“Grabe! Hulaan mo kung sino ang nakita kong nakasuot ng Reiven’s destiny bracelet kanina. Iyong nurse na ubod nang suplada sa center. Matindi talaga ang kamandag mo, Kuya,” kwento ni Reichen habang nanananghalian sila.
Tahimik lang si Sofiajade na sumusubo habang nakakunot ang noo. Dumudugo na ang tainga niya sa listahan ng mga babaeng naghahabol kay Reiven.
“Ah! Iyong si Nurse Dimples. Suplada ba iyon? Laging nakangiti sa akin iyon kapag nakakasalubong ko sa medical center dati,” kaswal na sabi ni Reiven. “Hindi naman siya mukhang suplada.”
“Dati ka pa pala crush no’n kung ganoon,” sabi ni Reichen.
Pasimpleng tumirik ang mga mata niya. Habang muntik pala siyang mamatay ay nakikipagngitian ito sa mga nurse doon. “May kilala naman akong tao na akala mo ubod ng suplado pero mukhang front lang niya iyon para makaakit ng maraming babae.” Direkta siyang tumingin kay Reiven. “Hindi ba, Reiven Alleje?”
“Bakit parang may angst ang pagkakatanong mo?” ganting tanong ni Reiven. “Mukhang pinagseselosan mo nang husto iyong kakilala mong suplado, ah!”
Ngumiti siya at sumubo ng paella. “Masarap ang pagkakaluto nito.”
“My mother’s recipe,” sabi ni Reid. “Reiven’s favorite. Kung gusto mong makakuha ng recipe, I am sure ibibigay ni Mama sa iyo.”
“Hindi ako marunong magluto ng ganito. Kakain na lang ako.”
“Hindi mo ba ipagluluto si Reiven?” tanong ni Tamara.
“Bakit ko naman ipagluluto iyan? Naku! Hindi lang paella ang iluluto para sa kanya ng mga babaeng may gusto sa kanya.”
“Alam lang niya ipagpakulo ako ng tsaa,” wika naman ni Reiven. “Paano kaya kami mabubuhay sa bundok? Doon ko pa mandin sana siya ititira para makalimutan na niya ang pagseselos sa mga babae dito.”
“Mag-isa kang tumira sa bundok!” Akala pa mandin niya ay maganda ang pangarap nito sa kanya bilang Mrs. Reiven Alleje. Tapos ay sa bundok lang pala siya nito ititira.
“Sofie, nakauso ka rin pala ang bracelet,” sabi ni Saskia at kinulbit ang bracelet niya. “Original ba iyan?”
“Hindi. Nabili lang ito sa may bangketa habang papunta ako dito. Mukha ba siyang original? Mura lang ito!”
“Mahal ang bili ko niyan!” sabi naman ni Reiven. “Akala mo ba kung kani-kanino ko lang ibinibigay iyan?”
“Ang dami-dami kayang may suot nito. Kahit nga iyong street sweeper ng riding club may suot din. Ang dami mo namang destiny.”
Tinitigan siya nito. “Ang alam ko, isa lang ang pinakasalan ko.”
Naumid siya lalo na’t nakatutok na sa kanya ang mata ng lahat. Di niya alam kung sinu-sino na ang nakakaalam ng totoong nangyari sa Amazon. Di iyon binanggit sa interview ni Reiven pero mukhang alam ng pamilya nito. At hindi niya alam kung ano ang stand ng pamilya nito sa isyu na iyon.
“Kailan ba kayo magpapakasal ulit?” tanong ni Reid. “Mas maganda siguro kung sa lalong madaling panahon. Matitigil lang ang mga babae sa paghahabol kay Reiven kung maikakasal ulit kayo.”
Matiim niyang tiningnan si Reiven. Pakakasalan lang ba siya nito ulit para matahimik ito sa mga babaeng naghahabol dito. Hindi iyon nabanggit ni Reiven sa kanya. Hindi niya alam kung may plano itong gawing legal ang lahat.
“Huwag muna nating I-bombard si Sofiajade ngayon. Hindi pa siya nakakapag-pahinga mula sa flight niya,” sabi ni Reiven.
Pinili niyang tumahimik na lang kaysa humalo pa sa usapan ng mga ito. Di naman kasi siya magsasalita kundi napag-usapan ang mga babaeng nagkakandarapa kay Reiven.
Awtomatiko siyang inantok nang matapos ang tanghalian. Nakaupo siya sa onion seat na nasa terrace ay pumipikit na ang mata niya. Nagku-kwentuhan pa ang mga ito habang nagde-dessert. Siya naman ay di na kinakaya ang antok.
“Doon ka na muna sa isa sa guestroom,” sabi ni Reiven sa kanya.
“Doon na lang ako sa villa ni Myco. Baka mamaya anong gawin mo sa akin.”
“Sa ating dalawa, ikaw itong may habol sa katawan ko.” Binuhat siya nito. “Rest assured that I won’t exercise my husbandry rights. Maliban na lang siguro kung ikaw ang magmakaawa sa akin.”
“In your dreams, Reiven Alleje.”
Malayo sa pagnanasa ang isip niya nang mga oras na iyon. She was just satisfied to feel his arms around her. May plano ba itong mag-propose sa kanya ng kasal? Pwede rin namang nagbago na ang isip nito.
“Reiven, kung ibang babae na ang gusto mong pakasalan, di naman problema sa akin. Maiintindihan ko. Magaganda naman ang mga babaeng naghahabol sa iyo.”
“Ibibigay mo na lang ako sa kanila?”
Humilig siya sa dibdib nito. “I was a bit cruel to you.”
“It’s understandable.” Ipinasok siya nito sa guestroom at ihiniga sa kama. Tinanggal nito ang sandals niya. “Take a rest. And for once, kalimutan mo ang mga babaeng iyon. They don’t mean a thing to me.”
NAG-AAGAW ang liwanag at dilim nang magising si Sofiajade. Sa sobrang pagod siguro niya sa biyahe at di rin siya halos makatulog nang nakaraang gabi kaya ngayon ay bumabawi ang katawan niya.
Nasa guestroom pa rin siya ng mansion ng mga Alleje. Hindi na siguro siya ginising ng mga tao dahil pagod na pagod siya.
Malinaw-linaw na ang isip niya ngayon. Kung magkakasarilinan sila ni Reiven, kailangan nilang mag-usap nang seryoso. Ang unang kailangan nilang planuhin ay kung ano ang estado niya sa buhay nito at kung ano ang plano nito.
Siguro nga ay totoo na pinili nitong lumabas at sabihin sa mga tao na ito si Reiven Alleje. Nakita niya ang mga babaeng naghahabol dito. May beauty queens at model. Pawang matatalino, edukada at magaganda. Anong panama niya sa mga iyon? Hindi naman legal ang kasal nila. She had no hold on him.
Maghihilamos siya sa banyo nang may pumipigil sa paggalaw ng kamay niya nang maisara na niya ang pinto. Nang pagmasdan niyang mabuti ay may pulang pisi na nakatali sa bracelet niya. “Someone’s playing a prank on me.”
Napilitan siyang sundan ang pulang linya. Naglakbay iyon sa sala ng mga Alleje, pababa ng hagdan hanggang makarating sa rose garden. Sa gitna ng rose garden ay nakatayo si Reiven.
He looked a bit out of place. The thorn among the roses. Pero nang titigan siya ng mga mata nito, kusang humakbang ang paa niya palapit dito. May soft spotlight na umiilaw sa lugar dahil madilim na. And it made the effect romantic.
“What’s this prank, Reiven?” tanong niya.
Inangat nito ang kamay na may suot na bracelet. Nasa kamay nito ang dulo ng taling nakatali sa bracelet niya. “It is not a prank. Nang bilhin ko ang bracelet na iyan, sinabi nila sa akin na may invisible red line na nagkokonekta sa mga taong matatawag na soulmates o destined na magkasama.” Hinila nito ang tali at hinapit ang baywang niya. “Gusto ko lang ipakita sa iyo kung sino ang totoong akai ito ko.”
Tinalunton ng daliri niya ang butones ng polo nito. “Paano mo natitiyak na ako ang ang para sa iyo? Sa dami ng may ganitong bracelet at sa dami ng nagkakandarapang babae sa iyo, you can always have a change of heart.”
“Ang alam ko, isang babae lang ang pinagbigyan ko ng kapares ng bracelet na ito. Sa isang babae ko lang ibinigay ang puso ko.” Itinaas nito ang kamay niya na may hawak na bracelet. She heard a soft click. Nagdikit ang magnetic latch ng bracelet nila. “Maraming babae ang may suot ng bracelet pero sa iisa lang pwedeng kumunekta ang bracelet na ito. And there’s only one woman who can claim me. You.” Kinintalan nito ng halik ang pulsuhan niya kung saan nakatatak ang tattoo habang direktang nakatingin sa mga mata niya. “And you are the only woman whom I vowed to spend my life with.”
He kissed her passionately. Natunaw ang lahat ng reservations niya para dito. Maging ang selos niya ay nawala. He could feel his soul in his kiss. And that same kiss touched her soul.
She was not an expert with men. Iisang lalaki lang ang minahal niya tulad ng siya lang ang babaeng minahal ni Reiven. She was back to the old woman who loved him. Wala na siyang pakialam kung ano man ang maaring humarang sa kanila. Wala siyang pakialam sa nakaraan nito.
Ang importante ay makabalik sila sa piling ng isa’t isa.
Mahina siyang tumawa nang maisip kung paanong napunta ang tattoo sa kamay nila. “I can’t believe it. Kasal na ba talaga tayo?”
“You may hate me for that wedding. Pero kahit na ako lang ang nakakatanda ng ritwal at kahit wala ka sa tamang huwisyo at di natin parehong naiintindihan ang lengguwahe nila, ginawa ko iyon dahil mahal kita. I would risk everything for you. Even my profession, my name and my life.”
“Naalala ko ang parte ng ritwal na iyon kahit nagdedeliryo ako.”
Hindi binitiwan ni Reiven ang kamay niya. Habang iniisip niya na baka sinusundo na siya nito at dadalhin sa kabilang buhay, di siya nito isinuko.
As a doctor, it was against their professional ethics. But for a man in love, he would willingly give up everything. Reiven stared at her with so much love then. At nabuhay siya dahil sa pagmamahal nito.
“Marami akong gustong sabihin sa iyo. Sisirain ko ang pangako sa ilang taong nirerespeto ko. Hindi ka siguro maniniwala…”
“Naniniwala ako.”
Kumunot ang noo nito. “Hindi ko pa naman nasasabi sa iyo.”
“Nasabi na sa akin ni Myco ang ginawa nila Mama at Papa. Hindi ko pa sila nakakausap tungkol dito. Pero kahit ano pang sabihin nila, sa iyo ako maniniwala.” Hinawi niya ang buhok nito na bumabagsak sa noo nito. Nangilid ang luha niya nang maisip ang sakit na pinagdaanan nito. “I am sorry that you have to carry such a burden. Ilang beses mo silang sinuway para mabuhay ako at makasama ako.”
“Walang tiwala si Myco sa doctor na kinuha nila para sa iyo. He did his own investigation. May record nang nababayaran ang doctor na iyon para makapag-produce ng fake examination results. Kaya kinompronta niya ang mga magulang niynyo. Umamin ang parents niya sa pag-aakalang sa kanila kakampi si Myco.”
“Bakit nagpa-interview ka pa rin kay Olympia? Hinihingi ko ba sa iyo na maging si Reiven Alleje? Ikaw mismo ang nagsabi na delikado para sa iyo.”
“You told me that you love Reiven Alleje. I could never be Reiven Alleje unless I get Martin de Guia off my back. Kaya wala muna ako sa Megos dahil gusto kong ayusin ang records ko. I want to start anew. I want you to love me again. At gusto ko pangalan ko ang sasabihin mo sa harap ng maraming tao kapag sinabi mong mahal mo ako.”
She pressed a fervent kiss on his lips. “I love you, Reiven Alleje.”
Umilaw ang kalangitan sa naggagandahang mga fireworks. Parang magic keyword ang pangalan nito. Tumingala siya at pinanood ang pagsabog ng kulay at liwanag sa kalangitan. Niyakap siya ni Reiven mula sa likuran.
“Sofiajade Gosiaco,” tawag nito sa pangalan niya.
“Yes?”
“Will you marry me?” pasigaw nitong bulong sa kanya.
“Ha?” ganting-sigaw niya at tiningala ito.
“I said marry me for real this time.”
Itinaas nito ang kahita na may lamang pyramid cut diamond engagement ring ang bumulaga nito sa kanya habang nasa harap nila ang fireworks na unti-unting bumababa sa madilim na gabi at nag-iiwan ng curtain effect ang usok nito. Pakiramdam niya ay lumulutang siya sa outer space dahil sa proposal na iyon.
“Ang ganda ng fireworks. Romantic!” nakanganga niyang sabi habang pinagmamasdan ang pagbaba ng liwanag ng fireworks. Naluha siya at niyakap si Reiven. “Yes, I will marry you! Kahit saang simbahan, kahit saang bundok o gubat. Kahit sino pang tagatribo ang magkasal sa atin, okay lang.”
“It is not okay. We will make it legal this time. Ayoko nang makawala ka pa sa akin.” Isinuot nito ang singsing sa kamay niya. “We will make it work this time.”
He was beaming with joy. And Reiven looked ten years younger. Nawala na ang lahat ng alalahanin nito. Nandito na rin ang lahat ng hihilingin nito.
“Thank you sa fireworks, Reiven. I love it.”
Nawala ang ngiti sa labi nito. “Nagustuhan mo ang fireworks?”
Tumango siya. “Yes!”
“Itong singsing hindi mo nagustuhan?”
Ngumuso siya at itinaas ang kamay na may singsing. “Gusto. Pero gusto ko ng fireworks. It is so pretty. Kahit walang engagement ring, pakakasalan kita. Masaya na ako sa fireworks display na ihinanda mo.”
Ikinawit nito ang braso sa leeg niya niya at ginulo ang buhok niya. “Mababaliw talaga ako sa iyo.”
“Well, kahit walang fireworks display. Tama nang nakumbinsi mo akong mahal mo ako at ako ang gusto mong makasama habambuhay. Iyon lang naman ang pangarap ko mula nang makilala kita. Saka may isa pang kondisyon pag nagpakasal ako sa iyo.”
“Ano iyon?”
“Dapat malinaw ang isip ko kapag nag-honeymoon tayo.”
“Oo na. Mahal pa rin kita kahit katawan ko lang ang habol mo. Pero pakasalan mo muna ako bago mo ako matikman ulit.”
Tumawa siya nang malakas. “Naku, Reiven! Kung anu-ano ang napupulot mo kay Reichen.” Yumakap siya sa leeg nito. “But yes! I love you body and soul. Specially the body. Kaya huwag ka nang maghuhubad dito sa riding club kung ayaw mong masaktan.”
HINDI magkandaugaga si Jeanna habang ihinahanda ang mga pabaon kay Sofiajade. “Itong relyenong bangus, ingatan mong madurog. Ah! Iyong halayang ube at sapin-sapin din tiyakin mong matitikman ni Reiven. Sabihin mo huwag siyang magpapagutom.”
“Ma, lahat na lang yata pagkain ni Reiven. Ako ba hindi ninyo pakakainin?”
“Huwag ka na! Si Reiven na lang ang intindihin mo. Sabihin mo mag-iingat siya doon at mahirap namang siya ang magkasakit.”
Papunta siya sa Pangasinan kung saan may outbreak ng enterovirus, isang intestinal virus na tumatama sa mga bata at sanggol. Kasama ang team nila Reiven sa pag-solve sa kasong iyon na dati ay sa China lang umatake. Hanggang ngayon kasi ay wala pa ring gamot na natutuklasan laban dito.
Bumabawi ang mama niya sa kasalanan kay Reiven kaya ngayon ay mas maasikaso pa ito kaysa sa kanya. Habang ang papa naman niya ay pasimpleng nagpadala ng bodyguards na poprotekta kay Reiven. Hindi daw nito alam ano ang mga posibleng panganib na naghihintay kay Reiven. Boto na rin ang mga magulang niya dito. Wala nang nagawa ang mga ito nang mamanhikan mismo ang mga Alleje sa kanila.
Niyakap niya si Jeanna. “Thanks, Ma!”
“You don’t have to thank me. Gusto kitang suportahan ngayon. Alam ko na ang pakiramdam ng in love. I was too emotionally reserved, di namin alam ng papa mo na in love kami sa isa’t isa. Ang tatanda na namin saka namin na-realize iyon. Kaya kung di pa kayo magpapakasal ni Reiven, pwede bang mag-honeymoon muna kami?”
“Sure. Kung gusto ninyo sundan pa ninyo si Myco.”
Namula ito at hinampas siya sa braso. “Puro ka kalokohan.”
Natatawa siya habang nagda-drive. Kaya naman pala blooming ang mama niya at di na ito tutol sa kanila nI Reiven. Everything was perfect. Nangako si Reiven sa kanya na paplanuhin nito ang kasal nila oras na lumuwag ang schedule nito.
Matapos ang mahigit anim na oras na biyahe ay nakarating siya sa provincial hospital ng Pangasinan. Nabahala siya nang makita ang mga batang sunud-sunod na isinusugod ng ospital. Nakakabingi ang iyakan ng mga ito. May umantig sa puso niya. Kung magiging nanay siguro siya, di niya kakayaning pagmasdang nasasaktan ang anak niya. O tinuturukan ng karayom o kaya ay naka-dextrose. Iiyak na lang siya.
Nakatulala siya habang nakatayo sa gitna ng lobby. Di niya alam kung gaano siya katagal na nakatayo doon. Naramdaman na lang niya na may tumabig sa kanya.
Nabitiwan niya ang handbag niya at kumalat ang laman sa sahig. Lumuhod agad siya para dampunin ang mga kumalat niyang gamit. Isang babae ang tumulong sa kanyang damputin iyon. “I am sorry, Miss.”
Nakasuot ang babae ng uniporme ng doctor ng ospital at nakasuot ng makapal na salamin. Natulala siya nang matitigan itong mabuti nang abutin ang wallet niya na inaabot nito. Kahawig ito ni Keziah.
Napatingin tuloy ang babae sa kanya at dali-daling tumayo. Hangos itong lumabas ospital. Ipinagpatuloy niya ang pagpulot.
“Sofiajade, anong ginagawa mo dito?” tanong ni Reiven.
Dali-dali siyang tumayo at pinagpag ang kamay at tuhod. “Dinadalaw kita. Natabig lang ako ng babae kaya…”
“Nag-lunch ka na ba?”
Umiling siya. “Ikaw siguro di pa rin. May padalang pagkain sa iyo si Mama.”
“Bakit parang maputla ka? Parang nakakita ka ng multo.”
“Ha?” Tinapik niya ang pisngi niya. “Gutom lang siguro ako.”
Hindi niya alam kung dapat niyang banggitin dito ang tungkol kay Keziah. Prero ano pa ang silbi? Ang alam ng lahat ay patay na ang babae. Maaring kahawig lang iyon ni Keziah. Di na niya kailangan pang balikan ang multo ng nakaraan nila.