PARANG maiiyak si Nadine matapos marinig ang pag-uusap na iyon. Saka lang siya gumalaw nang marinig na lumabas ng restroom sina Beverly at Jean. Dahan-dahan siyang lumabas ng cubicle at naabutang naghuhugas ng kamay si Ruizmae. “Hi!” bati niya dito.
Namilog ang mata ng babae. “Miss Nadine, hindi ko alam na nandiyan ka. Narinig mo lahat?"
Marahan siyang tumango. Nanlalambot ang tuhod niya nang lumapit sa sink para maghugas ng kamay. "Di ko alam na ganito na kalala ang problema." Naiintindihan niya ang pulitika sa taas pero pati mga simpleng empleyado hinihila pababa si Miller? "Kaya naman pala parang malungkot si Miller nitong nakakaraang araw.”
"Pinahihirapan siya sa approval ng ibang project proposal. Lahat kinokontra kaya nababalaho ang mga project. Pwede naman i-approve pero kailangan pang buwis-buhay ang depensa ni Sir. Ipinapa-review pati mga project na okay na basta siya ang nag-recommend. Nagkaka-back log tuloy kami.”
Nakuyom niya ang palad. “Huhulaan ko. Si Director Chavez ang pasimuno sa panggigipit na iyan.” Matandang board of director ito. May sampung porsiyento ito na share of stocks. Alam niyang target nitong makaupo bilang presidente. May sarili itong strategy na mabagal at makaluma. Miller’s was more aggressive.
Tipid na ngumiti ang babae. "Kaya ni Sir Miller iyan. Basta maniwala ka lang."
"Nag-aalala lang ako sa kanya. Di siya sanay na puntirya ng intriga. Puro trabaho lang ang isang iyon."
“Matutuwa si Sir Miller kapag nakita ka niya. Ikaw lang nagpapangiti doon. ‘Yung Smule duet n’yo ni Ed Sheeran na ipinadala mo sa kanya, mamatay-matay katatawa habang nagdi-dinner siya kasama ang mga investors.”
Sa ganoong paraan na lang niya mapapasaya si Miller. She was glad that he appreciated it. Kailangan ni Miller ng breather sa mga kinakaharap nitong problema.
Minsan pakiramdam niya silang dalawa lang ni Miller ang magkakampi. Kahit kasi si Uncle Max may sama ng loob dito. Parang natraidor ito nang muling maging malapit si Miller sa kay Tita Monina. Wala na ang magaang ngiti ni Uncle Max kapag nagkakasalubong sila at kasama si Miller. Hindi na umaabot sa mata. Hindi niya ito masisi. Nasira ni Tita Monina ang mga huling araw ng ina ni Miller sa mundo na dapat ay masaya sana. Ngayon pati si Miller ay nasisira na rin dahil sa pagkakadikit ng pangalan nila dito.
Nang makausap niya ang ama si Julio, sinabi nitong sundin na lang si Uncle Max at umiwas sa gulo na lalo pang makakasira sa pangalan nila. Bukas pa rin ang komunikasyon nila kay Tita Monina pero pasekreto na lang. Ayaw niyang masaktan pa si Uncle Max dahil dito. Umaasa pa rin si Nadine na sa huli, magkaayos pa ang magkapatid. Siguro kapag di na mainit ang isyu nila ni Miller.
Habang nakiusap naman si Nadine sa ama na huwag masyadong gawan ng pabor si Miller para maiwasan ang tsismis. Wala naman daw magagawa ang ama niya dahil magaling talaga si Miller sa trabaho nito. Bakit kailangan daw nitong mag-adjust sa opinyon ng ibang tao? It was his company after all. Malinaw na buo pa rin ang tiwala nito kay Miller.
Nag-freeze ang ngiti ni Nadine nang masalubong ang isa sa senior director ng kompanya na si Director Ismael Chavez. “Nadine dearie!”
Ito ang pasimuno sa kontrabida sa career ni Miller at gustong-gustong makuha ang posisyon ng ama niya. Ngumiti siya dito. “Tito, kumusta po?” At nakipagbeso-beso dito. “Nadagdagan po yata ang puting buhok ninyo.”
“That’s what happens when I have a daughter who can’t make up her mind about her career. Nag-quit ng culinary school sa Paris dahil gusto naman daw niyang mag-backpacking sa South America with her boyfriend.”
Bakas ang disgusto sa anyo nito. Twenty-five na kasi ang anak nitong si Carrie pero di pa alam ang gustong mangyari sa buhay. Samantalang noong bata pa sila, si Carrie ang perfect na anak. Galing sa buena familia, nag-aral sa exclusive school at valedictorian pa. Laging ikinukumpara ng matandang lalaki sa kanya. Until Carrie didn’t know what to do in life anymore. At walang magawa ang ama nito sa nag-iisa nitong anak.
“She’s young. May mga tao po talagang di agad nahahanap kung ano ang gusto nilang gawin sa buhay. Who knows? Baka pagkagaling niya sa backpacking sa South America mahanap na niya ang totoong purpose niya sa buhay,” paliwanag naman niya.
“How are you?” tanong nito sa mababang boses. “I really feel bad to see those bad press about you and Miller. You don’t deserve those, dearie. To think na wala kang ibang ibinigay sa kanya kundi pagmamahal.”
“Yes. And so is Miller. Nakakainis na hinuhusgahan ng ibang tao ang relasyon namin samantalang kami naman ang nakakaalam kung ano ang totoo. Mahal po ako ni Miller. I guess, that’s the only thing that matters.”
Tumaas ang isang kilay nito. “Ibig sabihin di ka nagseselos kahit na may private meeting sila ng ex-girlfriend niya na chef ngayon. Lagi nga siyang dinadalaw sa opisina niya. Pagkatapos kong daanan si Miller sa office niya, naghihintay na ‘yung ex-girlfriend niya. She even gave me cupcakes. I am sure may bigay din siya para kay Miller.”
Nag-freeze ang ngiti niya at naramdaman niya na natensyon si
”Si Chloe Salgada? Yes, may business venture po sila kasama ang ibang mga kaibigan nila noong college.”
“Ibig sabihin alam mo ang tungkol sa mga meeting nila?”
Magaang tumawa si Nadine. “Opo. Sinasabi ni Miller, nanginginig pa.”
Kahit na nanginginig siya nang mga oras na iyon. Ang alam niya, hindi na tuloy ang pakikisosyo ni Miller sa restaurant ng grupo. Hindi niya alam na dumadalaw-dalaw doon si Chloe. Nananadya ba ito? Hindi na lang niya ipinahalata kay Director Chavez ang pagkagulat niya. Ayaw niyang bigyan ito ng bala para lalong hilahin pababae si Miller.
“I want you to be happy, hija. Alam mo naman na parang anak na rin ang turing ko sa iyo, sa inyo ni Miller. Nakaladkad ang kompanya dahil sa balita tungkol sa inyo. Kung magkakaproblema ang relasyon ninyo, ayokong madamay ang kompanya. I hope you will understand.”
Marahan siyang tumango. “Thank you for the concern, Tito.”
Taas-noong naglakad si Nadine sa hallway papunta sa opisina ni Miller habang nanginginig naman si Ruizmae sa tabi niya. “Ma’am, pasensiya na po talaga kung hindi ko nasabi sa inyo ang pagdalaw-dalaw ni Miss Chloe.”
“Business is business. Di naman obligado si Miller na magkwento sa akin kung sino ang ka-transact niya,” usal niya nang makabawi.
“Akala ko po talaga magagalit kayo sa akin,” anang babae. “Hindi naman po tinatanggap ni Sir Miller ‘yung mga bigay niyang pagkain. Ipinamimigay din sa amin.”