Chapter TAI 34

Yakap ni Riva ang sarili habang nakaupo sa gilid ng kama. Kumikirot pa ang mukha niya na sinampal ni Alvin. Her new room was bare. Ang naroon lang ay ang kama na may puting bedsheet. Walang kahit anong kagamitan doon na pwede niyang gamitin para gamiting sandata. Saradong-sarado ang mga bintana at puro grills kaya mahihirapan siyang makatakas.

Dasal na lang ang naging tanging sandata niya. Ayon kay Arice, kapag di na kaya ng sariling lakas ng isang tao ang problema ay marapat lang na tumawag sa Ama. Kaya sa Ama na lang niya ipinamahala ang buhay niya.

Naging alerto siya nang marinig niya ang mga yabag sa labas ng kuwarto. Bumukas ang pinto at pumasok si Alvin. May nakasunod na female staff dito na may dalang tray ng pagkain. Inutos nitong ibaba ang pagkain sa harap niya. Hindi siya magawang tingnan ng staff. Takot marahil ito kay Alvin. Hindi niya ito pwedeng mahingan ng tulong. Pinaalis nito ang staff matapos ilapag ang pagkain.

"Gusto mo bang kumain?" malambing na tanong ni Alvin at umupo sa gilid ng kama. "Alam kong gutom na gutom ka na. Gusto mo bang subuan kita? Kumakain na ang mga kasama mo. Ikaw na lang ang hindi pa."

Kumakalam na nga ang sikmura niya sa gutom. Nakakatakam ang pagkain sa tray. May corn soup, salad, may steak at may cake pa. Pero pagdating kay Alvin, siguradong di libre ang lahat.

"Ano naman ang kapalit ng pagkain na iyan?"

Ngumisi ito at hinaplos ang pisngi niya. "Matalino ka talaga. Simple lang ang hihingin ko sa iyo. All I want is a kiss."

"No," tutol niya at ipinaling ang mukha palayo nang akmang hahalikan siya nito.

Nagitla ito dahil di nito inaasahan ang pagtutol niya. "What the hell is your problem? It is just a freaking kiss. Mas gugustuhin mo pang mamatay sa gutom kaysa halikan ako?"

It was her turn to give him a sly smile. Masakit sa ego nito ang ginawa niya. "That's why I don't come cheap. Hindi mo makukuha ang halik ko sa simpleng tray ng pagkain lang. Hindi lahat ng babae cheap tulad ng ibang nakaka-date mo dati."

Tinabig nito ang tray ng pagkain at kumalat iyon sa sahig. "kung ayaw mo ng sinusuyo, pwede kitang makuha sa ibang paraan."

"Sa pamamagitan ng pagpwersa akin? Pinatunayan mo lang sa akin kung gaano kababa pagkalalaki mo. Kailangan mo pang mamuwersa ng babae para makuha ang gusto mo. Wala ka sa kalingkingan ni Arice."

Mariin nitong hinawakan ang baba niya. Pulang-pula ang mukha nito sa galit. "Huwag mo akong ikukumpara sa basura mong boyfriend."

"How funny. Sino ang mas bulok sa inyong dalawa sa palagay mo? Dapat yata humingi ka ng tip sa kanya. Hindi kasi niya ako kailangang suhulan o saktan para lang halikan ko siya."

"You..." Inangat nito ang kamay. Sasampalin na naman siya nito. Subalit hindi na nito naituloy pa ang pagsampal sa kanya nang mag-ring ang cellphone nito. Mariin nitong pinagdikit ang labi at pinindot ang answer button. "Hello!" pasigaw nitong bati sa tumawag. Biglang nawala ang balasik nito nang makilala ang nasa kabilang linya. "Tito Gov! I am fine. Di po ako nagtatampo dahil hindi ninyo ako tinulungang magpiyansa at di ninyo inasikaso ang pag-uurong sa kaso ko."

Sinenyasan siya nitong tumahimik at kasunod niyon ay nagsenyas ito ng gigilitan ang leeg. Kapag nag-ingay siya ay patay siya. Pagkakataon na sana niya iyon para humingi ng tulong pero kailangan pa rin niyang maging maingat.di niya alam kung kakampi ang gobernador o kalaban.

Lumingon ito sa kanya. "Si Riva? Hindi ko siya kinidnap, Tito. I just surprised her. Masaya siyang kasama ako. Ayaw pa nga niyang umuwi." Hinaklit nito ang buhok niya. "Sweetheart, tell my uncle that you are enjoying my company." Saka nito itinutok ang cellphone sa bibig niya.

"H-Hello..."

"Hija, huwag kang matakot. Kasama ko ngayon ang boyfriend mo. Humingi siya ng tulong sa akin," malumanay na sabi ng gobernador. "Alalang-alala siya sa iyo."

"Riva, nasaan ka? Sinaktan ka ba ng hayop na iyan? Anong ginawa niya sa iyo?"

Si Arice? Boses nga ni Arice ang narinig niya. Gusto niyang maiyak sa tuwa. Akala niya ay umalis na ito kasama si Estrella at tuluyan na siyang pinabayaan.

Muling bumalik ang boses ng gobernador. "Sabihin mo sa akin kung nasaan kayo. I-describe mo ang paligid mo."

Ngumiti siya. "Sir, maganda po itong Medditerranean villa ninyo. Nakakatuwa po 'yung kidney-shaped pool. Nagbabad po ako sa jacuzzi at nag-dinner po kamI ni Alvin sa gazebo..."

Bago pa niya matapos ang pagbibigay ng impormasyon ay kinansela na ni Alvin ang tawag. Sinabunutan siya nito na halos ikabunot ng buhok niya sa anit. "Bakit sinabi mo na nandito tayo? Masusundan na nila tayo." Kinaladkad siya nito palabas ng kuwarto. Nakaantabay na ang bodyguard nito. "Bruce, aalis na tayo dito. Baka abutan tayo ng mga pulis.”

“Pero pamangkin kayo ng governor, boss.”

“Bobo! Si Tito mismo ang magpapadampot sa akin. Kaya ihanda mo na ang sasakyan.”

“Isasama pa ninyo ang babaeng iyan, Boss? Wala naman pong dinala ang babaeng iyan kundi kamalasan sa inyo. kapag isinama natin siya, hahabulin lang kayo ng mga pulis.”

Ngumisi si Alvin at hinila ang buhok niya palapit dito. “Pagkatapos ng lahat ng gulong idinala niya sa akin, hindi ko siya basta-basta pakakawalan. I will make sure that she’d pay hell. Masyadong malaking pahirap ang ibinigay niya sa akin para basta na lang ibalik sa boyfriend niya. Maglalaro muna kami ni Riva.”

Ipinasok siya nito sa likuran ng sasakyan. "Don't do anything stupid. Hindi ako mag-aalangang pasabugin ang utak mo. Sayang naman."

Napalunok siya at tumango. She was no action hero. Alam na niyang wala siyang laban kay Alvin. Bagamat nag-aalala siya dahil mas mahihirapan ang mga pulis na hanapin siya pero nagbibigay ng pag-asa sa kanya si Arice. Hinahanap siya nito.

Tahimik siya habang bumibiyahe. Tinatawagan isa-isa ni Arice ang mga pwedeng tuluyan nila. "Punyeta! Hindi ninyo ako tatanggapin? Sana pala di kita tinulungan nang makulong ang kapatid mo na naging kabit ng isang businessman."

Ang mga sumunod pa nitong tinawagan ay puro negatibo ang sagot. "Mga walang kwentang tao. Magaling lang kapag may kailangan sa akin. Pero kapag may kailangan ka, madali para sa kanila na tanggihan ka."

"How sad," usal niya.

"Hindi ko kailangan ang awa mo. Mas maawa ka sa sarili mo."

Nagkibit-balikat siya. Hindi siya natatakot dahil alam niyang may taong naghihintay sa pagbabalik niya. Hindi na niya nararamdaman pa ang takot ng pag-iisa at kapahamakan.

Biglang tumigil ang kotse. Lumingon si Bruce sa kanila. "Boss, may checkpoint."

"Shit! Ibalik mo. Humanap tayo ng ibang daan. Baka tuta ni Tito ang mga pulis na iyan."

Habang pumipihit na pabalik ang sasakyan ay nag-ring ang cellphone ni Alvin. "Hello." Naglatang ang galit sa mukha nito. "No! I want her. I will do everything to make her want me." Muling tumigil ang sasakyan. "Bruce, bilisan mo."

"Maraming nakaharang na pulis, Boss. Hindi tayo padadaanin ng mga ito. Susuko na tayo, Boss?"

"Sumuko ka para sumabog ulo mo." Ikinawit nito ang braso sa leeg niya at tinutukan siya ng baril. "Lalabas tayo. I'm sure miss na miss ka na ng boyfriend mo. Gusto ka niyang makita sa huling pagkakataon."

Hinila siya nito palabas ng sasakyan. Nakita niya ang hilera ng pulis na nakaambang bumaril. "Hayaan ninyo kaming umalis dito kung ayaw ninyong sumabog ang ulo ni Riva."

"Ibalik mo na sa amin si Riva!" sigaw ni Arice na nasa likod lang hanay ng mga pulis. Pinipigilan ito ng Kuya Ernest niya.

"Sa akin na siya. Walang magpapaputok..."

Pumailanlang ang putok ng baril. Impit na tili ang kumawala sa labi niya dahil akala niya ay siya ang tinamaan. Narinig niya ang pag-igik ni Alvin sa tabi niya at nabitiwan nito ang hawak na baril. Lumuwag ang pagkakahawak nito sa kanya. Sinamantala niya ang pagkakataon at itinulak ito palayo.

Tumakbo siya palayo dito. Papunta sa mga pulis. Papunta sa direksiyon kung saan alam niyang naroon si Arice. Hinihintay siya nitong bumalik. Pumailanlang ang dalawang magkasunod na putok at naramdaman niya na may sumigid sa likuran niya. Unti-unti iyong naging sakit na kumalat sa buo niyang katawan. Nadapa siya at nagsimulang manlabo ang paningin niya. Naramdaman niyang may basa sa likuran niya. Tinamaan din siya ng bala.

“Riva! Riva!” narinig niyang tawag ni Arice.

Inunat niya ang kamay at pilit na inaabot ang pinagmumulan ng boses. “Arice… Arice…” Ayaw pa niyang mamatay. Naghihintay si Arice sa kanya. Gusto niya itong makita kahit pa tuluyan itong mawala sa kanya.

“Riva,” tawag muli nito sa pangalan niya pero mas malapit na ito sa kanya. Hindi na niya magawang idilat ang mga mata. Sana ay di siya dinadaya ng pandinig niya. Sana ay si Arice nga ang nasa tabi niya. Itinaas niya ang kamay at isang kamay ang sumapo niyon. “Riva, si Arice ‘to. Kailangan mong maging matatag. Hindi ka pwedeng mamatay. Naiintindihan mo ba ako?”

Kailangan niyang mabuhay. Ayaw niyang bigyan ito ng kalungkutan kung mamamatay ito. Masyado nang maraming lungkot ang dumaan sa buhay nito. Ayaw niyang mawala nang di sinasabi dito na mahal niya ito.

Naramdaman niyang may bumuhat sa kanya pero di pa rin bumibitiw ang kamay nito sa kanya. Halo-halo na ang tumatakbo sa isipan niya.

“Si Estrella…” mahina niyang usal.

“Huwag mo nang isipin iyon. Dito lang ako sa tabi mo. Hindi kita iiwan.”

Iyon ang huli niyang narinig bago siya nawalan ng malay.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.