Chapter WAGW 35

Niyakap ni Patrice ang ina at napahagulgol siya ng iyak. Hinaplos lang nito ang buhok niya at ang likod niya. “Naipanood na sa akin nila Abegail ang nangyari. Ano ba talaga ang nangyari, anak? Gusto kong marinig mula mismo sa iyo.”

“Si Calden mo po talaga ang kasama kong mag-dinner. Sinadya po niyang ninong niya ang manalo sa bidding para magkasama kami. Mahal pa rin po niya ako, Nanay. Hindi naman po namin alam na may ibang nakakita sa amin.”

Bumuntong-hininga ito. “At anong plano mo ngayong alam na ng lahat ang tungkol sa lihim ninyong pagkikita? Sasabihin mo na ba ang tungkol sa inyo ni Calden?”

“Hindi ko po kayang sabihin. Nangako po ako na ililihim ko po iyon.”

“Pero di ka man lang ba niya tutulungan na malinis ang pangalan mo?”

“H-Hindi ko po alam. Si Tita Mina po ang kumokontrol sa career ni Calden.”

“Anong plano niya sa iyo? Ikaw ang naiipit dito. Kung mahal ka niya, dapat ka niyang tulungan sa problema na pareho namang kayo ang gumawa. Di naman ako papayag na ikaw na lang nang ikaw ang magdadala nito. Anak, di kita pinasali dito para sumama lang ang reputasyon mo. Hindi ka naman mababang klase ng babae gaya ng gustong palabasin ng naglabas ng video na iyan. Kung ilalabas mo ang totoo, iyon ang magpapalaya sa iyo.”

Pinisil niya ang kamay ng ina. “Nay, kung magsasalita po si Calden, sa kanya po manggagaling iyon. Di ko po pwedeng pangunahan siya dahil nangako ako.”

“At kung pabayaan ka na lang niya para sagipin ang career niya?”

Huminga siya ng malalim. “Haharapin ko po ang lahat.”

“Magsasakripisyo ka para kay Calden?”

“Alam ko po mahirap itong tanggapin para sa inyo pero lilipas din po ito, Nay.” Subalit sa kaibuturan ng puso niya ay umaasa siya na nariyan pa rin si Calden para sa kanya. Hindi siya nito bibitawan at tutuparin nito ang pangako na sasabihin nito sa mundo na siya ang babaeng mahal nito.

“ANG kapal talaga ng mukha ng Sari at Chynna na ito. Sila daw nakakaalam ng sekreto mo dahil friends kayo. Gawa-gawa mo lang daw ang video at kunyari may ex-boyfriend ka para lang mapag-usapan. E kung ipakaladkad ko kaya sa ferry ng Pasig River ang dalawang iyan para magtanda. Sila nga itong gagawa-gawa ng kwento para lang sumikat. How cheap!” panggagalaiti ni Desmond.

Tulala lang si Patrice habang inaayusan siya ng buhok para sa pagharap niya sa mga manliligaw niya. Buong araw na di napahinga ang isip niya at ang lahat ng staff ng You’re The One For Me sa kagustuhang aregluhin ang eskandalo sa pagitan nila ni Calden. They decided to proceed with the show. Plano nilang huwag pag-usapan ang isyu sa harap ng camera at kontrolin iyon. Pero desisyon ni Patrice na ipaalam sa mga manliligaw niya kung ano ang totoong nangyari.

Sa desisyon din ng mga ito nakasalalay kung sino ang aalis sa mansyon sa gabing iyon. Kung saka-sakaling maubos ang manliligaw niya, malaking gulo iyon kung sakali dahil may mahigit isang linggo pa silang natitira sa show. Hindi pa handa ang susunod sa kanila. Di rin naman maaring basta na lang putulin ang programa. Hanggan ngayon ay nagbe-brainstorming pa ang staff sa magiging script nila sa mga dadating na araw. Alam niyang hindi magiging madali ang lahat lalo na’t kaibigan na niya ang mga ito. Kahit di totoo para sa kanya ang ligawan na iyon, alam niyang ang iba sa mga ito ay umaasa na mapapalapit ang mga ito sa puso niya.

“Gusto mo bang patulan ko itong mga bruhang ito?” tanong ni Desmond. “Sasabihin ko na sa kanila ang totoo...”

Itinaas niya ang kamay. “Hayaan mo na lang sila. Ayoko nang palalain ang gulo. Mas mabuti kung sa kampo mismo ni Calden manggagaling ang statement.”

“Iyon nga. No comment daw sila. Magsasalita daw sila in due time,” sabi ni Matilda at huminga ng malalim. “Mukhang walang balak si Calden na depensahan ka.”

“O pinipigilan siya ng nanay niya,” pasubali ni Desmond. “Alam mo naman na di papayag si Tita Mina na masira ang career ng anak niya. Hinding-hindi siya papayag na madehado si Calden sa isyu na ito. Walang magtatanggol sa iyo kundi ikaw lang. Kung makikita mo lang ang sinasabi sa iyo ng mga tao, di mo masisikmura. Akala mo naman pagkadumi-dumi mo nang babae kung maka-haliparot sila.”

Tipid siyang ngumiti. “Ilang araw na lang naman ako dito sa TV. Matatapos na rin ang dating game na ito. Makakabalik na ako sa normal kong buhay at makakapag-focus na ako sa pag-aaralan ko. Lilipas din iyan dahil may bago na namang pag-uusapan ang mga tao.”

Niyakap siya ni Matilda. “Pero di ko kayang manahimik na lang nang walang ginagawa para sa iyo. Kung alam ko lang na ganito ang gagawin sa iyo ni Calden, di ko na sana hinayaang makalapit pa siya sa iyo. Di ka naman niya kayang pangatawanan.”

Hinaplos niya ang buhok ng kaibigan. “Okay na ako. Huwag mo na akong paiyakin. Kaya ko ito. Simpleng pagsubok lang ito. Kapag naka-graduate na tayo at may totoong trabaho, mas matindi pa dito ang haharapin natin. OJT lang ito.”

“Magiging matatag din kami para sa iyo, friend,” sabi ni Desmond at yumakap din sa kanila.

Lumingon siya sa nanay niya na tahimik lang na umiiyak sa isang tabi kahit na nasasaktan. Handa ang nanay niya na protektahan siya at wala itong pakialam kung magalit man sa kanya si Calden at ang nanay nito. Pero sa huli ay hinayaan siya nitong magdesisyon para sa sarili niya. Mas madami daw siyang matututunan sa buhay kung magagawa niyang panindigan at resolbahin ang mga problemang napapasukan niya. May tiwala daw ito sa kaya niyang gawin. Ang mahalaga daw ay naroon ito para gabayan siya pero sa huli ay siya pa rin ang magdedesisyon.

Mula sa taas ng hagdan ay nakita niyang nag-uusap-usap ang mga manliligaw niya. Tapos na ang mga ito na panoorin ang video nila ni Calden. Natahimik ang mga ito nang bumaba siya ng hagdan. Tumayo siya sa harap ng mga ito. Hiniling niya na huwag nang i-cover pa ang isang iyon. Gusto niyang maging pribado ang lahat.

Iba’t iba ang anyo ng mga manliligaw niya nang tumayo siya sa harap ng mga ito. May malungkot, may nakasimangot, may galit at may tulala. Pinagsalikop niya ang palad. “Guys, siguro napanood ninyo ang video. Sorry kung...”

Biglang tumayo si Chard. “Sorry? Sorry lang ang sasabihin mo? Saglit ka lang nawala dito sa mansion, doon ka na agad sa Calden na iyon. Ang taas-taas pa mandin ng tingin ko sa iyo tapos ganyan ka.”

“Easy lang, dude. Di naman natin alam ang buong pangyayari,” pagpapakalma ni Jess sa lalaki.

“Ang sakit kasi, pare. Napapamahal na ako sa kanya. Akala ko siya na ang pinaka-ideal na babae para sa akin tapos gagaguhin lang ako, tayo,” sabi ni Chard na mangiyak-ngiyak na.

“Sorry,” nakayuko niyang usal at di mapigilang umiyak. “Hindi ko naman sinadya na saktan kayo. Nangyari na lang kasi.” Huminga siya ng malalim at lakas-loob na tiningnan ang mga ito. Gusto niyang sabihin sa mga ito na mahal niya si Calden. Ito lang ang unang lalaking minahal niya. Baka sakaling maintindihan siya ng mga ito. Pero di pa rin niya pwedeng sabihin ang katotohanan kahit na walang camera. “Hindi ko kayo masisisi kung ayaw na ninyong ituloy ang pananatili dito sa mansion. Kung ayaw na ninyo akong makita. Thank you dahil hinayaan ninyo akong maging parte ng buhay ninyo. At kahit anong mangyari, kaibigan ko pa rin kayo.”

“Iyon din pala ang bagsak ng lahat. Kaibigan lang,” sabi ni Chard at nagdadabg na umakyat ng hagdan. “Mag-eempake na ako. Ayoko nang maging parte ng kalokohan na ito.”

Tumayo siya at lumabas ng mansion para magtungo sa hardin. Napaalis na doon ang mga fans ni Calden na nagpoprotesta laban sa kanya. Parang napakasama na niyang babae ngayon dahil kay Calden. Siguro ay isang mang-aagaw din at babaeng di masiyahan sa lalaki ang tingin sa kanya ng mga manliligaw niya.

“Patrice,” untag sa kanya ni Jess na nakatayo sa harap niya.

“Aalis ka na rin ba?”

“I like you a lot. Kahit noong mapanood ko pa lang ang video mo, alam ko na gusto na kita. I will even stay even you want to.”

“G-Gusto mong maiwan dito?”

“Kung sasabihin mo sa akin na hindi mo gusto si Calden Faulkner. Na nagkamali ka lang talaga sa kanya,” puno ng pag-asam na sabi nito.

Yumuko siya. “H-Hindi ko kayang magsinungaling sa iyo. Gusto ko siya dati pa.”

“Ibig sabihin kahit na piliin mo ako sa dulo nito, hindi pa rin magiging sa akin ang puso mo.”

“I am sorry,” sabi niya.

“It is okay.” Malungkot itong ngumiti. “I just hope that he is worth it.”

Si Raymark at nagpaalam din sa kanya dahil nararamdaman nito na isang kaibigan lang ang tingin niya dito. Ang presensiya daw ni Calden sa buhay niya ang patunay na wala itong pag-asa.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.