Chapter WAGW 36

Sumunod siyang kinausap nina Sullivan at Topher. “Aalis ba kayo? Iiwan na ninyo ako?” tanong niya.

“I am staying,” sabi ni Sullivan. “Wala akong pakialam sa Calden na iyon. Kasi alam ko sa huli ako rin ang pipiliin mo. Kung ako na lang ang matitira, mas mabuti para sa akin.” Saka ito ngumisi kay Topher.

“Hindi rin kita susukuan,” maagap na sabi ni Topher at bahagyang ginitgit si Sullivan. “Ipinangako ko sa sarili ko na kapag nagustuhan ko ulit ang isang babae, siya na. Kaya ikaw na ang para sa akin. Di na ako pwedeng magkamali.”

“Gusto kong maging totoo sa inyo. Hindi ko naman pwedeng turuan ang puso ko na mahalin na lang kayo sa loob ng maigsing panahon. This dating game is just a show. Kailangan ko pa ring mamili sa huli, mahal ko man o hindi.”

“Alam ko naman na laro lang ang lahat ng ito,” puno ng kompiyansang sabi ni Sullivan. “Handa akong magpanggap na smitten suitor o boyfriend para sa iyo. Wala akong kahit anong ilusyon na mamahalin mo ako at alam ko na hindi ka rin mai-in love sa akin.”

“Kahit na hindi mo ako gusto, nandito pa rin ako para sa iyo. Kung ano lang ang kaya mong ibigay, handa akong tanggapin,” sabi naman ni Topher at pilit na ngumiti. “Basta nandito lang ako para sa iyo.”

“Salamat,” aniya at inilahad ang kamay sa dalawa. “Tapusin natin ang show na ito. Ayokong biguin ang mga taong nagtiwala sa akin.” Her heart could take it for now. Fake it til you make it, Patrice. Things will be better.

“KAHIT kailan palpak ka, Sullivan. Pinagmukha mong tanga ang pamilya natin. Why did you stay with that bitch? She was cavorting with another man. Nakita na ng buong mundo kung gaano kababa siyang babae. Tapos gusto mo pa rin siya? Pati ako gagawin mong katatawanan sa eleksyon. That woman won’t help us.”

Naggiyagis ang ngipin ni Patrice habang pinapanood ang pagtatalo nina Sullivan at ng ama nito na isang negosyante at may stocks sa Star Network. Hindi niya inaasahan na iyon ang sasalubong sa kanya sa pagdalaw niya sa pamilya ng mga ito sa Dasmarinas, Cavite.

“Franklin, huwag mo namang pagalitan ang anak mo sa harap ng bisita,” babala ng mabait na ina ni Sullivan.

“I don’t care. Tauhan lang silang lahat sa kompanya. I own them including that woman!” anang ama ni Sullivan at itinuro siya. “And stop playing that video.”

“Gusto ninyong manalo ako? Nandito na ako sa finals. Dalawa na lang kami ni Topher na pagpipilian niya. And I am doing my best to be a winner, like you want me to. Tinutupad ko ang pangako sa inyo na di ako uuwing talunan.”

“Di mo talaga ginagamit ang sentido mo. Kahit kailan palpak ka. Hindi kita mapapakibangan.”

“What else do you want from me, Dad? Iniwan ko na nga ang girlfriend ko at ang magiging anak namin para lang pasayahin kayo. Wala na akong ginawang tama.” Hinila ni Sullivan ang braso niya. “Let’s go, Patrice. This meet the family thing is a disaster.”

Napabalikwas si Patrice mula sa panaginip niya at nagulat nang makitang wala na siya sa villa ng pamilya ni Sullivan kundi nasa loob ng van na patungong Bicol kung saan dadalawin nila ang pamilya ni Topher. Pawis na pawis siya sa kabila ng malamig na aircon at humihingal sa pagod na akala mo ay bumalik siya sa sala ng bahay nila Sullivan at inuuri siya ng ama nito. Panaginip lang pala ang lahat.

“O! Bakit?” tanong ni Desmond at inabutan siya ng mineral water. “Mukhang masama ang panaginip mo.”

“Napanaginipan ko na naman nang dumalaw kami sa bahay nila Sullivan,” aniya at tumungga ng tubig.

It was a traumatic experience on her part. Kaya naman pala ayaw mawala ni Sullivan sa naturang dating game ay dahil sa exposure na makukuha nito sa telebisyon at mas magiging madali sa ama nito na lumahok sa pulitika. Natuloy pa rin naman ang meet the family niya sa pamilya ni Sullivan pero di na kasama ang ama nito. Mabait ang nanay at kapatid na babae ng binata pero di mawala sa isip niya ang babaeng iniwan nito para lang manatili ang magandang pangalan ng pamilya nito. Anak ng isang prostitute ang nobya nito na isang saleslady sa department store. Pinaghiwalay ang mga ito ng ama ng binata. Nasusustentuhan ng ina ni Sullivan ang buntis na nobya ng binata basta huwag itong lalabas sa publiko para di makasira sa political career ng ama. Pero sa huli ay parang nauwi rin sa wala ang paghihirap nito.

Ang di magandang reputasyong nakuha niya dahil sa pagkaka-expose ng mga larawan nila ni Calden. She was villified left and right. At wala man lang inilabas na statement ang binata para ipagtanggol siya. Parang nagpatuloy lang ang buhay nito. As if she didn’t exist. Maging ang kaibigan niyang si Totoy Biloy ay di na nagbukas ng account nito o nag-message man lang sa kanya. Nakakalungkot. Pakiramdam niya ay nawalan siya ng isang kaibigan. Ni hindi niya madepensahan ang sarili o masabi dito ang totoo niyang nararamdaman.

“Huwag kang mag-alala, Patrice. Iba naman ang pamilya ko. Basta mahal ko, tatanggapin nila ng buong-buo. Mababait din ang nanay at tatay ko. Naku! Iwe-welcome ka pa ng buong angkan ko,” sabi naman ni Topher.

Sa gitna ng niyugan sa Gumaca, Quezon ang bahay nila Topher. Walang internet ang pamilya nito pero may telebisyon naman. Mahina nga lang ang signal. Kaya naman may dala silang TV box para mas malinaw na makapanood ang mga ito. Maayos naman ang pagtanggap sa kanya ng pamilya ng binata pati na rin ang mga kaibigan nito. May ihinanda pa ngang programa ang baranggay para sa kanila na animo’y panauhing pandangal sila. Noon pa lang daw kasi nagkaroon ng tagadoon na lumabas sa TV kaya malaking karangalan sa mga ito si Topher.

“Sana piliin mo ang apo ko. At ipapamana ko sa inyo ang buong lupain ko,” sabi ng lola ni Topher.

Ngiti lang ang naisagot ni Patrice. Mas gusto niya ang maayos na pagtanggap ng pamilya ni Topher pero kailangan pa rin niyang pag-isipan. Ayaw niyang umasa ang mga ito na magiging seryoso sila ni Topher sa isa’t isa. Di yata niya kakayaning saktan ang mga ito. Pero sino ba ang mas karapat-dapat dito at kay Sullivan? Si Sullivan na mas dapat makasama ang mag-ina nito kaysa sa kanya.

Nagpapaalam siya sa pamilya ni Topher nang mapansin niyang nawawala ang binata. Pumunta siya sa likod-bahay at naabutang may kausap itong isang maganda at morenang babae na mukhang di nalalayo ang edad sa kanya. Tatawagin sana niya ang mga ito pero seryoso naman ang pag-uusap.

“Sobrang unfair mo, Topher. Masyado kang mapaghinala. Sabi ko gusto ko lang mag-aral muna at nasasakal na ako sa kasusunod mo sa puntong di ka na nag-aral para lang mabantayan ako. Wala akong ibang lalaki. Hindi kita niloko.”

“Melissa, t-totoo ba iyan? Walang ibang lalaki?” gulat na tanong ni Topher.

“Mahal kita. Gusto kong magpaliwanag sa iyo pero di mo ako pinakinggan. Alam mo kung ano ang masakit? ‘Yung babaeng ipinalit mo sa akin may ebidensiya na may kinakalantaring ibang lalaki pero pinili mo pa ring manatili sa tabi niya. Ang tanga-tanga mo, Topher.” At tinalikuran ito ng babae.

Dali-daling pumasok sa loob ng bahay si Patrice bago pa siya makita ng dalawa.

Nang bumalik si Topher sa bahay ay naghilamos agad ito sa may poso. Mukhang umiiyak ito. Pero nang humarap ito sa kanya ay nakangiti ito. “Pwede na ba tayong umuwi? Gusto ko nang bumalik sa mansyon.”

“Sigurado ka? Baka naman may kailangan ka pang ayusin dito.”

“Hindi. Okay na ako. Handang-handa na nga ako na piliin mo.”

Tumango na lang siya. Paano na si Melissa? Paano na ang babaeng mahal nito? Wala ba itong balak na ayusin man lang? O baka dahil sa pride kaya di nito hinabol si Melissa. Pride dahil ayaw nitong maniwala na mali ito. Ganoon kasi si Topher. Di nito alam na baka tuluyang mawala ang kaligayahan nito at ang babaeng totoong nagmamahal dito sa desisyon nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.