Masaya kami ni Celestine habang nagbabakasyon kami sa isla, walang humpay ang pagkuha niya ng litrato na magkasama kami. Dahil ang gusto niya ay ilagay daw ang mga litrato namin sa bawat sulok ng bahay namin para daw palagi niya ko maaalala.
Nasa salas kami at siya naman ay punong abala sa paglalagay ng mga pictures sa photo album habang ako naman ay nakatutok sa aking laptop at ginagawa ang report ng aking mga pasyente. Napansin ko naman na tumayo siya at nagtungo sa kusina, binuksan niya ang ref at pagkuway ang mga drawer na para bang may hinahanap. Sumunod naman siyang nagtungo sa aming kwarto at bumalik na rin sa salas.
"0h, andyan ka na pala Doc Wallace kanina ka pa ba?” Taka ko naman siyang tinitigan at nagpatuloy lang siya sa kanyang ginagawa.
"Saan nga ba tong lugar na to?” Tukoy niya ang beach na magkasama kaming dalawa.
"Sa Isla Montealegre baby"
"Saan naman yon?”
"Sa Quezon," tipid kong sagot sa kanya at seryoso lang na nakatingin sa kanya habang abala pa rin siya sa paglalagay ng mga litrato sa photo album.
"Siyanga pala baby uminom ka na ba ng gamot mo?” Napahinto naman siya sa kanyang ginagawa at tumitig sa'kin.
"Para saan naman yung gamot? Wala naman akong sakit eh"
"Ah baby, kailangan mo uminom ng gamot kasi nitong nakaraang araw nagiging sakitin ka eh," paliwanag ko na lang sa kanya dahil alam kong nagsisimula na siyang makalimot.
"Ganon ba? Oka”
"Sige sandali lang kukunin ko lang yung gamot mo ha?” Tumayo naman ako at tinungo ang kusina para ihanda ang iinuming gamot ni Celestine. Bubuksan ko na sana ang ref ng mapansin ko ang picture namin dalawa na nakadikit sa pintuan ng ref.
Ito ang kauna unahan naming litrato simula na naging kami, kinuha ko ito at tinitigan. Napakaganda ng kanyang mga ngiti, ang inosente niyang mukha at klase ng titig niya sa'kin. Binasa ko naman ang nakasulat sa likuran ng litrato namin.
"To the man that I truly love the most!”
I love you soo much Baby! Doctor Wallace Miller"
Your ex-girlfriend and now Mrs Miller
Celestine Anne Ordonez Miller
Nanginginig ang aking mga kamay habang hawak hawak ang litrato namin ni Celestine. Tahimik akong umiiyak matapos kong basahin ang nakasulat sa litrato.
Sobrang sakit ng puso ko, gusto kong sumigaw, magwala para mapawi ang sakit na nararamdaman ko. Pero kahit na anong gawin ko ay hindi na mababago ang itinakda. Simula ng dumating kami galing sa bakasyon ay nag-iiba na si Celestine, alam kong darating na ang araw na kinatatakutan naming lahat. Hindi na niya maalala ang mga bagay bagay na nagyayari sa'min unti unti na siyang nakakalimot. At alam kong dadating na yung araw na unti unti na niya ko makakalimutan. Bumalik naman ako sa sala na dala na ang kanyang gamot. Inabot ko naman sa kanya ang isang tableta at ininom naman kaagad.
"I'm sure matutuwa nito si papa kapag pinakita ko sa kanya itong mga to," wika niya sa'kin habang tinitignan niya ang mga litrato namin.
"Nagtataka ako bakit wala si papa sa mga pictures?”
"Ahhm, b-busy lang siguro si papa kaya ganon”
"Okay lang naman, ipapakita ko na lang ito sa kanya kapag dumalaw tayo sa bahay"
"S-sige baby." Hindi ko pwede sabihin sa kanya ang totoo dahil mahigpit na bilin ito ng doctor na tumingin sa kanya. Hindi siya pwede maging emosyonal, at pwersahin na maalala niya ang lahat dahil wala na rin naman itong magagawa.
"Ah baby magpahinga ka na bukas mo na lang ituloy yan, masyado na rin kasing late eh," tumango naman siya at iginiya na siya sa aming silid. Hinintay ko muna siyang makatulog bago ko ito iwan.
Pabagsak naman akong naupo sa sofa at isinandal ang aking likod. Napadako naman ang tingin ko sa aming malaking wedding picture na nakasabit sa dingding. Kung wala lang sakit si Celestine siguro habang buhay kami magiging masaya at magkakaron ng maraming anak. Pero sa puntong ito kailangan kong tanggapin na hindi siya mananatili habang buhay sa piling ko, habang naiisip ko yun ay parang gusto kong pabagalin ang oras at panahon para makasama pa siya kahit na wala na siyang maalala basta kasama ko lang siya at lagi na sa aking tabi.
Naghahanda na ko ng almusal nang makita ko siyang papalapit sa'kin, sinalubong ko naman siya at hinalikan sa kanyang noo ngunit tinitigan lang niya ako na wala man lang reaksyon.
"Halika na baby nagugutom ka na ba?” Iniupo ko naman siya at sinimulang lagyan ng pagkain ang kanyang plato.
"S-si Doc Wallace, hindi ba siya umuwi?” Napahinto naman ako at umupo sa katapat niya. Saglit akong hindi nakapagsalita at hinahagilap kung ano ang dapat kong isagot sa kanya, kung sasabihin ko ba sa kanya na ako ang asawa niya.
"U-umalis muna siya saglit pumunta lang siya ng ospital pinagbilin ka niya sa'kin"
"Ah ganon ba? Hindi niya ko ginising para sana ipagluto siya"
"Masarap daw kasi yung tulog mo kaya hindi ka na niya inabalang gisingin, sige na kumain ka na tapos uminom ka na rin mg gamot mo," tipid lang siyang ngumiti sa'kin at nagsimula ng kumain.
Tinititigan ko lang siya habang kumakain, hindi na niya ko maalala, hindi niya maalala na ako ang asawa niya, na ako ang nasa kanyang harapan, na ako ang asawa niya na mahal na mahal niya at mahal na mahal siya. Hindi ko na napigilan ang sarili ko, tumayo ako sa aking kinauupuan at tinungo ang aming kwarto. Doon ko ibinuhos ang sakit na nararamdaman ko, tahimik akong umiiyak at nakatukod ang aking mga kamay sa pader.
Hindi na niya ko maalala, hindi na ko maalala ng asawa ko. Ilang minuto ako nasa ganoong posisyon ay nagpasya na akong lumabas baka magtaka na si celestine. Nakita ko naman siyang nakatayo malapit sa sink at parang hindi mapakali lumapit naman ako kagad sa kanya.
"Hey baby are you okay?”
"Na-napaihi ako eh, hindi ko alam kung nasan yung banyo," naiiyak niyang turan sa'kin.
"Sssshh.. Don’t cry it's okay let me clean you first hmm?”
"Magagalit sa'kin si Doc Wallace eh”
"No baby, hindi siya magagalit"
"Ayoko! Magseselos siya kapag may ibang lalaki na lumalapit sa'kin, ayokong magalit siya sa'kin!” Napamaang ako sa kanyang sinabi, naluluha akong tinitigan siya at hinawakan ang kanyang mga kamay.
"Binilin ka kasi niya sa'kin ang sabi niya alagaan daw kitang mabuti, baka magalit kasi siya sa'kin kapag hindi ko siya sinunod"
"G-ganon ba? Kailan ba siya uuwi? Namimiss ko na kasi siya eh"
"Dont worry ba__, ah Celestine uuwi din siya, gusto mo bang sunduin ko siya para sayo?”
"Talaga? Gagawin mo yun?!” Kita ko naman na nagningning ang kanyang mga mata sa sinabi ko. Gusto ko siyang yakapin ng magigpit at halikan pero hindi pwede, dahil baka bigla siyang matakot at magulat kapag ginawa ko yon. Hindi niya ko kilala, pero ang pangalan ko ang palagi niyang binabanggit.
Nang matapos ko na siyang palitan ay nag-ayos naman ako ng sarili para pumunta sa ospital dahil marami na rin akong naiwang trabaho. Pinakiusapan ko na lang ang aking ina at ama na sila muna ang magbantay kay Celestine at sa susunod na araw naman sila mama celicia. Hindi ko pwedeng iwan mag-isa ang asawa ko at ayoko din naman kumuha ng private nurse na mag-aalaga sa kanya. Napagpasyahan namin na kami na lang ang mag-aalaga sa kanya sa mga natitira niya pang mga bwan dahil hindi namin alam kung kailan siya kukunin sa'min.
Sa ngayon ay hindi ko na muna iniisip ang mga bagay na yun, ang mahalaga sa'min ay mapagtuunan ng panahon at pagmamahal si Celestine. Ilang sandali pa ay dumating na sa condo namin ang aking mga magulang bago pa ko makaalis.
"Ma, pa, kayo na muna ang bahala kay celestine ha? Pasensya na po kung medyo naaabala ko kayo at nahihirapan sa pag-aalaga sa kanya"
"Hijo, anak na rin namin si Celestine at gusto din namin siyang alagaan kaya wag ka ng mag-alala pa sa amin ng papa mo"
"Oo nga anak kami na ang bahala ng mama mo kay Celestine"
"Salamat po,” sinulyapan ko naman si Celestine na nakaupo sa pang isahang upuan at seryosong nanonood ng t.v, nilapitan ko naman ito.
"Celestine, aalis muna ko ha? Sila muna ang magbabantay sayo," turo ko sa aking mga magulang.
"Saan ka pupunta? Susunduin mo na ba si Doc Wallace?” Tumango lamang ako sa kanya at tipid na ngumiti.
"Sige pagluluto ko siya, paborito niya kasi yung hamonado eh alam mo ba natutuwa ako kapag pinagluluto ko siya kasi gustong gusto niya yung mga niluluto ko," tumalikod naman ako sa kanya para hindi niya mahalata ang pagdaloy ng aking luha, nakita ko naman si mama na pinunasan din ang kanyang mga luha. Lumapit naman si mama kay Celestine.
"Ah hija gusto mo bang tulungan kitang ipagluto si Wallace?”
"Talaga po?!”
"Oo naman! Mamaya tutulungan kita I'm sure magugustuhan niya lalo yung luto mo," masayang turan ni mama kay Celestine.
"Sige ma mauna na po ako, pa"
"Sige hijo mag-iingat ka," sabay tapik sa akin ni papa sa aking balikat. Nang makalabas na ko ng condo sumandal naman ako sa may pintuan at doon ay hindi ko na napigilan ang mapaiyak. Ang sakit sa dibdib na ngayon ay hindi ka na kilala ng asawa mo, at mananatili ka na lang ala-ala sa puso nito.