NATAGPUAN ni Mandy ang sariling kinakailangan ng taong makakaramay. Dahil wala siyang masasabing matalik na kaibigan kung hindi si Adrien, nahirapan siya sa sitwasyon. Hindi na niya malalapitan si Adrien. Hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nag-uusap. Kahit inimbitahan niya ito noong kasal nila ni Rolf ay ni isang letrang reply ay wala siyang natanggap mula rito. Pero sumubok pa rin na maghanap si Mandy. Kailangan niya ng makakausap. Kailangan rin niyang makalayo sa bahay nina Rolf.
Nagpahatid si Mandy sa driver papunta sa mismong bahay nila. Nakita niya roon ang kanyang ina.
“Anong mayroon at bigla kang napabisita?” pormal lamang ang tinig na iyon ng kanyang ina kagaya ng madalas. Nang titigan siya nito nang mabuti ay napansin nito ang kondisyon niya. “May problema ka ba? Umiiyak---“
Bago pa natapos ng Mama ni Mandy ang sasabihin ay nilapitan na niya ito at niyakap. Hindi na matandaan ni Mandy kung kailan ang huling beses na ginawa niya iyon sa ina o kahit sa ama niya. Hindi siya affectionate na tao. Lumaki rin siya na hindi hinihiling ang tulong ng mga ito dahil nakatatak na sa isip niya na hindi naman siya gusto ng mga ito. Natatakot siyang kung sakali man ay hindi rin siya tulungan ng mga ito. Hindi siya mahal ng mga ito. Pero masyado ng magulo ang isip niya para mabahala pa sa magiging reaksyon ng mga ito. Kailangan rin niya ng karamay. Hindi naman siguro masama kung isang beses sa buhay niya ay lumapit at kailanganin naman niya ang mga ito.
“Sabihin mo sa akin kung ano ito, Mandy...” wika ng kanyang ina. Umiiyak na siyang nakayakap rito. Hindi nagtagal ay niyakap rin siya nito.
“B-buong buhay ko, palagi kong sinasabi sa sarili ko na hindi ko gustong gumaya sa inyo. Natakot akong makipagrelasyon. Hindi ako naniwala sa pag-ibig. Dahil hindi ako naniniwala na nag-e-exist iyon. Paano ako maniniwala kung sa inyong mga magulang ko ay hindi ko nakikita iyon?”
“Mandy...”
Pagak na tumawa si Mandy. “At tignan niyo ang nangyari sa akin. Sumugal ako kay Rolf. Sa una ay hindi naman seryoso ang lahat. Until I got pregnant. Binalikan niya ako, niyaya na magpakasal. Akong si tanga, masyadong nagpadala sa damdamin. Nagpakasaya rin nang sabihan niya ako na mahal niya ako. Ang akala ko, matalino talaga ako. Pero hindi pala. Sa kabila ng mga nakita ko mula sa inyo, bakit pa ako nauto ni Rolf? Hindi niya ako mahal, Mama. Kahit kailan, walang magmamahal sa akin....”
“Nagkakamali ka---“
“Anong kaguluhan ito?” pinutol ng matatag at malakas na boses ng ama ang sasabihin ng ina ni Mandy. Pinaglipat-lipat nito ang tingin sa kanilang dalawa. Hindi niya alam na nasa bahay rin pala ito. Sa tingin niya ay kararating lamang nito.
Hindi nagsalita ang kanyang ina. Hinayaan nitong lutasin ng kanyang ama ang tanong.
“Umiiyak ka.” Naging malumanay na ang boses ng ama. Napansin rin niya na bahagyang namutla ito. Lumapit ito sa kanila. “Bakit?”
“Partly because of us, Christopher.” Ang ina ang sumagot.
Kumunot ang noo ng ama ni Mandy. “Tungkol sa atin? Bakit?”
“Natakot magmahal ang anak mo dahil sa atin. Hindi siya naniniwala sa pag-ibig dahil wala naman tayo noon. At hanggang ngayong nag-asawa na siya, dala-dala niya pa rin iyon.”
Napaawang ang labi ng kanyang ama. Maya-maya ay nagdilim ang mukha nito. “Ipaliwanag mo ang lahat ng ito sa akin, Mandy.”
“Sabi ni Rolf ay gusto niya ako. Mahal niya ako. Kaya niya ako binalikan ay dahil matindi pa rin ang nararamdaman niya sa akin. Pero hindi. Kaya niya ako binalikan at pinakasalan ay para makuha niya ang mana niya...” patuloy na pagkuwento ni Mandy sa mga magulang.
Nakalagay sa last will and testament ni Tita Judith na para makuha ni Rolf ang mana nito ay kailangan nito na makipagrelasyon ng seryoso sa iba at magpakasal. Binalikan siya ni Rolf para roon. Kaya pala ramdam niya na tila may itinatago sa kanya ang asawa. Kaya naman pala may ibinigay rito ang abogado ng pamilya ng mga ito sa mismong kasal nila. Kaya hindi nito kaagad na sinabi sa kanya ang tungkol sa golf club extension---iyon ay dahil pa ito magiging sigurado na makuha iyon hanggang hindi pa sila kasal.
Ang lahat ay para sa mana lang ni Rolf. History repeats itself nga. Hindi lang dahil sa bata kaya nagpakasal sila ni Rolf, dahil rin iyon sa pera. Ganoon ang mga magulang niya dahil tinakot ang mga ito ng kanya-kanyang mga magulang na kung hindi magpapakasal ay aalisan ng mga ito ng mana at suporta ang dalawa.
“Matalino ako `di ba? Dapat natuto na ako sa inyo ni Mama. Walang pagmamahal. Ni sa akin ay wala at---“
“Mahal kita, Anak. Hindi ko man ganoon na naipapakita pero mahalaga ka sa akin. Kayo ng Papa mo. Mahal ko kayong dalawa...” wika ng kanyang ina na parehong ikinagulat ni Mandy at ng ama nito.
“Ano?!” nanlaki ang mata ng kanyang ama. “Naniniwala ako na mahal mo si Mandy. Hindi mo man madalas na ipinapakita iyon ay nakikita ko palagi ang pag-aalala mo sa kanya. Sa kabila ng pagiging abala mo sa mga social occasions, pagkauwi mo naman ay dinadalaw mo siya. Tinitignan kung maayos ba siya bago matulog. Tinatanong palagi sa mga kasambahay kung ano ang lagay niya. Pero ako, hindi ako naniniwala na pinahahalagahan mo ako.”
“Para ano pa para ipakita ko iyon? Hindi mo rin naman ako kailanman mamahalin! Tanga lang ako para maramdaman iyon sa mga nakalipas na taon.”
Umiling ang kanyang ama. “Hindi pa rin ako naniniwala.”
“Hindi ko gustong pilitin ka. Pero siguro nga ay lahat ng sikreto ay kailangan rin mabunyag sa tamang panahon. At ngayon na ang tamang panahon.” Huminga nang malalim ang kanyang ina. Tumingin ito sa kanilang dalawa ng ama. “Anak, ang sabi mo ay walang pagmamahal sa aming dalawa ng ama mo. Mali ka rin roon. Mayroong pagmamahal pero ako lamang ang nakakaramdam noon.
“Pareho kaming galing sa mayamang pamilya ng ama mo. Hindi miminsan na nakikita ko siya sa ilang kasiyahan. Lihim ko siyang inibig. Nang minsang pansinin niya ako, kinuha ko na ang pagkakataong iyon para makuha talaga ang gusto ko. Siya. Ang makasama siya habang buhay. I seduce him. Nabuntis ako sa `yo at napilitan siyang panagutan ako. Pero sa kabila ng lahat, naggawa ko man ang gusto ko ay isang malaking pagkakamali iyon dahil kahit kasama ko siya, hindi ko pa rin magagawang makuha ang puso niya.”
“Mali ka rin. Nakuha mo iyon. Pero hinayaan mo lang makawala iyon...” pag-amin naman ng kanyang ama na pareho namang ipinagkunot noo nilang mag-ina.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Hindi ako nagpapa-seduce sa mga babae. It was always the other way around. Pero ikaw, pinag-init mo ako nang husto na hindi kita naggawang tanggihan. It is the first and only time I have felt that way. I cannot resist you. Pero sa halip na matakot sa nangyari, kalmado lamang ako. May kakaiba sa `yo at ang isipin na maaari kitang panagutan ay nagbibigay ng masarap na pakiramdam sa akin. Pero nang kinompronta kita kung bakit mo ginawa iyon, sinabi mo na dahil mayaman ako. I classified you as a gold digger.”
“Sinabi ko lang iyon dahil nahihiya ako na sabihin sa `yo ang tunay na pakay ko.”
“It went that way to me. Hindi ko nagustuhan iyon. You see, what happened to us satisfied me. Sa unang pagkakataon sa buhay ko, ginusto kong makasama ng matagal ang isang babae. Pero ikinagalit ko ang sagot mo. Naging dahilan iyon para maisip ko na hindi tama ang nararamdaman ko sa `yo.”
“Dapat ay nalaman mo na hindi ako isang gold digger. Pareho tayong nasa isang mayamang pamilya at---“
Umiling ang ama ni Mandy. “Nang mga panahong iyon, nalaman ko na nasa binggit ng panganib ang family business niyo. Kinailangan ng mga magulang mo ng taong mag-aangat sa pamilya mo kaya naniwala talaga ako sa pinakadahilan mo na iyon. Then you got pregnant. Naging maingat tayo kaya ikinagulat ko iyon. Sinabi mo na nagpi-pills ka kaya may ilang beses na hindi ako gumamit ng proteksyon. Sa isip-isip ko, sinadya mo iyon para makuha ako. Pinilit pa ng mga magulang mo na pakasalan kita.”
“Ang tungkol sa pills, nalaman ko ang lahat na hindi umpeketo iyon nang minsang uminom ako ng gamot para sa nakuha kong ear infection. Ang tungkol sa paglagay sa alanganin ng family business namin, h-hindi ko alam iyon.”
Huminga nang malalim ang kanyang ama. “It is. Pero ano pa ba ang silbi ng pagsisisi? Nangyari na ang lahat. Ang gusto ko lang malaman ay kung seryoso at totoo ba talaga ang nararamdaman mo sa akin? Hanggang ngayon ba ay ganoon pa rin iyon?”
Hindi makapaniwala si Mandy sa mga nakikita niya sa magulang niya. Ikinagulat niya ang mga rebelasyon. Sa tantiya niya ay iyon rin ang unang beses na seryosong nag-usap ang mga magulang niya. Madalas kasing hindi nagkakasama ito sa iisang bahay at iniisip niya nga na dahil hindi nga nito gusto ang isa’t isa. Iyon rin ang unang beses na nakita ni Mandy na namula ang mukha ng kanyang ina na madalas na hindi niya nakikitaan ng emosyon.
Tumango ang Mama ni Mandy. “Mahal pa rin kita. Kahit masakit na makita na naging babaero ka pa rin pagkatapos ng lahat, tiniis ko ang mga iyon. Ginawa ko iyon dahil gusto pa rin kita, mahal pa rin kita. Hindi ko kayang makipaghiwalay sa `yo dahil ibig sabihin lang noon ay hindi na kita makikita pang muli. Tiniis ko ang lahat para kahit papaano, makita pa rin kita.”
Nagliwanag naman ang mukha ng kanyang ama. “Oh God. Salamat, Amanda. Hindi ko akalain---“ huminga nang malalim ang kanyang ama. Ngumiti ito kapagkuwan. “Mahal rin kita. Sa mga nakalipas na taon, kahit napakaraming babae na dumaan sa buhay ko na hindi ko naman itatanggi, tanging ikaw lamang ang nakapukaw ng interes ko. Walang nakapagbigay ng higit na damdamin na ibinigay mo sa akin noon. Iyon nga lamang, pinilit ko na itago iyon dahil kagaya mo ay natakot rin ako. Inisip ko kasi na hindi naman ganoon ang nararamdaman mo. Na hindi mo masusuklian ang nararamdaman ko.” Niyakap at hinalikan nito ang kanyang ina.
“Totoo ba talaga ang lahat ng ito?” mangiyak-ngiyak ng wika ng ina ni Mandy.
Tumango ang kanyang ama. “Masakit nga lamang na pinalipas natin ang napakaraming taon para malaman natin ang lahat...”
“H-hindi na iyon mahalaga. Ang mahalaga ay nagkaroon pa rin tayo ng pagkakataon para malaman ang nararamdaman ng isa’t isa. Hindi pa huli ang lahat...”
“May punto ka diyan,” naging napakaganda ng ngiti ng kanyang ama at muling kumuha ng halik na libreng ibinalik rin ng kanyang ina.
Halos matulala na lamang si Mandy sa dalawa. Sa buong buhay niya ay naniwala nga siya na produkto lamang siya ng isang pagkakamali. Pero iyon naman pala ay produkto lamang siya ng isang hindi pagkakaintindihan. Ngunit pagkatapos ng lahat ay nakaramdam ng saya si Mandy. Nahawa siya sa saya ng mga magulang niya sa kabila ng pinagdadaanan. Nang matapos rin ang mga ito sa paghahalikan ay nagyakapan ang mga ito at isinama siya.
“Mahal kita, Amanda. At ganoon rin ako sa `yo, Mandy. Kaya ako nagiging overprotective sa `yo ay dahil hindi kita gustong mapahamak. Kaya ako nagalit nang malaman ko na nabuntis ka kay Rolf ay dahil hindi mo deserve ang ganoong pangyayari. Patawad kung pinili ko na hindi ipakita sa `yo ang lahat ng iyon.”
“Ganoon rin ako, Mandy.” Wika ng kanyang ina. “Hindi ko man naipapakita iyon ay pinapahalagahan kita. Tama ang ama mo. Madalas na dinadalaw kita kapag tulog ka na, tinatanong ko palagi sa mga kasambahay ang lagay mo. Hindi ko lang naipapakita iyon dahil I guess, masyado na akong naging mapagtago ng damdamin. Nasanay ako roon. Nangyari sa `yo ang ginawa ko sa ama mo.”
Tumango si Mandy. “Maaaring matagal man na nangyari ang lahat ng ito pero masaya ako, Mama at Papa. Hindi ko inasahan pero nangyari pa rin. Mahal ko rin po kayong dalawa...”
Sa kabila naman kasi nang hindi magandang example ng mga ito sa kanya, nanatili pa rin na mahalaga para sa kanya ang mga ito. Palagi niyang iniisip na kung hindi siya nakaranas ng mga hirap, hindi siya magiging matatag. May benefit rin naman kasi ang pagiging malamig niya na namana niya sa mga ito. Dahil roon, madalas siyang kinatatakutan ng mga tao dahilan para sumunod ang mga ito sa kanya. Nakita niyang maganda iyon para sa business niya. Isa pa, iniisip rin niya na kung wala ang mga magulang, wala siya sa mundo.
“Salamat at nagkaroon pa tayo ng pagkakataon na mag-reconcile.” Ngumiti ang kanyang ama. “Sa halip na problema ni Mandy ang ating asikasuhin, ito pa ang nangyari.”
“It’s for the better naman po, Papa.” Pinilit ni Mandy na ngumiti. “Ngayong maayos na po tayong lahat, ibig sabihin po ba kapag ginusto ko na tumira rito muli ay tatanggapin niyo po ako `di ba?”
“Siyempre naman.” Sagot ng kanyang ina. “Pero sigurado ka na ba talaga sa desisyon mo? Iiwan mo si Rolf?”
“Nasaktan ako, Mama. Niloko ako ni Rolf. Sa tingin ko ay tama lamang naman na maghiwalay kami. Walang pagmamahal na namagitan sa amin. Pinakasalan lamang niya ako at binalikan dahil sa mana niya.”
Nagkatinginan ang mga magulang niya. “Hindi mo ba siya gustong kausapin?”
Umiling si Mandy. “H-hindi pa po sana sa ngayon...”
“Kung ganoon ay papatagalin mo ang sakit. Paano kung hindi naman talaga iyon ang pinakadahilan niya? Paano kung na-misunderstand mo lamang ang lahat?”
Hindi nagsalita si Mandy. Paano nga kung ganoon? Pero tila ayaw gumana ng utak niya. Masyado niyang naalala ang mga sakit.
Hinawakan ng kanyang ama ang kanyang balikat. “Ngayon ay nalaman mo na dahil lamang sa hindi pagkakaintindihan ay naging masama ang relasyon namin ng ina mo. Nadamay ka rin doon. Gusto mo ba na mangyari iyon sa `yo at sa anak mo? Dapat ay natuto ka mula rito. Kailangan niyong mag-usap ng masinsinan na mag-asawa.”
Hindi pa rin nagsalita si Mandy. Nanatiling nakakatitig siya sa ama. May punto naman ito pero nahihirapan pa rin siyang iproseso iyon.
“Alam ko na sa maraming taon ay pinilit kita na maging matagumpay na tao. Sinunod mo ako ng walang hinihinging kapalit. Ngayon ay inuutos ko na sundin mo rin ako dahil sa tingin ko ay makakabuti sa `yo ang kapalit. Mahal ka ni Rolf, nakikita ko iyon sa mga mata niya.”
“At ganoon rin ako, Mandy.” Wika ng kanyang ina. “Nang kausapin ka ng ama mo sa library ng araw na sinabi mo sa amin na magpapakasal kayo ay nagkausap kami. Sa totoo lang ay hindi ko rin talaga gusto na magpakasal kayo. Natakot ako na maggaya ka sa akin pero nang makausap ko siya, nawala ang lahat ng pagkabahala. Nagliliwanag ang mga mata niya sa tuwing binabanggit niya ang pangalan mo. Nagliliwanag ang mga mata niya kapag tinitigan ka niya. Mahal ka ni Rolf at mas sigurado ko pa iyon kaysa sa pagmamahal ko sa ama mo.”
Sa mga narinig ay tumango si Mandy. Kung dalawang tao na ang nagsasabi noon sa kanya, sino siya para hindi maniwala? Pagkatapos ng lahat, nararamdaman rin naman niya iyon. Masyado lang talaga siyang ginulo ng papeles na iyon...
NAPAKURAP si Rolf nang mabasa ang text ng asawa. Totoo nga na pumunta sa bahay ng magulang si Mandy. Sinabi na rin naman iyon sa kanya ng driver na naghatid sa mag-asawa roon pero dahil hindi gustong maniwala ni Rolf, pinadalhan niya ng mensahe ang asawa.
Inamin na ni Mandy sa kanya ang lahat. Hindi nito gusto ang mga magulang at kaya lang naman ito madalas na umuuwi roon ay dahil napipilitan ito. Masaya ito sa bahay nila. Ano ang mayroon at naisipan nitong puntahan ang mga magulang? May nangyari ba sa mga ito?
Maraming tanong ang naglalaro sa isip ni Rolf pero minabuti na lamang niya na alamin ng personal ang lahat. Pumunta siya sa bahay ng mga magulang ni Mandy. Tinuro ng kasambahay ng mga ito na nasa garden ang buong pamilya. Lalong lumaki ang pagtataka ni Rolf. Buo? Minsan ng ikinuwento ni Mandy na bihirang pagkakataon lamang makompleto ang mga ito. Ano ang mayroon ngayon?
Halos kusutin tuloy ni Rolf ang kanyang mga mata nang matanaw niya ang mag-anak. Masayang kumakain at nagkukuwentuhan ito sa garden ng bahay nila. Nagsinungaling ba si Mandy sa kanya? The family looked very good together. Hindi kagaya nang una niyang nakita at palaging kuwento ni Mandy. Marami siyang tanong pero nag-alinlangan siyang pumunta at lapitan ang mga ito.
“He is here.” Ang ama ni Mandy ang unang nakapansin sa kanya. Tumayo ito mula sa garden at nilapitan siya. Ngumiti ito sa kanya at napilitan rin na ngumiti si Rolf...na siya namang sa huli ay tila isang pagkakamali.
Sa halip na batiin, isang suntok ang natanggap ni Rolf kay Mr. Montero. “For hurting my daughter.”
Nanlaki ang mga mata ni Rolf sa gulat pero mas nakadagdag sa gulat niya ang sinabi nito. “Anong---“
“Papa!” saway naman kaagad ni Mandy. Lumapit ito sa kanila. “Hindi mo dapat ginawa iyon.”
“Nararapat iyon para sa kanya. Sinaktan ka niya.”
“Pero kayo mismo ang nagsabi sa akin na kausapin ko muna siya.”
“Alam ko. Hindi ko lang matanggap na hinayaan niya pa rin na umabot sa ganito.” Ngumisi ang ama ni Mandy. Tinapik nito ang kanyang balikat. “Mag-usap kayo ng anak ko para malaman mo ang tunay na dahilan kung bakit ko ginawa iyon.”
Nakakunot noong tumango si Rolf. Tinignan niya ang asawa.
Huminga nang malalim si Mandy. “Umalis na tayo rito.” Wika nito saka nagpaalam sa ama. Nagpahatid na ito sa bahay. Doon na rin nito sinimulang magsalita ng tungkol sa nangyari. Kinuha nito ang ilang dokumento na nagkalat sa kuwarto nila.
“Ipaliwanag mo sa akin ito.” Ibinigay ni Mandy kay Rolf ang dokumento.
Nawalan ng kulay ang mukha ni Rolf. Magiging isang malaking paliwanagan iyon na minabuti niyang itago kay Mandy. Naisip kasi niya na magugulo lamang ang relasyon nila kung sakaling aminin niya iyon. Magtataka si Mandy, baka kung ano ang isipin nito. Hindi na rin naman kasi talaga mahalaga sa kanya ang will dahil alam niya na hindi naman talaga iyon ang pangunahing dahilan para pakasalan niya ito at balikan. Iyon nga lamang, pagkakamali ang desisyon niya.
Inisip lang naman kasi niya na ayaw niya muna ng pagtatalo sa kanilang dalawa ni Mandy, lalo na sa lagay nito. Pero ang magkaroon ng isang lihim ay hindi maganda lalo sa relasyon. Umasa na lamang si Rolf na sana ay maintindihan rin ng asawa ang lahat. Malinis naman talaga ang intensyon niya rito.
Huminga nang malalim si Rolf at hinarap ang sitwasyon.“I’m sorry. Totoo ang lahat ng ito. Pero lahat ng mga ito ay naging eye opener lamang sa akin para balikan kita.
“Lahat ng mga sinabi ko sa `yo ay totoo, Mandy. Mahal kita. Gusto kita. Simula nang makilala kita, ikaw na lamang ang naging babae sa buhay ko. Noong una ay naging miserable ako na malaman ang will na ito. Aminado ako sa sarili ko na hindi ko gustong mag-settle down. Iniwan mo na ako. Paano ko magagawa iyon? Pero naisip ko na hindi naman imposibleng hindi matupad kung magkakaroon lamang ako ng lakas ng loob sa `yo. And seems like luck was on my side. Nalaman ko na buntis ka at nagkaroon pa ako ng dahilan para lalo kitang balikan at pakasalan.
“Hindi lang ang will ang dahilan kung bakit ginusto kitang balikan, Mandy. Naging paraan ko lamang iyon. I still want you. Iyon nga lamang ay wala na akong naggawa nang magdesisyon ka na umalis. Ako mismo ang nagpanukala ng relasyon na iyon. Wala akong karapatan sa `yo. Ang pinakamalaking pagkakamali na naggawa ko sa buhay ko.
“I want to have a hold on you. Ikaw lamang ang natatanging babae na nagbigay sa akin ng pakiramdam na ito. Kaya naman kahit alam ko na tapos na tayo at mahihirapan muli akong bumalik sa `yo, nilakasan ko ang loob ko. Ikaw lamang ang babaeng naiisip kong seseryosohin, ang babaeng naiisip kong pakasalan at makakasama habang buhay. You’re the only woman who satisfies me more than I wish for. I want our relationship to be more than that. So see, kung tungkol lang naman sa last will ang lahat, hindi na sana ikaw ang pinili ko, Mandy.
“Kaya kong maghanap ng ibang babae at magpanggap na magkaroon ng seryosong relasyon kasama iyon. Isang babaeng alam kong mas madali kong makukuha kaysa sa `yo. Pero hindi ko ginawa. Hindi ko kayang magsinungaling, lalo na at mayroon naman talagang babae na kaya kong bigyan ng ganoon na magiging lubos ang saya ko. Ikaw iyon, Mandy. I choose you because I know you are the only woman that came into my mind when they talk of marriage and serious relationship. Ikaw ang natatanging babae na naiisip kong bigyan ng pangalan ko.”
“Rolf...” nanlambot ang mukha ni Mandy.
Hinawakan ni Rolf ang pisngi ni Mandy. “I love you, Mandy. `Wag mong pagdudahan iyon. Mahal mo rin naman ako `di ba? Dapat ay pinagkakatiwalaan mo ako.”
“Nasaktan ako. Natakot ako. Hindi mo kasi pinaliwanag sa akin ang lahat.”
Niyakap niya ang asawa. “At patawad para roon. Ayaw ko lang na magulo ang lahat, ang iba ang isipin mo roon. You are pregnant. Paano kung ma-stress ka kapag nalaman iyon at nabigla ka? Pero mali ako. Hindi dapat ako nagsikreto sa `yo.”
Tumango si Mandy. “Tama ka. Iba nga ang naisip ko. Nagulo ako. Kung anu-ano ang pumasok sa isip ko at sa totoo lang ay inisip ko rin na iwanan ka. I was really hurt. Hanggang sa makausap ko sina Papa. Sinabi nila sa akin na kung paano kung misunderstanding lang naman ang lahat? Dapat ay kausapin muna kita bago ako magdesisyon.”
Ah, so I was saved by the man who hit me. “Tama iyon. Pero ang ipinagtataka ko lamang ay kung bakit nagkaroon yata kayo ng seryosong usapan ng Papa mo? Sinabi mo sa akin na hindi maganda ang relasyon niyo. Iba ang nakita ko kanina.”
Naging maganda ang ngiti ng asawa. “Maayos na kaming lahat ngayon.”
“How?”
Ikinuwento ni Mandy ang nangyari kanina sa pagitan nito at sa mga magulang nito. Nabigla pero naging masaya si Rolf sa rebelasyon.
“Wow. That was really nice to hear.”
“Ginamit kong aral ang nangyari sa mga magulang ko. Though maayos na sila ngayon, hindi ko rin gustong mangyari iyon. Hindi ko gustong mamuhay ng maraming taon sa kalungkutan dahil lamang sa hindi pagkakaintindihan. So instead of nagging you, I have wished for your explanation. Hindi ko gustong lumaki ang anak ko sa buhay na mayroon ako noon.”
“At masaya rin ako na ginawa mo iyon, Baby.” Hinalikan niya ang asawa. “So are we okay now? Naiintindihan mo na ba ako?”
Tumango si Mandy. “I guess, nagulo lang talaga ako dahil sa nakita ko. I shouldn’t make a fuss for it. Nararamdaman ko naman na mahal at espesyal ako sa `yo at dahil roon, hindi ko na dapat isipin na kaya mo akong lokohin.” Hinaplos ni Mandy ang pisngi niya. “I-it looks bad. I’m sorry.”
“Don’t worry about it. Hindi rin naman ikaw ang gumawa. At kung iniisip mo na masama ang loob ko sa Papa mo, I’m not. Nasaktan man ako pero malaki rin ang utang na loob ko sa kanya at sa Mama mo. Kung hindi dahil sa kanila, baka naging malaking away pa ang lahat.”
“Sinabi niya na ginawa niya iyan dahil hindi niya nagustuhan ang isipin na sinaktan mo ako. Siguro nga ay mahal talaga niya ako. Hindi lang nila ginustong ipakita iyon...”
“Alam mo na ang lahat ng iyon. Nararapat lang naman iyon. You’re a beautiful and a great woman, Mandy. You deserved to be loved and I promise you that I will do that to you forever...”
Hinalikan siya ni Mandy. “My life was really good after all.”
END OF BOOK 2