Chapter TAI 36

"Sabihin na natin kay Riva ang balita," narinig niyang bulong ng Mama niya paglabas ng restroom. Bukas pa siya naka-schedule na lumipat ng ospital sa Manila.

"Mamaya na lang po. Hayaan na nating si Kuya Ernest ang magsabi sa kanya," sabi naman ni Renzie. Parang may sekretong pinag-uusapan ang mga ito.

“Ma, ano po iyon?” tanong niya.

Tensiyonado siya at malungkot mula nang umalis si Arice mahigit dalawang oras na ang nakakaraan. Napigil ba nito ang kasal? Kasama na ba nito si Estrella?

"Parating na ang Kuya Ernest mo. Kayong dalawa na lang ang mag-usap."

Sumasal ang kaba sa dibdib niya. Alam ba ng Kuya Ernest niya na kasabwat siya ni Arice para paghiwalayin ito at si Estrella? Tiyak na galit na galit ang Kuya Ernest niya. Mabait ito pero nakakatakot itong magalit.

Wala siyang inuurungan. Handa siyang harapin ito pero huwag muna ngayong mahina pa siya. Hindi pa nakakabawi ang puso niya nang itaboy si Arice papunta kay Estrella.

Paghiga niya sa hospital bed ay nagkunwari siyang tulog habang nakikiramdam.

Nagsisimula na siyang maidlip nang bumukas ang pinto.

"Ernest!" narinig niyang usal ng Mama niya.

"Nakatulog ulit si Riva?"

"Nagtutulug-tulugan lang 'yan," pambubuko ni Renzie. Oras na gumaling siya itatali niya ang dila nito sa leeg nito.

Narinig niya ang yabag na palapit sa kanya. Kung pwede lang ay huwag siyang huminga. Haharapin naman niya ang pinsan niya sa gulong ginawa niya. Pero huwag muna ngayon. Gusto muna niyang ipahinga ang puso niyang nagulpi. She couldn’t take another beating just yet.

"Riva, alam ko gising ka at baka galit ka sa akin. I am sorry kundi kita nahintay na gumaling para sa kasal ko."

Kasal? Anong sinasabi nito? Naghahalusinasyon ba siya o baka naman si Ernest na ang naghahalusinasyon dahil di nito matanggap na iniwan ito ni Estrella.

"Riva, si Mama kasi ang nagpilit na ituloy. Sayang daw ang lahat ng paghahanda at mga gastos. Nakakahiya sa mga bisita. Sana huwag sumama ang loob mo."

Bigla siyang dumilat nang marinig ang boses ni Estrella. Nakasuot ito ng Filipiniana wedding gown. Masaya ang mga ito habang magkahawak ang kamay. Natuloy ang kasal ng mga ito. Anong nangyari kay Arice?

"H-Hindi masama ang loob ko,” nausal niya matapos ang mahabang sandaling nakatitig siya sa dalawa. “Alam ko kung gaano kaimportante ang kasal ninyo kay Kuya Ernest. Masyadong abala kung hihintayin pa ninyo akong gumaling."

Tinapik ni Ernest ang kamay ni Estrella. "I told you we have nothing to worry. Mabait si Riva. Maiintindihan niya tayo."

Hindi niya magawang magalit. Nakikita niyang masaya si Ernest. Sa unang pagkakataon ay inunawa niya ito at hinayaan sa kaligayahan nito. May sarili itong isip. Oras na siguro para hayaan niya itong harapin ang buhay nito nang di siya nakikialam.

Natuon ang mga mata niya kay Estrella. "Mahalin mo ang pinsan ko, Estrella.”

Tumango si Estrella at tipid na ngumiti. "Si Arice?"

Hindi niya alam. Wala siyang balita dito mula nang umalis. Hindi ba ito nakarating sa simbahan? Hindi ba ito nakatutol sa kasal? Anong nangyari dito?

"Pinauwi ko muna at wala pang tulog kababantay kay Riva,” sa halip ay sabi ng mama niya. “Pero sa palagay ko babalik din iyon.”

"Magpa-picture muna tayo," sabi ni Ernest.

Tinakpan niya ang mukha niya. "Kuya, pangit ko kaya."

Inalis nito ang pagkakatakip ng mukha niya. "You are brave and beautiful. Kung ibang babae iyon baka umiyak na lang sa isang tabi. Kaya nga gusto ka ni Arice."

Mabigat man ang puso niya sa sinabi nito ay nakangiti naman siya nang nagpakuha ng larawan. Gusto niyang isipin na isa iyong tagumpay para sa kanya pero paano si Arice? Hindi siya pwedeng maging masaya habang nagluluksa ang puso nito.

Di nagtagal ay umalis na ang bagong kasal. Di mawala ang pag-aalala niya kay Arice. "Tatawagan ko po si Arice, Ma. Pahiram po ng cellphone ko.”

Nag-unahan pa ang Mama niya at si Renzie sa pagpapahiram ng cellphone sa kanya. She knew Arice’s number by heart. Sana lang ay sagutin nito ang tawag niya. Makalipas ang tatlong ring ay may sumagot sa kabilang linya. "Hello."

"Nasaan ka?" tanong agad niya dito.

"Just driving around. Nagpapalamig."

"G-Galing si Kuya Ernest at Estrella dito,” kwento niya.

"I am sorry. I didn't arrive on time. Hindi ko napigilan ang kasal nila."

Malungkot ito. Nahihimigan niya sa boses nito. mukhang hindi safe na hayaan itong magmaneho. "Okay ka lang? Y-You are not suicidal?"

"No way! Riva, hindi mo ako makikitang lumulutang sa ilog."

"Prove it. Pumunta ka dito,” utos niya.

"Gusto mong pumunta ako diyan kahit na galit ka sa akin?"

"Hindi ako galit sa iyo. Pero magagalit ako sa iyo kapag hindi ka pa nagpakita sa akin ngayon. Gusto kong matiyak na safe ka at hindi suicidal."

“Okay,” sabi lang nito at pinutol ang tawag. Wala pang limang minuto ay pumasok na ito ng kuwarto niya. Tumayo sina Renzie at ang Mama niya. "Maiwan muna namin kayo."

"Arice, sa cafeteria lang kami."

Tumayo ito sa harap niya. "Nandito na ako."

Ginagap niya ang kamay nito. "Okay ka lang talaga?"

Kinuha nito ang kamay niya at inilapat sa pisngi nito. "I am in one piece. Ni wala akong gasgas."

There were no visible wounds but she knew that his heart was hurting. Ibinuka niya ang mga kamay. "Do you need a hug?"

Di ito nagsalita at kusang lumapit sa kanya hanggang pwede niya itong yakapin. Nang mayakap na niya ito ay kusang kumawala ang luha niya.

"O, bakit ka umiiyak? May masakit ba sa iyo?" nag-aalala nitong tanong.

Nang iangat niya ang mga mata ay walang bahid ng luha ang mga mata nito kundi pag-aalala lang para sa kanya. Her heart was grieving for him - for his lost love and his unshed tears.

"Sasabayan kitang umiyak. Alam ko naman na nasaktan ka." Mas masakit marahil ito kaysa nang unang beses na ikinasal si Estrella.

Bumuntong-hininga ito at naglabas ng panyo sa pantalon. Marahan nitong pinunasan ang luha niya. "Hindi ako umiiyak. Matagal na."

"Hindi rin naman ako iyakin pero ako na lang ang iiyak para sa iyo. Sorry. Sana nagising ako ng mas maaga kanina. No. Sana hindi na lang ako napaikot ni Alvin. Akala ko kasi ikaw ang nagpapasundo sa akin." Akala niya ay siya ang pinili nito. Na may espesyal itong nararamdaman sa kanya, higit sa nararamdaman nito kay Estrella.

"Wala kang kasalanan at hindi kita sinisisi na natuloy ang kasal ni Estrella sa pinsan mo. Baka ikaw ang galit sa akin. Di ko nagawa ang parte ko."

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.