Pakanta-kanta pa si Yngrid habang nagmamaneho pauwi ng subdivision. Nanood lang si Kenji ng football game ng kapatid nitong si Gui kanina at nag-text ito sa kanya na tapos na ang game bandang alas siyete ng gabi. Pauwi na rin daw ito mula sa football stadium at tutuloy na ito sa bahay. Dadaanan lang daw nito ang mga alagang aso sa townhouse ni Margaret at uuwi na rin.
“Tiyak na matutuwa ang Daddy mo sa cake na ipinagawa ko. Basta mag-behave ka, ha? Huwag mong aawayin ang mga kapatid mo. Lagot ka sa akin,” aniya kay Jacko na nasa cage sa likuran ng kotse niya. Tahol lang ang isinagot ng alaga niya sa kanya.
Nai-imagine niya ang kalalabasan ng gabing iyon. Yayakapin at hahalikan siya ni Kenji dahil sa ipinagawa niyang cake na hugis aso at may mukha ng mga alaga nito. At kapag tulog na ang mga aso ay masaya silang magkukwentuhan sa nangyari sa buong araw o kaya naman ay manonood ng bagong DVD na nabili nito. Yakap lang siya nito sa buong magdamag. How romantic.
Nagtaka siya nang mapansin ang isang Toyota Grandia sa harap ng bahay ni Kenji. Bukas na ang ilaw sa bahay ni Kenji kaya tiyak niyang nakauwi na ito. Ipinarada lang niya ang kotse sa harap ng bahay. Inilabas niya ng cage si Jacko at saka hinawakan ang leash nito. Kinuha naman niya ang cake sa isang kamay at saka niya pinindot ang doorbell.
Nakahanda na ang ngiti niya para kay Kenji nang sa halip na ang nobyo niya ay lumalabas ay si Iggy, the Iguana ang nakikita niya na kumekendeng-kendeng pa habang papunta sa kanya. Mistulang buntot ng Ibong Adarna ang palong nito sa ulo dahil in full rainbow colors ang kulay ng buhok nito. Sa kasamaang-palad ay major fail ang attempt nitong mag-Ibong Adarna dahil di kinaya ng face nito. Kaya mukha itong rainbow-colored iguana.
Kaya anong ginagawa ng impaktong iguana na ito sa bahay ni Kenji? Huwag nitong sabihin na ito na naman ang PA ni Kenji. Sinesante kaya ito ni Margaret at napilitan si Kenji na tanggapin ito dahil sa awa? Tragedy iyon. Di siya papayag! Isang bangungot sa kanya kung lagi niyang makikita ang nakakainis na pagmumukha ni Iggy.
“Hello!” sabi nito at ipinamaywang ang isang kamay pagbukas ng gate. “Ano ang kailangan mo, friendly neighbor?”
Pinigilan niya ang sarili na magtaray at pilit na ngumiti. Be kind to animals. Humakbang siya papasok ng gate. “Pupuntahan ko si Kenji…”
Biglang ibinuka ni Iggy ang mga bisig at hinarangan ang dadaanan niya. “No, no, no, no, no! Hindi mo siya pwedeng puntahan ngayon.”
“At bakit?” nakataas ang kilay niyang tanong. Di ba kilala ng impaktong ito kung sino siya? Siya lang naman ang girlfriend ni Kenji. At kailan pa naging bawal na makita niya ang binata? Ine-expect nga siya nito. Naku! Hindi talaga niya bibigyan ng cake ang iguana na ito. Naiinis na siya.
“Kasi bawal silang abalahin ngayon ni Miss Margaret. May family day sila ngayon,” wika nito.
“What?” bulalas niya. “Anong family day?”
Tumirik ang mga mata ni Iggy. “Ang slow naman. Family day lang hindi pa alam. Ngayon ang araw na mabubuo ang pamilya nila – si Fafa Kenji, si Miss Margaret and their three children. Kailangan nila ng quality time na magkakasama para di maramdaman ng mga alaga nila na broken family na sila. Kailangang maramdaman nila na buo pa rin sila with two loving parents. Naiintindihan mo ba? Kaya bawal silang abalahin dahil nanonood sila ng movie ngayon. Parang wala pa ring nagbago sa kanila. Katulad pa rin sila ng dati na super sweet.”
Family day? Si Margaret ang kasama ni Kenji sa family day nito at ng mga aso nito at hindi siya. Hindi sila ni Jacko. Bakit hindi sinabi ni Kenji ang tungkol dito? Mukha siyang tanga. Nagpagawa pa siya ng cake. Magka-text pa sila kanina. Tapos ay manonood lang ito ng pelikula kasama si Margaret. At sila naman ni Jacko ay mukhang basang sisiw. Ni hindi niya pwedeng makita o malapitan ang binata. Baka mamaya kapag umentra siya sa eksena nito ay masira pa ang family day ng mga ito.
She didn’t feel like a Kenji’s girlfiend at the moment. She felt like an outsider. An other woman. A kept woman. Baka di pa alam ni Margaret na nobyo na niya si Kenji. Parang sinampal siya nang mga oras na iyon. Habang nandiyan si Margaret, pakiramdam niya ay wala siyang puwang sa buhay ni Kenji. Habang di pa sinasabi ni Kenji sa mundo na nobya siya nito, wala siyang magagawa kundi ang manahimik na lang sa isang tabi.
Parang gusto niyang maiyak. Nananakit ang lalamunan niya sa pinipigilang luha. Subalit di siya iiyak sa harap ng isang iguana na alam niyang magtsi-tsismis sa mangkukulam nitong amo kung gaano siyang nasasaktan sa mga mangyayari. She must muster all the dignity she could get.
Pilit siyang ngumiti. “Babalik na lang kami ni Jacko sa susunod.” At tinalikuran niya ito.