“It was a liberating experience. Tama ka naman. Di ko dapat husgahan ang ibang tao ayon lang sa perception ng iba. ‘Yung mga naka-date ko, nalaman ko rin kung ano ang kwento nila. Ang iba sa kanila biktima lang. Mga housewife na niloko ng asawa nila. Nakakatanggap ng physical at emotional abuse sa mga lalaki sa buhay nila. Nang gusto nilang kumawala, sila pa ang masama. ‘Yung mga konting kaligayahan na naibibigay sa kanila ng mga lalaki dito sa resort, pansamantala lang na kaligayahan iyon dahil paglabas ng resort, miserable na naman sila. Nire-repair pa nila ang mga sarili nila. Kasi sa buhay nila sa labas sila ang masama sa paningin ng ibang tao. And I really feel bad for judging them.”
Pinisil niya ang kamay nito. “They are thankful for the time you spent with them, Miller. Naramdaman nila na tinrato mo sila nang maayos. Malaking bagay na iyon sa kanila. Na kung magkikita man kayo sa labas, may isang di ganoon ka-judgmental na tao sa makakahalubilo nila. Na may nakakaintindi sa kanila at di basta-basta maniniwala sa paninira sa kanila.”
“Hindi ko na rin mamasamain kung makasama man nila ang mga Paradise Boys. I thought they were male prostitutes of sort. Hindi naman pala. May mga nakatapos sa kanila ng college pero di pinalad sa trabaho. They accompany these lonely women and entertain them. Sabi nga nila, laro lang ang tuksuhan nila. They don’t engage in sex. Kinakausap lang nila ang mga clients. Nagde-date gaya natin. Minsan kailangan lang ng mga guest ng makakausap, ng makikinig sa kanila at di sila tatratuhin na walang kwentang tao. Nahihiya ako sa sarili ko kasi importante pala ang nagagawa nila sa mga guest. Some of the women here were suicidal in one point in their lives. Ang iba sa kanila ganoon pa rin. Namatay ang boyfriend ni Martine at hanggang ngayon iniisip pa rin niya kung susundan niya. Buti na lang nagsulat siya sa journal niya kahapon habang nakabantay ako. Hindi mo masasabi na may ganon siyang iniisip dahil masaya naman siya tuwing nakikita ko. My life is paradise compared to them.”
Humilig siya sa balikat nito. “Alam ko na ngayon kung para saan ang assignment mo. Gusto ni Tita Monina na ma-realize mo kung ano ang buhay ng mga tao dito. Kung ano ang pinagdadaanan ko.”
“At ang pinagdadaanan ni Tita Monina mismo. You see, nagtanim ako ng sama ng loob sa kanya sa loob ng mahabang panahon. I treated her like a pariah. At lahat ng nakapaligid sa kanya, pakiramdam ko tainted na. I wanted to save you from her. Pero ako pala ang sinagip mo sa pagiging mapanghusga. Kung anuman ang ginagawa ng mga tao sa personal nilang buhay, labas na ako doon. Gaya nang di ko rin gugustuhin na mahusgahan ako ng iba. Will you forgive me?”
Hinalikan niya ang pisngi nito. “You are forgiven, Miller. Importante naibigay mo ‘yung respeto para sa mga tao sa resort. Kumusta na kayo ni Tita Monina?”
“Nag-date kami kanina. Masama ang loob niya sa akin dahil gusto ko daw na ilayo siya sa mga taong malapit sa kanya. Ine-encourage ko kasi sila na mag-invest. Para mas matupad nila ang mga pangarap nila. And she asked for my forgiveness. Ngayong mas mulat na ako na kahit ako di perpektong tao, mas madali na para sa akin ang magpatawad. And I feel great about it.”
Pinisil niya ang pisngi nito. “Kaya naman blooming na blooming ka kasi walang negative vibes sa katawan mo.”
“You are my angel. Na-realize ko na mas masarap palang magmahal kaysa protektahan ang sarili ko na baka masaktan ako. Gusto kong ibalik ang pagmamahal na ibinigay mo sa akin. I want to love you and be my best version. Hindi ko iyon magagawa kung may apprehensions at galit sa puso ko. Gusto ko rin na magbigay ng two hundred percent ng sarili ko tulad ng ginagawa mo.”
Namasa ang luha sa mga mata niya. “Thank you, Miller. I love you mo lang sapat na sa akin. Masaya na ako doon. Pero di ko ine-expect na may mas isasaya pa pala ako.”
“How could you still look beautiful when you cry?” tanong nito at hinawakan ang magkabilang pisngi niya. And she wanted to cry some more when he kissed her gently. It was like the wind was cradling her. Iba pala ang halik kapag siya lang ang nagmamahal, kapag di pa siya sigurado kung ano ang lugar niya sa puso ni Miller at puro asa lang siya. Mas masarap kapag alam niyang mahal siya ni Miller. Even his kisses were telling her that he loved her.
It was a perfect day. Silang dalawa lang at walang ibang saksi sa pagmamahalan nila kundi ang kalikasan. Sana ganoon na lang araw-araw.
But with Miller, she knew that he would make each of her days with him perfect. Mas secured na siya sa lalaki ngayon.
“SO, YOU two are officially together now?”
Nagkatinginan sila ni Miller sa tanong ni Uncle Max. Nagla-lunch sila kasama ang kanilang mga ama. Kauuwi lang ng mga ito nang nagdaang gabi mula sa cruise. Nagpahanda ng tanghalian ang ama niya sa lanai ng mansiyon. It was supposed to thank Miller for putting up with her for a month. Pero halata naman ang pagiging attentive at madalas na pagngiti sa kanya ni Miller.
“Hindi ninyo kailangang matakot,” sabi ni Julio na nakangiti. “I mean, you two are grown-ups. We are your parents. Wala kayong kailangang itago. Mas mabuti nang sa inyo namin marinig kaysa sa iba pa namin malaman.”
Hinawakan ni Miller ang kamay niya. “I am still courting her.”
Hindi inaasahan ni Nadine na iyon ang isasagot ng lalaki. Hindi pa nga niya pormal na sinasagot si Miller pero obvious naman sa lahat na in love siya rito. At na-appreciate niya ang pagrespeto nito sa kanya.
Napailing si Uncle Max at halata ang frustration sa mukha nito. Tulala pa rin ang ama niya. Hindi makapaniwala na nagpapaligaw pa siya kay Miller.
“What is taking you so long? Mahina ba ang anak ko sa iyo?”
Pigil ang kilig ni Nadine nang pagmasdan ang magkahawak na kamay nila ni Miller. He was owning her yet he was enjoying the little wooing.
“`Sabi ni Miller, marami pa daw po akong kailangang gawin bago ako magka-boyfriend. Gusto ko pa daw mag-masteral, palalakihin ko pa ang online shop ko at kailangang maging two hundred percent ang growth ng portfolio ko na hawak niya.”
Pinisil ng lalaki ang kamay niya. “I was just teasing. I just enjoy courting you. Ayoko ring maramdaman mo na parang pine-pressure kita.”
Masaya ang isang linggo nilang pananatili sa Villa Monina. Naging malinaw na sa lahat na binakuran siya ni Miller. But it was also a productive week for them. Nai-share niya rito ang kanyang mga plano. He was very supportive. He even offered suggestions on how to improve her business.
Dati nang kasama ni Nadine sa pangarap niya si Miller. Pero iba pa rin pala kapag kasama itong nagpaplano. Alam kasi niyang hindi lang ilusyon ang lahat. They were more solid together. Parang mas madaling abutin ang mga pangarap dahil kasama na niya ito.
At dahil sa mga input ni Miller, mas dumami pa ang mga pangarap niya. Ito pa ang nag-offer na puwede niyang subukan na mag-masters sa ibang bansa. It was more about her dreams. Hindi ito ang lalaki na insecure o pipigilan siyang umunlad. He wanted her to soar and fly.
“Bilisan ninyo. Gusto na naming magkaapo,” sabi ni Uncle Max.
“Pipikutin ko na ba, Tito Max?” biro niya at kumindat.
“You have my permission,” natatawang sagot nito.
Namumungay ang mga matang bumaling siya kay Miller. “Nagre-request sila ng apo.”
“Ang usapan natin, mangyayari lang `yong kasal kapag tapos ka na ng master’s degree. Enjoy being single first,” sabi ng binata. “Saka maniwala ka kay Papa na gusto niya ng apo. Baka gusto niya akong bigyan ng kapatid na blonde at asul ang mga mata.” Tinutukoy ni Miller ang blonde na kasama ng ama nito sa cruise.
Itinaas ni Uncle Max ang mga kamay. “No. I am just having fun. Apo lang ang hinihintay ko. I don’t know about Julio though. Parang bumalik sa pagiging teenager.”
“Kailan ko ba makikilala ang mga girlfriend ninyo, `Pa, Tito Max? The last time we talked, sabi ninyo gusto niyang dumalaw sa Pilipinas.”
“Hija, hindi pa naman kami sigurado sa isa’t isa ni Irina,” tukoy nito sa Russian na nakilala sa cruise. “Kung magkakaseryosong relasyon kami, gusto ko na rin mag-retire. Well, that depends on Miller if he will take the reins from me.”
“H-Hindi pa po ako handa, Ninong,” maagap na sabi ni Miller. “You are still young.”
“Yes. Pero sa palagay ko handa na akong I-turn over sa iyo ang kompanya at ang prinsesa ko,” anang ama at kinintalan ang ibabaw ng ulo ni Nadine.
Nakita niya na di komportable si Miller sa usapan. “Pa, huwag po ninyong biglain si Miller.”
“Don’t mind him. He was born prepared, Nadine,” anang si Uncle Max. “We need new blood at the helm. Gusto na rin magpahinga ng papa mo. Ilang taon na rin naman siyang nagtatrabaho. Mas makakampante siya kay Miller.”
Humilig si Nadine sa balikat ng ama. “Pa, huwag po muna. Nagsisimula pa lang ang relasyon namin ni Miller. Matatambakan agad siya ng responsibilidad kapag naging presidente na siya ng kompanya. Ngayon pa lang ako nagka-boyfriend tapos karibal ko na naman ang kompanya ninyo.”
“This is reality, Nadine. Dapat alam mo iyan dahil may negosyo ka rin. Hindi mo dapat pagselosan ang kompanya.”
Isang tipid na ngiti lang ang isinagot ni Nadine at ibinalik ang topic sa cruise ng mga ito. Matapos ang tanghalian, iniwan sila ng mga ama para mag-golf. Sila na lang ni Miller ang tumuloy sa cafe para magkape.
"You are awfully quiet today. Iniisip mo ba 'yung sinabi ni Ninong Julio na gagawin akong presidente ng kompanya?" tanong ni Miller.
Bumuntong-hining si Nadine at nilaro ang icing ng white devil’s cake. "I don't know. Sabihin na nating alam ko na ang kompanya ang first love n'yo ni Papa. I remember, siya ang tagapagmana ng kompanya kaya lumayo sa kanya ang nanay ko. Pakiramdam ni Nanay di siya bagay sa tatay ko kaya di na siya nanggulo. And my father married an heiress for the company."
"Dahil lang doon? Iba naman ang sitwasyon ninyo ng nanay mo."
"Miller, mula nang tumira ako sa kay Papa, buong panahon niya nasa kompanya. Nasanay na lang ako. Wala naman kasing kaibahan iyon sa pagtatrabaho dati ng nanay ko para buhayin ako. A job is a job. Nakalakihan ko na wala si papa sa espesyal na okasyon. Katwiran ko, para din naman sa akin iyon. Akala ko okay lang sa akin iyon. Pero sabi ko sa sarili ko ayoko nang maulit sana na pangalawa lang ako sa kompanya. Na di ako importante. At ngayong ikaw na ang hahawak sa kompanya, magiging pangalawa na lang o pangatlo o baka mas malayo pa doon sa priority mo..."