Chapter 22

Years Ago

BILANG nag-iisang anak, sabik si Sheena na magkaroon ng kalaro. Kaya naman nang makilala ng magulang niya si Judith de Guzman ay masaya siya. May limang pamangkin ito at ang bunso sa mga iyon ay babae---si Agnes.

Limang taong gulang si Agnes samantalang si Sheena naman ay anim na taong gulang. Mas matanda lang siya ng isang taon rito pero okay na rin. At least, makakalaro niya ito. Bakasyon kasi sa school. Nakakalabas lamang siya ng bahay kapag inilalabas siya ng magulang. Wala silang malapit na kapitbahay na bata kaya naman wala rin siyang choice. Madalas na mag-isa lamang siya at hindi masaya iyon.

Naging malapit ang magulang niya sa pamilya de Guzman. Nakilala ng mga ito si Judith de Guzman sa isang gathering at nagkasundo. Dahil roon, madalas ang mga itong pinapadalaw sa bahay, lalo na nang malaman na may anak na babae. Naisip ni Judith de Guzman na maaaring makalaro siya ni Agnes. Request nito na kapag dumalaw, kasama dapat siya.

Walang kaso iyon kay Sheena. Gusto ni Sheena si Agnes. They were both girls. Dapat lang naman na maging kalaro niya ito. Dalawang beses na silang nakapaglaro at nag-enjoy naman siya. Maraming laruan si Agnes. Naglaro sila ng Barbie nito, lutu-lutuan at pati na rin sa play house nito. Pero hindi ganoon ang nangyari sa pangatlong beses.

“I brought my dolls, too, oh! Tara, let’s play,” anyaya ni Sheena kay Agnes. Ibinigay niya rito ang isa niyang manyika. Pero sa halip, itinapon iyon ni Agnes sa sahig.

“Go and play with yourself!” wika ni Agnes sa gulat niya. Mangiyak-ngiyak siya nang makita na nasira ang kanyang manyika. Isa pa naman iyon sa mga paborito niya. Hindi niya inaasahan na gagawin iyon ni Agnes.

“Agnes!” akmang palabas na ng playroom ang kalaro nang tawagin ito ng isang lalaki. “Say sorry to her!”

Tumingala mula sa pagpulot ng laruan si Sheena. Nakita niya ang isang lalaki na sa tantiya niya ay may katandaan lang ng ilang taon sa kanya at kay Agnes. Maamo ang mukha nito pero makikita ang inis sa mukha sa ginawa ng kapatid.

“I won’t! She always forced me to play with her. I don’t like to play!” dahilan ni Agnes.

“Then you should tell her properly. Hindi iyong binato at sinira mo pa ang laruan niya.” Nilapitan ng lalaki ang kapatid. Pinalapit nito si Agnes sa kanya.

“Say sorry to---“ natigilan ang lalaki. “Ano nga ang pangalan mo?”

“Sheena.” Sagot niya.

“Say sorry to Sheena. Hindi dahil bunso ka, dapat ka ng ma-spoil.”

Hindi tumitingin na nag-sorry si Agnes kay Sheena.

“Again.”

Pinaikot ni Agnes ang mata. “Isang beses ko lang binato ang manika. Bakit dalawang beses ko kailangan na mag-sorry?”

“Dahil hindi sincere ang unang pagkakasabi mo. Now, say sorry again with sincerity.”

Nagkamot ng ulo si Agnes. “Ikaw talaga ang pinaka---“

“Pinakaguwapo at pinakamabait mo na Kuya,” putol ng lalaki kay Agnes.

“Oo na!” sagot nito saka tumingin sa kanya. “Sorry na, Sheena. Wala lang kasi talaga ako sa mood na magplay ng dolls ngayon.”

Pagkatapos sabihin iyon ay tumakbo na palabas si Agnes ng playroom. Hindi na ito pinigilan ng kapatid pala ni Agnes. Nilapitan naman siya nito.

“Sira na nga. I’m sorry ulit. Moody at may pagka-brat kasi si Agnes,”

Tumango lang si Sheena.

“We can buy you another one, if you like. Sasabihin ko kay Tita Judith---“

“No. It’s okay.” Sagot ni Sheena. Kinuha niya ang nasirang laruan at tumayo. “Papasundo na lang ako kay Mommy para makauwi na ako.”

Sadyang nagpaiwan si Sheena sa bahay nina Agnes dahil akala niya ay makakalaro niya ito. Babalikan na lang raw siya ng magulang pagkatapos mag-grocery. Pinagkakatiwalaan na ng mga ito ang de Guzman kaya naggawa siyang iwanan kahit wala siyang Yaya. Naka-day off kasi ang Yaya niya sa ngayon. Nakakalungkot nga lang na akala niya, nagkaroon na siya ng kaibigan kay Agnes. Panandalian lang pala iyon.

“Kung gusto mo, puwede naman tayo na maglaro, eh. I’m only eight years old, going nine. Kaya puwede pa rin naman siguro ako na makipaglaro.”

Tinaasan ng kilay ni Sheena ang lalaki. Ngumiti ito.

“My name is Allain. You can call me Allain or Al for short. `Wag ka ng mag-Kuya, ha? Hindi naman kasi kita kapatid at nakakailang. And don’t worry that I am a boy. Hindi ako naglalaro ng dolls but I think I can manage. So, tara?”

Nag-alinlangan si Sheena pero sa huli ay napapayag rin siya. Hindi pa rin naman kasi niya gustong umuwi. Mag-isa na naman siya. Wala siyang kalaro. Kaya pinagtiyagaan na rin niya si Allain. Nilaro nila ang doll na dala niya at nang magsawa, ang lutu-lutuan naman ni Agnes ang pinaglaruan nila.

“This is fun,” wika ni Allain habang naglalaro sila. Magandang-maganda ang ngiti nito.

Hindi napigilan na hindi mahawa ni Sheena. Kagaya ni Allain ay nag-enjoy rin siya. Nararamdaman kasi niya ang kabaitan ni Allain sa bawat galaw at pati na rin sa pananalita nito. Nakita rin niya iyon sa klase ng pagtrato nito sa ginawa ng kapatid.

Hmmm...sa tingin ni Sheena ay mapapadalas pa rin siya sa mansion ng mga De Guzman. Hindi naman siguro masama kung maging lalaki ang kaibigan niya `di ba? Wala naman na pinagbabawal ang mga magulang niya. Masaya siya, iyon na ang mahalaga.

NASUNDAN muli ang pagbisita ni Sheena sa mansion ng mga De Guzman. Hindi naman siya pinagbawalan ng mga magulang na makipagkaibigan kay Allain, lalo na at nakilala na rin si Allain ng mga ito. Mabait at magalang ang lalaki. Kinatutuwaan ito ng magulang niya at kahit ng buong pamilya nito. Ayon rin sa tiyahin ni Allain, sa limang magkakapatid, si Allain raw ang pinakamabait.

Naging kasundo ni Sheena si Allain kaysa kay Agnes. Kahit kasi subukan pa niya muli na makipaglaro sa bata ay tila may sariling mundo ito. Sa halip na sa playroom, sa kuwarto lang nito ito naglalagi. Mahilig ito sa arts. Drawing, coloring at painting---iyon ang madalas na ginagawa nito. Hindi ito naglalabas at mas gusto na magkulong na lang sa kuwarto.

Pero hindi na big deal iyon kay Sheena. Nandiyan naman si Allain na willing siyang makalaro palagi. Hindi rin kasi niya makasundo ang iba pang magkakapatid na De Guzman. Nasusungitan siya sa dalawang nakakatandang kapatid ni Allain na sina Kuya Christien at Kuya Blaise. Samantalang ang Kuya Rolf naman nito ay hindi rin niya gusto ang trip. Masyadong magaslaw at makulit ito. Mas gusto niya si Allain na gentleman at masiyahin.

Sinasabayan ni Allain ang lahat ng hilig niya, bahay-bahayan, paglalaro ng dolls pero napansin niya na ang pinaka na-enjoy nito ay ang lutu-lutuan. Iyon ang sa lahat ang pinakamadalas nila na laruin.

Kaya naman nang isang araw ay makita ni Sheena si Allain na nagluluto, hindi na niya ikinagulat iyon. Tinuturuan ito ng isa sa mga kasambahay sa mansion. Masayang-masaya ang mukha ni Allain.

“Wow,” wika ni Sheena nang makita ang niluto ni Allain na Adobo. Ang bango-bango rin noon.

Ngumiti si Allain. “Kain ka na, Nashee,”

Binigyan ni Allain si Sheena nang nickname. May kakilala na raw kasi ito na Sheena ang pangalan at ayaw nitong maisip na pareho sila ng babae. Nag-isip ito ng ibang itatawag sa kanya. Nagustuhan naman niya iyon.

Sumunod si Sheena. Masarap ang niluto na chicken adobo ni Allain. Naparami ang kinain niya. Naabutan pa siya ng magulang niya na kumakain roon.

“Wow, ito ang first time mo na kumain ng ganyan karami, Anak.” Wika ng kanyang Mommy.

“Ang sarap po kasi ng luto ni Allain, Mommy.”

Tumingin ang Mommy niya sa kaibigan. “Ang galing mo naman, hijo. Ten years old ka pa lamang ay marunong ka ng magluto.”

“Naku, Ma’am. Paborito na tumambay niyang si Sir Allain sa kusina. Palagi po na gustong makisawsaw kapag nagluluto ako,” sabat ng kasambahay.

“Natutuwa po ako kapag nagluluto,” sagot naman ni Allain.

Ngumiti ang kanyang Mommy. “Nakakatuwa ka talaga. Siguro ay magiging chef ka paglaki.”

Ngumiti lang si Allain. Si Sheena naman ay pinagpatuloy pa rin ang maganang pagkain. “Mukhang mananaba ang anak ko sa `yo, hijo. Well, wala naman na problema dahil iyon nga ang gusto ko. Hindi kasi mahilig kumain ang batang `yan, eh. Pahirapan pa kami kung minsan.”

“Mommy, kapag si Allain po ang nagluto baka mapakain po ako palagi ng madami!”

Tumawa si Allain. Bahagyang kinurot nito ang pisngi niya. “Very well, palagi kitang ipagluluto. Para na rin mapisil ko itong pisngi mo, puro kasi buto, eh.”

“Okay! I’m sure I will enjoy that,” tugon ni Sheena. Basta naman kapag si Allain ang usapan, malakas ang pakiramdam niya na mag-e-enjoy talaga siya palagi.

NAGDAAN pa ang mga taon. Naging mas malalim pa ang naging pagkakaibigan nina Sheena at ni Allain. Pareho silang pumasok sa parehong school ng elementary at pati na rin ng high school. Hindi man magka-batch ay hindi iyon hadlang sa pagkakaibigan nila. Madalas na kapag lunch ay dinadalhan siya nito ng pagkain at kapag uwian ay sabay sila na umuwi. Paminsan-minsan ay kasama rin nila si Agnes na mas bata ng isang taon sa kanya. Wala kasing maging kaibigan si Agnes sa school. Bukod sa hilig nito na mag-isa, sa tuwing may lalapit rito ay inaaway pa nito. May pagka-brat ang ugali nito. Naaawa naman si Allain kaya kasabay niya, madalas ay sinusundo rin nito si Agnes.

Naiintindihan ni Sheena si Allain. Kasundo rin naman niya si Agnes kahit paminsan-minsan ay moody talaga ito. Isa pa, ayaw naman niya na solohin rin si Allain. Naiintindihan niya na hindi lamang siya ang kaibigan o puwedeng makasama nito. Masuwerte na nga siya na kahit marami talagang kaibigan si Allain dahil sa pagiging friendly nito, binibigyan pa rin siya nito ng maraming oras. Nararamdaman niya ang importansya niya rito.

Kaya naman nang dumating ang junior senior prom, hindi niya pinilit na maging escort si Allain. Second year college na ito sa kursong HRM at hindi na rin sa school nila napasok. Fourth year high school naman siya noon at third year si Agnes. Isang beses kada-dalawang taon lang mag-prom sa school nila kaya first time niya iyon. Si Allain na lang sana ang pag-asa niya dahil walang ni isa ang nagtangka na yayain siya para sa prom.

“Seryoso ka ba?” natatawa pa si Allain nang sabihin niya rito na walang nagyaya sa kanya sa prom. “`Yang ganda na `yan, walang pumatol?”

Sumimangot si Sheena. “Maganda nga ba? Ang taba ko kaya.”

Tinignan ni Sheena ang kabuuan. Hindi naman talaga siya matabang-mataba. Chubby raw siya, sabi ng mga kaklase, pamilya at pati na rin si Allain sa kanya. Hindi na siya payat kagaya ng dati dahil na rin kay Allain. Palagi siya nitong pinagluluto at dahil paborito niya ang mga luto nito, hindi naman niya matanggihan. Hati ang nararamdaman niya sa katawan dahil tanggap naman siya ng pamilya at malalapit sa kanya. Iyon nga lang, parang nilalayuan siya ng iba dahil sa pisikal niyang katawan.

“You’re not fat. You’re just chubby. Isa pa, you have a beautiful face and a beautiful soul. That’s the most important thing.”

Lumabi si Sheena. “Kung ganoon, bakit walang nagyaya nga sa akin?”

Kumindat si Allain. “Maybe I am the one who is destined to be your prom date?”

“Pero si Agnes---“

“Ayaw raw niyang pumunta ng prom. Alam mo naman iyon, basta sosyalan.”

“Iyon ang problema, sinasanay rin natin.”

“I know. Susubukan ko rin naman na hindi payagan. But then, may nagyaya na rin kay Agnes na mag-date. I will try my very best to convince her na patulan iyon. Kilala ko naman si Densther, I’m sure she’ll be in good hands,”

Pumayag rin naman kinalaunan si Sheena na sa paanyaya ni Allain. Nakumbinsi rin nito na sumama si Agnes sa prom kasa-kasama ang date na si Densther na napag-alaman nila na family friend ng pamilya. Anak ito ng kaibigan na lawyer ni Tita Judith na si Attorney Denver Morales. Naging mas malapit pa siya sa pamilya dahil kay Allain. Kilala na rin niya ang iba pang malalapit sa mga ito.

Nang dumating ang araw ng prom, sinundo siya ni Allain sa bahay nila.

“You really are so beautiful, Nashee.” Halos hindi humihinga na wika ni Allain nang makababa siya mula sa hagdan ng bahay nila.

Namula si Sheena. Natuwa siya sa papuri. Sino ba naman ang hindi samantalang napaka-guwapo ni Allain? Hindi naman ito miminsan na nakita niya na nakaayos ng ganoon---pormal na pormal. Pero pakiramdam niya ay mas gumuwapo pa ito sa paningin niya ngayong araw na ito. Or was it just because he looked better with a boquet of flowers in his hand? Para itong manliligaw sa kanya!

The thought made Sheena’s heart pumped in an abnormal beat. Hindi naman iilang beses na sumagi sa isip niya ang isipin na mas tataas pa kaysa sa matalik na kaibigan ang relasyon nila ni Allain. Paano ay lagi siyang inaasar ng mga kaklase niya o `di kaya ay ng pamilya niya. Hindi raw kasi normal ang pagiging malapit nila ni Allain sa isa’t isa. Isa pa, wala naman raw talaga na lalaki at babae na mag-best friend. There will be at one point or another that they will fall in love.

Hindi masama, palaging naiisip ni Sheena. Sa totoo lang ay gusto na rin naman niya na bigyan ng kahulugan ang mga ginagawa sa kanya ni Allain. Crush niya rin kasi ito. Sino ba naman kasi ang hindi magugustuhan ang lalaki? Bukod sa napakabait ay guwapo rin ito. Mestizo, chinito, matangkad at maganda ang pangangatawan. Masarap rin ito na magluto at napakamaalalahanin. He was the perfect epitome of Mr. Nice Guy. Pero pinipigilan ni Sheena ang damdamin. Ayaw rin naman niya na mag-assume.

Pero puwede ako na mangarap ngayong gabi, kinikilig si Sheena sa isipin.

“You look good, too.”

Ngumiti si Allain na lalo pang nagpaguwapo rito. Nakita na naman niya ang dimples nito na pinaka-main asset nito. Gustong mapahawak ni Sheena sa dibdib. Hindi kaya siya mamatay sa gabi sa kilig sa lalaking ito?

Hindi na yata kailangan ni Sheena ng blush on. Sa event ay namumula na siya sa simpleng paghawak lang at pagtabi sa kanya ni Allain. Nang magsimula ang social dances ay niyaya rin siya nito na isayaw. Si Allain siyempre ang first dance niya.

Someday we’ll know

If love can move a mountain

Someday we’ll know

Why the sky is blue

Someday we’ll know

Why I wasn’t meant for you...

Mga bata pa sila ni Allain kaya siguro, tama ang kantang “Someday We’ll Know” sa kanilang dalawa---ang kantang tumutugtog habang nagsasayaw sila. Pero napangiwi si Sheena last line ng chorus. Hindi sila meant for each other?

“Why?” tanong ni Allain.

“Hmmm...may bigla lang ako na naalala. Don’t mind me,” ngumiti si Sheena para pagtakpan.

Hindi matanggal ni Sheena sa isip ang lyrics. Gusto niya si Allain. Hindi naman siya nagmamadali. Alam niya na bata pa sila. Pero someday ay umaasa rin siya na may pag-asa na hindi lang maging kaibigan ang tingin sa kanya ni Allain.

Someday we’ll know

Why Samson loved Dalilah

One day I'll go

Dancing on the moon

Someday you’ll know

That I was the one for you....

Iyon naman pala. Hindi pa tapos an kanta. Hindi dapat siya mainis. Now, the last lyric of the song made Sheena happy. Hindi pa sa ngayon pero balang-araw, Allain.

Yes, someday we’ll know, Baby. Doon ay tuluyang naging masaya na si Sheena sa mga kamay ni Allain.

“MAY IPAGTATAPAT ako sa `yo.”

Napakalakas ng kabog ng puso ni Sheena nang kausapin siya ni Allain pagkatapos ng una niyang klase sa unang araw niya sa college. Sa parehong university sila nag-aaral. Information Technology ang kinuha niyang kurso dahil mahilig siya sa computers. Malayo iyon sa kurso ni Allain na HRM pero talagang naglaan ito ng oras para maihatid siya sa classroom at ngayong break niya ay samahan siya. Wala rin naman daw kasi ito na klase. Niyaya siya nito sa isang restaurant malapit sa campus para mag-lunch.

“A-ano iyon?” napakaseryoso ni Allain. Napakarami tuloy na thoughts na pumasok sa isip ni Sheena. Ito na ba ang inaantay niyang araw? Handa na ba ito? Magtatapat na ba ito sa kanya? Naghahalo ang kaba at excitement sa puso niya.

“Yamang college ka na, mature ka na at nasa iisang university na tayo---“ huminga nang malalim si Allain. Mukhang kinakabahan. Lalo tuloy na iintriga si Sheena.

Gusto mo na akong gawing girlfriend. Let’s cross the bridge of our friendship! Nasa isip-isip ni Sheena na sasabihin ni Allain. Bakit naman hindi? Tama si Allain. College na siya at mature na rin. Puwede na siyang mag-boyfriend. Walang magiging problema sa kanya dahil gusto rin naman niya ito at panigurado na gusto rin ito ng mga magulang niya.

“Ano nga? Come on, say it.” Naging masigla ang tinig ni Sheena sa kabila ng kaba. Bakit hindi samantalang malaki ang posibilidad na mangyari ang pinapangarap niya?

Nagliwanag ang mukha ni Allain. Nawala ang pag-aalinlangan nito dahil na rin sa saya na ipinakita niya. Ngumiti ito.

“There’s this girl in our college that I really like...”

Nagsisimula pa lamang si Allain sa pagkukuwento ay nadurog na ang puso niya. Tila gumuho ang mundo niya dahil nasira rin ang pag-asa niya.

Hindi siya ang tinutukoy ni Allain.

“Her name is Ria. Ka-batch ko siya. Secretary siya ng CITHM student council at next year ay tatakbo siyang Student Council President. Matagal ko na siya na gusto, actually. Pero masyado siyang focus sa pag-aaral kaya wala siyang tinatanggap na manliligaw. Natatakot rin ako na sabihin sa kanya ang feelings ko dahil natatakot ako na i-reject niya or mailang siya sa akin.

“Sinasabi ko sa `yo ito dahil baka magtaka ka kapag nakita mo ako na mapapatigil na lang minsan sa corridor kapag magkasama tayo. Everytime I see her, nai-starstruck ako. She’s not just pretty, she’s smart, responsible, she’s perfect! I think she is the one!”

Napaka-dreamy ng reaction ni Allain. Samantalang tinakasan yata ng kulay ang mukha ni Sheena sa narinig mula rito. Nanghihina siya. Masyado siyang nabigla sa ipinagtapat nito.

Sa loob ng ilang taon ay nangangarap si Sheena na mapansin ng matalik na kaibigan. Pero hindi pala sapat na nasa tabi ka palagi ng isang tao para mapansin ka ng puso nito.

“PARA SA `YO,”

Mahigit isang taon na ang nakalilipas simula nang malaman ni Sheena na may nagmamay-ari na ng puso ni Allain. Pero mahirap pa rin para sa kanya ang maka-move on. Hindi niya sigurado kung kailan mangyayari lalo na at kinikilig pa rin siya rito kahit hindi dapat. Isa sa mga patunay ang araw na iyon.

Valentines day. Inabutan ni Allain si Sheena ng magandang bouquet ng flowers at pati na rin ng paper bag. Pigil na pigil ni Sheena ang pagkapula. She felt special. Hindi naman siya miminsan na binigyan ni Allain ng bulaklak kapag Valentines. He felt that all girls should be appreciated on Valentines. Binibigyan rin nito si Agnes at pati na rin si Tita Judith ng kapareho ng sa kanya. Pero ngayon ay kakaiba dahil mas malaki iyon.

Tinignan ni Sheena ang flowers. Manlalambot na sana ang puso niya nang mapansin na pamilyar iyon sa kanya at pati na rin ang paper bag. Naipakita na iyon sa kanya ni Allain kanina.

Sinimangutan niya si Allain. “Para kay Ria ang lahat ng ito, ah.”

Nagkibit-balikat si Allain. “Hindi niya tinanggap, eh.”

“So ano ang tingin mo sa akin, tumatanggap ng tira-tira? Hmf!” sa inis ay pabatong ibinalik ni Sheena kay Allain ang ibinigay nito.

“These flowers are so beautiful just to put on a garbage bag. Ang mga nasa paper bag ay ang niluto ko rin na Chicken Adobo. Paborito mo `yun `di ba? Gusto naman sana na tanggapin ni Ria. Kaya lang ay mahirap dahil baka isipin sa kanila ay boyfriend siya. Hindi rin daw pala siya mahilig sa adobo kaya masasayang lang iyong niluto ko kaya ibinalik na rin. Nakuwento ko na naman sa `yo na siya ang panganay `di ba? Potential bread winner. Gusto ng mga magulang niya na maging matagumpay muna bago mag-boyfriend. Isa pa, malapit ng maubos ang allowance ko kaya baka hindi na rin kita mabilihan kagaya ng ginagawa ko kada-taon.”

“Bakit kasi nag-inarte ka pa na bigyan ng ganito kaganda si Ria?” may inis sa boses ni Sheena. Hindi niya mapigilan. Nang ma-realize ang sinabi, napadasal na lang siya na huwag isipin ni Allain na mukhang nagseselos siya.

“She’s special! You know it.”

“Pero hindi ka naman niya gusto,” mali rin na sabihin ni Sheena iyon pero hindi niya mapigilan.

“I know,” huminga nang malalim si Allain. “But then, bad days are not forever. Maybe not now. But someday. I know, someday she’ll know that I am meant for her. Nashee, gustong-gusto ko talaga si Ria. At dahil doon, handa akong maghintay. Things worth having are worth waiting for. I know Ria is worth the wait.”

Allain’s eyes were full of sincerity and hope when he said those words. Once again, Sheena felt her whole world shattered.

Present

“Gusto akong ipadala ng kompanya sa Dubai. Three months,” may lungkot sa boses ni Banjo nang i-imporma siya nito tungkol sa meeting nito ngayong araw. Sinundo siya nito sa trabaho para mag-dinner at mag-date na rin. “Gusto nila akong um-attend ng crash course na gagawin roon para sa mga IT specialists na kagaya ko.”

Tumango si Sheena. “Kung tatanungin mo ako, magandang opportunity iyon.”

“Alam ko.” Huminga nang malalim si Banjo. “Pero ayaw ko muna na lumayo. Hindi sa ngayon...”

“Hmmm....?”

Inilagay ni Banjo ang kamay sa baywang ni Sheena. “I don’t want to miss you again.”

Kinilabutan si Sheena sa ginawa ng boyfriend. Inalis niya ang kamay nito.

Kumunot ang noo ni Banjo. “What’s wrong?”

Nakagat ni Sheena ang ibabang labi. Wala naman na masamang ginagawa si Banjo sa kanya pero hindi siya naging komportable kaya ginawa niya iyon. “Well, naninibago lang siguro ako?”

“Ah, the reason why ayaw ko rin na umalis. Bago pa lang ang relasyon natin. Paano ka masasanay sa akin? Napaka-wrong timing talaga ng mga bagay-bagay.” Napailing-iling si Banjo.

“G-gusto mo ba na sumama roon?”

“Ah, you know me, Babe. I’m good and open for new learnings. Alam ko na malaki ang maitutulong sa akin, lalong-lalo na sa career ko kapag pumunta ako sa Dubai. But I have to set my priorities.”

“Then set the opportunity as a priority.”

Tinitigan siya ni Banjo. “Kakauwi ko lang galing sa Singapore.”

Tumango si Sheena. “Pero sabi mo nga, makakatulong ito sa `yo at sa career mo.”

“Pero ikaw? Ayaw ko naman na isipin mo na pinababayaan kita. Satisfied na rin naman ako sa career ko ngayon. Tama lang naman siguro na mas bigyan ko ng oras at priority ang love life ko.”

Nakaka-touch ang pagiging maalalahanin ni Banjo. May guilt na nararamdaman si Sheena pero kailangan niyang hindi pairalin iyon.

Kailangan ni Banjo ang opportunity na ito. At siya, kailangan rin niya ito. Para sa ikagaganda iyon ng mga bagay. Gumagawa na ang tadhana ng paraan para sa kanilang dalawa ni Allain. Naging napakabilis na gumana ng isip ni Sheena para ma-realize na blessing in disguise ang pag-alis ni Banjo.

Kung aalis si Banjo, magagawa niyang tulungan si Allain. Hindi nito malalaman ang lahat. Hindi niya ipagtatapat. Hindi ito masasaktan.

O hindi nga ba?

Magsisinungaling siya sa nobyo para kay Allain. Well, white lie lang naman iyon. Hindi rin naman masama. Hindi niya nga lang hihingiin ang permiso ng boyfriend dahil ayaw niyang mag-alala ito. Isa pa, hindi rin naman iyon pagtataksil kung tutuusin. Hindi naman niya opisyal na magiging boyfriend si Allain.

“I’m the one that is pushing you to go on. Bakit naman ako magtatampo `di ba? Isa pa, nasa modern life na tayo. Napakadali na ng communication.”

Tumango-tango si Banjo. “May punto ka. Well, sure ka diyan, ha? Okay lang sa `yo ang lahat?”

Nag-thumbs up si Sheena sa nobyo. Muli naman na kinuha nito ang baywang niya at hinapit siya rito. Nanginig muli siya pero kinalma niya ang sarili.

Naninibago pa lang talaga ako, pagpapakalmang salita ni Sheena sa isip niya sa sarili

“I will miss you, Babe. Pero siguro, ang ginagawa ko rin naman na ito ay para sa future natin. Kapag naging successful pa lalo ako, I can provide for you better. Mas mapapabilis rin ako na makaipon para sa kasal natin.” Kinandatan pa siya ni Banjo.

Muntik ng mapangiwi si Sheena. Kasal na agad? Pero ano pa ba ang aasahan niya? Napakatagal na naghintay sa kanya ni Banjo. Matagal na nilang kilala ang isa’t isa para magkakilanlan pa gayong lahat naman talaga ng magkarelasyon ay sa kasalan ang tuloy.

Pinilit ni Sheena na maging masaya at huwag ipahalata kay Banjo na may plano siya. Hindi nito deserved na masaktan. Hindi nito deserved na lokohin. Maaaring mali siya sa gagawin niya pero iniisip niya ang tadhana. Bakit timing ang pag-alis ni Banjo ngayon sa problema ni Allain? May ibig sabihin lamang ang lahat ng iyon.

Susubok si Sheena para sa panibago at...huli na niyang pagkakataon? Nah, huli na nga talaga dahil may boyfriend na siya. Hindi na dapat siya umaasa.

Ipo-proseso ni Sheena sa utak niya na gagawin niya lamang ang lahat para sa will. Feelings for Allain be damned.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.