Eight years later
NAGING matagumpay at maganda rin ang naging kasal nina Riki at Ailyn tulad ng kasal nina Choi at Lorie. Halos mahirap kumilos sa malawak na hardin ng isang five star hotel kung saan ginaganap ang reception dahil sa dami ng mga bisita. Nagkalat din ang mga reporter na inimbitahan para lang masabing hindi ini-snob ang mga ito. Mga reporter na kasalukuyang tinataguan ni Raiven dahil kanina pa siya ayaw tigilan ng mga ito sa kakatanong kung kailan siya susunod sa yapak ng mga kapatid niya.
Bago pa maalala ng mga reporter na minsan sa buhay niya ay muntik na rin siyang magpakasal ay tumakas na si Raiven. Matalas pa naman ang memorya ng mga reporter at ayaw niyang sirain ang reception ng kasal ng kapatid niya. Alam kasi niyang mag-iinit lang ang ulo niya kung ipipilit ng mga reporter na tanungin siya. Nakakita siya ng magandang puwesto sa isang sulok ng hotel. Mag-isa niyang inabala ang sarili sa pag-inom ng alak habang bored na bored na iginagala ang tingin sa paligid. Honeslty, he wanted to go home. Hindi niya kayang magtagal sa isang lugar na may maraming tao.
For years, he successfully avoided these people. Pero dahil nagpakasal na ang mga kapatid niya ay wala siyang pagpipilian kundi magpakita sa madla. Dumami rin ang mga social and business invitations na natatanggap ni Raiven mula nang pormal siyang ipakilala bilang presidente ng Montemayor Communications. Karamihan doon ay hindi niya pinupuntahan. Minsan, isa lang sa sampung imbitasyon ang napupuntahan niya at madalas ay sapilitan pa. He just wanted to be as far from the limelight as possible. Sa palagay niya ay sapat na ang atensiyong nakuha niya noon at ayaw na niyang maulit pa iyon. Pero kung gaano niya nais lumayo ay lalo lang siyang hinahabol ng press.
Alam ni Raiven na kahit hindi nagsasalita ang mga reporter ay hindi nakakalimutan ng mga ito ang nangyari sa kanya walong taon na ang nakararaan. Pinaghirapan niyang ayusin ang reputasyon niyang nasira dahil sa sarili niyang katangahan. No, don’t go there Raiven. Not now, saway niya sa sarili. Umiling siya at sinaid ang alak na nasa baso niya para mabanlawan ang kakaibang pait na nalasahan niya sa bibig niya; a bitterness that was stronger than the taste of the finest brandy.
“Uncle.”
Napakurap siya at napalingon sa pinanggalingan ng matinis na tinig na iyon. Nang yumuko si Raiven ay nakita niyang nakatingala sa kanya ang anak ni Choi na si Maja. She looked adorable in her baby pink dress. Napangiti siya at inilapag sa malapit na mesa ang basong hawak niya. “Hello there, little one. So now you know how to say uncle? Parang kailan lang hindi mo `yan mabanggit,” aniya rito. Sinenyasan niya ang bata na lumapit sa kanya. Ngumisi si Maja, saka tumatakbong lumapit sa kanya.
Mahinang tinapik niya ang ulo ng batang babae. “Are you enjoying yourself?” tanong ni Raiven rito na tinugon nito ng sunod-sunod na tango. “Good.”
“Sa halip na ang anak ko ang inaasikaso mo bakit hindi ka makipag-socialize sa ibang mga bisita, Raiven? Maraming babae ang hinihintay na mapalapit sa `yo,” sabad ni Choi na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanila.
“Daddy!” tili ni Maja.
Nakangising binuhat ni Choi ang anak bago tumingin uli sa kanya. Hindi pa rin siya makapaniwalang ang dati niyang iresponsableng kapatid ay amang-ama na ang dating kay Maja. Mula nang makilala ni Choi si Lorie at dumating sa buhay nito si Maja ay malaki na ang nabago rito. Raiven used to think that he also found the one who could make a big change in him. Pero nagkamali siya. Oh, he was changed all right. In a bad way.
I said don’t go there.
Ipinilig niya ang kanyang ulo at kinunutan ng noo ang kapatid. “I would rather stay with your daughter the whole night than with them.”
Umangat ang mga kilay ni Choi. “You can’t marry my daughter, brother,” buska nito.
Tiningnan niya nang masama ang kapatid. “I don’t want to get married. Kaya walang rason para paasahin ko sila,” sikmat ni Raiven at dumeretso ng tayo. “I would rather go home.”
“Sasama ang loob ni Mama kapag bigla kang nawala,” ani Choi nang magsimula na siyang maglakad. Nagkibit-balikat siya pero hindi huminto sa paglalakad. “Raiven, it has already been years,” pahabol na sabi ni Choi na may bahid ng desperasyon.
Huminto siya at huminga nang malalim. Nilingon niya ang kapatid at sinalubong ng tingin ang mga mata nito. “I know. But it doesn’t mean it no longer hurt,” mapait na sagot ni Raiven. Iyon lang at tumalikod na siya at dere-deretsong umalis sa reception. He might just go home after all.
“PUWEDE ka nang umuwi. Ako na ang magsasara dito.”
Dumeretso ng tayo si Lauradia mula sa pag-aayos ng mga stock ng alak sa bar counter pagkatapos ay nag-inat nang sabihin iyon ng amo niya. Naramdaman niya ang paglagutok ng leeg at mga braso niya sa magdamag na paghahalo ng mga cocktail drink at pagse-serve ng alak sa mga customer ng bar and restaurant kung saan isang taon na siyang nagtatrabaho. Pang middle class lang ang lugar na iyon at hindi kalakihan ang suweldo niya pero ayos na rin.
Alam niya na sa kakayahan niya ay kaya niyang magtrabaho sa mas mamahaling bar o kaya ay club. Pero hanggang maari ay iniiwasan ni Lauradia ang mga lugar na puntahan ng mga mayayaman. Mahirap na. For eight years she avoided those places as much as she can. Duwag na kung duwag pero hanggang maaari ay ayaw niyang makita ang mga taong nakilala niya noon. Especially him.
Ipinilig niya ang kanyang ulo para palisin iyon sa isip niya. Huminga siya nang malalim bago umalis sa counter. Mabilis siyang nagtungo sa opisina nila para kunin ang bag niya. Pagkatapos ay dumaan uli si Lauradia sa bar counter para magpaalam sa amo niya bago tuluyang lumabas ng establisimyento.
Bahagya pang madilim sa labas ng bar dahil madaling-araw na pero hindi niya alintana iyon. Sa halip na magtungo siya sa direksiyon nang munti niyang apartment ay lumakad si Lauradia sa kabilang direksiyon patungo sa pinakamalapit na twenty-four hours na convenience store. Bumili siya ng mga pagkain at kape. Pagkatapos ay umupo siya sa isang tabi at hinintay na tuluyang lumiwanag habang umiinom ng kape. Nang sumikat na ang araw at ubos na niya ang iniinom niya ay tumayo siya at lumabas ng convenience store. Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa makarating siya sa ospital.
Pagdating niya roon ay agad siyang binati ng guwardiya at maging ng nurse sa reception. Sa loob ng isang linggong pagpunta niya roon ay kilala na siya ng mga ito. “Mrs. De Guzman, mabuti ho at nandito na kayo. Tatawagan ko na sana kayo. Hinahanap ho kayo ni Dok kanina pa,” sabi ng nurse sa kanya.
“Misis” ang tawag ng mga tao sa ospital kay Lauradia dahil iyon ang ipinakilala niya sa mga ito nang i-confine doon ang anak niya. Iyon din ang pakilala niya sa lahat ng mga nakilala niya mula nang umalis siya sa Club Notteria para maprotektahan na rin ang sarili niya sa mga lalaking sinubukang mapalapit sa kanya.
Bigla siyang kinabahan. “M-may nangyari bang masama?” nag-aalalang tanong niya. Sa halip na sagutin siya ay bumakas ang concern sa mukha ng nurse. Tumahip ang dibdib ni Lauradia. Hindi na niya hinintay na sumagot ang nurse at halos tumakbong pumunta siya sa Pediatrics section ng ospital. Binuksan niya ang unang pinto at pumasok doon.
Napalingon sa kanya ang doktor na naroon. Saglit lang niyang tinapunan ng tingin ang doktor at lumapit sa kama kung saan nakahiga ang payat na batang lalaki. “Lance!” ani Lauradia, sabay haplos sa braso ng anak niya. May oxygen na nakalagay sa bibig ng batang lalaki na wala bago niya ito iniwan kahapon.
“Huwag kang mag-alala, maayos na siyang natutulog, Mrs. De Guzman,” malumanay na sabi ng doktor.
Nakahinga siya nang maluwag at ginawaran si Lance ng halik sa pisngi, bago tumayo at hinarap ang doktor. “Bakit ninyo ho ako hinahanap?”
Sumenyas ang doktor na sa labas sila mag-usap. Kinakabahang tumango si Lauradia. Tiningnan muna niya si Lance, bago lumabas. “I’ll be frank with you, Mrs. De Guzman, but your son’s health is getting worst. Kanina, bigla na lang siyang nahirapang huminga at na-revive lang namin siya gamit ang oxygen. Kaya in-examine ko siya at may nakita akong naipit na ugat sa puso niya. He needs a heart operation as soon as possible bago pa dumating sa puntong mahihirapan na kaming iayos iyon,” paliwanag ng doktor.
Napaatras at napasandal siya sa pader sa biglang panlalamig ng buong katawan niya. Nangatal ang mga kalamnan niya at kinapos siya ng hininga. Iyon ang kinatatakutan niya, ang malamang mas malala ang sakit ng anak niya kaysa sa inaakala niya. Noong ipinanganak pa lang niya si Lance ay sinabi na sa kanya ng doktor na mas mahina ang puso nito kaysa normal kaya dapat ingatan niya ang anak. Iyon naman ang ginawa ni Lauradia sa abot ng kanyang makakaya. Siniguro niya na nakakakain si Lance nang sapat at maayos na pagkain kahit napapabayaan na niya ang sarili niya. Kompleto ang vitamins ng anak niya kahit na mahal ang mga iyon.
Isa raw sa maaaring dahilan ng pagiging masasakitin ng anak niya ay malnutrisyon noong nasa loob pa ito ng sinapupunan niya. Na hindi naman itinatanggi ni Lauradia dahil noong ipinagbubuntis niya ang anak ay may mga araw na hindi siya nakakakain. May pera naman siya nang umalis siya sa Club Notteria pero unti-unti rin iyong naubos dahil sa pang-araw-araw niyang mga gastusin tulad ng upa ng bahay at pambili ng pagkain. Nagtira din siya ng pera sa inipon niya para sa panganganak niya.
Sa loob ng walong taon ay nabuhay si Lance nang normal kahit pa hindi ito makatakbo nang husto na gaya ng ibang bata. Pero nang mga nakaraang linggo, napansin ni Lauradia na madalas nang kinakapos ng hininga at nilalagnat sa gabi ang anak niya. Dinala niya si Lance sa ospital kahit hindi niya alam kung saan siya kukuha ng pera para ipambayad doon. Ang mahalaga sa kanya ay ang kaligtasan ng anak niya. Si Lance lang ang nag-iisang pamilya niya at hindi siya papayag na mawala ito sa kanya.
Nilabanan ni Lauradia ang pag-iinit ng mga mata niya at huminga nang malalim. Mula nang ipanganak niya ang batang lalaki ay nangako siya sa sarili niyang hindi siya iiyak at magiging malakas para dito. “Pero kapag naoperahan siya ay siguradong magiging okay na siya?” tanong niya niya sa doktor.
Bahagyang ngumiti ang doktor pero hindi siya maloloko ng ganoong klase ng ngiti. “Malaki ang posibilidad.”
Napahinga siya nang malalim. “M-magkano naman ho ang aabutin ng operasyon?” Nang sabihin ng doktor ang presyo ay pinigilan niyang mapapikit nang mariin. Hindi pa alam ni Lauradia kung saan siya hahanap ng ganoon kalaking halaga pero saka na niya iisipin iyon. Marahan siyang tumango at sinalubong ng tingin ang doktor. “Gawin ninyo ho ang lahat para gumaling ang anak ko, Doc,” pakiusap niya rito.
Tumango ang doktor at tinapik siya sa balikat. “We will do our best. Ipapa-schedule ko na siya para sa operasyon sa lalong madaling panahon.”
Tumango siya bilang sagot. Pero wala na rito ang isip ni Lauradia kundi sa kung saan siya kukuha ng perang pambayad sa operasyon. May dalawa lang siyang naiisip na solusyon na parehong mangangailangan ng paglunok niya sa natitira pa niyang pride. Ang isa ay lumapit sa ama ng anak niya. Pero baka hindi siya harapin ng lalaki dahil bukod sa kinamumuhian siya nito ay malabong maniwala itong may anak sila. O ang pinakakinatatakutan niya: ang hindi tanggapin ng lalaki ang anak nila kahit maniwala ito. Kaya niyang magalit sa kanya si Raiven pero hindi niya kakayanin kung magiging malamig din ito sa anak niya. She would rather not let him know about Lance than let that happen.
Ang pangalawa ay lumapit kay Miss Red Butterfly at humingi ng trabahong kapresyo ng halagang kailangan niya—na ibig sabihin ay delikadong trabaho lang ang maaari niyang makuha. Iyon ay kung tatanggapin pa siya ng dating boss pagkatapos niyang talikuran ito at ang grupo.
Pero sa dalawang pagpipilian niya ay mas gusto na ni Lauradia na lumuhod sa harap ni Miss Red Butterfly at masuong sa delikadong trabaho kaysa ang harapin ang galit ni Raiven Montemayor. Huminga siya nang malalim nang makapagdesisyon siya. Pero hindi nawala ang guhit ng kirot sa puso ni Lauradia, something that had always been there for eight years. Bahagya na lang iyong nawala dahil sa anak niya. Pero ngayon ay kailangan niyang harapin ang nakaraan niya para mailigtas ang anak niya. Naalala niya ang nakaraan kaya bumabalik ang matinding sakit.
But she will do and face anything, just for the sake of her son. Even if it meant facing the demons of her past.
KATULAD ng inaasahan ni Lauradia, hindi naging madali sa kanya ang makapasok sa Club Notteria. Malaki na ang ipinagbago niyon sa paglipas ng mga taon. Mas malaki at enggrande na iyon. Halos lahat ng mga empleyado ay hindi na niya kilala. Akala pa nga niya ay hindi siya papayagan ni Miss Red Butterfly na makita ito sa unang pagpunta niya roon. Kaya naman nagulat siya nang sabihin ng isang bouncer doon na pinapapunta siya ng babae sa opisina nito.
Tanging ang opisina lang ni Miss Red Butterfly ang napansin niyang hindi nagbago. Nasa bahagi pa rin iyon kung saan kitang-kita ang halos kabuuan ng club. Mabilis ang kabog ng dibdib ni Lauradia nang makapasok siya sa opisina ng babae. Nakaupo si Miss Red Butterfly sa paborito nitong pulang one-seater couch. Mahabang katahimikan ang namagitan sa kanila. Pinagmasdan lang siya ng babae mula ulo hanggang paa. Nanumbalik ang naramdaman niya nang una siyang makita nito sa kalsada.
“You lost weight. The outside world has not been good to you,” ani Miss Red Butterfly sa malamyos na tinig na tandang-tanda pa niya. Pilit siyang ngumiti pero hindi nagawa ni Lauradia. Hindi rin siya makapagsalita. Tumayo ang babae at nakahalukipkip na naglakad palapit sa kanya. “Bakit gusto mo akong makita? Hindi ba sinabi ko na sa `yo na oras na umalis ka sa grupo ay hindi ka na maaaring magpakita pa sa akin?”
Napayuko siya at napakagat-labi. “Alam ko,” mahinang sabi ni Lauradia.
Huminto ang babae nang ilang pulgada sa harap niya. “Then why are you here?” Hindi siya makapagsalita. “Look at me, Radia.”
Tiningnan niya si Miss Red Butterfly nang banggitin nito ang pet name nito sa kanya. Seryoso ang mukha ng babae.
Nag-init ang sulok ng mga mata niya. “A-alam kong wala akong karapatang magpakita pa sa inyo. I broke my promise of loyalty to you kahit alam kung hindi dahil sa `yo ay hindi ako buhay ngayon. I was afraid that you will not let me see you. P-pero wala na akong puwedeng lapitan pa. I badly need a job. Isang trabaho na mababayaran ako ng malaking halaga. For the last time, please hire me,” pakiusap ni Lauradia.
Matagal na pinakatitigan lang siya ni Miss Red Butterfly. “If you will tell me why then I might.”
Nakagat niya ang ibabang labi at saka humugot ng malalim na hininga. Sa totoo lang ay ayaw niyang malaman pa nito kung ano ang nangyari sa kanya. Pero alam din niya na kapag hindi siya naging matapat sa babae ay hindi siya tutulungan nito. Sinabi niya rito ang katotohanan, sa kabila ng pag-iinit ng mga pisngi niya dahil sa mataman nitong pagtitig sa kanya. Napayuko uli si Lauradia pagkatapos niyang magsalita. Ang akala niya ay magagalit sa kanya si Miss Red Butterfly.
Kaya nagulat siya sa sunod na ginawa ng babae. Niyakap siya nito. “Oh, Raida, I’m sorry that happened to you. I’m sorry I didn’t notice anything,” anito. “I was the worst guardian for letting you suffer so much alone.”
Nag-init ang mga mata niya sa naging reaksiyon ni Miss Red Butterfly at saka gumanti ng yakap, bago ito bahagyang kumalas. Lumambot ang ekspresyon sa mukha ng babae. In an instant she looked younger. Nagmukhang kaedad lang niya ito. “Let me help you. Ako na ang bahala sa operasyon niya.”
Umiling si Lauradia. “Ayokong samantalahin ang kabaitan ninyo. Not after I betrayed you. Gusto kong paghirapan ang perang gagamitin sa operasyon ng anak ko.”
Bumuntong-hininga si Miss Red Butterfly. “All right. Kung `yan ang gusto mo, bibigyan kita ng trabaho. But I warn you, ang mga trabahong mayroon ako ngayon ay hindi na gaya noon, Radia. Our missions are more dangerous. Kailangan mong mag-ingat dahil may batang umaasa sa `yo, maliwanag ba?”
Tumango siya. “Thank you Miss Bettina,” mahina niyang tawag sa tunay nitong pangalan.
Kumislap ang mga mata ng babae. Sa pagkakaalam niya ay sila lamang ni Czarina ang nakakaalam noon sa tunay nitong pangalan. Hindi na lang niya alam ngayon. “I know how it feels to be forced to live a life alone and helpless Lauradia. Kaya kita kinupkop at maging ang iba pa ay dahil ayokong maranasan ninyo ang mga naranasan ko. But I let you experience it because of my insensitivity. Hindi pa huli ang lahat para tulungan kita.” Iyon lang at tumalikod na ito. May kinuhang folder ang babae. Saglit pa ay pinag-uusapan na nila ang trabahong kailangan niyang gawin.