Ungol ang isinagot ni Tessa nang tawagan ni Nadine. Alas siyete pa lang ng umaga noon pero gising na gising na si Nadine. Di kasi siya mapakali kahit tapos nang mag-agahan. She knew that she must do something productive.
"Ano ba naman? Ang aga-aga pa. Half-day ako ngayon, alam mo ba? Di mo ako kinakausap dapat tungkol sa trabaho kung di pa tapos ang lunch.”
"Ilang araw kasi akong nawala. Nangungumusta lang ako."
"Akala ko ba nag-I love you na sa iyo si Miller Sebastian? Di ba dapat ginagawa mo siyang slave of love at di mo inaabala ang tulog ko."
Tumirik ang mata ni Nadine at humiaga sa kama. "May ka-date siyang iba."
"Paanong may ka-date siyang iba?" pasigaw na tanong ng kaibigan.
"Assignment niya kung gusto niyang magtagal dito.” At ipinaliwanag dito kung paanong napasok si Miller bilang isa sa Paradise Boys at ang mga dapat nitong ma-accomplish. “Parang gusto siyang turuan ng tita niya. Basta! Aliwin mo na lang ako. Wala ako sa mood na makipag-interact sa iba."
"Akala ko naman kapag mahal ka na niya, okay na lahat. Di pa rin pala. Wala kang dapat ipag-alala. Nag-reorder na ako ng mga kulang na stocks natin. Tinulungan din ako ni boyfriend na magbantay dito sa shop.”
“May utang pa tuloy ako sa inyo. Sagot ko na ang out of town date ninyo para sa anniversary. Siguro naman may nakuha na tayong extra staff non.” Dumami lalo ang customers nila at may pagkakataon na di kakayanin ng dalawang tauhan lang.
“Saka mo na isipin iyan. Mag-relax ka nga. I-enjoy mo ang paligid. Kidnap-in mo si Miller sa ka-date niya. Mag-demand ka na gawin siyang sex slave tutal girls naman ang naghaharing-uri diyan.”
Tawa lang ang naisagot ni Nadine. “Baliw ka talaga. Matulog ka na nga ulit.”
“Saka mo na muna isipin ang trabaho. Marami kang oras para diyan pagbalik mo. Just enjoy your vacation.”
Sa huli, walang nagawa ang dalaga kundi I-text ng “I miss you” si Miller. Hindi niya gustong bulabugin ang date ng binata sa iba. Masayang experience para sa mga babae doon na makasama ang gaya ni Miller. Of course, each Paradise Boys treated women in their own special way. They were paid to do so. Hindi ito trabaho lang para kay Miller. It was more of a lesson. Nami-miss lang talaga niya ito. Alam kasi niya na kapag bumalik sila sa Manila, magiging busy na naman ito. Di tulad ngayon na pwede nilang masolo sa isa’t isa.
Bumuntong-hininga si Nadine. “Ano na kaya ang nangyari sa kanya?” Maganda ang feedback na nakuha niya sa binata. But she wanted to hear from him.
Maya maya pa ay may kumatok sa pinto. Gusto sana niyang di pansinin iyon at magkunwaring tulog nang may tumawag sa kanya. “Nadine, gising ka ba? Please open the door.”
Bigla siyang bumalikwas ng bangon nang marinig ang boses ni Miller. Gulo-gulo pa ang buhok niya sa pagkakahiga sa kama at nakayapak pero wala siyang pakialam. Malay ba niya kung nakaw na sandali lang itong pagkikita nila?
Binuksan niya agad ang pinto. “Hi!” bati ng binata. “Nagising ba kita?”
“Uhmmmm… medyo kagigising ko lang.” And he looked gorgeous and fresh. Nakasuot ito ng white cotton polo at khaki pants. Mukha rin itong mas bata habang nakangiti sa kanya. Lalo lang niya itong na-miss kahit kaharap niya. “Bakit ka nandito?”
“Balita ko kasi nami-miss mo ako. So here I am.” At ibinuka ang bisig.
She ran to his arms and hugged his waist. Sininghot agad niya ang bango nito. It smelled of him - sunshine, rainforest and earthy scent. Mabuti naman dahil walang dumikit dito na amoy ng ibang babae.
“Gaano kita katagal pwedeng yakapin. All day and night. As long as you want to. Hindi ako kokontra.”
Tiningala niya ito. “Hindi ba may ka-date ka?”
“Oo. Ikaw. I am free. I am all yours.” Hinawakan nito ang kamay niya. "Let’s go on a date. Okay lang ba sa iyo na mag-bike?”
“Oo naman. Give me fifteen minutes. Magbibihis lang ako.”
Sumandal ito sa hamba ng pinto. “It is okay. Take your time. Huwag ka nang masyadong magpaganda para sa akin. Baka dumami ang karibal ko.”
“Baliw!” natatawa niyang usal at tinalikuran ito.
Mabuti na lang at nakaligo na siya. Di na gaanong maghihintay ang binata sa kanya. Nagpalit lang siya ng light blue cotton blouse, maluwag na shorts at sneakers. Ipinusod lang niya ang buhok at nag-lip balm para malambot ang labi niya kung plano man siyang halikan ni Miller. Kailangang paghandan niya iyon.
“I am ready!” deklara niya paglabas ng pinto.
Dalawang bisikleta ang nakaparada sa harap ng cottage nila. May basket pa iyon sa harapan. Kinuha nito ang wide-brim hat na nakapatong sa isa sa bisikleta at inilagay sa ulo niya. “There. It looks good on you. May drinks din ako sa basket at pagkain. Sabihin mo lang kung nagugutom ka o nauuhaw.”
“Mukhang pinaghandaan mo ito,” natatawa niyang sabi. “Mukha ring malayo ang mararating natin. Saan ba tayo pupunta?”
“Kung saan man tayo dadalhin ng bisikleta natin. Let’s go?”
“Let’s go!”aniya at itinaas ang isang kamay. “Karera tayo!” At dali-daling sumakay ng bisikleta. Pinedalan agad niya iyon at iniwan si Miller na tsine-check pa ang bisikleta nito.
“Nadine, huwag ka munang umalis. Di pa natin natse-check ang bike mo.”
Di niya ito pinansin. Inangat lang niya ang kamay at kumaway. “Habulin mo ako!”
Tumawa lang si Nadine nang tawagin ni Miller ang pangalan niya. Napilitan lang siyang hintayin ang binata nang hanginin ang sumbrero niya at ito ang pumulot. Pinagpag nito ang sumbrero niya bago isinuot sa ulo niya. He also secured the string under her chin.
“Huwag kang magmadali na lumayo. Let’s take our time. At huwag kang basta-basta lalayo sa paningin ko.”
“Yes, Sir,” masunurin niyang sabi.
She might be in a playful mood but she allowed Miller to take his time. Magkatabi silang nag-bike habang ine-enjoy ang tanawin. Dumaan sila sa gubat na may sariling bike trail. Nagtaka sila nang lumampas sila ni Miller sa boundary ng resort. "Miller, di na natin alam anong meron diyan. Baka maligaw tayo. Baka mapunta na tayo sa mundo ng engkanto."
"Walang engkanto dito." Ako ang bahala. Sumunod ka lang sa akin. Ikaw itong mahilig sa YOLO. Come on. Wala ka bang tiwala sa akin?"
"Basta wag mo akong ibibigay sa mga engkanto ha?" aniya sa binata at tahimik na sumunod dito.
"Of course not. Takot lang nila sa iyo kapag kinuha ka nila."
“Baliw ka talaga,” sabi niya dito at pabirong sinipa ito kahit pumepedal sa bisikleta.
Nawala ang kaba niya. Mukhang naka-YOLO mode si Miller. He just wanted to explore the place. No plans. Just pure fun. She never thought he had this side of him. Mas magaan din ang pakiramdam niya dito. Di ito madamot ngumiti. Parang may nagbago dito. He was surprisingly in a good mood.
Isang matandang lalaking may dalang mga kahoy ang nakasalubong nila na may kasamang dalawang bata na mukhang wala pang sampung taon at may dala ring mga kahoy. "Manong, dito po ba 'yung papuntang lawa?"
"Opo. Taluntunin lang ninyo ang daan diyan. May makikitang kayong kubo. Doon po ang bantay ng lawa," sagot ng matanda.
Nagpasalamat sila ni Miller. "May lake dito?"
“We’ll see,” sabi nito at kinindatan siya.
Nang makarating sa tindahan na sinasabi ng matandang lalaki, iniwan nila ang bisikleta. Sinamahan sila ng isang binatilyo sa may kadawagan na trail. May pagka-eerie ang lugar dahil malamig iyon. Nagtataasan din ang mga puno na may lumot na. Napahawak si Nadine sa braso ni Miller dahil pakiramdam niya ay papasok sila sa isang mundo. Parang may isang mala-Legolas mula sa Lord of the Ring na susulpot mula sa isa sa mga puno at aagawin siya kay Miller.
Pero napawi ang kaba niya nang mapagmasdan ang lawa. Maliit lang iyon pero puno ng lotus. “Miller, ang ganda! Gusto ko dito. Parang ayoko nang umalis.” At hindi makapaniwala si Nadine na sila lang ang tao doon. Walang ibang turista.
“Pwede po kayong magpalipas ng gabi sa kubo kung gusto ninyo,” suhestiyon ng binatilyong si Yoyong.
“May baon po ba tayong pagkain?” tanong niya kay Miller.
“Mamimingwit ako,” sagot naman ng binata sa kanya. “Marami daw mahuhuling isda dito.”
Tinapik ni Nadine ang braso ni Miller. “Marunong kang mangisda?”
“Sinilip ko sa Google kanina.”
Di alam ni Nadine kung matatawa o maiiyak. Miller was a city boy at heart. Anong alam nito sa pangingisda. “Patay! Magugutom tayo nito.”
Hindi siya maselan sa pagkain. Kahit mga talbos ng kamote at alugbati kumakain siya. Di lang niya alam kay Miller. Baka magyaya agad itong bumalik sa resort.
“Pwede ko po kayong turuan na mangisda. Ikukuha ko po kayo ng pangpain sa pamingwit,” prisinta ni Yoyoy. “May mga tinda naman po kaming gulay kung gusto ninyo saka bigas. Hahatiran ko rin kayo ng tubig kung kailangan ninyo.”
“Salamat, Yoyoy!” sabi ni Miller at inabutan ito ng five hundred pesos na papel. “Tatawagin kita kapag kailangan ka namin.”
“T-Teka! ‘Yung pagkain natin at buhay sa kanya nakasalalay,” apela ni Nadine at akmang hahabulin ang binatilya.
Inakbayan siya ni Miller. “Gusto ko muna na tayong dalawa lang. Kung gutom ka, may dala akong drinks at sandwich sa backpack ko. Di kita gugutumin.”
Naglabas ito ng nagyeyelo pa na orange juice na nakalagay sa canister at chicken sandwich. Umupo sila sa nakatumbang troso sa gilid ng lawa at pinagmasdan ang ibon na lumipad para dumagit ng isda sa lawa.
"Wow! Ngayon lang ako nakakita ng ganoong ibon,” namamanghang sabi ng dalaga. “Di ko alam na may ganitong lugar. Tapos tayo lang ang tao. Romantic 'no?"
“School days ngayon kaya walang pumupunta dito. Liblib na lugar kasi. Nabanggit lang sa akin ng isa sa staff ng resort dahil tinanong ko kung may ibang mapapasyalan dito. Government property itong lake pero private residences na ‘yung paligid. Pamilya ni Yoyoy ang caretaker dito.”
Inunat niya ang dalawang kamay. “Mas gusto ko ito. Sariwa ang hangin, tahimik at nature lang ang makikita mo. Ni walang signal ang cellphone. Ibang-iba sa Manila na sobrang ingay. Buti rin na di ito dinadayo ng mga turista kasi malamang masisira lang ito sa mga walang disiplinang dadayo dito. Mga walang konsiderasyon sa kalikasan. Ano sa palagay mo?”
Nang lingunin niya si Miller ay nakatitig lang ito sa kanya. Mahabang sandali siya nitong pinagmasdan, di ito kumikibo. Nag-alala tuloy siya. “Hoy! May problema ba sa ayos ko?” Nang di pa rin ito kumibo ay naiilang niyang hinila ang pony tail niya. “Hala siya! Naengkanto na yata. Miller, huwag mo nga akong titigan ng ganyan. Naiilang ako.”
"Naisip ko lang ngayon lang kita natitigan nang matagal nang di naiilang o umiiwas agad ng tingin.”
Kumagat siya ng sandwich. "Nakikita kitang nakatitig sa akin dati. Lagi ka ngang nakabusangot o nakakunot ang noo."
"Syempre para di mo maisip na nagagandahan ako sa iyo. Now I can openly adore you. Ilang araw din kitang di malapitan basta.”
"Yes. Magseselos ang mga ka-date mo. Mabuti na lang di ako possessive gaano. How's the experience as one of the Paradise Boys?" patuksong tanong niya.