HINDI makagalaw si Patrice sa kinauupuan. Hindi siya halos humihinga nang tumayo si Calden sa tabi niya at ibinuka ang mga bisig. “Hindi mo man lang ako babatiin?” tanong nito.
Mahinay siyang kumaway dito. “H-Hi!” Tumayo siya at kinamayan ito. “Kumusta ka?”
“I am good,” sabi nito at hinawakan ang kamay niya sabay hatak sa kanya para yakapin. “Now, I feel awesome.”
Awesome din naman ang pakiramdam ni Patrice habang nasa mga bisig ng lalaking mahal niya. Pero hindi sa harap ng ibang tao. Nagtatago sila, di ba? Sekreto ang ugnayan nila. Ano bang ginagawa nito?
Sinubukan niyang kumawala sa binata at binaklas ang braso nito na nakapulupot sa kanya. “Calden...” At saka alanganing ngumiti kay Doc Peralta.
Ngumiti din ang doktor sa kanya. “Siguro nahihiya ang girlfriend mo, Calden. Sa balkonahe muna ako habang nagdi-dinner kayo. Tatawagan ko lang ang asawa ko. Bigla ko siyang na-miss. Nakakakilig talagang maging bata.” At lumabas na ang mas matandang lalaki.
Tinampal niya ang braso ng lalaki. “Calden, anong ginagawa mo dito?”
“Nandito ako para sa dinner natin gaya ng pangako ko sa iyo.” Kumalas ito sa kanya at ipinaghila siya ng upuan. “Take a seat. Gutom na rin ako. Mahirap sumayaw at kumanta para sa sampung mga bata. They are demanding.”
“Kagagaling mo lang kay Andrea?” tukoy niya sa batang nanalo sa bidding. “Siguro naman napasaya mo ang kaibigan niyang may sakit.”
“Yes. At binanggit din niya si Miss Pastillas na tumulong sa kanya para manalo sa bidding. She is your fan now.”
“At paanong nangyari na ikaw ang ka-dinner ko ngayon?” tanong niya. Lumabi siya. “Akala ko talaga drawing lang ‘yung sinabi mo.”
Kinudlitan nito ang dulo ng ilong niya. “Napag-isipan ko na ito. Si Ninong Doc ang hiningan ko ng tulong para makasama ka.”
Kaya pala sinadya ng doktor na sa isang restaurant sila na may private room mag-dinner. May kalayuan din ang mesa ng mga crew ng network na kasama nila para hindi sila basta-basta malapitan ni Calden.
“Hindi ba siya magsusumbong kay Tita Mina?” tanong niya.
Kinindatan siya nito. “He is on our side. Believe me.”
Ginagap niya ang kamay nito at pinisil. “Thanks, Calden. Napasaya mo talaga ako ngayong gabi.”
Kinintalan nito ng halik ang likod ng palad niya. “I really want to be with you. Let’s enjoy our dinner. Thirty minutes na lang ang natitira sa atin.”
Thirty minutes lang pero sapat na iyon para baguhin ang mood niya. Sapat na iyon para maging masaya siya. Si Calden pa rin ang may kayang bumuo ng araw niya. At naa-appreciate talaga niya na nag-e-effort ito para makasama siya.
“Nililigawan mo ba ulit ako?” tanong ni Patrice dito.
“Ano sa palagay mo?” nakangiting tanong ng binata. “Sasagutin mo na ako?”
“Calden, alam mo na may kanya-kanya pa tayong obligasyon. Pare-pareho tayong may responsibilidad sa paningin ng maraming tao. Kahit na sagutin pa ulit kita ngayon, it won’t work. Bumalik lang tayo sa dati.”
“But an improved version. I am trying my best to spend more time with you.”
“Pero nagtatago pa rin,” giit niya at natahimik ang lalaki.
“Hanggang kailan mo kailangang magpanggap na gusto mo ang lalaking pipiliin mo sa dating game?” tanong nito sa kanya.
“A month, three months,” usal niya. “Hindi naman kami obligado na maging kami. I have school. At siguro naman siya magkakaroon din ng sariling buhay. Maybe we can go out as friends. Naging kaibigan ko naman na talaga ang mga manliligaw ko sa show. At kayo ni Darling, anong plano mo?”
“The network decided to give our loveteam a rest. Magsasawa ang mga tao kapag kami ang laging magkasama. Plano ko rin sumubok sa theater. At gusto ko rin na unti-unti kang ligawan nang hindi nagtatago.”
Nahigit niya ang hininga. “Calden, seryoso ka ba diyan? Alam mo bang sugal iyan?”
Tumango ito. “Alam ko. My career would be at stake. Pero gaya mo, ayoko nang magtago habambuhay. I want the world to know that you are my girl. Kung natatakot ka sa sasabihin ng iba, huwag mo muna akong sagutin.”
“Kompiyansa ka naman na sasagutin ka agad kita?”
Ngumiti ito at sumilay ang dimples nito. “Hindi ba? Pwede mo naman akong sagutin kapag tapos ka na ng college o kapag stable na ang trabaho mo. Gusto kong malaman mo na handa akong maghintay sa iyo. I want you to know that you are worth it. At kahit anong magiging kapalit ay haharapin ko.”
Tumayo siya at lumigid sa kinauupuan nito. Sinapo niya ito sa magkabilang pisngi. “Hindi ko alam kung katangahan o katapangan ang gagawin mo. Pero lalo lang kitang minahal dahil diyan.”
She kissed him with on the lips with so much love and passion. Sa lahat ng effort na ibinigay nito para makasama siya, he definitely deserved a kiss. Hindi niya inaasahan na handang gawin ni Calden ito para sa kanya. Gusto talaga siya nitong makasama. Hindi naman masisisi ang puso niya kung mahalin ulit ito.
“Hindi ito magugustuhan ni Tita Mina,” paalala ni Patrice sa binata.
“I am old enough to decide. It is between the two of us. Ako ang bahalang kumausap kay Mommy. Okay? Ayokong isipin mo iyon.”
Tumango siya at niyakap si Calden. “Hindi mo naman ito kailangang gawin, Calden, pero salamat. Salamat dahil pwede mo naman akong kalimutan na lang at mas hindi komplikado ang buhay. Yet here you are, doing everything to keep me. Calden, handa naman akong maghintay sa tamang panahon para sa atin. Hindi mo kailangang magsakripisyo.” Sanay naman siya doon sa simula pa lang ng relasyon nila.
“Basta hayaan mo lang ako. Okay?”
Ngumiti siya. “Okay.”
“MADAMI pa palang Pinoy na nakaka-appreciate ng magandang tula. Pero nagulat talaga ako na may mga batang foreigner pa na nasa audience at gustong magpaturo sa akin. Nakaka-proud na maging Pilipino,” anang si Raymark na ikinukwento ang pagtula nito sa isang international school bilang pagtupad nito sa napag-usapan sa auction.
Nasa swimming pool si Patrice kasama ang mga manliligaw at nag-share sila ng kanya-kanyang karanasan sa nagdaang araw kung saan tinupad nila ang ipinangakong tulong sa Helping Hands Foundation sa pagbibigay ng oras at talento nila bilang kapalit ng bid sa kanila sa auction.