“Oh, wait!” maarteng sabi ni Iggy at hinabol siya. “Hindi ba kay Kenji ang cake na iyan? Mukha kasing masarap sa tatak.”
Ngumisi siya. Umurong na nga siya sa labanan pero di naman ibig sabihin ay tuluyan na siyang susuko at magpapakabaliw. Hinding-hindi niya patitikimin ng cake kahit sino kay Margaret o sa iguanang ito. “Sino naman ang nagsabing para kay Kenji ang cake na ito? Of course not!” Saka taas-noo siyang lumabas ng gate at saka dali-daling pumunta sa bahay niya.
Ikinandado agad niya iyon. Inilapag niya si Jacko sa sahig at mabibigat ang paa na inilapag ang cake sa dining table. Umupo siya doon at natulala. She hated this bad feeling. Ayaw niya ng pakiramdam na kaawa-awa siya. Gusto niyang magsisigaw sa galit. Gusto niyang mag-rant. Gusto niya ng makakausap.
Hindi niya maintindihan kung bakit nangyayari ito sa kanya. Nagkulang ba siya bilang nobya ni Kenji? Ginawa naman niya ang lahat para dito. Why did he make her feel worthless? Pwede naman nitong sabihin na may family day ito kasama si Margaret. Hindi naman siya magagalit. Masasaktan siguro siya. Medyo magtataka o magseselos. Pero sa huli ay uunawain din niya ito.
Importante para sa kanya na sabihin nito ang mga bagay na may kinalaman sa ex-girlfriend nito lalo na kung ang inaasahan niya ay sila dapat ang magkakasama. Kaya naman niyang mag-adjust. Kaya pa niyang lawakan ang pang-unawa niya. Kaysa naman naghanda siya para sa gabing iyon, nagplano siya at sa huli ay malalaman niyang mauuwi lang sa lahat ang lahat ng paghihirap niya. Di na lang sana siya nito pinaasa para di siya nasasaktan ngayon.
Napahikbi si Yngrid sa awa sa sarili. Nag-dial siya sa cellphone niya at sinubukang tawagan sina Justine at Dreamilyn. Parehong di sinasagot ng mga kaibigan niya ang tawag niya. Malamang ay hindi maialis ng mga ito ang atensiyon sa pinapanood. Malamang ay may malalim na namang diskusyon ang mga ito – si Justine tungkol sa History at si Dreamilyn naman ay ie-explain ang psychological impact ng palabas. Usually ay inaantok siya sa mga ganoong usapan pero bigla niyang na-miss.
Sana pala ay sumama na lang siya sa mga ito. Sana pala ay di laging pag-ibig ang pinaglalaanan niya ng panahon. Kailangang ilaan din niya ang panahon sa mga kaibigan. Sana ay masaya siya ngayon. Baka sakaling pag-uwi niya ay di na niya naabutan pa si Iggy, the Iguana at ang bruhang si Margaret. Baka mas mabuti pang di na lang niya nalaman ang tungkol sa family day ng mga ito.
Umingit si Jacko na nakatanghod sa kanya. Umuklo siya sa harap nito. “Sorry, Jacko. Hindi natin makakasama ang daddy mo at mga kapatid mo. Kasama nila ang bruha ngayon. Sorry kasi ganito ang nangyayari sa atin.”
Sumibi siya at muling napaiyak. Tumayo siya at tinalikuran si Jacko. Masyado pa itong bata para maunawaan ang pinagdadaanan nila ni Kenji. Hindi niya dapat dito ibuhos ang problema nilang magnobyo. Baka ma-trauma pa ito. Ayaw niyang danasin iyon ni Jacko. Kaya naman niya ang problema niya.
Tumutok ang mga mata niya sa cake na nasa mesa. Chocolate cake iyon. Mukhang iyon lang ang pwedeng makaagapay niya nang mga oras na iyon. Pareho silang kawawa. Pareho silang deadma para kay Kenji.
Kumuha siya ng malaking hiwa at saka nagsimulang sumubo. Narinig niya ang alingawngaw ng boses ng doktor niya na nagsasabing bawal siya sa kahit anong klase ng chocolate dahil tiyak na magwawala ang tiyan niya. Wala na siyang pakialam doon ngayon. Balewala na ang lahat ng paparating na sakit sa kanya dahil wala nang tatalo pa sa sakit na nararamdaman niya ngayon.
Kahit sa kaunting tamis lang ng chocolate cake ay maibsan ang awa niya sa sarili. Kahit paano sana ay gumaan ang pakiramdam niya. Kung sana lang may maiibsan ng chocolate nang tuluyan ang lahat ng sakit sa puso niya.
MASAMA pa rin ang loob ni Yngrid kahit na napangalahati niya ang chocolate cake. Hindi naman gumaan ni bahagya ang pakiramdam niya. parang naawa nga siya sa sarili. She never felt so alone. Mabuti pa si Jacko ay parang walang inaalala dahil nakatulog agad ito sa higaan nito sa paanan ng kama niya. Habang siya ay umiyak pa nang umiyak hanggang makatulog siya.
May ilang tawag at text si Kenji mula sa kanya pero di niya pinansin. Hayaan na lang niyang isipin nito na nakatulog siya. Bakit pa siya nito aalalahanin? Nariyan naman ang first family nito. Kasama nito si Margaret at etsa-pwera na siya.
She felt so miserable. Marami siyang naiisip na sasabihin kay Kenji kapag nagkausap sila. Gusto niyang magwala. Gusto niyang sabihin dito ang nararamdaman niya. Pero natatakot siya na baka pag-awayan pa nila iyon kaya naisip niyang magpaka-martir na lang. Di na lang siya kikibo. Kikimkimin na lang siguro niya ang nararamdaman niya kahit na parang mamamatay siya sa sakit.