ISANG buwan ang nakalipas ay nagpakasal sina Mandy at Rolf. Naging mabilis ang lahat dahil na rin sa kagustuhan ng mga magulang ni Mandy. Sa kabila kasi nang hindi ganoon kagandang pagtanggap ng mga ito sa kondisyon niya ay payapang hinarap ng mga ito ang lahat. Nandoon na rin naman daw kasi iyon at wala ng magagawa kundi ang mag-deal sa nangyari. Minabuti na lang ng mga ito na masimulan kaagad ang kasal dahil na rin sa kalagayan niya. Maigi na daw na maaga dahil hindi pa ganoon kalaki ang tiyan niya at para na rin maging komportable pa rin siya kahit papaano. Naging mabilis ang preperasyon at wala naman naging problema dahil pinili ni Mandy na maging simple lamang iyon. Naganap ang kasal nila ni Rolf sa isang private chapel sa Batangas.
“Congratulations.” Wika ng ama ni Mandy pagkatapos ng seremonyas. Pero hindi ito nakangiti. Hindi tuloy niya masabi kung maayos na ba talaga para rito ang lahat. Tumingin ito kay Rolf. “Anong plano niya? Saan kayo titira ngayong kasal na kayo?”
Tumingin muna si Rolf kay Mandy bago sagutin ang tanong. “Sa mansion pa rin po sana, Tito.”
“Bakit? Wala ka bang sariling bahay at kailangan mo na ipagsiksikan ang anak ko sa pampamilyang bahay niyo pa rin?” tila nangungutya ang tinig ng ama.
Si Mandy na ang sumagot. “Pa, hindi naman po. May condominium unit po si Rolf pero hindi naman gustong tumuloy roon. Desisyon ko rin po na sa mansion nila tumira. Mas mainam po roon dahil marami akong nakakasama at maraming umaalalay sa akin kapag masama ang pakiramdam ko.”
“Hindi maganda ang dating sa akin ng set-up na iyon. Paano kapag nalaman iyon ng business colleagues mo? Iisipin nila na walang kakayahan ang asawa mo dahil sa bahay pa rin ng pamilya ka pa rin niya dinadala.”
“Paano nilang maiisip na hindi ako kayang buhayin ng asawa ko gayong sikat si Rolf sa career niya?” pinilit ni Mandy na ipaintindi sa ama na hindi rin naman mahalaga sa kanya ang iisipin ng iba. Naging mahabang paliwanagan na iyon na naging dahilan ng tila pagkalungkot ni Rolf.
Nang makapag-solo muli sila ay napabuntong-hininga ito. “Hindi talaga ako gusto ng Papa mo.”
“Hindi naman natin kayang i-please ang lahat.”
“Siguro ay gusto lang niya ang pinaka-best na lalaki para sa `yo.”
“Ikaw ang pinaka-best na lalaki para sa akin. Mahal mo ako. Mahal rin kita.”
“Alam ko. Pero mukhang nag-set siya nang standards. Like Adrien, perhaps?”
Matamang tinitigan ni Mandy ang asawa. “Anong iniisip mo? Are you feeling insecure?”
“Hindi naman. Pero hindi ko maitatagong nasaktan at naapektuhan ako sa sinabi ng Papa mo.” Huminga nang malalim si Rolf at kapagkuwan ay nagkamot ng ulo. Ngumiti ito. “Para akong tanga. Negosyante na ako ngayon. Hindi na lang ako basta ang Rolf de Guzman na kilala lamang ng nakakarami bilang ang golf player. At ngayong kasal na tayo, magagawa ko na ang isang pangarap ko---to have the club extension.”
Tinaasan ng isang kilay ni Mandy si Rolf. “Hindi mo sinabi sa akin na may plano kang palakihin ang club.”
Naging mas malapit pa sila ni Rolf sa isa’t isa pagkatapos nilang mag-aminan ng damdamin. Nakilala niya ito nang husto at kung paano niya ibinahagi ang sarili niya rito ay ganoon rin ito sa kanya. Ikinuwento nito ang saya nito ngayong pamamahalaan na nito ang golf club.
Sandaling nagulo ang mukha ni Rolf. “W-well, ngayon lang kasi ako nagkaroon ng permission para roon.”
Hindi pa rin ganoong kumbinsado si Mandy sa dahilan ni Rolf. Pero bago pa man siya makapagtanong muli ay naistorbo na sila ng ilang bisita na bumati sa kanila.
Alas otso nang matapos ang buong reception. Paalis na sina Mandy at Rolf sa venue nang may humarang sa kanilang lalaki.
“Attorney,” nginitian ito ni Rolf. Ipinakilala siya nito sa lalaki.
“Congratulations and my best wishes to the both of you.” Bati naman ng lalaking siyang abogado ng pamilya. Ayon kay Rolf ay ito raw ang nag-aasikaso ng legal matters sa mga ipinamana ng namayapang tiyahin nito. Kahit kasi abogado rin ang panganay na kapatid ni Rolf na si Christien ay umupa pa ng iba para hindi magkaroon ng conflict of interest.
Nagpasalamat silang dalawa ni Rolf. Kapagkuwan ay may ibinigay na papel ito kay Rolf.
Kumunot ang noo ni Rolf. “Ano ito?”
“Ngayon ang araw ng kasal mo. Nalimutan mo na ba kapag nagpakasal ka ay---“
“Oh!” putol ni Rolf sa sasabihin ng abogado. Bahagyang namutla ang mukha nito. “Salamat para rito.”
“No worries. So a double congratulations to you.”
Tumango si Rolf at tila nagmadaling tinapos ang usapan nito at ng abogado.
“Ano `yun?” curious na tanong ni Mandy.
“Ito, ah, karagdagang dokumento lang tungkol sa permission para sa extension. Hindi ganoon kahalaga,” ngiti-ngiti si Rolf pero parang may itinatago.
Lumaki ang pagtataka ni Mandy. “At dapat ba talaga na iabot iyon sa mismong kasal natin?”
“A-ang awkward nga `no? Hindi ko ba alam kay Attorney,” tumawa na lang si Rolf. Kapagkuwan ay nagkibit-balikat ito at ngumiti. Hinalikan rin siya nito. “`Wag na nating pakaisipin. No business for now. Kailangan natin na mag-celebrate.”
Kahit nawi-weird-uhan pa rin, tumango na si Mandy. Tama si Rolf. Bakit pa ba siya mag-iisip ng iba? Araw ng kasal nila ngayon at hindi dapat niya intindihin ang ibang bagay. Kung ano naman kasi iyon, hindi na iyon mahalaga. Surely, hindi naman makakasakit iyon para sa kanya. Nagtitiwala siya kay Rolf. Lahat ng mga kilos nito ay para sa ikabubuti niya. Mahal siya nito.
Kinalimutan ni Mandy ang nangyari. Naging madali naman iyon dahil nang muli siyang halikan ni Rolf, tanging ang pag-ibig na lamang ang nangibabaw sa kanyang puso.
LUMIPAS pa ang dalawang linggo at nanatili kagaya ng kagustuhan nila ni Rolf ang pagsasama nila. Maayos at masaya sila. Dahil rin yata sa masayang pakiramdam ni Mandy ay nakakabuti iyon para sa kanyang anak. Simula nang maging maayos ang relasyon nila ni Rolf ay bihira na siyang magkasakit. Naging normal na ang pagbubuntis niya.
Pero sa kabila ng lahat, minabuti nilang dalawa ni Rolf na huwag pa rin siyang magtrabaho. Mahirap na. Mas mabuti na iyong sigurado nilang wala siyang makukuha na stress. Nanatili siya sa mansion ng mga de Guzman. Kung masasabi man na nagtatrabaho siya, sa emails lamang iyon at ang pag-uutos niya sa tuwing may problema na kapag kailangan naman ng personal na presensiya, si Rolf ang humaharap noon.
Unti-unti ng natuto si Rolf sa pagpapatakbo ng negosyo. Nagkakaroon ito ng mahirap na oras pero palagi niya itong sinasabihan na kumonsulta sa kanya kapag kailangan nito ng tulong. Tinuturuan niya ang asawa at naging maganda naman ang performance nito so far. Ang tungkol naman sa negosyo niya sa Cebu ay itinigil muna dahil na rin mahirap ang personal na pagma-manage noon.
Gusto naman ni Mandy ang ginagawa. Nanibago lamang siya dahil hindi siya sanay ng nagpapahinga palagi. Pero sabi nga ni Rolf, kailangan rin niya ng break paminsan-minsan. Kinokonsidera niya ang pagbubuntis bilang break niya. Nakakainip man pero pinili na lamang tanggapin ni Mandy ang kondisyon.
Pitong buwan ng buntis si Mandy. Kaunti na lang naman ang ipagtitiis niya. Isa pa, may mga ginagawa rin naman siya sa bahay paminsan-minsan. Inaayos niya ang nursery ng anak at kahapon nga ay natapos na niya iyon. Madalas din silang nagkukuwentuhan ng mga kapatid ni Rolf. Si Emerald na siyang asawa ni Christien ang madalas na paborito niyang kausap. Pareho kasi sila ng kondisyon. Palagi nilang pinag-uusapan ang pagbubuntis ng isa’t isa. Ngayon ay naayos na nito at ng asawa ang relasyon ng mga ito. Palagi nilang dinadalaw ang isa’t isa dahil malapit lang naman ang bahay ng mga ito sa mansion.
Pero ngayong araw ay nakaramdam ng matinding pagkainip si Mandy. Walang kahit sino ang available sa pamilya. Wala rin si Rolf at tapos na ang pinagkakaabalahan niyang nursery. Wala siyang maggawa. Ang tanging kasama lamang niya sa bahay ay ang mga katulong sa bahay na lahat naman ay abala ngayon. Wala siya sa mood na magbasa ng libro o `di kaya ay manood ng TV. Kaya naman nang dumating ngayon ang hindi pa naman nila inaasahang delivery ng malaking cabinet para sa mga gamit nila ni Rolf na binili noong isang araw ay nakaramdam ng matinding kapanabikan si Mandy.
“Haay, may magagawa rin!” wika ni Mandy. Pinaakyat niya sa mga kasambahay na lalaki ang cabinet papunta sa kuwarto nila ni Rolf.
“Sigurado po ba kayo sa gusto niyong gawin, Ma’am? Parang nakakapagod po yata. Kailangan niyo ba ng tulong---“
“Kaya ko na po ito, Manong.” Sagot ni Mandy sa kasambahay nang sabihin niya rito ang balak na pag-aayos ng gamit. Ililipat niya ang mga damit ni Rolf sa malaking cabinet at ganoon rin ang sa kanya. Iyon talaga ang plano kaya bumili ng cabinet---ang pagsamahin ang mga gamit nilang mag-asawa.
“Tawagan niyo na lang po ako kung kailangan niyo ng tulong, Ma’am.”
Tumango si Mandy. Iniwan na siya ng mga inutusan na kasambahay. Nagsimula na siyang mag-ayos ng gamit.
Hindi na inalala ni Mandy kung ano ang iisipin ni Rolf sa desisyon niya. Sa lagay kasi ngayon, mag-asawa na sila. Lahat ng bagay ay ibabahagi na nila sa isa’t isa. Hindi naman siguro ito magagalit kung papakialaman niya ang ilang gamit nito. Pagkatapos ng lahat, ililipat lamang naman niya iyon.
Inuna ni Mandy na ilipat ang mga damit. Pagkatapos naman ay ilang personal files niya ang inilagay niya sa drawer ng cabinet. Isinunod niya ang kay Rolf na sakto namang hindi nito sinusi. Maayos na kinuha niya iyon pero aksidenteng nahulog naman niya habang nililipat. Naglaglagan ang mga files nito kaya napilitan si Mandy na damputin at ayusin iyon. Sa pag-aayos naman niya, hindi tuloy niya napigilan na hindi tignan ang mga dokumento para na rin ayusin iyon sa tamang ayos bago iyon mahulog. She was doing well until one document caught her attention.
To my dear nephew, Rolf Martin de Guzman, I give and bequeath the following properties to wit: Royal Country Golf Club and the real property (land) beside the golf club which he wished to use as the golf club extension. Provided that he will do the following stipulated below...
Doon naputol ang unang pahina na kumuha ng atensyon ni Mandy na dokumento. Sinabi na naman sa kanya ni Rolf na ang club ang ipinamana rito ng tiyahin nito at ganoon rin ang katabing lupa na plinano nga nitong gawing extension noon. Pero hindi sinabi sa kanya ni Rolf na may stipulation ang last will and testament ng tiyahin nito.
Kinain ng curiousity si Mandy kaya tinignan niya ang pangalawang pahina. Pero maling galaw iyon. Curiousity kills the cat, wika nga nila. At kung magiging literal ang katagang iyon, isang pusa na si Mandy. Pakiramdam niya sa mga nabasa ay tila pinatay ang puso niya.
Hindi siya mahal ni Rolf. Binalikan at pinakasalan lang siya nito dahil sa mana nito.