Chapter WAGW 34

Kanya-kanyang karanasan ang ibinihagi ng mga ito at nakita niya ang pagmamalaki sa anyo ng mga ito dahil di lang nakatulong ang mga ito sa iba. Nagawa din ng mga ito na ibahagi ang talento sa mas maraming tao na di naman naipapakita sa programa nila. Tumaas din ang confidence ng mga kasama. Natutuwa din ang mga ito sa dami ng mga fans nito ngayon.

“Kumusta naman ang date mo, Patrice?” tanong ni Jess.

“Good. Mabait naman si Doc Peralta at dati pa pala siyang tumutulong sa mga nasa center.” Kinagat niya ang pang-ibabang labi pero di mapigilang ngumiti nang maalala kung paano siyang sinorpresa ni Calden sa dinner date na iyon. “Basta! Masaya ang naging dinner namin.”

“Bakit parang kinikilig ka?” puna ni Sullivan na nakasandig sa may gilid ng pool habang walang kiyemeng ibilad ang magandang katawan nito habang naka-swimmming trunks lang. “Huwag mong sabihing crush mo ang doktor na iyon na hindi naman kaguwapuhan. Mayaman lang.”

“Natutuwa lang ako sa kanya dahil inalok niya ako na maging endorser niya sa clinic. Malalaking personality lang ang inaalok niya na maging parte ng clinic niya,” palusot ng dalaga at lumangoy para maiwasan ang nanunuring tingin ng mga ito.

Hanggang nang umagang iyon ay dala niya ang saya sa date nila ni Calden. Sa loob ng kalahating oras ay mas marami pa silang napag-usapan kaysa nang huling taon ng relasyon nila. Quality time ang maitatawag niya doon. Kailangan lang magmadaling umalis ang binata bago pa magsibalik ang crew para kuhanan sila ng interview ni Doctor Peralta para sa date nila.

Bagamat masaya siya dahil plano ng binata na ipaalam sa publiko ang panunuyo sa kanya makalipas ang ilang buwan, ayaw niyang sayangin nito ang magagandang pagkakataon na dumadating dito. Naiintindihan na niya ngayon ang mundong ginagalawan nito. Sa isang banda, di naman niya ito masisisi lalo na kung nais nitong maging totoo sa nararamdaman nito. At hindi madali na mabuhay sa pagkukunwari. Mahirap dayain ang puso.

Naputol ang pagmumuni-muni niya nang may narinig siyang lumabusaw sa tubig. Umahon siya at nagulat nang may tumama sa ulo niya. “Anong.... Sinong namato?” tanong niya at binigyan ng matalim na tingin ang mga kasama. Baka may nangungulit na naman sa kanya.

Subalit pati pala ang mga kasama niya ay tinatamaan din ng bato. Galing sa labas ng bakod ang bato. “Hoy! Malandi kang babae ka! Lumabas ka diyan!”

“Di ka na nasiyahan sa madaming manliligaw mo, pati si Calden gusto mo ring makuha. Lumabas ka dito para makalbo ka namin! Kiri!” sigaw ng isa pang babae. At nagsunud-sunod na ang di magagandang sinasabi sa kanya.

Hinawakan ni Sullivan ang balikat niya at pinrotektahan ang katawan niya mula sa umuulang bato habang umaahon sa pool. “Doon na tayo sa loob ng mansion.”

“Bakit galit na galit siya sa iyo dahil kay Calden?” tanong ni Chard. “Dahil pa rin ba sa nangyari sa concert?”

“H-Hindi ko alam,” usal niya habang nangangatog sa lamig at takot. Masyado na yatang late ang reaction ng mga ito. Dahil ba sa party? Saglit lang naman silang nag-usap noon at kasama pa si Darling.

“Boys, pumasok na kayo sa loob,” anang si Kara na siya pa mismong sumalubong sa kanila. “Patrice, magbihis ka at tumuloy ka sa conference room. May importante tayong pag-uusapan.”

Malakas ang kabog ng dibdib ni Patrice nang pumunta sa conference room. Si Kara lang ang nandoon at di niya alam kung bakit mas lalo siyang kinabahan. Matiim ang anyo nito nang ilahad ang kamay. “Sit. Gusto ko na tayo munang dalawa ang mag-usap bago pa ito makarating sa mga executive at head. Gusto mo bang sabihin sa akin kung ano ang mayroon sa inyo ni Calden?”

Umiling siya. “W-Wala naman pong namamagitan sa amin ni Calden.”

Tumaas ang kilay nito. “Sigurado ka? Ipaliwanag mo ito sa akin ngayon.”

Pinindot nito ang remote control at lumabas sa LED screen ang video nila ni Calden noong nagdi-dinner sila sa private area ng restaurant. Parang pinipiga ang puso niya dahil ang nakita lang doon ay nang lumapit siya kay Calden at halikan ito.

“Ito ang kumakalat sa internet ngayon. Ang video ng dapat ay date mo kasama ang sikat na dermatologist na si Doctor Peralta pero si Calden ang nandoon. Kuha ito ng isa sa mga waiter sa restaurant. At base sa video, parang lumalabas na inaakit mo si Calden. Kaya nagwawala ngayon ang mga fans niya di lang sa internet kundi sa labas. Ipaliwanag mo nga ito ngayon.”

Nangilid ang luha sa mata niya at umiling. “W-Wala po akong kailangang ipaliwanag,” aniya sa nanginginig na mga labi. “S-Sorry po kung nangyayari ang gulo na ito, Miss Kara. I am sorry.” At napahagulgol siya ng iyak. Alam naman niya na malaki ang impact ng video na iyon di lang sa kanya kundi pati kay Calden.

Umuklo ang babae sa harap niya at ginagap ang kamay niya. “Huwag kang matakot, Patrice. Kakampi mo ako dito. Sabihin mo sa akin kung may relasyon kayo ni Calden. Kung gusto ka rin niya. Di naman patas na ikaw ang lumalabas na masama. Sabihin mo sa akin kung ano ba siya sa buhay mo. Tutulungan kita na linisin ang pangalan mo. Kilala kita. Hindi ka katulad ng ibinibintang nila sa iyo.”

Pinagmasdan niya ang babae. Di niya alam kung totoong concern ito sa kanya o sa show lang pero alam niyang ito ang makakatulong sa kanya kung sasabihin niya dito ang totoo. Kung sasabihin niya na si Calden ang dating nobyo niya at mahal pa rin nila ang isa’t isa hanggang ngayon, hindi na magiging ganoon kasama ang tingin sa kanya ng mga tao. Mas mauunawaan ng mga ito ang sitwasyon nila.

Pero oras na gawin niya iyon ay siya mismo ang sisira sa non-disclosure agreement kung saan di niya babanggitin ang tungkol sa dating nobyo. Nangako siya kay Calden at sa nanay nito na mananatiling sekreto ang relasyon nila ni Calden noon. Parang sinira na rin niya ang pangako sa mga ito kapag ginawa niya iyon. Kung may lalabas man tungkol sa relasyon nila ni Calden, ayaw niyang manggaling sa kanya.

Mariin siyang pumikit. “W-Wala po kaming relasyon. I-Inakit ko po siya. Sino ba naman po ang hindi magkakagusto kay Calden?”

Hinawakan siya ni Kara sa magkabilang pisngi at pilit na hinuli ang mga mata niya. “Patrice, alam kong hindi ka nagsasabi ng totoo. Ano bang meron kay Calden at pinoprotektahan ka niya ng ganyan? Nakikita ko na gusto ka niya. Kahit sa concert pa lang at noong ma-interview siya tungkol sa iyo, dati ka pa niya gusto. Sabihin mo na lang ang totoo. I will back you.”

Umiling siya. “Kung ano po ang sinabi ko, iyon po talaga ang totoo.”

Hindi niya kayang traidurin si Calden. Handa siyang magsakripisyo para sa kay Calden. Di niya hahayaang masira ang lahat ng pinagpaguran nito. Ayos lang kung siya ang pag-usapan. Pwede naman siyang umalis sa showbiz matapos ito. Di naman siya kawalan. Pero kay Calden, mas malaki ang mawawala dito. Ilang taon nitong pinaghirapan ang career nito. Masisira lang ang lahat at tiyak na lalong di siya matatanggap ng nanay nito. Pati pamilya nito ay masisira din. Hindi niya kayang gawin iyon kay Calden.

Huminga ito ng malalim at tumayo nang may kumatok sa pinto. “Nanay Lita, kayo na po ang kumausap kay Patrice. Baka po makumbinsi ninyo siya na baguhin ang isip niya tungkol kay Calden.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.