Chapter TAI 33

"Patnubayan ka ng Ama sa paghahanap mo sa kanya. Huwag kang gagalaw ng basta-basta ng di pinag-iisipan. Huwag kang magpadala sa emosyon mo. Ipagdarasal ko kayo."

Hindi niya alam ang pwede niyang gawin oras na saktan nito si Riva. Pero gaya ng natutunan niya ay mas makapangyarihan ang dasal. Panay ang usal niya ng dasal habang nagmamaneho papunta sa presinto. Handa siyang isuko ang kahit na ano makita lang ligtas si Riva.

Nag-ring ang cellphone niya at si Estrella ang caller. Hinampas niya ang manibela dahil ilang minuto na lang at nakatakda na silang magkita. "Hello."

"Arice, papunta na ako sa tagpuan natin. Kanina mo pa siguro ako hinihintay."

"Estrella, nawawala si Riva. Kinuha siya ni Alvin. Kailangang mahanap agad siya."

"Ito ang magandang pagkakataon para makalayo tayo. Abala ang mga tao sa paghanap sa kanya. Alam ko na matagal mo nang hinihintay na magkasama tayo. Naguluhan lang ang isip ko. Aaminin ko may nararamdaman din ako kay Ernest. Ngayon alam ko nang ikaw talaga ang mahal ko. Wala na akong pakialam sa iba. Wala na akong pakialam sa galit ni Mama. Magkakasama na tayo tulad ng pangarap natin."

Parang walang dating sa kanya ang mga sinasabi nito. Ito na ang pagkakataong hinihintay niya mula pagkabata. Kay Estrella niya binuo ang mga pangarap niya. Pero wala sa pangarap na iyon ang atensiyon niya. Kailangan niyang sagipin si Riva. At handa siyang talikuran ang lahat matiyak lang na ligtas ito. Hindi niya alam kung bakit iyon ang nararamdaman niya. Pero alam niya sa puso niya na mahalaga si Riva sa kanya.

"Estrella, kailangan kong tumulong sa paghahanap kay Riva," mariin niyang wika.

"Bakit pa? Maraming naghahanap sa kanya. Hindi mo na kailangang tumulong sa paghahanap. Ano ka ba? Pagkakataon na nating tumakas."

"Hindi ko siya pwedeng basta pabayaan. Nasa panganib ang buhay niya." Hindi niya pwedeng isugal ang buhay ni Riva para makasama si Estrella. Hindi niya kayang maging makasarili. Hindi siya magiging masaya kung kasama niya si Estrella at pinabayaan niya si Riva.

"Mas mahalaga pa ba si Riva kaysa sa akin? Ginamit mo lang naman siya para pagselosin ako, hindi ba?" tanong ni Estrella. "Alam ko na iyon lang ang silbi niya sa buhay mo dahil ako ang mahal mo."

"Buhay ang pinag-uusapan natin dito. Naiisip mo pa ba 'yan?" Iyon lang ba ang silbi ni Riva sa kanya katulad ng silbi niya dito na siyang maglalayo kay Estrella para di matuloy ang kasal ng pinsan nito. No. Higit pa doon ang silbi ni Riva sa buhay niya. Ito ang nagpapangiti sa kanya. Tinanggap nito ang pagkatao niya at pinahalagahan ang pinagdaanan niya sa buhay. Ibig bang sabihin ay may mas malalim din itong nararamdaman sa kanya kaya gusto nitong makita ang "sorpresang" inihanda niya para dito?

"Buhay ko rin ang pinag-uusapan natin dito. Tinatalikuran ko ang lahat para sa iyo. Ito na ang huling pagkakataon mo, Arice. Bibigyan kita ng dalawang oras. Kapag hindi ka dumating, tapos na ang lahat sa atin," babala nito at tinapos ang tawag.

Mahigpit ang hawak niya sa manibela habang nagdidili-dili kung ibabalik ang kotse para makasama si Estrella o ididiretso ang takbo para sagipin si Riva. Hindi niya kayang pabayaan si Riva. Pero maaring pagsisihan niya habambuhay kung mawawala si Estrella sa kanya. Ano ba ang nararapat?

Hindi na siya nagdalawang isip pa at lalo pang binilisan ang pagpapatakbo ng kotse niya. Ang ngiti ni Riva ang nakikita niya. Boses nito ang naririnig niya. Gusto niyang makasama ito muli.

Kailangang sagipin niya si Riva. Iyon ang itinitibok ng puso niya. Iyon ang tama. Iyon ang susundin niya.

MADILIM na nang magising si Riva. Nag-enjoy siya sa massage at spa. Talagang pinaghandaan ni Arice ang lahat. Alam nito kung ano ang gusto niya. Nasorpresa talaga siya.

Malapit na ang nakatakdang pagkikita nito at ni Estrella. Ibig sabihin ay siya talaga ang pinili nito. She knew it was like a crazy dream.

Isang eleganteng evening dress ang nakasabit sa labas ng closet. May sexy underwear din na ka-partner iyon. Isang note na may nakapatong na red rose sa ibabaw ng bedside table.

I will meet you downstairs for dinner. Dress up for me.

Excited siyang nag-shower at nagbihis. Paglabas niya ng shower ay nakaabang na ang dalawang babae. "Ma'am, kami po ang mag-aayos sa inyo."

"Pagandahin ninyo ako, ha?" aniya at umupo sa harap ng vanity mirror.

Inipon sa ibabaw ng ulo niya ang buhok niya at ipinusod. She looked like a goddess. Binagayan iyon ng red Grecian-cut gown. Mas naging confident siya. Kapag nakita siya ni Arice ay tuluyan na nitong makakalimutan si Estrella. Hindi niya gugustuhing magbago pa ang isipan nito na piliin siya. So this is love. Kapag ikaw ang pinili ng lalaking mahal mo, ikaw ang pinakamasaya at pinakamagandang babae sa mundo.

Isang eleganteng dinner ang nakahanda pagbaba niya. Sa gitna ng gazebo ay may mesa na may kandila at mga bulaklak. Talagang pinaghandaan ni Arice ang gabing iyon.

Narinig niya ang mga yabag sa likuran niya. Dali-dali siyang humarap dito. "Arice?" Nakayuko ang lalaking nakasuot ng white tuxedo at marahang inangat ang tingin sa kanya. Nawala ang ngiti niya at napalitan ng takot at sindak nang sa halip na si Arice ay si Alvin ang kaharap niya. "Anong ginagawa mo dito?" tanong niya sa nanginginig na boses. Ramdam pa rin niya ang trauma sa pananakit nito sa kanya.

Nakangiti nitong inilahad ang palad."I am just showing you that I can be romantic like your boyfriend. Nagustuhan mo ang sorpresa ko, hindi ba?"

Namanhid ang buong katawan niya sa takot. "Ikaw ang nagpahanda ng lahat ng ito at hindi si Arice?"

"Yes. Dito kita dadalhin nang isang araw kundi ka lang masyadong nagpakipot. Sabi na nga ba't mag-e-enjoy ka kapag idinala kita dito. Sayang at matagal inasikaso ang bail ko. Ngayon pwede nang ituloy ang date natin."

Parang mamamatay ang puso niya. Ang magandang panaginip niya ay nagmistulang masamang bangungot. Wala so Arice dahil si Estrella ang mahal nito. Isa siyang hangal na maniwalang tatalikuran nito si Estrella para sa kanya. She was an utter fool. Malamang ay kasama na nito si Estrella ngayon at palayo na sa Villa del Carmen. Habang siya ay kasama ang isang baliw. Kahit na gaano pa kaayos ang bihis ni Alvin at kahit na idinala siya nito sa mala-paraisong lugar na iyon, pakiramdam niya ay nasa impyerno siya dahil kasama niya ito.

Wala nang oras pa para magluksa ang puso niya. Wala nang Arice na magliligtas sa kanya. Siya lang ang pwedeng magligtas sa sarili niya.

Luminga siya sa paligid. Wala ang mga bodyguard niya. Lalo siyang kinabahan. "Nasaan ang mga kasama ko?"

"Kasalukuyang mahimbing ang tulog nila at nakatali sa bodega."

Hinarap niya ang mesa at mabilis na hinagip ng kamay ang steak knife. "Anong ginawa mo sa kanila?"

"Wala pa sa ngayon. Pinatulog ko lang sila."

Naramdaman niyang tumayo ito sa likuran niya at hinawakan ang balikat niya. "Kaya maging mabait ka sa akin para hindi sila masaktan."

Humarap siya dito at itinutok ang kutsilyo. "Huwag mo akong hahawakan."

Namutla ito at itinaas ang dalawang kamay. Akmang uulusin niya ito ng saksak nang may pumigil sa kamay niya at piniga ang kamay niyang may bali hanggang mabitiwan niya ang kutsilyo. Nagimbal siya dahil di niya napansin ang bodyguard nitong kamukha ni Frankeinstein. Napahiyaw siya sa sakit nang pilipitin nito ang braso niya sa likuran at ingudngod siya sa lamesa para di na siya makagalaw pa.

"Boss, babaliin ko ba ang kamay nito o ang leeg nito?" tanong ni Frankeinstein kay Alvin.

"No. Ibangon mo siya. Ako ang magtuturo ng leksiyon sa kanya," utos ni Alvin. Itinayo siya at ihinarap dito habang nakapilipit pa rin ang kamay sa likuran niya. Ngumisi ito at lumipad ang kamay. Isang malakas na sampal ang dumapo sa mukha niya. Pumaling ang mukha niya sa sobrang lakas at pakiramdam niya ay namanhid ang mukha niya. "Hindi mo alam kung sino ang kinakalaban mo."

Matalim niya itong tiningnan. "Kilala na kita." Isa itong demonyo. Lumalaban lang ito sa mga mas mahina dito.

"Kung kilala mo ako, dapat malaman mo na walang silbi ang pagtatapang-tapangan mo dito sa teritoryo ko. Wala kang kakampi dito. Wala kang mahihingan ng tulong. Kung gusto mong huwag masaktan, susunod ka sa gusto ko." Hinawakan nito ang baba niya at dahan-dahang inilapit ang mukha sa kanya. Pumiksi siya at ipinaling ang pisngi palayo. Naglatang ang galit sa mukha nito at binitiwan siya. "Sige! Ikulong ninyo sa kuwarto ang babaeng iyan. Sinira niya ang mood ko sa dinner kaya hahayaan ko siyang magutom. Tingnan ko lang kundi ka umamo sa akin."

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.