Nagsisimula nang pumikit ang mga mata ni Yngrid. Inaantok na talaga siya pero ayaw pa siyang patulugin ng katawan niya dahil sa sakit. O siguro dahil natatakot din siya na kapag natulog siya ay baka di na siya magising pa. Ayaw niyang iwan si Kenji nang ganito. Gusto pa niya itong makasama. Pilit na lang niyang nilabanan ang antok habang pilit na nilalabanan ang sakit na nararamdaman niya.
Maya maya pa ay narinig na niya ang paakyat na yabag ni Kenji. Bumalik ito na may dalang baso at berdeng bote na may malinaw na likido. Isinalin nito ang likido sa baso. “Drink this. Wala akong makitang gamot mo kaya aloe vera gel na lang na naka-stuck sa ref mo ang binili ko. Hindi mo pala iniinom ang binili ko sa iyo,” may halong pagtatampong sabi nito.
Ngumiwi siya nang ilapit nito ang aloe vera gel sa labi niya. “A-Ayoko kasi ng gula-gulaman.”
Lumungkot ang mga mata nito. “Please. Ito lang ang nakita ko sa bahay mo na pwedeng mag-neutralize ng acid sa ngayon. Kapag nainom mo iyan, saka ako bibili ng gamot mo o kaya tatawag ako ng doktor. Come on.”
Napilitan siyang uminom kahit na di niya hilig ang aloe vera pulp bits. Pikit mata niyang sinimsim iyon. Okay naman pala ang lasa. Dahil na rin sa encouragement ni Kenji ay naubos niya ang isang basong aloe vera. Bahagya ring guminhawa ang pakiramdam niya.
“There,” anito at ibinaba sa bedside table ang wala nang lamang baso. “Tatawag lang ako ng doktor. O baka kailangan kitang dalhin sa ospital.”
Tumikhim siya at pinigilan ang braso nito. “O-Okay na ako ngayon. Hindi mo ako kailangang dalhin sa ospital. H-Hayaan lang nating ma-wash out ang acid sa katawan ko. Lumuwag naman na ang paghinga ko,” aniya at bahagyang ngumiti para ipakita dito na okay lang siya.
Tumaas ang kilay nito. “Sigurado ka na nagiging okay ka na?”
Tumango siya. “Oo. Uminom na ako ng aloe vera gel, di ba? A-Ayoko talaga ng ospital. Napa-paranoid lang ako lalo. Okay naman na ako. Please? Kapag sa palagay mo di bumubuti ang kondisyon ko matapos ang isang oras, ako mismo ang magsasabi sa iyo na tumawag ng doktor o ambulansiya. Ako mismo ang magpapa-confine sa ospital.”
Mahabang sandali siya nitong tinitigan. “Fine,” anito at umupo sa tabi niya. Hinaplos nito ang buhok niya. “Hindi yata maganda ang kondisyon mo. At di ka basta-basta magkakaganyan kung wala kang ginawang bawal. Anong kinain mo kanina?”
Yumuko siya dahil di niya matagalan ang nanunuot na titig nito. “Ano kasi…. Kumain ako ng cake.”
“Anong klaseng cake?” tanong nito.
“Chocolate cake,” aniya at bumuntong-hininga. “Maraming icing.”
“Gaano karaming chocolate cake?” marahang tanong ng binata.
Nanghahaba ang nguso niya nang imuwestra ng dalawang kamay niya kung gaano kalaki ang cake. “Mga ganito. Masarap kasi.”
“At uminom ka ba ng tsaa pagkatapos?”
Kinagat niya ang pang-ibabang labi at marahang umiling. “Hindi na ako nakainom kasi… kasi… natulog agad ako.”
Pumalatak ito at sinabunutan ang sariling buhok sa sobrang frustration. Marahil ay sa sarili na lang nito ibinuhos ang frustration kaysa sa kanya. Naramdaman niyang nagtitimpi lang ito.
“Yngrid naman! Alam mo naman ang nangyayari kapag kumain ka ng marami o kaya kumain o uminom ka ng bawal sa iyo at matutulog ka agad nang di iniinom ang tsaa mo. Baka magka-acid reflux ka o kaya ay heart burn. Look at you now. Naranasan mo pa nang sabay. Ibig sabihin sinasabi ng katawan mo na sobrang parusa na ang ibinigay mo sa kanya. What the hell were you thinking? Bakit di ka man lang nagpunta sa akin. Alam mong sasasamahan kita para tiyakin na di ka agad makakatulog hanggang mag-settle na ang acid sa sikmura mo. Nasa kabilang bahay lang naman ako,” sermon ni Kenji sa kanya.
Nangilid ang luha sa mata niya. “K-Kasi bawal ka daw abalahin.”
“Sinong may sabing bawal kang abalahin?”
“Si Iggy.”
“Sinabi ni Iggy iyon sa iyo?” gulat na tanong nito.
Marahan siyang tumango. “Pumunta ako kanina sa bahay tapos dala ko ang cake. Si Iggy ang nagbukas ng gate sa akin. Papasok sana ako pero sabi niya bawal ka daw abalahin dahil may family day kayo ni Margaret kasama ang mga aso ninyo.”
“Family day?” bulalas ni Kenji sa mataas na boses.
“Oo. Nag-decide daw kayo ni Margaret na maglaan ng panahon para sa mga alaga ninyo na parang buo pa rin daw kayong pamilya. P-Para daw di nila maramdaman na hiwalay kayo ni Margaret at di daw sila ma-trauma sa paghihiwalay ninyo,” aniya at huminga ng malalim. Muli na naman siyang nakadama ng awa sa sarili. “Umalis na lang ako kaysa makaabala sa inyo.”
“And the cake?”
Suminghot siya. “S-Sa sobrang frustration ko kinain ko na lang. Okay lang naman sa akin kung may family day kayo. Nagseselos ako pero iintindihin ko kasi parte si Margaret ng buhay mo. Ng buhay ng mga alaga mo. Ayoko lang kasi na nagmukha akong tanga. Magaganda ang plano ko para sa atin kanina tapos di mo man lang nasabi sa akin. Masasaktan at magtatampo kapag ganoon. S-Sana lang sinabi mo sa akin. Iyon lang naman ang gusto ko.”
“Yngrid…” Huminga ng malalim si Kenji at pinagdikit ang mga labi. Parang di nito alam kung anong dapat sabihin sa kanya. “Kaya sa sobrang frustration mo ay idinaan mo ang pagkain sa cake? Maraming-maraming cake kahit na bawal sa iyo?”
“Kasi wala naman akong mabalingan. Wala akong makausap. Nanonood ng sine sila Justine. Di nila sinasagot ang tawag ko. Ayoko namang ibuhos ang sama ng loob ko kay Jacko. Baka naman siya ang ma-trauma. Kaya wala akong choice kundi kumain na lang ng cake.”
“Um-okay ba ang pakiramdam mo matapos mong kumain ng cake?”
“Hindi rin. Masakit pa rin. Di ko na naisip na uminom ng tsaa. Itinulog ko na lang.” Pinalis niya ang luha niya. “Akala ko kasi mas okay na paggising ko. Mas okay na ako kapag hinarap kita. Baka pwede ko na lang kalimutan ang nangyari. Na lilipas din ang sama ng loob ko. Kaso… ito naman ang nangyari.”