Chapter WHC: 110

“Naku! Pasensiya na po, Ma’am. May iba na po kasi akong gusto. Pasensiya na po.” Hinawakan niya ang braso ni Kenji at bahagyang inilayo sa ginang. “Mrs. Guadania, mauna na po kami ni Kenji. May lakad po kasi kami.”

Nakakaloka talaga. Kung pwede lang sabihin na si Kenji ang lalaking mahal niya ay sinabi na niya para tigilan na silang dalawa sa pagrereto kung kani-kanino.

Nang makasakay siya ng kotse ay napansin niyang tahimik si Kenji at parang malalim ang iniisip. Bakas ang lungkot sa mga mata ng binata. “Hey! What’s wrong?” tanong niya at hinawakan ang braso nito.

Inaalala ba nito ang pagrereto sa kanya ni Mrs. Guadania sa ibang lalaki? Nagseselos ba ito? Nagseselos din naman siya na inirereto ito sa ibang babae. Nagseselos din naman siya na may dumidikit na ibang babae dito. Buti na lang at babaeng aso pala kundi ay baka nagwala na siya kanina.

Bumuntong-hininga si Kenji. “Naalala ko kasi sila Missy. I miss my kids.”

Kids? Hindi ito nagseselos sa kanya. Inaalala nito ang mga alaga nitong aso na ngayon ay nasa poder ni Margaret.

“Hey! It’s okay. Babalik din naman sila sa iyo, di ba?”

Nagkibit-balikat ang binata. “Sa isang buwan ko na daw kunin kay Margaret ang mga bata. Magiging busy na daw siya sa susunod dahil sa bagong series niya. Susulitin na daw niyang makasama ang mga alaga namin. H-Hindi lang ako sanay na wala sila at hindi ako kasama.”

“Ganoon ba?” usal niya.

Parang gusto niyang magtampo. Di pa ba sapat ang presensiya niya sa buhay nito para sa maibsan ang pangungulila nito sa mga alaga nito? Okay. That was unfair. Mahalaga kay Kenji ang mga aso nito. They were practically his family in the Philippines. May puwang ang mga asong iyon sa puso ng binata kahit na anong sabihin niya. Di niya iyon mapupunan o kahit pa ng kapatid ni Kenji na si Gui. Hindi naman tama na kompitensiyahin pa niya ang mga aso. Well, she missed his dogs as well. Di nga lang katulad ng pagka-miss ni Kenji sa mga alaga nito.

Pumunta sila sa Tiendesitas dahil may titingnan sila sa isang antique store doon para gawing dekorasyon sa bahay nito nang madaan sila sa isang pet store. Tumigil si Kenji sa paglalakad at tumingin sa pet store. Ilang mga cute na aso ang makikitang nakakulong at tumatahol habang nakatingin sa labas.

“Gusto mo bang pumasok sa loob?” tanong ni Yngrid sa nobyo.

“Nah! Baka lalo ko lang ma-miss sila Nikita…”

Hinatak niya ito sa braso. “Come on! May titingnan din naman ako sa loob. Parang cute ang shih tzu na iyon,” aniya at inginuso ang aso na animo’y butones ang mata at malago ang balahibo na may hibla ng puti, abuhin at itim. “You owe me.”

“A what?”

“A kiss. Pero di ko na sisingilin iyo sa iyo ngayon basta samahan mo lang ako sa loob.”

“Okay,” anang binata at nagpatangay sa kanya.

Nang pumasok sila sa pet shop at pinuntahan agad ang cage kung saan naroon ang shih tzu. Itinuktok niya ang daliri niya at dali-daling pumihit ang tuta sa direksiyon niya. Nakalawit ang dila nito at kumakawag ang buntot. “Awwww! So cuteee! Mukhang nagmamakaawa siyang kunin ko siya,” sabi niya. Kinawayan niya si Kenji. “Dali! Tingnan mo!”

Humalukipkip si Kenji sa likuran niya. “Yeah! He looks cute.”

“Ma’am, gusto po ninyong tingnan? Two months old pa lang po ang shih tzu na iyan. Kadarating lang po,” sabi ng shop attendant.

“Oo. Gusto naming tingnan,” excited na sabi niya.

Inilabas ng cage ang shih tzu at kinalong agad niya. “Ma’am, may vaccine na po iyan. At dahil lalaki po ay pwede pong gamitin for stud services balang-araw. Kikita pa po kayo diyan.”

“How much?” tanong niya.

“Ten thousand po.”

Inabot niya ang aso kay Kenji. “Here. Do you think he is adorable?”

Umaliwalas ang mukha ni Kenji. “I think he is cute for a toy dog. He would be a handful though.” At di na nawala ang mukha ni Kenji habang hinahaplos ang balahibo ng aso. “Mukhang pilyo ang isang ito.”

Nakangiting humarap si Yngrid sa shop attendant. “I will get him.”

“Ha?” usal ni Kenji sa likuran niya. “B-Bibilhin mo itong shih tzu?”

“Sabi mo adorable siya. Saka matatagalan pa bago bumalik ulit ang mga alaga mo, di ba? Ayokong makita kang nalulungkot at nade-depress dahil nami-miss mo sila. Kaya habang wala sila, ito muna ang baby natin,” aniya at hinaplos ang ulo ng aso.

“That is sweet,” anang si Kenji at kinintalan ng halik ang noo niya. “Thank you, Yngrid.”

“Siyempre ako ang mommy niya at sa akin siya titira. Pero pwede mo naman siyang kunin kung gusto mo. Do you think your kids would mind?”

“Let us see. Baka magselos sila pero matututo naman silang mag-adjust. Anong ipapangalan natin sa kanya?”

“Jacko. I think I like Jacko.” Ginulo niya ang mahabang balahibo ni Jacko sa ulo nito. “Hello, Jacko Baby!”

Nang tumahol ang aso bilang sagot ay humalakhak sila ni Kenji. Pakiramdam niya ay isa silang happy family.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.