“ANAK, gusto mo ba talagang magtrabaho sa industriyang ito? Ito ba talaga ang buhay na gusto mo? Kailangang magpanggap ka para sa ibang tao dahil iyon ang nakakasaya sa kanila pero napakasama mo kapag sinunod mo ang sariling kaligayahan. Parang walang totoo sa mundong ito,” anang nanay ni Patrice na si Aling Lita habang nakaunan siya sa hita nito at hinahaplos nito ang buhok niya.
Nakasalampak sila sa buhanginan habang pinapanood ang paglubog ng araw. Nasa isang resort sila sa Bataan at dalawang araw na lang bago ang finale ng You’re the One For Me kung saan kailangan na niyang mamili kay Sullivan at Topher. Naglaan talaga ng panahon para makapag-relax siya at mapag-isipan ang desisyon niya.
“Nay, madali lang naman laruin ang industriya na ito,” aniya at pilit na ngumiti. “Tingnan ninyo, masama o pangit man ang balita tungkol sa akin, pag-uusapan ka pa rin ng mga tao.”
Nakatulong pa para tumaas ang ratings ang isyu sa kanya. Ganoon yata ang mga tao. Masaya na makita ang ibang tao na miserable. Maraming galit sa kanya pero walang pakialam ang management dahil ratings lang ang habol ng mga ito. Patuloy lang sila sa programa at di na pinag-usapan ang isyu tungkol kay Calden na parang di iyon nag-e-exist sa mundo nila. Natuto na lang siyang maging matigas.
Pinagmasdan siya nito. “Pero kilala kita, anak. Ang industriyang ito ay parang nakaka-corrupt ng kaluluwa. Alam ko na di ka masaya sa nangyayari. Nakikita ko na napapagod ka. Kung magtatrabaho ka sa industriyang ito, sana hindi na kailangang pati sarili mong kaligayahan at mga bagay na pinahahalagahan mo ay makokompromiso. At di ko maiwasang sisihin ang sarili ko kung bakit ginawa mo ito.”
Niyakap niya ito. “Nanay, kayo na rin po ang nagsabi na hindi ninyo ako mapoprotektahan sa lahat ng pagkakataon. Kailangan kong pangatawanan ang mga desisyon ko sa buhay. Siguro naman po pagpasok ko sa industriyang ito, hindi naman na mauulit ang pagsali ko sa reality show. May iba pa naman pong trabahong naghihintay sa akin kahit hindi sa harap ng camera. Gusto akong i-train ni Miss Kara para maging part ng staff niya.”
“Sana hindi na sa ganitong klaseng programa. Doon sana sa mas informative at di masyadong personal, anak. Ordinaryo at pribadong tao naman talaga tayo. Di sa binabalewala ko ang mga naitulong sa atin ng programang ito. Pero hindi rin naman tayo nagkaroon ng katahimikan. Gusto ko na lang matapos ang lahat.”
“Konti na lang po babalik na tayo sa dati.”
“Pero walang Calden sa buhay mo,” sabi nito.
“Hayaan na po natin iyon, Nay. Wala na po akong magagawa para sa amin.”
Malungkot siyang ngumiti. Tumigil na siya sa pakikibalita tungkol sa binata. Ang alam lang niya ay di ito gaanong visible sa social media. Puro promotion lang ng shows at programa nito ang nandoon. Umiiwas din ito sa mga reporter. Nag-aalala din siya kay Calden. Sa palagay niya ay may kumokontrol dito. Kahit ang numero nito ay hindi ma-contact ayon kay Desmond. Siguro ay tapos na ang lahat sa kanila. Hanggang doon na lang sila ni Calden.
Matapos ang hapunan ay nagtungo silang mag-ina sa gazebo kung saan nakahanda na daw ang hapunan. Mukhang espesyal iyon dahil nakaayos pa ang gazebo. Di naman nabanggit sa kanya kung iko-cover iyon. Nagulat sila nang sa halip na mga staff at crew, ang naabutan ay ang ina ni Calden na si Mina.
“Tita, ano pong ginagawa ninyo dito?” tanong ni Patrice at bahagyang umurong. Ito ang pinakahuling tao na nais niyang makita.
“Nagpahanda ako ng dinner. Have a seat,” sabi nito.
“Magpapakagutom na lang kami ng anak ko,” matigas na sabi ng nanay niya.
“Let’s be civilized. Pwede naman siguro ninyong gawin iyon,” malumanay na sabi ng babae.
“Kaya naming maging sibilisado. Kaya nga mas gusto namin na umiwas na lang dahil baka kung anu-ano na namang sabihin mo sa anak ko,” anang nanay niya.
“Kung ganoon, pagsabihan mo ang anak mo na layuan si Calden. She is a jinx. Nakita mo ba kung paano niyang sirain ang career ng anak ko? Nasira na ang loveteam nila ni Darling. Pati ang ratings ng show nila bumabagsak na rin habang umaangat naman ang cheap na dating game ng anak mo. Malas ang anak ko sa iyo.”
“Paano naman ang reputasyon ng anak ko?” depensa ng nanay niya. “Nagmamahalan sina Calden at Patrice. Anak ko ang nakipaghiwalay sa anak mo. Pero si Calden ang gumagawa ng paraan para magkita sila. Hindi ba sumama din ang reputasyon ng anak ko dahil sa nangyari? Sinalo na nga ni Patrice ang lahat ng sisi pero di ka pa rin masaya. Ano pa bang gusto mong gawin ng anak ko? Wala na siyang ginawang tama para sa iyo dahil masyado kang makasarili.”
Nanlaki ang mata ni Mina. “Anong sabi mo?”
“Gusto mo lang kung anong mapapakinabangan mo. Di mo iniisip kung ano ang magpapasaya sa anak mo,” palabang sabi ng nanay niya.
Ngumisi ang ina ni Calden. “Nagsalita ang nanay na hinayaang pilahan ng mga lalaki ang anak niya.”
“Mag-iingat ka sa pananalita mo. Huwag mong palalabasing mababang klaseng babae ang anak ko. Baka di ako makapagpigil at ibunyag ko ang totoo sa mga tao.”
“Don’t you even dare!” angil ni Mina.
Niyakap ni Patrice ang ina. “Nay, huwag po. Nangako ako kay Calden...”
“Pero hindi ako nangako ng kahit ano. Wala rin akong pinirmahang kontrata. Magpasalamat ang babaeng ito dahil mabait ang anak niya kung hindi, matagal na siyang nakatikim sa akin.”
“Wala kang alam sa showbiz. Ginagawa ko ang lahat para umayos ang buhay ng anak ko,” katwiran ni Mina.
“Bakit? Wala bang talento si Calden na di siya susuportahan ng mga tao kapag nalaman nkung ano talaga ang laman ng puso niya? Ikaw na nanay, dapat mo siyang protektahan. Dapat ibigay mo kung anong magpapasaya sa kanya. Nagsisikap naman ang anak mo para magkaroon ng magandang buhay. Bakit hindi mo man lang siya masuportahan? Mahirap bang ibigay iyon?”
Naningkit ang mga mata ni Mina. “Huwag mo akong turuan kung paano maging ina sa anak ko.”
Ginagap ng nanay niya ang kamay niya. “Mahal ko ang anak ko. At mahal ko rin si Calden bilang isang anak. Kung hindi man silang magkakatuluyan ng anak ko sa huli, basta makita ko lang siyang masaya. At sa kabila ng gulong ito, alam ko masaya ako para sa anak ko. Dahil nagsakripisyo siya para sa taong mahal niya. At nakita ko na naging masaya sila ni Calden. Maipagmamalaki ko rin at kahit humarap pa ako sa Diyos, hindi ako ang pumigil sa kaligayahan ng anak ko. Ikaw ba, kahit minsan sa buhay mo, natanong mo na ang anak mo kung ano ang nagpapasaya sa kanya at naibigay mo kahit na labag sa loob mo?”
“Halika na po, Nay,” sabi ni Patrice. “Umalis na po tayo.”
“Saan ba may turo-turo dito? Mas masaya siguro kung doon tayo mag-bonding,” sabi nito at naglakad sila palayo ng gazebo. “Hindi ko kailangan ng sosyal na pagkain sa resort na ito kung makakasalo ko lang ang babaeng iyon.”
Niyakap niya ang ina. “I love you, Nanay. Salamat po dahil ipinagtanggol ninyo ako.”
“Dati ko pa dapat ginawa iyon. Ikaw ang pinaka-importanteng tao sa akin. At di ako papayag na may pipigil pa sa kaligayahan mo. Kung anuman ang mga plano mo sa buhay, susuportahan ko,” anito at pinisil ang kamay niya. “Nandito lang ako para gabayan ka.”
Okay na si Patrice. Basta nariyan ang nanay niya, alam niyang magiging okay siya sa kabila ng mahihirap na pagsubok. Sana ay dumating ang panahon na ganoon din ang maranasan ni Calden.
“SAAN n’yo ba ako dadalhin?” kinakabahang tanong ni Patrice. Ang alam niya ay imi-meet niya ang dalawang manliligaw para sa isang dinner date. Bisperas iyon ng finale night nila at di niya alam kung para saan pa ang pagtatakip ng mga mata niya.
“Basta maghintay ka lang,” sabi ni Desmond na katabi niya sa van.
“I don’t know why I have a bad feeling about this,” usal niya.
“Relax. Nagpahanda lang naman ako ng stripper para sa iyo,” sabi ng kaibigan at humagikgik. “Parang despedida de soltera.”
“Wholesome lang tayo,” giit niya sa kaibigan. Puro talaga ito kalokohan.
Sinalubong siya ng katahimikan nang bumaba siya ng van at inakay siya sa paglalakad. Malakas ang kabog ng dibdib niya hanggang alalayan siyang umupo.
“Pwede mo nang tanggalin ang blindfold mo, Patrice,” narinig niyang utos sa kanya ni Vhon.
Nang tanggalin niya ang piring sa mata ay nagulat siya nang makitang nasa loob siya ng isa sa mga silid-aralan ng Central University of Asia. Sila lang dalawa ni Vhon ang nandoon at hindi naman inayusan ang silid para sa shoot. Parang isang ordinaryong araw sa paaralan pero siya na lang ang naiwang estudyante.
“Good evening, Patrice,” bati sa kanya ng host. “Alam ko na memorable sa iyo ang kuwartong ito dahil dito ka unang nagklase sa CUA. But more than that, dito mo rin unang nakilala ang taong mahalaga sa iyo. Ang ex-boyfriend mo.”
Kumunot ang noo niya. Di niya alam kung sasagot o hindi. “Y-Yes,” napipilitan niyang sagot. Dapat ba niyang banggitin ang non-disclosure clause ngayon?
“Bukas pipili ka sa dalawang makikisig na lalaki kung sino ang mas gusto mong maiwan sa puso mo. Pero di ka makakahakbang pasulong kung hindi mo pa nahaharap ang nakaraan mo. Kaya nandito ang ex-boyfriend mo para kausapin ka kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon.”
“E-Ex-boyfriend ko?” bulalas ng dalaga habang nakakunot ang noo.
Sinong ex-boyfriend ko? Imposible namang si Calden dahil guwardiyado ito ng ina. Di ito gagawa ng kahit ano na pwedeng lalong makasira ng career ng binata. Baka kung sino na lang ang kinuha ng mga ito para magpanggap na nobyo niya. Minsan naman ay ganoon sa mga programa. Ewan lang niya kung paanong pakikiharap niya sa fake ex-boyfriend niya. Baka magtatawa lang siya.
Subalit tumigil sa pagtibok ang puso niya nang isang pigura ang nakatayo sa pinto at may dalang bulaklak. Inilahad ni Vhon ang kamay sa lalaki at kinamayan ito. “Calden, thanks for coming.”
“Thank you for having me here and granting my request.”
“Naghihintay na sa iyo si Patrice. Mukhang marami kayong dapat na pag-usapan.” At lumabas ng silid ang host.
Saka lang nag-sink in sa dalaga na silang dalawa na lang ang nasa silid nang sumara ang pinto. Nilapitan niya ang binata. “Calden, anong ginagawa mo dito? Sinong nagsabi sa iyo na pumunta ka dito at magpakilalang ex-boyfriend ko?” natatarantang tanong niya. Kinalampag niya ang pinto. “Buksan ninyo ito.”
“Patrice, di ka nila pagbubuksan.”
“Anong hindi pagbubuksan? Kailangan mong makalabas dito. May panahon pa para bawiin mo ang sinabi mo. Siguro naman maiintindihan nila.”
“Ako mismo ang nag-utos sa kanila na huwag pagbubuksan ang pinto hangga’t di pa tayo tapos mag-usap. Nagpunta ako dito nang kusa.”
“Nababaliw ka na ba? Gusto mo bang masira ang career mo?” bulalas niya.
Nagkibit-balikat ang binata. “We are live right now.”