya pa si Reiven, hindi na ako makakalapit sa kanya, di ba?”
Nangilid ang luha niya at tumayo agad siya. Idinala siya ng mga paa niya sa rooftop ng villa. Doon lang siya mapag-iisa. Di niya dapat ipakita sa mga ito na nasasaktan pa rin siya. Her family could be very brutal about how she feels. Paulit-ulit na sasabihin ng mga ito na nahihibang siya lalo na si Myco. Palibhasa ay di naman nito alam kung paano magmahal.
She traced the red line on her bracelet. Sana katulad na lang siya ni Myco. Di nakaramdam. Di nagmahal. Dahil kahit na putulin pa niya ang taling nag-uugnay sa kanila ni Martin de Guia, di pa rin ito nawawala sa puso niya.
Mas masakit pa ang nararamdaman niya ngayon kaysa nang mawala si Reiven. Pinupwersa niya ang sarili na huwag mahalin si Martin de Guia. Madali pala ang magmahal at masaktan kaysa piliting kalimutan ang isang taong mahal niya.
Papadilim na nang bumalik siya sa loob ng villa. Sinalubong siya ni Jeanna. “Dinner is almost ready. Are you okay?”
Tumango siya. “Yes. Of course.”
“May dumating kang package. Iniwan ko sa kama mo. Ten minutes na lang magdi-dinner na tayo. Mainit ang ulo ng papa mo dahil natalo siya ni Myco.”
“Yes, Ma,” mahina niyang usal at mabigat ang paang pumasok sa kuwarto.
Isang brown na kahon ang nakapatong sa kama niya. Nang buksan niya ay tumambad sa kanya ang pink confetti. Dumakot siya ng ilang piraso at binitiwan. Parang cherry blossoms ang mga iyon. And cherry blossoms always make her smile.
Subalit nangilid ang luha niya nang isa pang akai ito bracelet ang nasa gitna ng mga confetti. Sa gitna ng bracelet ay may nakatuping papel.
Sofiajade,
Find the person who will make you happy and give him this bracelet. I hope you will find your destiny.
Martin de Guia
Lungkot agad ang naramdaman niya nang hawakan ang bracelet mula kay Martin. As if he was saying goodbye to her.
Tumunog ang cellphone niya. Text message iyon galing kay Adolf. Isang coordinates ng isang lugar ang ibinigay nito. Isa lang ang ibig sabihin niyon. Naroon sa lugar na iyon si Martin at maari niyang sundan.
It was a sign from heaven. Martin was her destiny. Her akai ito. Kahit na ano pang pagtutol ang gawin nito, susundan niya ito sa dulo ng mundo. Ibinigay nito ang bracelet na iyon para piliin niya ang taong magpapasaya sa kanya. Ito lang ang taong magpapasaya sa kanya.
Humalakhak siya at isinabog ang pink na confetti. Pakiramdam niya ay spring na naman at pink ang paligid niya. Pink ang tingin niya sa paligid kapag pink at in love. Mula sa araw na iyon ay di na siya papayag na malungkot pa.
Kinatok siya ni Jeanna. “Sofiajade, dinner is ready.”
“Coming, Ma!”
Naghilamos siya at inayos ang sarili. Kailangan kapag humarap siya sa papa niya ay presentable siya. Susundan niya si Martin. Kung di siya nito papayagan, tatakas at tatakas siya sa kahit anong paraan.
“Mag-asawa ka na! Ilang taon ka na pero wala ka pa ring girlfriend! Sa dami ng magagandang babae dito sa riding club, wala kang gusto?” sermon ng papa niya kay Myco habang kumakain. “Gusto ko na ng apo.”
“Bakit ako? Si Ate dapat muna ang mag-asawa. Malapit na mag-thirty iyan. Tumagal-tagal pa, di na kayo magkakaapo diyan,” sabi ni Myco.
“May napili na ako,” aniya at tipid na ngumiti.
“Nakapili ka na ba sa mga Yun?” tanong ni Jeanna.
“No. Susundan ko si Martin de Guia kung saan man siya nandoon. Siya lang ang lalaking gusto kong pakasalan,” kampante niyang wika.
“Ate, ayaw nga niya sa iyo. Bakit ba mapilit ka?” angal ni Myco.
“Sige. Kung siya ang gusto mo, sundan mo. Kaysa naman pasakitin mo ang ulo ko at nawawalan ako ng kita dahil nasa iyo ang pinakamagaling kong bodyguards. Ipapahatid pa kita mismo sa Martin de Guia na iyan,” pagtataboy ng papa niya.
“Pa, bakit?” bulalas ni Myco.
“Michael, gusto mo na namang mapahamak ang anak natin?” walang kangiti-ngiting tanong ni Jeanna.
“Myco, kung gusto mong pigilan ang kapatid mo, kailangang talunin mo siya sa chess. Kapag natalo ka niya, kailangan mong magpakasal sa babaeng pipiliin ko para sa iyo. Nagkakaintindihan ba tayo?”