Chapter TTBP 50

ISANG SAMPAL kay Nadine ang suhestiyon ni Miller. Parang siya lang ang dumi sa magandang reputasyon ng binata at kailangan niyang mawala para maging deserving ito sa lahat ng bagay na nakukuha nito. It was unfair.

"Bakit ko naman hihiwalayan si Miller? Sinasabi mo lang iyan para makaeksena ka na sa buhay niya." At hindi siya tanga para makinig sa kadesperadahan nito.

Pumalatak ang babae. Sa pagkakataong ito, ito naman ang nakangiti. "Akala ko pa mandin mahal mo si Miller at gagawin mo ang lahat para sa kanya. Habang nasa tabi mo siya, he is just one top-tier gigolo in their eyes. Walang kwenta ang galing niya. Burado na rin ang accomplishments at naitulong niya sa kompanya. Sinisira mo siya. At mawawala ang lahat ng pinaghirapan niya at ang respeto ng tao dahil sa iyo. Kaya mas mabuti kung wala ka sa buhay niya. Break up with him. Iyon lang ang paraan para maging successful si Miller. Stop dragging him down, Nadine. Malas ka sa buhay niya."

Nangilid ang luha sa mata ni Nadine. Naging klaro na sa kanya ang lahat. Sa tingin ng lahat, hindi siya ang babaeng pipiliin ni Miller. Na ginagamit lang siya ng binata para makuha ang pagiging presidente ng kompanya nang walang kahirap-hirap. At masakit na kahit gaano niya ito kamahal, siya naman ang humihila dito pababa. Their love was reduced to corporate prostitution. Si Miller ang higit na apektado. Tama ba si Chloe? Malas siya sa buhay ni Miller?

“Tumigil ka na sa kabaliwan mo, Chloe. Shut up!”

Sabay nilang nilingon si Miller na nakatayo sa entrada ng visitor’s lounge. Humihingal pa ito na parang tumakbo papunta doon. "Miller!"

Nilapitan ng binata si Chloe. Parang may apoy ang mga mata na puno ng galit na nakatutotok sa dating nobya. Hinaklit nito ang kamay ng babae at hinila patayo. "Anong karapatan mo para sabihin na si Nadine ang sumisira sa buhay ko? Sino ka para sabihin na dapat mawala siya sa buhay ko? Sino ka ba sa buhay ko?" pabulyaw na tanong ni Miller.

Di makagalaw si Nadine sa kinauupuan. Madalang magalit si Miller. Pero ngayon lang niya ito nakitang nagalit na parang gustong pilipitin ang leeg ni Chloe. Mukhang di rin nakita ng babae ang side na ito ni Miller.

"C-Concern lang ako sa iyo, Miller,” nanginginig na sagot ni Chloe.

"Concern? Huli na para sa concern mo. Dapat concern ka bago mo ako iniwan dati. Kung masasaktan mo ba ako. Pero wala ka namang pakialam dati kung masaktan man ako, ‘di ba? Umalis ka nang walang paalam at sumama sa French chef na dalawang araw mo pa lang atang nakilala. Wala kang pakialam noon kaya wala ka na rin pakialam dapat sa sitwasyon ko ngayon. Tapos na tayo, Chloe."

Humikbi ang babae at umagos ang luha sa mga mata. "But I love you, Miller. Kahit ano pang kasalanan ko sa iyo noon, mahal pa rin kita. Kahit na ayaw mo na sa akin, mahal pa rin kita. At di ko kayang tumayo lang sa isang tabi habang sinisira ni Nadine ang mga pinaghirapan mo."

"Hindi na kita mahal. Tapos na tayo. Si Nadine ang nagpapasaya sa akin."

"Handa ka bang mawala ang lahat para sa kanya?" naghahamong tanong ni Chloe.

“I don’t have to answer that. Wala ka nang pakialam sa relasyon namin. Wala ka na rin pakialam sa buhay ko. Stay away from us. At kahit anong mangyari, ayoko nang maging parte ka ng buhay ko." Padarag itong binitawan ni Miller at saka itinuro ang pinto. “Get out, Chloe. Baka ano pa ang magawa ko sa iyo. Ito na ang huling beses na magpapakita ka sa akin.”

“Pero Miller… huwag mo namang gawin sa akin ito.”

“Bayad na ang cupcakes na in-order ko. I tries to be nice to you and spare you the pain. Pero umabuso ka naman. You don’t deserve my kindness and civility. Just get out!” bulyaw ng lalaki.

Yumuko si Chloe habang yumuyugyog ang balikat. Dinampot nito ang Prada clutchbag at patakbong lumabas ng shop. Nakatalikod pa rin si Miller habang taas-baba ang balikat. Nararamdaman pa rin niya ang galit na lumlabas sa katawan nito.

Niyakap niya ito mula sa likuran at ihinilig ang pisngi sa likod nito. Hinigpitan niya ang pagkakayakap dito. She wanted to comfort him. To tell him that everything was okay. Pero hikbi lang ang lumabas sa bibig niya. Dahil alam niyang hindi magiging okay ang lahat sa kanila ni Miller. Hindi na. At kailangan niyang mamili sa lalong madaling panahon kung gusto pa niyang huwag mawala ang pinaghirapan ng binata.

“Nadine, anong ginawa niya sa iyo?” tanong ni Miller at humarap sa kanya. “Sinaktan ka ba niya?”

Umiling siya at iniyuko ang ulo. "Kasalanan ko daw kung bakit bumabagsak ang status mo sa business community. Sabi niya di ka daw irerespeto ng mga tao hangga't nasa tabi mo ako. Malas daw ako sa iyo. K-Kaya kung gusto ko daw na makabawi ka, makipag-break ako sa iyo.”

Hinawakan nito ang baba niya at inangat. "Iiwan mo naman ako? Makikinig ka sa kanya?"

"Kung iyon lang ang solusyon para umayos ang career mo. Miller, your worked hard for it. Alam mo ba na ikaw din ang inspirasyon ko kaya gusto ko rin makilala sa sarili kong kakayahan. Kasi laging ikinukwento ni Papa na sana gayahin ko ang sipag at talino mo. Siguro gumawa ako ng sarili kong landas sa pagnenegosyo. But I will always look up to you. Hindi ko gugusuhin na ako pa mismo ang hihila sa iyo pababa. Kung mawawala ako sa buhay mo, wala nang kukwestiyon kahit pa mag-resign si Papa at gawin kang presidente ng kompanya.”

Pinahid nito ang luha niya. "Kung sabihin ko na gusto ko dito ka lang sa tabi ko, kung sabihin ko na kakayanin ko lahat basta huwag mo akong iwan, makikinig ka ba sa akin?"

“Bakit? Bakit mas pipiliin mo ako kaysa sa career mo?"

"Because I love you. Because I want to fight for us."

"Ayokong mahirapan ka. Saka paano kung dumating ang panahon na ma-realize mo na malas talaga ako sa buhay mo. Miller, di ko kakayanin kung kamumuhian mo ako no'n at sisisihin mo sa mga kamalasan sa buhay mo."

"Do I look like a fickle-minded teenager to you? I am all grown-up, Nadine. Ako ang nagdesisyon na mahalin ka. Ako ang may gusto na dito ka lang sa tabi ko. We are in a relationship. We make it work. Walang basta-basta tatakbo. Hindi mo ako iiwan nang di natin napag-uusapan. Ayoko nang mawala ka na lang basta katulad ng ginawa ni Chloe sa akin.”

Parang hiniwa ang puso niya nang makita ang lungkot sa mga mata nito. Umiling siya. "Hindi naman ako katulad ni Chloe. Di naman kita ipagpapalit sa iba. If we break up, it is because I love you. Ayokong nahihirapan ka dahil sa akin."

“Do you know why I work so har? Because I hate that feeling of not being good enough. Nag iwan ako ni Chloe, naisip ko na di ako ganoon kagaling at wala pa akong napapatunayan. Sino ba naman ako kumpara sa isang Michelin-starred chef? Ano ba ang kaya kong ialok sa kanya? Nothing. She left me without even a goodbye. As if I was not good enough for even a simple goodbye. Kaya kung itinutulak man kita noon palayo, iyon ay dahil pakiramdam ko di ako karapat-dapat kahit na kanino. Until you told me that you love me.” Hinawakan nito ang kamay niya at inilapat sa dibdib nito. “Akala ko patay na ang puso ko pero binuhay mo ulit. You made me feel like I am more than enough. Ngayon lang ulit ako nagmahal at sumaya. Sa palagay mo naman hahayaan ko na bitawan ang kaligayahan ko para sa career? Kaya nga ako nagsisikap dahil gusto ko magkasama tayo. So don't do anything stupid like leaving me. I need you now more than ever.”

"Kahit masira ang image mo?"

"Ano bang ginawa natin? Nagnakaw ba tayo? May video scandal?” Kinintalan nito ng halik ang noo niya. “Wala tayong ginagawang masama. Matitino tayong tao.”

“Paano si Chloe na di pa rin nakaka-recover sa iyo?”

Huminga ito ng malalim at inupo siya sa rattan chair. Umuklo ito sa harap niya at hinaplos ang buhok niya. "Ang pag-ibig di pwedeng pagkain pagsawaan mo saka bibitawan mo para tumikim ng ibang mas masarap. Tapos aasahan mo babalikan mo ulit kasi iyon pala ang mas swak sa panlasa mo."

"Oo naman. Panis na iyon."

"Wrong. May iba nang kakain doon at di niya pagsasawaan. Mukha na ba akong panis?”

Pinisil niya ang magkabilang pisngi nito. ”No! Forever yummy ka sa akin. I love you Miller. Kung kaya mong magsakripisyo para sa relasyon natin, ako rin.”

“We don’t have to do that. Just stay with me. Gusto ko malampasan natin ang pagsubok na ito nang walang bumibitaw. Okay?”

Tumango siya. “Okay. I won’t let go.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.