Chapter WAGW 38

“Live? Paanong naging live?” naguguluhang tanong ni Patrice.

Ngumiti ang binata na parang balewala lang dito pagpa-panic niya. “Napapanood na tayo ng buong Pilipinas. I think may live streaming din sila.”

“A-Ano? Ibig sabihin napapanood na tayo ng buong Pilipinas ngayon?” bulalas ng dala habang parang nanlalaki ang ulo. Wala na siyang itatago? Wala nang cut. Wala nang editing.

“Para alam ng lahat na kung anuman ang sasabihin ko ngayon, wala nang bawian. Wala nang take two. Gusto kong malaman ng lahat kung ano ang totoong nasa puso ko. Sinabi ko naman sa iyo na aaminin ko din sa lahat ang tungkol sa atin.”

“But not like this. Hindi... Hindi pa sa ngayon.”

“No. This is the perfect moment to tell everyone the truth.”

Totoo na ito. Nasa harap niya si Calden at ibinunyag na nito sa lahat ang tungkol sa kanila. Wala na siyang magagawa para protektahan ito. Mukhang handa na itong sirain ang career para lang sa kanya.

Iginiya siya ng binata pabalik sa upuan. “Naalala mo ba sa room na ito tayo unang nagkakikilala? Pagpasok ko sa kuwarto, naabutan ko na nilalait ka ng mga tao dahil sa tinda mong pastillas. Basta na lang akong bumili no’n sa iyo nang di nag-iisip. At sinabi ko sa sarili ko na hindi ako titigil hangga’t di mo naibebenta lahat ang pastillas mo.Hindi talaga ako kumakain ng pastillas. Lalo naman ‘yung walang tatak.”

Kumunot ang noo niya. “Ngayon ko lang nalaman na hindi mo pala gusto ng pastillas.” Wala naman sa itsura kasi noon na ayaw nito ng pastillas.

“Pero nagbago ang isip ko nang makita ka. Siguro dahil nakita ko na iba ka sa lahat. Di ka nahihiyang magtrabaho ng marangal at di mo iniisip ang luho mo. Noon pa lang gusto na kita. Hanggang paglipas ng araw, minahal ko ang kasimplehan mo, ang pagiging totoo mo at walang halong pagpapanggap. Kaya kahit wala sa plano kong magkaroon ng seryosong girlfriend noon, niligawan pa rin kita

“Pero kailangan kong itago sa lahat ang relasyon natin. Sabi ko ginagawa ko iyon para protektahan ka. Pero nang mawala ka sa akin, saka ko lang inamin sa sarili ko na naging makasarili ako. Madami kang isinakripisyo sa akin at lagi mo akong inintindi para lang magtagal ang relasyon natin pero wala man lang akong naibigay na kahit ano sa iyo. At nang nagpapatuloy ka na sa buhay mo, di ko matanggap na hanggang doon lang tayo. Masakit din sa akin na makitang may ibang lalaking nag-aalaga sa iyo na di ko man lang nagawa sa harap ng publiko. Samantalang sa puso ko, alam kong ako naman talaga ang mahal mo. Kaya ginawa ko ang lahat para bumalik ka sa akin. But I ruined it. Nalaman ng lahat ang tungkol sa atin at wala man lang akong magawa para madepensahan ka sa mga paninira sa iyo.”

“Okay lang naman ako. I am a survivor, Calden. Kaya ko naman,” aniya at pilit na ngumiti.

Hinaplos nito ang mukha niya.“Pero di mo naman kailangang mag-isa. Di mo rin kailangang itago ang totoo para lang protektahan na naman ako. Wala akong kwentang lalaki kung hindi ko man lang masasabi sa lahat ang totoo. I owe you that, Patrice.”

Naiiyak na siya kaya tumingala siya para pigilan ang pagpatak ng luha. “Baliw ka na, Calden.”

“Ayos lang na tawagin akong baliw. Hindi ako natatakot na isugal lahat. Pero di ako tatayo lang sa isang tabi at hayaan kang siraan ng iba. Ikaw ang mahal ko. No scripts. No gimmick. Iyon ang totoo. Walang ibang pwedeng magdikta sa nilalaman ng puso ko. And for the first time in my life, I want the whole world to know what’s inside my heart and who owns it. You own my heart. I love you, my Pastillas Girl.”

Hinawakan ng binata ang pisngi niya at hinagkan siya. Totoo na ito. Hindi lang ako nananaginip. Sinabi ni Patrice on live TV na mahal niya ako. And he is kissing me.

Iyon ang pinakamasarap na pakiramdam. Sa loob ng mahabang panahon ay kinalimutan na niya ang mala-fairy tale na pangarap niya. Na sa harap ng maraming tao ay sasabihin ni Calden na siya ang mahal nito. At hinahalikan siya nito. Ngayon ay di na nila kailangang magtago. Di na nila kailangang bantayan ang kilos nila. At kahit na husgahan sila ng lahat, nariyan ang binata para protektahan siya.

“This is my promise to you, Patrice. Gusto kong maging totoong lalaki na di natatakot sabihin sa lahat ang totoong laman ng puso ko. This is me, Calden, ang lalaking nangako sa iyo na ipaglalaban ka. Wala nang pwedeng makapigil sa akin. At ayokong mamili ka ng ibang lalaki na ipapalit sa puso ko hangga’t hindi ko ito nagagawa. Hangga’t di ko ipinaglalaban ang pag-ibig ko sa iyo sa harap ng maraming tao, hindi kita bibitawan.”

“Thank you, Calden. Matagal ko nang hinihintay na sabihin mo iyan. Mahabang panahon na akong sumuko na mangyayari pa ito.” Parang isang magandang panaginip. Sana lang ay hindi ito maglaho. Di siya nangangarap lang. “Calden, mahal pa rin kita. Pero hindi ito maiintindihan ng ibang taong importante sa iyo. Ang Mommy mo... Ang fans mo. May love team kang inaalagaan. Ayokong magkasira sa iyo. At ayoko rin mawala sa iyo ang lahat ng pinaghirapan ko.”

Ngumiti ito. “Naiintindihan na ni Mommy. Sabi niya, hahayaan niya akong magdesisyon kung ano ang magpapasaya sa akin. Kung mawawalan man ako ng career dahil dito at talikuran ako ng mga fans ko, di naman daw iyon ang katapusan ng buhay.”

“Sinabi niya iyon sa iyo?”

“Talented naman daw ako at kung ayaw na ng showbiz sa akin, pwede akong bumalik sa pag-aaral at pumili ng ibang course, kung saan man ako interesado. The possibilities are endless. Di ko daw kailangang makulong sa kahon.”

Niyakap niya ito. “Magandang balita iyan. Masaya ako para sa iyo, Calden.”

“Gusto niyang magpasalamat sa iyo. Sa inyo ni Nanay Lita. Kundi daw dahil sa inyo, di niya mare-realize na may mga bagay na mas mahalaga pa kaysa sa career ko o sa kasikatan. Ako mismo. Mas mahalaga ang kaligayahan ko. At habambuhay daw niyang mapagsisisihan kung binigo niya ako bilang ina niya.”

“Mabait talaga ang Diyos.” Isang himala na nagbago na ang ina ni Calden. Sinong mag-aakala na hahaplusin ng pag-ibig ang puso nito at mas mamamayani ang pagmamahal nito sa sariling anak?

“Ibig bang sabihin ako na ang pinipili mo, Patrice? Hindi ka natutuloy sa finale bukas?”

“Ano...” Ngayong alam na ng lahat ang tungkol sa kanila, parang napaka-unfair naman sa dalawang natitirang manliligaw niya kung basta na lang niyang tatalikuran ang mga ito. At ang mga staff, pinaghandaan ng mga ito ang finals. Isang ideya ang kumislap sa utak niya. “May naisip akong pinaka-perfect na finale para bukas.”

PINANOOD ni Patrice ang pagsabog ng makulay na fireworks sa kalangitan, hudyat ng pagtatapos ng season na iyon ng You’re the One For Me Dating Game. Nangangahulugan ng isang masayang ending.

Sa hardin ay pinanood niya ang panonood din ng dalawa niyang manliligaw na sina Sullivan at Topher na masaya ring nanonood ng fireworks. Sa tabi ng mga ito ay ang babaeng tunay na mahal ng mga puso nito.

Di na siya pwedeng magpatuloy sa finale dahil si Calden na ang pinili niya. Kinausap niya si Kara tungkol sa mga nalaman niya tungkol sa kay Topher at Sullivan. Kung paanong mabibigyan din ng masayang ending ang mga ito.

Para sa finale, pinapasok ang mga ito sa dalawang magkaibang silid. Kung saang silid man siya matatagpuan ay iyon ang napili niya sa huli. Subalit sa halip na siya, ang nakita ni Sullivan ay ang buntis nitong nobya na si Estella at si Topher naman ay hinihintay ng dating nobyang si Melissa. Iyon ang pasabog nilang ending na pinagkaguluhan ng mga fans. Kakaiba daw ang ending na iyon sa ibang dating game.

Naramdaman niyang yumakap si Calden sa baywang niya mula sa likuran. “This is the perfect ending.”

“Perfect kahit na gusto kang itakwil ng mga fans mo?”

There was an uproar in the social media when her episode with Calden was shown. Maraming nagalit dahil hindi matagal na daw niloloko ni Calden ang mga tao. Marami din ang naawa sa ka-loveteam ni Calden na si Darling lalo na’t asang-asa ang marami sa mga fans na ang mga ito ang magkakatuluyan habambuhay.

“Si Darling na ang bahala sa kanila.”

“Si Darling?” tanong niya.

Inilabas nito ang cellphone at ipinakita sa kanya ang Instagram post ng babae kung saan magkayakap sila sa picture. Nothing beats real love. Cheers to Calden and Miss Pastillas. Calden made us happy infront of the camera but we must respect what his private life and personal happiness. Hindi ba nakaka-excite na may lalaking tulad niya na handang ipaglaban ang babaeng mahal niya kahit anong sabihin ng lahat? You are the man, Calden. Happy for you.

“Ang bait naman niya,” komento niya. “Hindi ba may gusto siya sa iyo?”

“Crush lang. Ang totoo, matapos ang teleserye namin pupunta na siya sa States para sundan ang lalaking matagal na niyang gusto. Na-inspire daw siya na gayahin ako at sabihin sa lalaking gusto niya na mahal niya ito.”

“Wow! She’s strong. Sabihin mo sa kanya salamat sa suporta niya.” Mas makulay at nakakakiligi talaga ang tunay na buhay kaysa sa kung anong nasa harap ng camera at pinapalabas sa media.

“Hija, magpa-picture naman tayong apat,” sabi ni Tita Mina na kasama ang nanay niya. Nagkasundo na rin ang mga ito. Napansin din niya na mas gumanda ang ina ni Calden dahil siguro mas positibo na ito ngayon.

“Calden, basta gusto ko maabot pa rin ninyo ni Patrice ang mga pangarap ninyo. Kailangan pa niyang magtapos ng pag-aaral at may tatapusin ka pang teleserye,” bilin kay Calden ng nanay niya.

“Opo. Marami pa po kaming pangarap at susuportahan namin ang isa’’t isa,” anang si Calden at inakbayan siya.

“At may maganda pala akong balita sa iyo, Calden. Tinawagan ako ni Direk Jerrold. Pasok ka na daw para sa susunod na historical film na gagawin niya na Teresah Magbanua. Sa wakas, malilinya ka na sa mas seryosong project na pang-international level,” excited na sabi ni Calden.

“Talaga po? Kahit na baka mawalan ako ng fans?”

“Hindi mo kailangan ng fake na fans na ilusyon lang ang mahalaga. Meron ka pa ring mga fans na nagtitiwala sa talent ninyo. At may mga gustong kumuha kay Patrice na mag-host. Basta ako na ang manager mo,” maagap na sabi ni Mina.

“Mommy, saka na po iyan. Gusto muna naming i-enjoy ni Patrice ang moment namin,” sabi ni Calden at kinintalan siya sa noo. “This is our perfect moment.”

“Alam mo ba, may isang tao kang dapat pasalamatan kaya di basta-basta nawala ang pagmamahal ko sa iyo. Fan na fan kasi niya. Parang ikaw nga ang nanliligaw sa kanya para sa akin,” tatawa-tawa niyang sabi.

“Si Totoy Biloy ba?” tanong ng binata.

Nanlaki ang mata niya. “Kilala mo si Totoy Biloy?”

Itinuro nito ang dimple. “Ako si Totoy Biloy.”

“Whoa! Hindi nga?”

“Ako nga. Sabi mo sa akin gumawa ako ng paraan para ligawan ka pa rin. And I did. Ako rin ang kumanta sa iyo sa bar.”

“Yung gusgusin? Pero sabi ni Tita Mina tulog ka na daw.”

Bumuntong-hininga ito. “Kailangan kong maging ninja para sa iyo. Ayoko namang sabihin mo na di ako nag-effort para sa iyo. Niligawan kita sa sarili kong paraan. Di ako papayag na matalo pagdating sa iyo, my Pastillas Girl.”

Yumakap siya sa baywang ng nobyo. “I love you, Totoy Biloy.” At kahit ano pang pagsubok ang dumating sa kanila, alam nilang magiging matatag silang dalawa.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.