“Jackooooo!”
Kumawala ang malakas na panaghoy ni Yngrid sa buong bahay at mukhang umalingawngaw iyon sa buong subdivision. Pero wala siyang pakialam. Hawak niya ang isang paa ng sequined silver stiletto shoes niya na ngayon ay may marka ng ngipin habang humihingal sa galit. Saglit lang siyang nag-shower ay napagdiskitahan na ni Jacko ang sapatos. Ngayon naman ay nakakalat ang isa pang kabiyak ng sapatos niya at pati ang doormat ay nakakalat na rin.
“Jacko!” sigaw niya. “Nasaan ka? Naku!”
Isang linggo pa lang sa kanya si Jacko pero pakiramdam niya ay makakalbo na siya sa inis dito. Napakalikot nito at napakakulit. Mukhang napasubo ata siya sa pagbili dito. Kaya pala sinabi ni Kenji na handful ito. Bukod sa kalikutan at kakulitan ay high maintenance ding alagaan. Pagod na pagod ang pakiramdam niya at gusto na lang niyang maiyak sa inis. Sa halip na mawala ang stress niya ay lalo lang tumindi. Ilang gamit na ba nito ang nasira niya dahil sa pagngatngat nito? Noong isang araw ay ang laylayan ng kurtina ang nginatngat nito. Noong nakaraan naman ay ang burloloy na palawit ng table cloth. At ngayon ay ang paborito niyang sapatos. Punong-puno na talaga siya.
“Jacko, halika dito. Come to Mommy,” aniya sa matamis na boses pero may halong pagbabanta. Baka di niya alam ang magagawa niya oras na makita ito.
She heard a whimper under the sofa. Tinungo niya iyon at saka dumapa habang nakatukod ang tuhod at ang mga kamay. “Bulaga!” aniya at nahuli si Jacko na nginangatngat ang paanan ng sofa niya. “Naku! May bago ka na namang biktima!”
Dali-dali niyang dinukot ang aso mula sa ilalim at saka niyugyog habang nakaluhod siya. “Naku! Kahit kailan ikaw talagang aso ka! Alam mo ba kung gaano na karami ang nasisira mo dito sa bahay ko? Mababaliw na ako sa iyo. Naiiyak na ako sa iyo. Bakit ba ganyan ka? Ang hirap mong pagsabihan. Ano ka ba? Pinapakain naman kita. Di mo naman kailangang ngatngatin ang lahat ng makita mo. Alam mo ba kung gaano kamahal ang sapatos ko? Tapos ito pang sofa. Jacko naman, eh!”
Tinahulan lang siya nito at saka inilawit ang dila habang humihingal. Mukha itong nagpapa-cute dahil marahil alam nitong galit siya. “Hindi effective ang pagpapa-cute mo sa akin ngayon. Naku! Mapapalo talaga kita.”
Nagulat siya nang basta na lang tumunog ang security alarm niya na ipina-install ni Kenji para sa protektsiyon niya. Ibig sabihin ay may pumasok sa bakuran niya nang walang permiso. Bago pa siya makahuma ay basta na lang bumukas ang ang pinto. Nakatayo doon si Kenji na humihingal pa.
“Anong nangyari? Narinig kitang sumigaw kaya sumampa na ako sa bakod,” sabi ni Kenji at dali-dali siyang dinaluhan. “O! Bakit ka umiiyak?” nag-aalalang tanong nito at pinahid ang luha niya.
“Si Jacko kasi,” aniya at humikbi. Inabot niya aso dito dahil baka ano pang magawa niya.
Pumalatak si Kenji at inangat si Jacko. “Ano ang ginawa mo sa Mommy mo?” tanong ng binata. Nilapitan nito ang switch ng alarm at in-off. “Bakit mo pinaiyak? Kinagat mo ba?”
“Nginatngat niya ang paboritong sapatos ko,” atungal ni Yngrid at saka humagulgol. “Naligo lang ako saglit tapos nakita ko na lang nakakalat sa baba ng hagdan ang sapatos ko at may ngatngat na. Okay lang ang kurtina noong nakaraan. Okay lang din na nasira niya ang table cloth ko. Okay lang na magkalat siya dito. Pero pati ang paborito kong sapatos sinira niya. Kundi ko siya naabutan, malamang puro ngatngat na rin ang paa ng sofa ko. Di ko na alam ang gagawin ko sa kanya. Di ko alam kung paano ko pagsasabihan o sasawayin.”
Mukha na siyang tanga sa kangangawa niya pero wala siyang pakialam. Akala niya ay nakakaalis ng tensiyon ang aso pero kabaligtaran pala. Parang may alaga siyang makulit na bata na di niya masaway. At kahit naman sawayin niya si Jacko ay di naman ito nakikinig.
Inilagay ni Kenji si Jacko sa loob ng cage. “Naughty, dog. Daddy will deal with you later.”
Umingit si Jacko at parang nagmamakaawa pero iniwan ito ni Kenji. Binalikan siya ng binata at saka sumalampak sa tabi niya. Kinabig nito ang ulo niya. “Halika nga dito.” Kumuha ito ng panyo at pinunasan ang luha niya. “Huwag ka nang magalit kay Jacko. Huwag mo nang intindihin ang sapatos mo. Ibibili na lang kita ng bago. Okay?”
Suminghot siya. “Spoiler. Kaya lumalaking makulit si Jacko dahil hindi mo naman siya pinagsasabihan.”
“Narinig mo naman kanina, di ba? Mag-uusap kaming dalawa ng lalaki sa lalaki. At ikaw naman, habaan mo ang pasensiya mo. Kaya nga tinatanong kita kung sigurado ka na gusto mong bilhin. I told you he is handful.”
“Handful lang ang sinabi mo. Di mo naman sinabing difficult.”
“Hindi na kita kinontra dahil mukhang excited kang bumili.”
“Dahil binili ko siya para mapasaya ka. S-Saka naisip ko na baka madali lang namang alagaan dahil naranasan ko nang alagaan ang tatlong aso mo. But Jacko…” Matalim niyang sinulyapan ang alaga na nginangatngat ang butong laruan na binili niya para dito. “Sumasakit ang ulo ko sa kanya. He doesn’t listen. Basta lang niyang gagawin ang gusto niya. Hirap akong sawayin siya.”
“Kasi bata pa siya. Mahigit dalawang buwan pa lang siya kaya nangangati pa ang gilagid niya at gusto niyang ikagat ang ngipin niya. Kahit naman sila Rhodora ganyan noong bata pa. Lahat sila dumaan sa pagiging baby. Parang ikaw, noong bata ka pa pasaway ka rin naman. Mahirap kang sabihan.”