"Hindi. Malaki na si Kuya Ernest. Siya ang pumili kay Estrella. Ikaw ang inaalala ko. Your heart is at stake here. Matagal mo nang gustong makasama si Estrella. Marami kang pinaghirapan. Masakit kung sa huli mawawala rin siya sa iyo."
"Minsan kahit na anong pagsisikap natin na pangyarihin ang mga bagay, kapag hindi pinangyayari ibig sabihin may ibang plano ang Diyos. Something better."
"Ganoon lang kadali para sa iyo na tanggapin ang lahat?" nagtataka niyang tanong. Kung ibang lalaki ito ay baka naghurumentado na ito.
"Yes. I want to know what gift is in store for me." Hinaplos nito ang noo niya."Walang dahilan para umiyak o malungkot ka para sa akin. Huwag mo na rin akong itataboy. Next time I won't go away."
Saka lang siya tumigil sa pag-iyak. Gusto niyang malaman kung anong plano ng Diyos kay Arice at kung bahagi siya ng planong iyon.
SERYOSONG-SERYOSO si Riva habang nakaharap sa kalan. Alas singko pa lang ng umaga pero gising na siya. Nagulat siya nang may humawak sa balikat niya.
"Mama! Huwag po kayong manggulat."
"Seryosong-seryoso ka kasi diyan." Sinilip nito ang niluluto niya. "Oh! Longganisa. Baka naman mabigla ang sugat mo."
"Ma, narinig mismo ninyo ang sinabi ng doktot. Okay na ako. Babalik na ako sa trabaho sa Lunes."
Muli naramdaman niyang parang bata siya mama niya ang nag-alaga sa kanya nang mahina pa siya. Mula nang mamatay ang Papa niya ay nasanay na siyang laging maging malakas para sa mama niya at kay Emarie. Bilin ng Papa niya na alagaan ang mga ito.
It felt good to be a simple daughter again. Ang tanging gagawin niya ay hayaan siyang alagaan ng Mama niya.
Pinisil nito ang pisngi niya. "I just want to make sure that you don't harm yourself in any way. Gusto mong igawa ko kayo ng salad ni Arice?"
"Thanks, Ma."
May breakfast date sila ni Arice bilang celebration sa paggaling niya. Nakabantay din ito habang nagpapagaling siya. Kulang na lang ay sa bahay niya ito tumira. Kahit pa busy ito sa trabaho ay di ito nakakalimot na tawagan siya. Kapag may check up siya sa ospital ay sumasama din ito. At kahit ngayong magaling na siya ay hindi nababawasan ang atensiyong ibinibigay nito sa kanya.
"Are you two officially on?" nang-iintrigang tanong nito.
"Officially on?"
"Come on! I am your mother."
Kahit na kasal na sina Ernest at Estrella at kasalukuyang nasa honeymoon ay girlfriend pa rin ang pakilala ni Arice sa kanya sa mga kaibigan nito at pati sa mga empleyado. Kahit siya ay pinangatawanan na rin dahil naibalita ng Mama niya sa lahat ng amiga at kamag-anak nito na may boyfriend na siya. Maging si Renzie ay ginawa pang status sa social networking site accounts nito ang tungkol sa kanila ni Arice. Gusto daw nitong ipagsigawan sa mundo na hindi magiging matandang dalaga ang best friend nito.
It was weird. Hindi pa nila napag-uusapan ni Arice ang tungkol doon. Parang nakasanayan na lang nila ang pagpapanggap nila at nag-e-enjoy na lang. Di niya alam kung paraan iyon ni Arice para maka-cope sa pagpapakasal ni Estrella sa iba.
Pinalis niya iyon sa isip dahil ayaw niyang masira ang mood niya. Handang-handa na siya nang dumating si Arice. He looked as fresh as the morning. May kahabaan na ang buhok nito. Busy kasi ito sa kanya at sa trabaho kaya pati sarili nito ay di na nito naaasikaso.
Kinintalan siya nito ng halik sa pisngi. “Good morning, beautiful!”
“Gusto ko ganyan din ang bati mo sa akin,” hirit ng Mama niya nang ito naman ang babatiin ni Arice.
“Good morning, Gorgeous Tita Mildred,” bati naman ni Arice.
Humagikgik ang mama niya. “Much better. Umalis na kayo. Ikaw na ang bahala sa anak ko, Arice. Ipinagluto ka niyan. Ikaw lang talaga ang ipinagluluto niya.”
Nagningning ang mata ni Arice. “Ipinagluto mo ako ng longganisa? Alam mo talaga ang paborito ko.”
“Iyon lang naman ang alam kong iluto.”
“Ano pa bang alam mong iluto, hijo?” tanong ng mama niya. “Para naman kapag ikinasal kayo hindi puro longganisa ang alam iluto ni Riva sa iyo.”
Kasal? Parang gusto na niyang magpalamon sa lupa. Tumawa lang si Arice. Pero anong malay niya kung nanginginig na ang tuhod nito dahil binanggit iyon ng mama niya.
Humalik siya sa pisngi ng Mama niya. “Aalis na po kami.”
Nakangiti pa rin si Arice hanggang makarating sila sa La Mesa Ecopark. Gusto daw nito ng breakfast picnic para sa kanila. “Gustong-gusto ako ng mama mo bilang boyfriend mo, no?” sabi nito habang inaayos ang mga pagkain sa table nila. Hinawakan nito ang kamay niya at tinitigan ang pising singsing niya. “Naghihimulmol na yata ang wedding ring mo. Hindi mo naman iniingatan.”
“Ang yabang mo,” usal niya nang mapansing walang masyadong himulmol ang singsing nito. “Lagi kong suot ‘yung akin. ‘Yung sa ‘yo baka di mo laging suot.”
“Iniingatan ko lang. Di bale. Papagawa na lang tayo ng bago.”
Nagseryoso siya. “Arice, hindi pa natin nalilinaw ang status natin. Ang alam ng mga tao boyfriend talaga kita.”
“Bakit? Gusto mo na bang mag-break tayo?” nangingiti pang tanong nito.
“No! I mean… hindi naman talaga kita boyfriend. Nagpanggap lang tayo para pagselosin si Estrella. Ngayong kasal na sila ni Kuya Ernest, tama ba na manatili tayong ganito?”
“Kung ayaw mo naman palang makipag-break, then let’s stay this way. Ako pa rin ang boyfriend mo. Wala ng problema.”
Siniko niya ito. “Hoy! Manligaw ka muna.”
“Hindi pa pala panliligaw ang ginagawa ko sa iyo nitong nakakaraang linggo?”
“Wala ka namang sinasabi na nanliligaw ka. Arice, let’s be serious.”
Hinawakan nito ang kamay niya at matiim na tinitigan ang mga mata niya. “I am serious. I will court you formally. I seriously want you to be my girl.”
“Bakit ako?”
“Dahil sinabi ko sa sarili ko noon na kundi ko lang gusto si Estrella noon, ikaw ang liligawan ko. At sa palagay ko ikaw ang dahilan kung bakit hindi hinayaan ng Diyos na mapigilan ko ang kasal nila Estrella. Kahit na ikaw pa ang pinakamasungit na babaeng nakilala ko, kaya mo namang pagaanin ang loob ko. You make me feel good about myself. Ngayon kung ayaw mo naman sa akin, magligpit na tayo. Ayokong nababasted.”
Hinampas niya ang braso nito nang akmang magliligpit na nga ito. “Hindi ka pa nga nanliligaw ng matino, pagliligpitan mo na agad ako ng pagkain.”
Humalakhak si Arice at niyakap siya. “Sabi na nga ba may gusto ka rin sa akin.”
“Gusto nga kita. Kaya mas pahihirapan kita kaysa sa iba kong manliligaw.”
Kinintalan lang siya nito ng halik sa labi. “Bring it on, Riva. Hindi mo ako mapapasuko.”