Chapter 33

NANG makabalik sa Pilipinas ay bumuo ng malaking desisyon si Ruan. Kailangan na niyang magbagong buhay. Twenty eight years old na siya. Hindi na dapat siya nabubuhay ng walang kasiguraduhan. Oo nga at malaki ang nakukuha niyang pera mula sa blogs niya at ilang mga kanta nako-compose niya. Pero para rin na pagiging artista ang pagiging travel blogger. Paano kung malaos na siya? Lalo na ngayon at tumataas ang competition dahil nauuso na ang pagtatravel. Hindi rin naman regular ang pagko-compose niya ng kanta. Hindi na rin siya sumasali sa mga music competition, lalo na ngayon na mas pinapaboran ng mga tao ang mga kabataan.

Kailangan ni Ruan ng stability.

Nang makapagpahinga ay naghanda si Ruan. Nag-ayos siya ng sarili at nagpunta sa construction company na pagmamay-ari ng pamilya niya. Nang tumigil siya sa pag-aaral ay humiwalay na siya sa mga ito. Bihira na lang rin niyang makita ang mga ito. Nagkaroon na rin kasi sila ng iba-ibang buhay nang mamatay ang Daddy niya two years ago. Nag-focus ang Kuya niya sa binuong pamilya nito samantalang ang Mommy naman niya ay nagkaroon ulit ng bagong life partner. Parehong may iba ng pamilya ang mga ito at naging abala na rin.

But Ruan needs the connection right now. Ang Kuya niya ang namamahala ng construction company nila. Pumunta siya roon para mag-apply. Gusto niyang magkaroon ng permanenteng trabaho at kita.

As expected, nagulat ang Kuya niya. Pero inasikaso rin naman siya nito. Nang iabot niya rito ang dala niyang resume ay tinaasan siya nito ng kilay. “Alam mo na hindi ko naman kailangan niyan,”

“Yes, but at least let’s try to be formal. Kahit sa ganitong paraan na lang. Hindi na ako dumaan sa HR, eh.”

Tumawa ang Kuya niya. “So confident ka na tatanggapin kita?”

“Alam ko na wala akong experience. I might not be the right man for a good job that I’m expecting you to give me. But we can at least try. Matutunan ko rin naman `yan kapag nandiyan na ako.”

Tinitigan siya ng Kuya niya. “Bakit mo gagawin ito?”

“Dahil gusto ko ng maging stable ang buhay ko,”

“Iyon lang?”

Huminga nang malalim si Ruan. “Fine. Ginagawa ko ito para makakuha rin ako nang dagdag points sa babaeng gusto ko. Gusto kong makita niya na karespe-respeto akong tao,”

Tinaasan siya nito ng kilay. “Karespe-respeto naman ang trabaho mo, ah.”

“I know. But it would be better if I have an office job---a decent job that most people say.”

Tumango ang Kuya niya. “But I’m sorry. You are not hired,”

“What? Why?!”

“Dahil ayaw kong tumanggap ng tao na hindi gusto ang ginagawa niya,”

Kumuyom ang palad ni Ruan. “I have the right to this company, too. Hindi mo ako puwedeng basta-basta na lang na tanggihan,”

“Hindi mo gusto ang trabaho na ito. Inililigtas lang kita sa possibility nang malaking pagsisisi,”

“Pero kailangan ko ng trabaho. Kailangan ko ng pera---“

May inilabas na folder ang Kuya niya. It’s a document about company shares. “Dahil hindi ka nagpunta nang basahan ng Last Will ni Daddy ay hindi mo alam ang tungkol rito. Hindi mo rin naman ako binigyan ng pagkakataon para i-explain ito. Lagi ka na lang wala. But just so you know, you have company shares. Kumikita ka kahit hindi ka naman nagbibigay ng service sa kompanya,”

That should make Ruan happy. Hindi na niya kailangan pang mag-alala pa sa pera financially. But something feels wrong, too.

“Hindi naman tama na kuhanin ko `yan. Hindi ko pinagpaguran `yan…”

“Pero mas tama na hindi mo gawin ang mga bagay na ini-enjoy mo,” Tinapik ng Kuya niya ang balikat niya. “You know, Ruan, I always admire you…”

Pagak na tumawa si Ruan. “That’s funny. Ikaw nga ang taong hinahangaan ng lahat,”

His brother is the perfect son. Matalino, achiever sa lahat ng bagay. Mas naging maganda rin ang business nila nang ipasa ng Daddy niya rito ang pamamahala. Kaya nga hindi na siya prinessure ng Daddy niya sa trabaho na gusto nito para sa kanya.

“Maybe. But I wish I can be brave as you. Sana na-pursue ko ang passion ko na maging pilot noon…” May lungkot sa mga mata ng Kuya niya.

Natahimik si Ruan. Wala siyang alam na mukhang naging biktima ito ng pressure ng Daddy niya.

Huminga nang malalim ang Kuya niya. “Pero nandito na ako. Malayo na ang narating ko. It will be so stupid to let go of this to pursue the dream I have before. Isa pa, na-e-enjoy ko rin naman, masaya naman ako kahit papaano. Pero sana, `wag mong gawin ang pagkakamali ko…”

Napahinga rin nang malalim si Ruan. “Sa tuwing naiisip ko ang future, palagi ko rin na naiisip ang sinabi ni Daddy sa akin noon. Walang kapupuntahan ang gusto ko sa music, walang kapupuntahan ang pagsunod ko sa passion ko. Palagi akong binibigyan ng takot noon. And it did, even before…

“Hinayaan kong makuha ng iba ang babaeng gusto ko noon dahil feeling ko hindi ako deserving. Magulo ang buhay ko. Komplikado. My interest is different from a normal one. Napakalaki rin ng risk. Puwede na hindi ako kumita, puwedeng mapabayaan ko ang taong aasa sa akin. I’m not a good man. I feel like I will not do well for that girl. At ngayon ay nagbabalik siya at malaya ko ng mahalin. Naguguluhan ako kung may pag-asa ba ako kaya gusto ko sana na baguhin ang buhay ko---ang ayusin ito at ang pagiging stable lang ang nakikita kong paraan.”

“Hindi mo naman kailangang baguhin ang sarili mo para sa isang tao. Kung gusto ka talaga niya, tatanggapin at mamahalin niya ang buhay mo at ang mga bagay na gusto mo…”

May point ang Kuya niya. Hindi niya kailangang baguhin ang sarili niya. Pero ayaw rin naman niyang mawala sa kanya si Sunny. Simpleng babae lang ito at alam niya na gusto lang rin nito ng simpleng buhay. At sa lagay ng buhay niya sa ngayon, pakiramdam niya ay hindi niya maibibigay ang kailangan nito.

Pero ano nga ba ang alam niya sa kailangan nito? Hindi naman niya ito matanong tungkol sa puwedeng future nila. Ang mga ginagawa niya ngayon ay iniisip niya lang na magugustuhan nito. Wala siyang insight sa isip ni Sunny. Ano ba ang inaasahan nito sa kanya?

Maraming tanong ang naglalaro sa isip ni Ruan. Pero hindi niya masabi iyon. Natatakot siyang ma-misinterpret siya ni Sunny. Ni hindi pa nga siya nito pormal na hinahayaan na manligaw pero ang future na nila together ang iniisip niya.

Ginusto ni Ruan ang sitwasyon nila ngayon---taking things slowly. But he is feeling impatient. After all, masasabi rin naman na matagal siyang naghintay. Pero higit sa lahat ay natakot siya sa sinabi ni Sunny na `wag siyang mag-expect masyado. Ibig sabihin lang kasi noon ay may pag-asa na hindi siya nito payagan na makapasok sa puso nito.

Maaga pa para sumuko si Ruan. Pero sa nalaman ay parang unti-unti siyang nawawalan ng pag-asa.

And it hurts like hell.

ANG AKALA ni Sunny ay magbabago na ang pakiramdam niya tungkol sa trabaho niya bilang Accounting Assistant sa pagbabalik niya. Dalawang linggo siyang on leave sa trabaho. She should feel refreshed and she should miss her job. Pero tatlong araw pa lang siya na nakakabalik sa trabaho ay gusto na niyang magresign. Ilang beses siyang napagalitan ng boss niya. Ilang beses rin siyang nakagawa ng mga kapalpakan sa trabaho niya.

Partly, gustong sisihin ni Sunny ang mga masasamang nangyari rin sa kanya two weeks ago. O siguro ay nami-miss niya ang pakiramdam na walang pino-problema na trabaho. Nami-miss niya si Ruan at ang mga ginawa nila sa Thailand.

Maybe Sunny was feeling the travel hangover.

Pero naisip rin naman ni Sunny ang mga naging pakiramdam niya bago pa man siya mag-leave sa trabaho. A month before her supposed-to-be wedding, she committed a huge mistake. Ilang libo rin ang nawala sa kompanya nila dahil sa pagkakamali niya na iyon. Bukod roon ay marami pa rin siyang naging maliit na pagkakamali. Pakiramdam niya noon ay burned out siya. Ilang beses na rin niyang naisip noon na mag-resign na sa trabaho. Pero naisip niya na baka wedding jitters lang o kaya kailangan niya lang ng bakasyon. After all, ilang taon na siya sa trabaho at halos hindi niya nga nagagamit ang vacation leaves niya.

But again, she is feeling it this way. Hindi na siya masaya sa trabaho niya. Nakadagdag pa sa paghihirap niya ang pakiramdam na pinag-uusapan siya ng mga katrabaho niya sa kompanya. Alam ng mga ito ang nangyari. May ilan pa nga na insensitive na talagang tinanong pa kung ano ang naging mali. As if she really knows. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpaparamdam sa kanya si Arvin.

Pero lalong na-stress si Sunny nang matapos ang trabaho ay nakita niyang hinihintay siya roon ni Ruan. At hindi lang basta-basta ito naghihintay. May dala rin itong malaking bouquet ng flowers sa kanya. Hindi niya tuloy maintindihan kung ano ang dapat niyang maging reaksyon---ang mamula ba o mamutla. Surely, it looks so sweet. Pero naramdaman kaagad niya na pinagtinginan sila ng mga tao. Sa halip tuloy na matuwa ay parang nahiya siya.

“Take it,” wika sa kanya ni Ruan.

“Later. Let’s leave,” Hinawakan niya ang kamay nito at hinila palabas ng building.

“What’s wrong?”

“May dala ka bang kotse? Doon na lang tayo mag-usap,”

Nakakunot noo man ay inintindi siya ni Ruan. Pinasakay siya nito sa kotse nito. Doon lang niya tinanggap ang flowers. “Thanks. Pero hindi ka na sana nag-abala pa,”

“O hindi na sana kita sinundo?” Mukhang naramdaman na nito ang iniisip niya.

Huminga nang malalim si Sunny. “Paano kung iniisip nila na lumalandi na kaagad ako?”

“Importante ba talaga sa `yo ang iisipin ng iba?”

Natahimik si Sunny. Totoo naman iyon. Hindi naman mahalaga sa kanya ang mga ka-opisina niya. Kakaunti lang sa mga ito ang tinuturing niyang kaibigan. Their thoughts and feelings should be damned for her. At mahalaga sa kanya si Ruan. Gusto niya ito. His feelings should matter.

“Hindi ikaw ang dahilan kung bakit hindi natuloy ang kasal. You should not feel affected by the judging looks of these people…”

“Yeah. I’m sorry,” Huminga nang malalim si Sunny. “Pero sana ay alam ko rin nga kung bakit ako iniwan. Sana ay alam rin iyon ng lahat.”

“That I wish, too…”

“So hindi mo nga alam?”

Umiling si Ruan. “I hated him for not telling me. I know you were hurt. Ayaw ko noon. Pero iniisip ko na lang na blessing in disguise rin naman ang nangyari. Kung hindi ka niya iniwan, I won’t have the chance to be with you…again.”

Napatitig si Sunny kay Ruan. Naiiyak rin siya. “B-bakit kasi ngayon ka lang lumapit ulit sa buhay ko?”

“I regretted it, too. Sana ay hindi ko hinayaan si Arvin na makilala ka. Sana nagkaroon ako ng lakas ng loob na i-pursue ka noon. Na-guarantee ko sana na hinding-hindi mo mararanasan ang sakit na dinanas mo nang iwan ka ni Arvin…”

Tuluyan nang napaiyak si Sunny. She can really feel the sincerity in Ruan’s words. Napayakap rin siya rito.

May pagsisisi si Sunny na na-in love siya kay Arvin dahil sa ginawa nitong pang-iiwan na lang basta sa kanya. Pero ayaw rin naman niya na masyadong isipin iyon dahil pagkatapos ng lahat, may mga masayang pinagsamahan din sila. Sabi nga nila, never regret something that once made you smile. But now, she felt a big regret. Naisip niya bigla ang mga “what-if’s” sa kanila ni Ruan.

But past is past. Maybe everything really happens for a reason. O siguro ay hindi pa lang rin panahon para sa kanila ni Ruan noon. But they have the present now. They can be with each other freely.

Kaya lang, hindi maintindihan ni Sunny kung bakit may mali pa rin siyang nararamdaman sa puso niya…

NANG dumating ang weekend ay inabala ni Sunny ang sarili sa pagtulong sa Mommy niya sa paghahanda para sa birthday party ng Daddy niya. Mahilig magluto ang Mommy niya at as usual and expected, doon ito nakatoka. Nagmamay-ari at nagma-manage rin kasi ito ng maliit na restaurant catering Asian cuisines. Kaya naman kapag may mga okasyon, madalas ay marami silang handa na masasarap na pagkain. Hindi na rin nila kailangang mag-imbita dahil automatic na pumupunta ang mga kamag-anak nila kapag may birthday sa pamilya dahil na rin alam na mahilig silang maghanda.

Pero dahil nakabakasyon ang kasambahay nila ngayon, ang Mommy lang niya ang puwedeng magluto. May malaking catering service ang restaurant ang Mommy niya kahapon at kulang rin iyon sa staff kaya alam niyang pagod ang Mommy niya. Pinili niyang tulungan at nagpresinta na magluto ng ilang putahe. Nagluto siya ng beef kaldereta at gumawa ng chicken Waldorf salad.

Tinikman nang Mommy niya ang niluto niya. Nagliwanag ang mga mata nito. She was impressed. “Masarap ka pala magluto, Anak,”

Dahil na rin sa kagalingan ng Mommy niya sa pagluluto ay hindi siya madalas na magluto. So it was good to be appreciated and praised.

“Thank you, Mom. Sana nga magustuhan rin ng iba ang niluto ko,”

“I’m sure they will do, lalo na si Ruan.”

Napangiti si Sunny nang marinig ang pangalan. Alam na ng mga magulang niya ang nararamdaman sa kanya ni Ruan. Nagpunta na mismo ang lalaki sa kanila para magpaalam na gusto siyang ligawan nito. Nagulat man ang mga magulang niya pero pumayag rin naman ang mga ito. After all, napansin rin naman ng mga ito na okay at pinapasaya naman siya noon. Ang mahalaga lang sa magulang niya ay ang kasiyahan niya.

Dahil roon, inimbitahan rin nila si Ruan sa party. Hindi na niya inisip ang iisipin ng mga kamag-anak niya kapag nakita na wala pang isang buwan ay may bago na sa buhay niya. Mas gusto na niyang pahalagahan ngayon ang nararamdaman niya at pati na rin si Ruan. Siyempre, mas prefer nito na ipakita at ipakilala rin niya in public.

Maaga silang natapos sa pagluluto ng pagkain. May ilang oras pa bago dumating ang mga bisita. Pero nagpahinga lang sandali si Sunny pagkatapos ay naligo at nag-ayos na. Sinabihan kasi niya si Ruan nang mas maaga na pagdating. Gusto niya na pagdating nito ay nakaayos na siya.

Saktong ayos na naman si Sunny nang may mag-door bell sa bahay nila. Siya na mismo ang nagpunta sa gate para salubungin iyon. She knew it was Ruan. Natanaw niya mula sa grills ng gate na may dala pa itong roses---red and white. Napailing-iling tuloy siya. Masungit ito pero sweet pala. Hindi naman siya ang may birthday pero pinaparamdam nito na espesyal pa rin siya.

Kaya lang, laking gulat ni Sunny nang hindi si Ruan ang nasa gate. It was a totally different person.

Si Arvin.

Napuno ng matinding gulo ang dibdib ni Sunny.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.