Kaya naman hindi niya sasayangin ang pagkakataon na makasama si Kenji at ang mga alaga nito sa gabing iyon. Sa wakas ay mabubuo na sila bilang isang malaking pamilya. Isang bagay na dapat nilang ipagdiwang ni Kenji.
"Ganoon? Ipagpapalit mo kami sa mga aso," nakataas ang kilay na wika ni Dreamilyn at in-adjust ang salamin para matingnan siyang mabuti. "Mas mahal mo pa ang mga aso kaysa sa amin ngayon?"
"Correction. Ipagpapalit niya tayo kay Kenji Matsunaga. At feel na feel naman niyang maging madrasta ng mga aso,” anang si Justine na nakatirik ang mga mata. “Tingnan mo nga. Kung dati takot siya sa aso, bumili pa siya ng isa. Shih tzu pa kaya naman numipis ang buhok ng friend natin.” Saka pasimpleng hinaplos ni Justine ang buhok niyang nakapusod.
"Uy! Kumapal na ulit iyan kasi sumusunod na sa akin si Jacko. Di na siya ganoon kapasaway. Kasama iyan sa pagiging ina,” nakataas ang noo niyang wika at saka ngumiti nang puno ng kompiyansa.
Tinapik ni Dreamilyn ang noo. “Sus! Ina na daw siya ng aso.”
“Ikaw din naman nanay ng mga estudyante mo. Di mo nga sila anak pero inangkin mo na rin silang parang anak mo. Parang aso rin iyon.”
“Di naman aso ang mga estudyante ko. Tao sila,” depensa ni Dreamilyn. “Wala namang problema kung gusto mong mag-alaga ng hayop. Pero kung nababago na ang priorities mo sa buhay at mas uunahin mo pa ang mga hayop kaysa sa aming mga kaibigan mo, nakakatampo naman yata.”
“Oo nga,” sang-ayon ni Justine at saka umingos.
Ginagap niya ang kamay ng dalawang kaibigan. “Hoy! Huwag naman kayong magtampo ng ganyan. Gusto ko lang pasayahin si Kenji. Nabili ko si Jacko dahil na-depress siya at nami-miss niya ang mga alaga niya. Kahit na anong gawin ko, parang kulang ang pagpapasaya ko sa kanya. Nang mabili ko si Jacko, saka ko lang siya nakitang ngumiti. Masaya ako kung saan masaya si Kenji. Mahal na mahal ni Kenji ang mga alaga niya. Siyempre kailangan naman suportahan ko siya. Parte na rin ng buhay ko ang mga alaga niya. Nagkataon lang may bunga ang pagmamahalan nila ng bruhang Margaret na iyon na kailangan kong tanggapin. Saka may anak na rin naman kami - si Jacko. Suportahan ninyo ako dahil ninang kayo ng anak ko."
Ngumiwi si Dreamilyn. “Naku! Huwag mong sabihing pabibinyagan mo iyan. Doon lang ako sa anak mo magni-ninang. ‘Yung tao at hindi aso.”
“I second the motion,” wika naman ni Justine at itinaas ang kamay.
Tinapik ni Yngrid ang mesa. “Ang lulupit naman ninyo. Sana suportahan na lang ninyo ang kaligayahan ko. Parang di kayo nagmahal. May weird at shunga moments din naman kayo para sa pag-ibig. Inintindi ko naman kayo kapag di na lang kayo basta nagpaparamdam o kaya nagka-cancel ng lakad natin dahil mas priority ninyo ang mga pag-ibig ninyo. It is my turn.”
“Sige na nga. Kami na lang ang manonood ng sine,” sabi ni Justine. “I-enjoy na lang ninyo ang homecoming ng mga aso ni Kenji.”
“Thank you, friend,” tuwang-tuwa niyang wika at hinalikan ang mga ito. Natigilan siya nang makita na seryoso pa rin si Dreamilyn. “Ano na naman iyon, Mother Superior? Kontra pa rin ang ganda mo?”
“Di pa kita nakakausap pero parang medyo mabilis lang kayo ni Kenji. Nakakailang buwan na ba silang hiwalay ni Margaret? Sigurado ka na mahal ka niya o hindi ka lang rebound girl?”
Iniikot niya ang mga mata. “Dream, nag-move on na ang lahat. Ikaw na lang yata ang hindi pa. Hindi ako rebound girl. Minahal ako ni Kenji bilang ako. Di dahil gusto niyang maka-recover mula kay Margaret. Di niya ako ginagamit. Hindi naman ganoong klaseng lalaki si Kenji.”
“Gusto ko lang makatiyak,” giit ni Dreamilyn. “Paano kung in love pa siya kay Margaret? Nagkataon lang na ikaw ang nandiyan para dumamay sa kanya kaya pakiramdam niya gusto ka rin niya.”
“Spare me the psychobabble, Mother Superior. Naa-appreciate ko naman ang concern mo. Pero mahal ko si Kenji. Nang sinabi niyang mahal niya ako, tinanggap ko iyon. Walang tanong-tanong. Walang hina-hinala. Maaring mahal pa niya si Margaret. Di naman siguro basta-basta mawawala iyon. Pero ako na ang girlfriend niya ngayon. Alaala na lang si Margaret sa kanya.”
At handa si Yngrid na burahin ang lahat ng alaala ng bruhang Margaret na iyon sa isip at puso ni Kenji. Papalitan niya ng mas masasaya nilang alaala. Wala siyang di gagawin para sa binata.
“E paano kung magkita pa rin sila? Lalo na iyan may mga aso pa pala silang inaalagaan. Parang shared custody lang ang peg nila sa mga aso nila,” giit ni Dreamilyn. “Hindi ka ba nagseselos?”
“No. Hindi ako magseselos kahit kailan kay Margaret. Tumulo na lang ang laway niya kay Kenji dahil sa akin na ang lalaking ipinagpalit niya sa isang mas matanda at di ganoon ka-hot na politician. Magsama silang dalawa,” aniya at ngumisi. Kapal muks naman ng bruhang iyon kung aambisyunin pa ang boyfriend niya.
“O! Tama na iyan. Baka magkainitan pa kayo,” wika ni Justine at hinalikan siya sa pisngi. “Kung saan ka masaya, masaya na rin kami. Kaya kakaladkarin ko na itong si Dreamilyn bago pa siya may maisip na naman na alalahanin sa relasyon ninyo ni Kenji. Matanda ka naman na. Alam mo na ang tama at mali.”
“Basta huwag mong basta isusuko ang Bataan,” pahabol pa ni Dreamilyn habang palabas ng café niya.
Wala namang dapat ipag-alala sa relasyon nila ni Kenji. Maaring marami pa silang adjustment sa isa’t isa ay ginagawa naman nila ang lahat para pasayahin ang isa’t isa. Sa kanila lang ni Kenji ang relasyon nila. Walang puwang dito ang alaala ni Margaret. Isa lang itong multo ng nakaraan. Di niya ito dapat katakutan. Siya na ang mahal ni Kenji. Sila na habambuhay. Period.