Chapter TTBP 43

“MISS, di ba kayo ‘yung may nag-propose ng kape tapos muntik nang ihulog ‘yung ka-date niya sa bangin. Paano kayo nagkaroon ng ganyan kaguwapong boyfriend?” nakangiting tanong ng sales staff nang umorder sina Nadine at Miller ng sisig meal sa isang stopover sa North Luzon Expressway.

Nag-freeze ang ngiti niya at itinuro si Miller na nakaakbay sa kanya. “Ito? Kinulam ko kaya baliw na baliw sa akin ‘to.”

“Yeah, right!” sabi ni Miller at kinintalan siya ng halik sa pisngi. “Ang hirap ngang makawala sa gayuma mo. Pakibilisan na lang ang serving ng sizzling sisig namin, Miss. Baka kasi mangain na ng tao itong girlfriend ko. Gutom na.”

“Ang yummy naman kasi ninyo, Sir. Kahit ako nagugutom,” anang babae at kinagat pa ang pang-ibabang labi saka malagkit na tiningnan si Miller.

“Pengeng buhok mo. Lagay ko sa manika ko mamaya,” nakangising sabi ni Nadine. Namutla na ang

Bigla siyang niyakap ni Miller para pigilan. “Easyhan mo lang. Baka himatayin.”

“Ma’am, di na kayo nabiro. Di ko naman po aagawin ang boyfriend ninyo.” Parang maiiyak na ang babae. “Huwag po sana ninyo akong kulamin.”

“Huwag kang maniwala sa girlfriend ko. Takot iyan sa karayom,” sabi na lang ni Miller at humalakhak. “Thank you.” At kinuha ang waiting number nila.

“Gagang iyon. Naniniwala talaga siya na mangkukulam ako? Di ba ako makakakuha ng disente at guwapong boyfriend nang di ko kailangang gayumahin?” ngitngit ni Nadine.

“Kita mo. Joke ka nang joke tapos mapipikon ka. Que ginayuma mo ako o hindi, mahal kita. Okay?”

“I never thought you have it in you.”

“Ano?”

“’Yung laging magsasabi ng “I love you” at “Mahal kita”. Akala ko kasi lagi kang malamig at seryoso.”

“Bakit ko naman ikakahiya? Iyon naman ang nararamdaman ko. Bakit? Nababaduyan ka ba? Di bagay sa panahon ng mga millenial?” nag-aalalang tanong nito. “Too cheesy?”

“No. Ngayon lang ako nagka-boyfriend. Gusto ko iyan syempre.”

Sino ba namang babae ang tatanggi sa super sweet at attentive na boyfriend? Sino ba ang ayaw na sabihan ng “I love you” araw-araw?

Buong weekend sila sa Paradise Resort at gustong-gusto na nilang masolo ang isa’t isa. Isang buwan din silang busy sa trabaho. Sinasamantala ng kompanya ang kabi-kabilang government projects kasabay ng pamamayagpag ng stock market. Ganoon din naman si Nadine. Nadagdagan ang mga customers niya sa tulong na rin ng mga nakasama niyang guest sa Paradise Resort. Interesado ang mga ito na kunin ang business advice ni Miller at mag-invest sa negosyo. Kaya naman susulitin nila ang ilang araw na malaya sila. Bukas na rin ang komunikasyon ni Miller kay Tita Monina.

Nasa gitna sila ng paghahapunan nang tumawag si Tito Max kay Miller. “Dad, hindi ko po pwedeng sabihin kung saan kami pupunta ni Nadine. Sorpresa ko po iyon sa kanya. And she's beside me. It will spoil the surprise."

Nagsalubong ang kilay niya. May pupuntahan ba silang ibang lugar na di niya alam? Ang alam niya, sa Paradise Resort lang sila pupunta. Importante na makapunta sila doon. Pasimpleng tinapik ni Miller ang kamay niya na parang pinatatahimik lang siya at sakyan na lang niya ito.

“Yes. I will keep you posted, Dad. Isasama ka namin doon next time. Bye,” sagot ng binata sa wakas at nagpatuloy sa pagkain.

"Bakit di mo sinabi kay Tito Max na papunta tayo sa Paradise Resort?" puno ng kuryosidad na tanong ni Nadine kay Miller.

"Alam mo naman na hindi sila in good terms ni Tita Monina. Ayokong maipit pa tayo sa gulo. Mamasamain niya na dumadalaw tayo doon.”

"Kahit na ipaliwanag mo sa kanya na wala namang masama sa ginagawa ni Tita Monina sa resort or nagpasama lang ako?”

Bumuntong-hininga ang binata. "Nadine, a traditional man won't get what's going on inside that resort. Kinailangan ko pang maging parte ng Paradise Boys para maintindihan ang lahat. Nai-imagine mo ba ang tatay ko na sasali pa sa Paradise Boys sa edad niyang iyon?"

Humagikgik siya. "Huwag na nga lang."

Malaki na ang nagbago kay Miller mula nang manggaling sila sa Paradise Resort. Mas palangiti ito at mas open sa mga tauhan. Ayon dito, maraming dinadalang problema ang mga tao sa mundo. Itinatago lang sa mga ngiti. Malaking kabawasan nga naman ang gesture nito sa mabigat na dinadala ng iba.

“Pero parang teenager ka naman. Ngayon ka pa naglihim kay Uncle Max.” Ayaw naman niya magkaroon ng hidwaan sa pagitan ng mag-ama.

“It is or a good cause. Hindi niya maiintindihan ang pagdalaw ko sa resort. Lalong di niya magugustuhan kapag nalaman niya na na-involve ako sa isa sa mga guest ng resort. Anything that has to do with my aunt is bad news for him.”

Tinutukoy ni Miller si Roxann Ayalde, asawa ng politician na ginulpi ng asawa nitong babaero. Inimbitahan lang ito sa resort ng isang kaibigan nang panahong gusto na lang nitong mamatay sa kamiserablehan. Nagbago ang isip nito at pinili na iwan na lang ang asawa na minsan nitong minahal. Di pumayag ang solon kaya ginulpi ito. Muntik nang makunan si Roxann at halos ikamatay nito. Traumatic ang karanasan nito. Ginusto nalang nitong mabuhay pa dahil sa anak nito pero di na nito gusto pang manatili sa poder ng asawa. Paano, kahit nasa ospital ito ay nagagawa pa ring mambabae ng congressman. Itinakas lang ito sa ospital ng tiyahin niya. It was Miller who secured the lawyers to help her out. Nasa resort na ngayon ang babae at nagpapagaling.

"I hope Roxann is okay now," usal ni Nadine at pinagkiskis ang palad dahil bigla siyang nakaramdam ng panlalamig. Nakita niya ang pictures at video ng babae nang humingi ito ng saklolo. Nakakapangilabot. Naawa lang ang isang nurse dito kaya na-contact ang tiyahin niya. Halos di na makilala ang mukha nito sa pamamaga. Isama pa ang ibang bahagi ng katawan nito. Ulila na si Roxan sa magulang at kababata ang asawa. Wala itong ibang matatakbuhan.

"Naibaba na ang restraining order laban kay Congressman. Di na siya basta-basta makakalapit sa resort o kay Roxann. The lawyers will handle it just fine."

Humalukipkip si Nadine. "Mabuti naman. Walang babaeng dapat makaranas ng pinagdaanan ni Roxann. Maisip ko pa lang kung anong pwedeng gawin sa kanya ng congressman na iyon, kinikilabutan na ako."

Lumaki siya sa squatter’s area. She could understand the violence. Pero nang nasa mundo na siya ng mayayaman, di siya makapaniwala na kahit pala mga “disente” at “sibilisado” nagiging bayolente rin. Ang mga ito ang magaling magbalat-kayo, nagpapanggap sa publiko.

Gamit nila ang kotse ni Nadine at siya ang nagmaneho. Wala nang bodyguard ang dalaga mula nang umuwi ang mga ama nila sa cruise at bumalik na ang binata sa condo nito. May tiwala na ito na kaya na niyang kontrolin ang sarili.

Papasok na sila ng resort nang mapansin nila na may kulumpunan ng mga tao doon. “Ano kaya iyon?” tanong niya.

“Ituloy mo lang. Tatabi naman siguro ang mga iyan kapag malapit na tayo sa gate. Businahan mo na lang,” sabi ng binata.

Sinunod siya. Nagtabihan naman ang mga tao na mga reporter pala at mga cameraman. Pero di pa rin sila makatuloy ng pagpasok sa gate dahil may isang lalaki na nakaluhod doon at yumuyugyog ang balikat. Mukhang umiiyak.

“Anong ganap? Bakit ayaw nilang buksan ang gate?” tanong ni Nadine.

“Baka ayaw nilang papasukin ang mga ito. Bawal ang reporters sa loob ng resort o ang mga taong nagdadala ng reporter.”

Bumusina ulit siya. “Ayaw pa rin siyang umalis.”

Sa pangatlong pagbusina niya, lumingon ang lalaking nakabalandra sa gate. Tigmak ng luha ang mga mata nito. Pero sumilakbo agad ang galit sa puso ng dalaga. Anong iniiyak-iyak nito? Dahil ba nasampahan ito ng kaso? Samantalang nang saktan nito ang asawa, di man lang ito nakonsensiya. Kapal! Nagagawa pa nitong magdrama sa harap ng mga reporter. Nagpatuloy ito sa pagpapalahaw sa gate na parang walang dadaan.

“Tita, nasa gate po kami. May reporters dito at nandito si Congressman Ayalde. Do you think we should go back?” tanong ni Miller sa tiyahin habang kausap sa cellphone.

Binuksan ni Nadine ang pinto ng gate at bumaba. “Nadine! Hey! Huwag kang bumaba!” tawag ni Miller sa kanya pero wala siyang narinig.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.