Chapter TAI 38

Eksaktong alas sais ng gabi ay tumayo na sa swivel chair niya si Riva. Nasa labas na si Arice at naghihintay sa kanya. It was Friday night. Kadalasan kapag pumapasok Biyernes ng gabi ay nagtatagal siya sa opisina. Mahirap magpa-overtime kapag Biyernes dahil gustong gumimik ng mga empleyado niya. Siya lang ang naiiwan sa opisina para magtrabaho.

Pero nang bumalik siya sa trabaho, tiniyak ni Arice na di siya magbababad sa opisina kapag Friday night maliban na lang kung may rush siyang trabaho. Nakabantay pa rin si Arice sa kanya at ihinahatid siya pauwi.

Hindi niya alam kung saan siya nito dadalhin sa gabing iyon. Lagi siyang sinosorpresa ni Arice. Madalas siya nitong ipasyal kung saan-saan. Sometimes they would meet some of his friends. Saka nito ipagyayabang kung gaano kaganda at katalino ang girlfriend nito. Sometimes it was just a quiet time at his home with just the two of them. Parte iyon ng panliligaw nito pero parang noon pa naman nito ginagawa ang mga iyon.

Paglabas niya ng kuwarto ay naabutan niya itong kausap ang sekretarya niya. “Sir, mabuti na lang po dumating kayo sa buhay ni Ma’am Riva. Mas mabait na po siya sa amin. Hindi na po ako ninenerbiyos kapag dumadating siya. Palangiti na rin po siya at marunong nang makipagbiruan kahit oras ng trabaho. Sana po huwag na huwag ninyong sasaktan si Ma’am baka hindi na po bumalik ang pagkatigre niya.”

“Ako ba ang tigreng pinag-uusapan ninyo?” singit niya at lumapit sa mga ito.

Biglang tumiklop ang sekretarya niya at hindi alam ang isasagot. Ngumiti lang si Arice at kinintalan siya ng halik sa labi. “Isang magandang tigre,” paniniyak nito. “She’s a wild cat.”

“Wild cat pala, huh!” usal niya nang papunta na sila sa kotse nito.

“Yes. You go wild whenever I kiss you,” biro ni Arice sa kanya at kinintalan siya ng halik sa noo. “Saan mo gustong pumunta?”

“Kahit saan.”

Inabot nito ang susi ng sportscar nito sa kanya. “Then you drive.”

“Sigurado ka? Ako ang magda-drive ng sportscar mo? Hindi ba prized possession mo iyan?”

“So do you. So I trust you with my car.” Binuksan nito ang pinto ng kotse at tinulak siya sa driver’s seat. “Go on. Hindi naman nangangain iyan.”

“Sigurado ka? Naalala mo ba kung ilang itik ang namatay sa mga kamay ko mula nang huli akong magmaneho?”

Hinaplos nito ang pisngi niya. “Ako ang nangangain kaya ingatan mo ang girlfriend ko.”

“Ah, ganoon!” aniya at tumaas ang kilay niya. So ang kotseng iyon pala talaga ang girlfriend nito at hindi siya. Pinaharurot niya ang kotse nito at napangiti siya nang manlaki ang mga mata nito habang humahagibis sila. “Parang gusto kong mag-out of town. Saan ko ba pwedeng gasgasin itong kotse mo?”

Kampante itong humalukipkip. “Sige. Gasgasan mo. Just prepare for the consequences. Hindi kita iuuwi ng ilang araw. Ibabalik lang kita sa nanay mo kapag may tagapagmana na ako.”

Matalim siya nitong tiningnan. “You won’t even dare.”

Ngumisi lang ito. “Aprubado na iyon ni Tita Mildred. Sabi nga niya itanan na daw kita para daw mas mapabilis pagkakaroon niya nga po.”

Makikipag-bangayan sana siya dito pero nag-ring ang cellphone niya. Sinagot niya iyon sa headset niya. “Hello.”

“How’s my favorite girl?”

Ngumiti siya nang marinig ang boses ni Ernest. “Kuya, how’s the honeymoon?”

“Nakauwi na ako kaninang umaga. Nakalimutan mo ba ang flight ko?”

Nagi-guilty siyang ngumiti kay Arice. “Nawala sa isip ko, Kuya. Just too busy.”

“Ang sabihin mo nagtatampo ka dahil di ka nakasama sa kasal ko.”

“Of course not,” tanggi agd niya. Kinalimutan na nga niya ang tungkol doon. Nakikita naman niya na masaya ang pinsan niya. Mula nang di niya mapigilan ang kasal nito, tinanggap niya sa puso niya na oras na para hayaan ito sa buhay niya. “I understand. You are in love. At walang makakapigil sa iyo para pakasalan mo ang babaeng mahal mo.”

“Kung talagang di ka nagtatampo sa akin, join us for dinner.”

Kinagat niya ang labi at nilingon si Arice. “May date ako.”

“Is it Arice? Sabihin mo sumama din siya sa dinner natin. Nasa The Garden kami. Matagal mo na akong niyayaya doon, di ba? Marami akong pasalubong sa iyo. Kakausapin ko si Arice,” sabi nito.

Gustong bumawi ni Ernest sa kanya. Sinulyapan niya si Arice. Napilitan siyang ibigay ang cellphone dito. “Gusto kang makausap ni Kuya Ernest.”

Tumango ito at kinuha ang cellphone mula sa kanya. “Hello. Walang problema sa akin basta gusto rin ni Riva. Okay. We’ll get back to you.”

Pansamantala siyang nagpaalam kay Ernest at binalingan si Arice. “Well… ano sa palagay mo? Pupuntahan ba natin si Kuya Ernest?”

“Nasa iyo ang manibela. Ikaw ang bahala kung saan tayo pupunta,” anito at nagkibit-balikat. “Alam ko naman na miss mo na rin ang pinsan mo. Mukhang gusto niyang makabawi dahil di ka nakapunta sa kasal niya. And I know that you miss him.”

Manaka-naka niya itong sinusulyapan habang nagmamaneho. Di pa rin niya alam kung okay lang na isama niya ito sa dinner. Magkikita ito at si Estrella. Arice showed a strong front after the wedding. Di niya ito nakitaan ng lungkot.

“Riva, huwag ka nang mag-isip. Just drive.”

May pag-aalinlangan pa rin siya nang pumasok sila ni Arice sa restaurant. Iginiya sila ng waitress sa mesa kung saan naghihintay na ang mag-asawang Ernest at Estrella. Sinalubong agad sila ni Ernest. Her cousin looked good. Mukhang hiyang ito sa buhay may asawa. Even Estrella had a different glow in her. Ngumiti ito sa kanya subalit iniwas agad nito ang tingin nang makita si Arice. Habang nagku-kwentuhan silang magpinsan ay napapansin niyang di makatingin sa direksiyon ni Arice si Estrella. Habang si Arice naman ay mukhang normal lang ang kilos.

Ginagap ni Ernest ang kamay ni Estrella. “Sweetheart, why don’t you tell them the good news?”

“I-Ikaw na lang,” sabi nito.

“So what’s the good news?” tanong niya. Kung magandang balita iyon, hindi niya alam kung bakit parang nag-aalangan ito na sabihin iyon.

“We are pregnant,” anunsiyo ni Ernest at kinintalan ng halik sa noo si Estrella. “Two months na. It is a honeymoon baby.”

Niyakap niya si Ernest at humalik sa pisngi ni Estrella. Dahil sa bata, parang may bahagi ng puso niya na tumanggap dito bilang parte ng pamilya niya. Napasaya nito ang pinsan niya kaya malaking bagay iyon sa kanya.

“Congratulations!” narinig niyang bati ni Arice at kinamayan si Ernest. “It must be wonderful having a baby.”

“Oo naman,” narinig niyang usal ni Estrella at tipid na ngumiti. “Hindi ako nagkamali ng desisyon na pakasalan si Ernest. Masaya ako sa kanya.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.