“Hindi pa rin nag-i-improve ang kalagayan ni Ernest,” malungkot na usal ni Mildred habang nakatitig sa nakahimlay na katawan ng pinsan niya. Hanggang ngayon ay comatose pa rin ito.
“Ma, huwag tayong mawalan ng pag-asa. Magdasal lang po tayo.”
Umiling ito. “Kung kailan naman kasi magkakaanak na siya at magkakaroon ng buong pamilya saka pa nangyari ang trahedyang ito. I-check mo nga si Estrella, anak. Baka may kailangan siya para mabili mo kapag namili ka ng supplies.”
“Yes, Ma,” sabi niya at humalik sa pisngi nito. Pwede nang lumabas ng ospital si Estrella dahil wala naman itong masyadong tinamong malalang injury. Kinailangan lang nitong ma-confine sa ospital dahil sa emotional stress na dinanas nito mula nang maaksidente si Ernest.
Bahagya niyang binuksan ang pinto ng kuwarto nito at narinig ang pag-iyak ni Estrella. Tuwing pupunta ito kay Ernest ay lagi itong umiiyak. Hindi madali ang pinagdadaanan nito lalo na’t nagdadalang-tao pa ito. Kung sa kanya siguro iyon mangyari ay baka di niya kayanin.
“Ma, hindi ko po yata kakayanin. Paano po kundi na gumising si Ernest? Paano kung tuluyan na siyang mawala sa amin? Paano ang magiging anak namin? lalaki siyang walang ama. Alam naman ninyo na si Ernest na lang ang naging sandalan ko. Hindi ko kaya ito, Ma.”
“Estrella, kailangan mong maging matatag. Ano ngayon kung mawala si Ernest? Hindi iyan ang katapusan ng mundo. Maswerte ka pa rin dahil nandiyan si Arice na handang sumalo sa inyong mag-ina.”
Parang sinampal siya sa isinagot ni Doña Guada. Humigpit ang hawak niya sa seradura ng pinto. Anong ibig sabihin nito tungkol kay Arice?
“Hindi na ako tututol sa hampaslupang iyon dahil nakikita ko naman na handa ka pa rin niyang alagaan sa kabila ng mga pinagdaanan mo. Siguro nga mahal na mahal ka niya. Saka mayaman na rin naman siya ngayon, hindi ba? Sigurado naman ako na aalagaan ka ni Arice pati ang kayamanan ni Ernest na maiiwan sa iyo. Ang importante may mag-aalaga pa rin sa iyo.”
Parang sinabugan siya ng bomba. Dapat ay hayaan na niya ang mag-ina sa usapan ng mga ito pero hindi siya nakatiis. Kailangan niyang protektahan ang pinsan niya. Binuksan niya ang pinto at walang kangiti-ngiting tinitigan ang dalawa.
“R-Riva!” namumutlang wika ni Estrella. “Kanina ka pa ba diyan?”
“Oo. At narinig ko lahat ng pinag-uusapan ninyo. Gusto ko lang ipaalam sa inyo na humihinga pa ang pinsan ko pero mukhang marami na kayong plano sa kinabukasan ninyo nang wala siya,” aniya sa mababang boses pero ang totoo ay nanginginig na siya sa galit.
“Hindi ka ba marunong kumatok?” asik ni Doña Guada.
Pilit na bumangon si Estrella. “Riva, hindi iyon katulad ng iniisip mo…”
Umangat ang gilid ng labi niya. “It is exactly as I thought. You are just a gold digger. Malas lang ng pinsan ko dahil minahal at pinakasalan ka niya. Wala kang kwenta. Hindi ko nga alam kung anong nakikita sa iyo ng mga lalaki at handa silang kusang loob na ialay sa iyo ang kayamanan nila samantalang wala ka namang loyalty maliban sa pera.”
Humagulgol ng iyak si Estrella. “Hindi totoo iyan! Hindi ako masamang babae. Hindi ko magagawa iyon kay Ernest. Mahal ko siya.”
“Come on. Mukha ba akong tanga sa palagay mo? Matagal ko nang alam ang kulay mo pero hinayaan ko lang si Kuya Ernest dahil hibang na hibang siya sa iyo. Saka tigil-tigilan mo nga ako ng kaiiyak mo. Hindi ka inaapi dito. Kung tutuusin nga ang pinsan ko ang dinedehado mo. Mahiya ka naman.”
Tinakpan nito ang tainga. “Tama na! Tama na!”
Pinindot ni Donya ang buzzer para sa nurse’s station at dinuro siya nito. “Umalis ka na dito. Kahit pa pinsan ka ni Ernest, hindi kita sasantuhin.”
“Wala naman talaga kayong sinasanto. Pera lang ang sinasamba ninyo.”
"Riva, anong ginagawa mo?" tanong ni Arice at hinaklit ang braso niya.
“Pagsabihan mo nga iyang babaeng iyan,” asik ni Doña Guada. “Basta na lang kaming sinugod dito samantalang ikaw naman itong laging dumadalaw sa anak ko.”
Matalim niyang tinitigan si Arice, puno ng akusasyon ang mga mata niya. Kung ganoon ay may basehan ang mga sinasabi ni Doña Guada. Baka nagpapakita ito ng motibo kay Estrella habang nakaratay pa ang pinsan niya. At di niya alam kung ano pang ipinangako nito.
Kanina ay naka-concentrate ang galit niya sa mag-inang guada at Estrella. Kung paanong linta ang mga ito na nakahandang sumipsip ng dugo ng kahit sinong lalaking mapapakinabangan ng mga ito. Ngayon naman ay nakadama siya ng galit para kay Arice. Parang ginagawa siya nitong tanga. Pinapaikot. Pinapaniwalang mahal nito.
Hinaklit niya ang kamay mula dito. “Magsama-sama kayo sa impyerno.” Saka taas-noo siyang lumabas ng kuwarto.
Subalit mabigat na mabigat ang puso niya. Pakiramdam niya ay sasabog siya. Kanina lang ay masaya sila ni Arice. Buong-buo ang tiwala niya dito. Sa isang iglap ay naglaho ang lahat ng pangarap niya para sa kanilang dalawa. Naghuhumiyaw ang katotohanan na hanggang ngayon ay si Estrella pa rin ang mahal nito. Panakip-butas lang siya.
Hinabol siya nito. “Riva, let’s talk. Hindi pwedeng basta ka na lang mag-walkout nang di tayo nakakapag-usap na mabuti.” Iginiya siya nito papunta sa garden ng ospital.
“Ano pang pag-uusapan natin? How soon you can marry that bitch once my cousin is dead? O kung pwede ba siyang makakuha ng annulment para hindi siya makasal sa isang imbalido kung sakaling maging lantang gulay man ang pinsan ko. O kung kanino niya ipapangalan ang anak nila ni Kuya Ernest? Sino ba ang dapat maging tatay?”
Nang mga oras ay gusto na niyang sumabog sa galit. Hindi na niya iniisip ang sariling sugat na nilikha nito sa puso niya. Iniisip niya ang kapakanan ng pinsan niya. Buhay pa ito pero pinagpaplanuhan na ang kamatayan nito. At ang masakit, kasangkot doon ang lalaking mahal niya.
Ihinilamos nito ang mukha sa palad. “Huwag kang malisyosa. Kung dinadalaw ko man si Estrella, walang masamang ibig sabihin iyon. Concern lang ako sa kanya. Wala siyang masyadong kakilala dito sa Manila at mahirap ang pinagdadaanan niya.”
She gave him a sly smile. “How nice of you to console her. Napansin mo ba na hindi na interesado si Doña Guada na itaboy ka. Sinabi niya kanina na tanggap ka na niya sa pamilya niya dahil marami ka nang pamilya. Pwede ka nang bumagay sa anak niya. Aren’t you glad? Tinanggap ka na sa pamilya del Carmen. Congratulations!”