Sa gitna ng pagtulog niya ay nagising na lang siya na inuubo at hindi makahinga. Bumalikwas siya ng bangon. Pakiramdam niya ay may plema sa lalamunan niya at parang masusuka siya. Umaatake ang acid reflux niya.
Pababa na siya ng kama nang subalit bigla niyang nasapo ang dibdib niya dahil sa sobrang kirot, kirot na tumutugon mula sa dibdib hanggang sa likuran niya. Naninikip ang dibdib niya. Hindi siya makahinga. Pakiramdam niya ay inaatake siya sa puso at mamamatay na siya.
Hindi niya magawang gumalaw sa kinauupuan dahil lalo lang titindi ang sakit. Nag-panic siya. Hindi niya alam ang gagawin niya. Kapag may acid reflux siya ay umaakyat ang acid mula sa tiyan niya patungo sa lalamunan niya. Ang sobrang acid din niya ay nagdudulot din ng heart burn. Pero ngayon lang niya naranasan na sabay siyang inatake ng acid reflux at heart burn. Hindi niya alam kung anong gagawin, kung anong sakit ang una niyang aalisin. Gusto na lang niyang mawalan ng ulirat sa sobrang sakit pero hindi siya ganoon kaswerte.
Dinampot niya ang cellphone niya na nasa ibabaw ng bedside table. Dinaklot niya ang dibdib niya habang ina-unlock iyon. Nasa ibabaw na ng speed dial one ang daliri niya na tutuloy sa numero ni Kenji pero di niya magawa. Paano kung kasama pa rin nito si Margaret? Paano kung inakit pala ito ni Margaret at nagpadala naman ito sa tukso? Di naman kaila sa kanya na hanggang ngayon ay pinagnanasaan pa rin ng bruhang iyon ang nobyo niya. Parang tuluyan na rin siyang namatay kapag nangyari iyon.
Ano ka ba, Yngrid? Di ka naman suicidal niyan. Mamamatay ka na lang, pride pa rin ang iniisip mo. Gusto mo bang miserable ka kapag namatay ka? E di tuwang-tuwa naman si Margaret kasi nalikida ka na niya sa buhay niya. Mamamatay kang virgin. Mamamatay ka nang di natitikman si Kenji. How miserable! Ganyan ba ang gusto mong ending ng buhay mo?
Natauhan siya sa sermon na iyon sa sarili. Hindi siya dapat magpatalo sa pagse-self pity niya at kahinaan niya. Kailangan niyang mabuhay. Ayaw pa niyang maglaho sa mundo. Kung may ginagawa mang kababalaghan si Margaret kay Kenji, hindi pa ito ang katapusan niya. Magtutuos pa sila oras na mabuhay siya at gumaling siya.
Sapat nang motivation iyon para pindutin niya ang call button. Nag-ring ang cellphone ni Kenji. Isa… dalawang ring… Kenji, sagutin mo naman. Kung may pagmamahal ka sa akin kahit kaunti, sagutin mo ang tawag ko.
Hindi na tumunog pa ang pangatlong tawag dahil narinig agad niya ang boses ni Kenji. “Hello, Yngrid. What’s up?” tanong ng binata na bahagya pang malat ang boses. Mukhang kagigising lang nito.
Suminghap siya at pilit na hinabol ang hininga bago magsalita. “K-Kenji, I need you… M-Masakit…. H-Hindi ako makahinga.”
“What?” bulalas nito at narinig niya ang paglagabog sa sahig. “Papunta na ako diyan.”
Sumandal siya sa headboard ng kama habang sapo pa rin ang dibdib. Tama naman ang narinig niya, di ba? Pupuntahan siya nito. Di nito sinabi na may naabala siyang family day. O di ito pwedeng pumunta sa kanya dahil kasama nito si Margaret. Paparating na ito. Napuno ang dibdib niya ng pag-asa.
Maya maya pa ay narinig na niya ang mga yabag ni Kenji na paakyat ng hagdan. Bumukas ang pinto at bumungad sa kanya si Kenji. Nakasuot lang ito ng black sando at board shorts. Magulo pa ang buhok nito at namumungay pa ang mga mata. Mukhang nagising nga niya ito.
“A-Anong nangyari sa iyo?” nag-aalalang tanong nito.
“Acid r-reflux.” Huminga siya ng hangin habang parang nanginginig ang buong katawan niya. “H-Heart burn.”
“Drat! Nasaan ang mga gamot mo?” tanong nito.
“I… I am not sure. M-My bag maybe?” naluluha niyang usal. Hindi na gumagana ang isip niya sa sobrang sakit.
Her last coherent thought was to call Kenji. Hindi naman na kasi siya inaatake ng acid reflux niya at ng heart burn dahil nakabantay sa kanya si Kenji upang tiyakin na di siya kumakain ng bawal na pagkain o kaya ay di siya nasosobrahan sa pagkain ng bawal. Tuwing gabi din ay lagi nitong ipinapaalala na huwag munang matulog at uminom muna ng tsaa niya para ma-neutralize ang acid sa katawan niya. He failed to do that tonight, dahil nga tinulugan niya ito agad sa sobrang sama ng loob.
Kinuha nito ang isa pang unan, inangat nito ang likuran niya para malagyan ng unan ang likuran niya at nang mas maging komportable siya. “Dito ka lang. I will be back,” anito at dali-daling pumunta sa banyo niya. Narinig niya ang paghahalughog nito doon pero makalipas ang ilang sandali ay lumabas ng banyo. “Hintayin mo lang ako. Titingnan ko lang sa baba.”
Magiging okay ang lahat ngayong nandito si Kenji. Maging maayos lang talaga siya at gumaling ay di na sasama ang loob niya dito. Okay lang kahit mag-family day pa ito maya’t maya kasama si Margaret.