May kislap sa mata ni Reiven habang iniikot ang tingin sa Forest Trail. Sa tabi sila ng falls nag-aagahan. Nakalatag ang picnic blanket at naka-ready na rin ang pagkain nila. “This is nice,” komento nito. “Sa mga gubat na kinapadparan ko, ito pa rin ang gusto kong lugar. Tahimik. It’s like home.”
“Naisip ko na bilang Reiven, dito mo gustong unang pumunta. Solo natin ito hanggang eight o’clock. Busy ang schedule mo sa araw na ito.” Sinusulit niya ang sandaling makakasama ito bilang Reiven.
Alas singko pa lang ng umaga ay bumangon na ito. May kabayo nang nakahanda sa kanila sa stable. Ipinasyal niya ito sa buong riding club. Matapos manood ng sunrise sa Mountain Trail, tumuloy na sila sa Forest Trail.
Nilingon nito ang kabayo. “That horse looks like Bucephalus.” Bucephalus din ang pangalan ng unang kabayong nai-tame nito. Dahil gustong-gusto nito si Alexander the Great noong bata pa, iyon din ang ipinangalan nito sa kabayo nito.
“Ah! Si Thunderstruck? Anak siya ni Bucephalus. He is as stubborn as his father. Alleje lang ang sinusunod nila sabi ni Sir Reid. Kaya siya ang ibinigay ni Reichen sa iyo para gamitin mo ngayon.”
Di na ikinaila sa kanya ni Reichen na alam nito ang totoo. Sinabi din niya dito na napapayag niyang manatili sa riding club si Reiven ng ilang araw. Kaya gagawin daw nito ang lahat para ma-enjoy ni Reiven ang ilang araw na iyon bago sila muling iwan. Naplano na nila ang mga gagawin ni Reiven habang nandoon.
“I never really gave up my passion with horses. Noong makaalis ako sa Amazon, isanasama ako ni Adolf sa ranch nila. Hindi ko rin matiis na sumakay ng kabayo. Bago pa ako naging virologist, mga kabayo ang buhay ko.” Tumingala ito. “And this had always been my haven. It didn’t change much.”
“Iyon ang pangako ninyo ng Kuya Reid mo sa lolo ninyo, di ba?”
“Hindi na masama na natalo ako sa laban namin. Dahil kung ako ang nanalo, di rin mapapakinabangan ang lugar na ito. It is perfect as a part of the riding club.” Pumikit ito. “This is so relaxing.”
A hand caressed her heart. Iba ang aura ni Reiven ngayon. Kadalasan ay pasan nito ang mundo sa balikat nito. Laging pagod ang mga mata nito pero parang ayaw pa rin nitong tumigil sa anumang ginagawa nito. He kept himself from the world. Ni hindi nito naranasang I-enjoy ang buhay nito. Iyon yata ang parusa nito sa sarili nito. Ang hindi maging masaya. Kapag sumaya ito ay nagi-guilty ito.
Ngayon ay payapa ang mukha nito. Binawalan din kasi niya ito na isipin ang mga trabaho nito. Saka na nito isipin ang responsibilidad nito sa mundo kapag lumabas ito ng riding club at bumalik sa pagiging Martin de Guia.
Kumislap ang mata niya nang maalalang nakita itong naliligo sa falls nang walang kahit anong saplot. “You really have that habit, right?”
“What?” tanong nito at uminom ng tea.
“Hilig na hilig mong maligo sa falls nang walang damit. Pakiramdam mo yata pag-aari mo ang lahat at wala kang pakialam kung may makakita sa iyo. O gusto mo talagang ipagmalaki sa akin ang katawan mo? Nang-aakit ka, eh!”
“Akala ko kasi walang tao.”
“Walang tao? Huwag mo nang uulitin iyon, ha? Pasalamat ka ako lang ang nakakita sa iyo. Kahit na gahasain kita, kaya kitang panagutan.”
Sinubuan siya nito ng papaya. “Kumain ka! Baka may ano na namang virus na umatake sa iyo.”
Umupo siya sa tabi nito. Humilig siya sa balikat nito at yumakap sa baywang nito. “Reiven, kailangan ko ang init ng iyong katawan.”
“Sandali!” Tumayo ito at binuhat siya.
Maloloka na siya sa kilig. Sa wakas, matapos ang ilang taong pagpapakipot sa kanya ni Reiven, matutupad na rin ang pangarap niya na angkinin ito. “Sinusulit mo talaga ang pagkakataon na makasama ako, no?”
“You are right.” His lips curved in a sinister smile. Kinabahan siya.
Nanlaki ang mata niya nang maglakad ito papunta sa falls. Mukhang alam na niya ang iniisip nito. “No, Reiven! No!”
Tumili siya nang tumalon ito sa natural pool na bumabagsak sa baba ng falls. Mahigpit siyang kumapit sa batok nito. Humalakhak ito nang malakas nang suminghap siya pag-ahon ng ulo niya sa tubig.
“Buhay ka pa?” tanong nito.
Huminga siya nang malalim at tiningnan ito nang masama. Pero nang nakita niya itong ngumiti ay di na niya magawang magalit dito. “Reiven Alleje, magpasalamat ka dahil guwapo ka kahit na nang-iinis ka.”
Di na rin niya alintana ang lamig ng tubig dahil magkadikit ang katawan nila. Kahit pa siguro magyelo ang tubig, di siya mag-aalala basta magkadikit sila ni Rieven. Kung akala nito ay mababawasan ang pagkaakit niya dito, hindi! Lalo lang nitong pinatindi dahil dumikit sa matipuno nitong katawan ang damit nito.
“Dapat yata ibinabad na lang kita sa ilog noong tamaan ka ng amazonia virus. Baka mas mabilis kang gumaling doon. What do you think?”
Kumunot ang noo niya. “Reiven, ano bang ginawa sa akin sa ritwal? Paano naman ako napagaling noon? Hindi ba kahit naman mga taga-tribo sila at naniniwala sa supernatural, may ginagamit pa rin silang mga halaman sa panggagamot?”
“Wala ka bang natatandaan?”
Mariing nagdikit ang labi niya. “Hmmm… basta naririnig ko lang ang tunog ng tambol. Tapos may lalaking nagli-lead ng dasal. May pintura sa mukha. He must be the shaman. Tapos may isa pa…”
“Ano iyon?” tanong nito.
“This.”
He kissed her with feverish passion. It was odd. Ilang beses na niyang natikman ang halik ni Reiven. Pero ang paraan ng paghalik nito sa kanya ay naranasan lang niya sa panaginip niya nang panahong nagdedeliryo siya. It was molten hot. Even the cold water enveloping them was boiling. Kung panaginip lang ang lahat, bakit malinaw pa rin sa alaala niya? At bakit iyon din ang nararamdaman niya ngayon?
Bigla silang naghiwalay nang maramdaman nilang may nakatingin sa kanila. Nakatayo sa pampang si Myco at nakahalukipkip. “Malapit na ang simula ang earthquake drill. Bawal ang ma-late,” pormal na sabi ng kapatid niya.
Nagdadabog siyang umahon sa tubig. “Seven-fifteen pa lang. Mamaya pang alas nuwebe ang drill na iyan. Nakakaabala ka.”
Kuntodo bantay ito sa kanya. Bakit ba di niya naisip na pati ang maliligayang snadali nila ni Reiven ay panghihimasukan nito.”
“Baka kasi mapulmonya ka sa tubig, Ate.” Ihinagis nito sa kanya ang tuwalya. At ihinagis din nito ang isa pa sa kaaahon lang na si Reiven. “I will meet you two at the Guesthouse. Doon magsisimula ang earthquake drill.”
“Thank you,” anang si Reiven at tinuyo ang buhok. Di sinasabi ng kapatid niya kung alam na nito ang sekreto ni Reiven. Pero walang nakakaligtas sa security ng riding club. Tiyak na gumawa ng sariling paraan si Myco para malaman ang totoo.
“That kiss was dangerous,” Reiven uttered with a sigh.
“Halik lang naman iyon. Sumingit pa si Myco,” angal niya.”Paanong delikado?”
Ipinilig nito ang ulo. “Nothing.”
Dumampot ito ng mansanas at kinagatan. Malayo na naman ang isip nito.
Tahimik niyang ipinagpatuloy ang pagkain. That kiss was bothering her. Paanong naging realidad sa kanya ang panaginip niya? Panaginip lang iyon pero parang naranasan na niya. Posible ba iyon?
At ang ritwal…Ano ba ang hinahawakang sekreto ng ritwal na iyon?
FRESH na fresh ang pakiramdam ni Sofiajade nang ibaba siya ng golf cart sa harap ng Guesthouse ng riding club. Dahil kasama si Reiven sa mga magfa-facilitate sa earthquake drill ng riding club, tiyak na mae-expose ito sa mga babaeng ambisyosa at pagnanasaan ito. Kailangan ay di magpatalo ang kagandahan niya. Ang latest blouse na nai-release ni Jenna Rose pa ang binili niya. Lumutang kasi ang kaseksihan niya doon. Baka magbago ang isip ni Reiven at di na siya iwan pa.
Nagsalubong ang kilay niya nang makitang pinagkakaguluhan si Reiven ng mga babaeng naka-costume ng dress na floral ang print. “Doc Martin, mag-practice naman tayo ng mouth to mouth resuscitation,” sabi ng orchids ang print,
“Me first!” Itinaas ni Justille ang kamay. “I am hyperventilating!” Sapo nito ang dibdib at saka humilig sa katawan ni Reiven.
Gusto na niyang maghisterikal. Ang pinakamamahal niyang si Reiven, dinidikitan ng mga babaeng guest na ang gusto ay makabingwit ng mayamang guest at miyembro ng riding club. Di nakaligtas si Reiven sa paningin ng mga ito.
Parang gusto niyang kumuha ng malaking pambugaw ng langaw atp paghahampasin ang mga ito sa mukha. Hahawaan pa ng bacteria si Reiven.
Sumingit siya at hinila si Reiven palayo sa mga ito. “Excuse me, mga ligaw na bulaklak. Tumabi kayo kung ayaw ninyong masaktan.”
“No! No! No! Hindi kami ligaw na bulaklak.” Humalukipkip si Nuri na siyang tumatayong leader ng grupo. “Kami ang pinakamagandang bulaklak sa gitna ng marahas na mundong ito at nagihihintay kami ng guwapong prinsipe na pipitas sa aming kariktan at sasamyo sa aming bango,” patulang sabi nito.
“Whatever! Layuan ninyo si Doc Martin. Please! Punong-puno kayo ng bacteria at virus. Naaalibadbaran siya,” pagtataboy niya.
Humagikgik si Justille na may bulaklak ng kampupot na nakaipit sa tainga. “Bagay nga kami. Virus ang gusto pag-aralan ng virologist. Saka nagpa-practice lang naman kami para sa drill dahil kami ang victims.” Saka ito biglang nabuwal. Tumirik pa ang mata nito at naghahabol ng hininga. “Help me. I am dying!”
Hinarangan niya ang mata ni Reiven. Di nito dapat makita ang karima-rimarim na ginagawa ng babae. “Miss, hindi yata rescuer ang kailangan mo sa itsura mo. Dapat sa iyo albularyo. Parang nasasapian ka ng masamang espiritu.”
“Justille, tumayo ka diyan!” utos ni Nuri. “Huwag nating galitin si Ate Sofie. Puntahan na lang natin si Myco.”
Nanlisik ang mata niya. “Ate? Tinatawag mo akong ate? Nakita mo ba ang sarili mo salamin? Mas bata pang tingnan ang lola ko.”
“Huwag kang masyadong high blood,” saway ni Reiven sa kanya nang nagsipasok na ang miyembro ng Flower Girls sa loob ng Guesthouse.
“Sino ba ang hindi tataas ang presyon sa mga tulad nila?” Pinagpag niya ang balikat nito. “Di ka dapat dumidikit sa mga virus na iyon. Mayuyurakan ang dangal mo.” Sinapo niya ang noo at umarteng hihimatayin. “I am dying! Kiss me,” maarteng sabi niya at humilig sa katawan nito na parang hihimatayin.
Hinawakan nito ang baba niya at inangat. Tinitigan nito ang mga mata niya. “Kapag ba hinalikan kita, mabubuhay ka?”
Marahan siyang tumango. Mukha kasing seryosong-seryoso ito sa tanong. “Kung mamamatay ba ako ngayon at iyon langa ng makakabuhay sa akin, hahalikan mo ako?”
“Yes,” anito at unti-unting lumapit ang mukha sa kanya. Nanginig ang labi niya sa sobrang kaba. Bakit ang bagal-bagal nito? Parang binibilang ng ilang milenyo bago makalapit ang labi nito sa kanya? Pinasasabik lang siya nito.
Halos magkadikit na lang labi nila nang bigla itong tumigil. “Sofiajade…”
“Hahalikan mo ba ako? Mas ikamamatay ko pa ang paghihintay ko sa halik mo. Anong klaseng rescuer ka? Sayang ang oras.” At nanghaba ang nguso niya.
“Hoy! Anong ginagawa mo?”
Isang malakas na kamay ang humila sa balikat niya palayo kay Reiven. Nang lumingon siya ay si Julian Veron iyon, kapatid ni Jairon Vince. “Eron, ano ba?”
“Ako ang bahala sa iyo!”
Hinatak din siya ni Reiven mula kay Julian Veron at itinago sa likuran nito. “Huwag mong hahawakan si Sofiajade!”
“Pagsasamantalahan mo si Ate! Pinoprotektahan ko siya!” matapang na sabi ni Julian Veron at kinuyom ang palad. Handa na itong makipaglaban. Matalik itong kaibigan ni Myco at parang kapatid na rin ang turing niya.
“Sandali! Bakit mo naman siya poprotektahan sa akin?” tanong ni Reiven at hinatak siya palayo kay Julian Veron. “Mukha bang pinagsasamantalahan ko siya?”
“Well… kung ikaw ang doctor na kinababaliwan ni Ate Sofie, malamang…” Kinamot ni Julian Veron ang baba. “Malamang ikaw ang pinagsasamantalahan.”
Pinitik niya ang tainga ni Julian Veron. “Kahit kailan talaga pambwisit ka sa buhay ko. Kayo ng kuya mo, pagbubuhulin ko!”
“May party kasi mamayang gabi. Mamamasyal lang kami ni Arjhi.” Inginuso ang nobya na nakaupo sa loob ng kotse. “Dadaanan lang namin si Myco.”
“Busy siya ngayon dahil may drill kami,” wika niya.
Sinaluduhan nito si Reiven na di madilim pa rin ang mukha. Kung siya ay nagsisintir dahil di naituloy ni Reiven ang paghalik sa kanya, mukhang di naman nagustuhan ni Reiven na bigla na lang siyang sinunggaban si Julian Veron.
“Doc, peace tayo. Di ko naman aagawin si Ate Sofie sa iyo. Di ko naman sinasadya. Saka idol kita. Ikaw lang ang umaway sa Kuya Jai ko na di siya nakagalaw. Nasindak mo siya. Mabuti naman may nakagawa no’n sa kanya,” tatawa-tawang sabi ni Julian Veron at nagpaalam na.
“Si Eron na pala iyon,” sabi ni Reiven at sinundan ito ng tingin. “Medyo totoy pa siya noong nakita ko silang magkasama ni Myco.”
“Seven years ka kasing nawala.”
“Kung magkikita ulit kami, baka may asawa’t anak na siya. Ang dami nang nagbago mula nang mawala ako,” malungkot nitong sabi. Di man nito direktang aminin, sa palagay niya ay nanghihinayang ito sa mga panahong lumagpas dito.
“Live by the moment, Reiven. It’s no use regretting the past. Ang importante kung ano ka ngayon at kung ano ang gagawin mo bukas.”
Ginagap nito ang kamay niya. “Habang nandito ako, wala akong sasayanging oras. Just stay with me, Sofiajade. I don’t want you out of my sight.”
Wala rin siyang plano na mawala ito sa paningin niya lalo na’t maraming babae ang umaaligid dito. She would treasure every moment she’d spend with him. Sana nga ay sapat na iyon sa kanya gaya ng pangako niya.
WALANG ganang kumain si Jeanna habang ganadong-ganado naman si Sofiajade. May pastry and pasta buffet sa Rider’s Verandah kaya enjoy na enjoy siya.
“Ma, huwag ninyong sabihing nagda-diet kayo. Kain lang ng kain. Magtatampo si Miles at Chef Gino kapag hindi ninyo naubos ang kinuha ninyo,” paalala niya.
Mama niya mismo ang sumundo sa kanya mula sa earthquake drill. Gusto daw siya nitong makakwentuhan dahil miss na miss siya nito. Isang buwan siya nitong di nalapitan at nakita dahil sa pagkakaroon niya ng virus.
“Sofie, do you think it is wise? Nang lumabas ng medical center, dapat umalis na din dito si Doctor de Guia. Di na siya dapat nag-extend pa.”
“Request ko iyon, Ma. Hindi niya na-enjoy itong riding club dahil sa pag-aalaga niya sa akin. Di naman masamang pasalamatan siya, di ba?” aniya at sumubo ng coffee jelly cake. “This tastes good. Magugustuhan ito ni Doc Martin. Makapag-take out.”
‘Hija, you are not meant for each other. Di kayo bagay sa isa’t isa.”
“Bagay? Bakit naman ninyo nasabi, Ma?” Naiintindihan niya ang papa at si Myco kung sabihing tigilan na niya ang kahibangan niya kay Reiven. Pero iba naman ang mama niya. Di daw sila para sa isa’t isa ni Reiven. Ano ba ang alam nito?
“Para maging maayos ang buhay mo, di mo kailangan ng isang lalaki na mamahalin mo. Love confuses you. It makes things complicated. Emotion takes away your reasoning power. And it is not wise.”
Umangat ang gilid ng labi niya. “So what kind of man do I need?”
“Someone who shares the same dream with you. Iyong tao na makakaintindi sa trabaho mo at di siya makakasagabal sa career mo. Kahit na hindi mo siya mahal, ang importante iginagalang ninyo ang isa’t isa. He will remain faithful because you will do the same. It is better than loving someone and destroying yourself.”
“Ma, huwag ninyo akong itulad sa inyo ni Papa. Alam ko na ikino-consider ninyo na successful ang relasyon ninyo kahit di kayo nagsimula na nagmamahalan. Failure siguro ang tingin ninyo sa akin pagdating kay Reiven o Martin. But I am happy. At hindi ko po kayang pakisamahan ang isang lalaki na di ako mahal at di ko mahal.” Tinawag niya ang waiter at nagpa-take out ng coffee jelly cake. “Thanks, Ma. Susunod din ako sa Japan oras na umalis na si Doc Martin ng riding club.”
“I hope you won’t regret meeting him,” usal nito bago sila maghiwalay.
Masyadong nag-aalala ang mama niya sa kanya. Di niya dapat dibdibin pa ang sinabi nito. Ang importante maging ma-enjoy niya ang panahong kasama si Reiven. Kapag wala na si Reiven, di na ito aalalahanin pa ng mama niya.
Pumunta siya sa polo indoor arena kung saan nagpa-practice si Reiven para match nito. Matagal na kasi itong di nakakapaglaro ng polo. Ang di lang nawawala dito ay ang kasanayan nito sa pagsakay ng kabayo na natural na dito.
She could hear the women sighing. Naningkit ang mata niya nang makita ang mga notorious na Flower Girls. “Oh, he is sizzling hot!” bulong ni Jaja.
“Is it legal not to wear a top?” tanong naman ni Mikha.
“Is it legal to have a hot body like that.”
Lumingon siya sa playing field. Nasa gitna ng arena sina Reichen at Reiven. Ginigitgit ni Reichen ang kapatid habang kinokontrol ni Reiven ang bola. Nasasabayan na naman nito ang galaw ni Reichen. Di tulad kanina na lagi itong naaagawan ng bola.
Nanlisik ang mata niya nang makitang walang suot na pang-itaas si Reiven. Kaya naman pala naglalaway ang mga babaeng iyon dahil sinadya nitong iparada ang katawan nito. Humalukipkip siya at pinagmasdan si Reiven nang hampasin ang bola. Mula sa distansiya niya, nakikita niya ang paggalaw ng mga muscles nito. Pati siya ay naglalaway. Mas yummy pa ito sa coffee jelly cake na dala niya.
Si Reichen na ang may kontrol sa bola. Hahatawin na sana nito ang bola ngunit sinalag iyon ni Reiven. Maang na tumingin dito si Reichen at ngumisi.
“Sa akin ang kayamanan, Captain Hook,” sabi ni Reichen.
“Mamamatay ka pero di mo makukuha ang kayamanan, Peter Pan!”
Ang dapat na polo practice ng mga ito ay nauwi sa sword fight sa pagitan ng dalawa. Naging espada ang mga polo stick. Seryosong-seryoso sa paglalaban ang mga ito sa ibabaw pa ng mga kabayo.
“Ay! Nag-aaway silang dalawa dahil sa akin. Huwag!” sabi ni Jaja at inabot ang kamay. “Mahal ko naman kayong dalawa.”
Pinanlakihan niya ng mata ang mga ito. Bukod sa di siya natutuwa sa pagnanasa ng mga ito kay Reiven, di rin matutuwa ang nobya ni Reichen na si Saskia oras na malamang umaaligid na naman ang mga Flower Girls dito.
“Ay! Bumagsak si Doc Martin!” bulalas ni Nuri.
“Reiven,” mahina niyang usal at mabilis ang kilos para daluhan ito.
Subalit may pumigil sa balikat niya. “Hayaan mo lang sila.”
Tumingala siya. “Sir Beiron.”
“It is just child’s play for them. Peter Pan and Captain Hook. Iyan ang madalas nilang laruin noong bata pa sila.”
“Alam mo na si Reiven…”
“Nang makita ko siya, alam ko na agad kung sino siya. Akala ko noong una, nababaliw ka lang. And he belongs here.”
“He is leaving us anyway. Pansamantala lang siya dito.”
“May dahilan si Reiven kung bakit ito ang pinili niya. Just let him be. It is his life. Kahit pa tutol ako sa desisyon niya, dapat irespeto natin iyon. Gawin na lang natin ang magpapasaya sa kanya habang nandito siya.”
Maya maya pa ay sumama na si Beiron sa practice ng dalawa. Nagsunud-sunod na rin ang pagdating ng ibang kalaro ng mga ito.
For Reiven’s happiness, she’d give everything. Kahit pa kailangan din niya itong isuko sa huli.