Chapter TAI 35

MUNTIK nang isipin ni Riva na nasa langit siya. Pagmulat ng mata niya ay nakita si Arice na nakahiga sa couch at mahimbing na natutulog. He looked like sa ruffled angel.

Napapitlag siya nang maramdaman ang malamig na bagay sa likuran niya. Lumingon siya. May doktor at nurse na nagtse-check up sa kanya.

Pinigilan siya ng nurse para di siya gumalaw. "Diretso lang po ang tingin, Ma'am. Matatapos na po ang paglilinis sa sugat ninyo."

Napatitig siya kay Arice at sinubukang magsalita. “K-Kailan pa…siya diyan?” Mariin siyang pumikit dahil kumikirot ang likod niya kapag nagsasalita.

Nakuha agad ng nurse ang ibig niyang sabihin. "Kagabi pa po siya nakabantay. Gusto pa nga pong sumama ng operating room pero hindi po pwede. Kahit nga po sinabi na ng doktor na hindi ganoon kalala ang tama ninyo, kung umasta siya parang mamamatay kao. Ni ayaw kumain hangga’t hindi kayo dumidilat. Gusto lang kayong titigan. Ngayon lang po siya nakatulog. Mahal na mahal po kayo ng boyfriend ninyo. Sandali po. Gigisingin ko po siya."

Hindi na niya nagawang pigilan ang nurse dahil ipinaling na siya ng nurse sa kabilang side. "Sa likod tumama ang bala, Miss Riva. Maswerte kayo dahil walang vital organs na tinamaan at hindi rin sa buto. Kung hindi baka hanggang ngayon nagwawala pa rin ang guwapo ninyong boyfriend. Kailangang nakatagilid lang kayo."

Tumabi ang doktor para magbigay ng daan kay Arice. Malungkot ang mata nitong hinaplos ang bahaging sinampal ni Alvin kagabi. "Tinakot mo ako kagabi. Akala ko hindi ka na namin mababawi. Ligtas ka na kay Alvin. Mismong si Governor ang titiyak na makukulong siya. Dinoble din namin ang proteksiyon mo."

"S-Si Mama?"

"Nasa cash register. Inaayos ang paglipat mo ng ospital. Babalik din sila. Di rin sila nakatulog sa pag-aalala sa iyo."

"Si Estrella?"

Yumuko ito. "Nasa simbahan na siguro para sa kasal nila."

Nanlaki ang mata niya. "Ano?"

"Gusto sanang i-postpone ni Ernest dahil nasa peligro pa ang buhay mo. Nang malaman ni Doña Guada na wala ka na sa critical condition, ituloy na daw ang kasal. Sayang naman daw."

Sumigid ang sakit sa ulo at likod niya. "N-Nagkita ba kayo kagabi?" Akala niya ay sigurado nang sasama si Estrella dito.

"I decided to look for you instead."

"Oh! Arice..." Matinding guilt ang naramdaman niya. Isinuko nito ang pagkakataon na makasama ang babaeng mahal nito para matiyak ang kaligtasan niya. "I am sorry."

"Hindi mo kailangang mag-sorry."

Nangilid ang luha sa mata niya. Kasalanan niya kapag tuluyang di nakasama ni Arice ang babaeng mahal nito. Hindi siya makasarili. Kahit na gusto niyang makasama si Arice, ayaw niyang buong buhay nitong pagsisihan na habambuhay nitong din nakasama si Estrella dahil sa kanya.

"Ano pang ginagawa mo dito? Umalis ka na. Habulin mo sila sa simbahan. Tumutol ka sa kasal,” utos niya dito.

"Hindi kita pwedeng iwan mag-isa."

Pilit siyang bumangon. "Ba…wiin mo siya.” Itinulak niya ito palayo kahit parang pinipiga ang puso niya na itaboy ito kay Estrella. "Umalis ka na."

Pilit siya nitong pinahiga. "Riva, kumalma ka. Ang sugat mo baka dumugo."

"A-Alis na!” pagalit na niyang utos dito.

Pumasok ang mama niya at si Renzie. "Diyos ko! Anong nangyayari dito?"

Mangiyak-ngiyak niyang utos dito at naramdaman niya ang pagkirot ng sugat niya. Bakit ayaw pa nitong sumunod sa kanya? "Umalis ka na, Arice!"

"Sir, umalis na muna kayo,” utos ng nurse na kasunod ng Mama niya.

Malungkot siyang pinagmasdan si Arice bago lumabas ng kuwarto. Parang puso niya ang tinamaan ng bala. Masakit itulak ang taong mahal mo sa ibang tao. Para ito kay Arice. Alam niyang si Estrella ang kaligayahan nito. Kahit na masakit para sa kanya, kailangan niyang huwag pakinggan ang puso niya. Matagal na nitong pangarap na makasama si Estrella. Hindi siya ang pipigil sa kaligayahan nito.

"Anong nangyari? Bakit itinaboy mo 'yung tao? Magdamag kang binantayan at alalang-alala sa iyo. Hindi ka nga niya iniwan kahit na hindi naman kritikal ang tama ng bala sa iyo tapos ipagtatabuyan mo,” nagtatakang tanong niya nang kalmado na siya. Nakatagilid siya ng higa at patuloy sa pagdaloy ang luha niya. Wala na ang kirot sa sugat niya pero parang binibiyak naman ang puso niya.

Huminga siya ng malalim. "Pipigilan niya ang kasal.”

“Ano bang sinasabi mo?” tanong ng Mama niya.

"Pati si Arice isinali mo sa kahibangan mo," sermon ni Renzie. “Sinabi ko na sa iyo na hayaan mo na si Kuya Ernest kung sino ang gusto niyang pakasalan.”

Umiling siya. “Mahal ni Arice si Estrella.”

Habang umiiyak ay ikinuwento niya sa mga ito ang totoo. Kung paano sila nagplano ni Arice para mailayo si Estrella sa Kuya Ernest niya. Paputol-putol at hirap siyang magsalita pero hindi madali para sa mga ito na malaman ang istorya.

Sapo ng Mama niya ang sarili nitong pisngi habang maang na nakatingin sa kanya. “I-I really don’t know what to say, hija.”

Maiintindihan niya kung galit ang Mama niya sa kanya. Kahit siya ay nagagalit sa sarili niya. Hindi niya alam na magkakaroon ng komplikasyon ang plano nila ni Arice.

"Bakit ka umaatungal matapos mong itaboy?" nakahalukipkip na tanong ni Renzie.

"Kasi mahal ko siya.” Kahit nagpapanggap sila, naging totoo ang nararamdaman niya.

“Mahal mo naman pala. Bakit itinataboy mo kay Estrella?” tanong ni Renzie.

Hinaplos ng mama niya ang buhok niya. “Anak, ano bang ginawa mo?”

Niyakap niya ang mama niya. "Ma, I want him to be happy.” Alam niyang mali pero gusto niyang maging masaya si Arice. Masyado na itong maraming pinagdaanan. Kung galit man ito sa kanya o kung sisihin siya ni Ernest ay tatatangapin niya lahat.

Niyakap lang siya nito at nanahimik sa mahabang sandali. "Magpahinga ka na. Things will be better once you wake up."

She didn’t know if she would feel better. Ngayon lang siya nagmahal. Ngayon lang din siya nasaktan. Kailangan pa niyang pakawalan ang lalaking mahal niya. At unti-unting pumikit ang mata niya kasama ang piping panalangin. Diyos na ang bahala kay Arice.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.