Chapter WHC: 119

Inaasahan na ni Yngrid na magagalit ito sa kanya o kaya ay maiinis. Natural lang naman na mainis ang mga lalaki sa mga babaeng selosa. Tanggap na niya iyon. Nasaktan lang naman siya. Di naman siya santa. Di rin naman siya manhid. Natatakot lang siya kung sasabihin ni Kenji na ayaw nito sa babaeng selosa at iwan siya nito. Iyon yata ang di kakayanin ng puso niya.

Ginagap ng binata ang kamay niya at kinintalan ng halik ang likod ng palad niya. Malamlam ang mga mata nito. Walang panghuhusga o iritasyon. Nakikita lang niya sa mga mata nito ang pag-aalala at pang-unawa. “You should have texted me or called me. Kanina pa kita hinihintay kasi alam ko na dadating kita. Wala kaming family day nila Margaret. Dapat susunduin ko ang mga alaga namin sa townhouse ni Margaret. Pero sinabi niya na papunta na siya dito at siya na daw ang maghahatid. Then nag-request siya kung pwede daw sa bahay na siya magpalipas ng oras dahil may taping siya bandang alas nuwebe ng gabi di kalayuan sa area na ito. Matatagalan naman daw niyang di makakasama ang mga alaga namin kaya hinayaan ko na. Ang totoo sinadya ko rin na manatili siya doon dahil alam kong dadating ka at gusto kong ipakilala ka bilang girlfriend ko.”

Bigla niyang inangat ang ulo at nanlalaki ang mga matang sinalubong ang tingin nito. “I-Ipapakilala mo ako kay Margaret C-Choi bilang girlfriend mo?”

“Oo naman,” kaswal na wika ni Kenji. “Dapat lang siguro na malaman niya kung sino ang babaeng nasa tabi ko noong pakiramdam ko ay ayoko nang magmahal. You made me believe in love again, Yngrid. Di ko man masabi sa buong mundo ngayon, gusto kong malaman ni Margaret na ikaw ang pinaka-espesyal na babae sa buhay ko.”

Napahagulgol siya ng iyak. “Nakakainis!”

Nagulat si Kenji. “O! Naiinis ka pa rin sa akin?” tanong nito.

Umiling siya at pinahid ng likod ng palad ang mata niya. “Naiinis ako sa sarili ko. Ang tanga-tanga ko kasi. Masama ang loob ko kasi akala ko hindi ako importante sa iyo. Na kinalimutan mo na ako dahil kay Margaret.”

“And why would I do that? Ikaw ang girlfriend ko ngayon.”

“Kasi siya ang una mong minahal. Mas matagal ang relasyon ninyo. Mas matagal mo siyang minahal. At aminado naman ako na mas maganda siya sa akin. K-Kahit naman siguro sinong babae mai-insecure kay Margaret Choi.”

Hinawakan nito ang baba niya at inangat ang mukha niya. May ngiti sa mata nito. “Ikaw ang mai-insecure kay Margaret? Girlfriend na kita. Ex-girlfriend ko siya. I am yours now. Hindi ba dapat siya ang ma-insecure sa iyo.”

“Kenji, seryoso ako!”

“Seryoso din naman ako. Everyone is saying that I am a nice catch and you caught my heart. Ibig sabihin dapat matuwa ka. Di mo naman ako pinikot. Di mo naman pinilit ang sarili mo sa akin. I fell in love with you in my own accord. Kaya wala kang dapat na ikatakot kay Margaret o sa ibang babae. Di mo dapat ikatakot ang mga pinagsamahan namin dati, kung ano ang mayroon kami noon o kung minahal ko man siya dati. Those are just good memories. Just memories, Yngrid. Hindi na maibabalik. Wala na ring katuloy.” Hinawakan nito ang dalawang kamay niya at inilapat sa dibdib nito. “What we have is more tangible than just memories. You are my now. You hold my heart. Tayo ang gumagawa ng bago nating alaala. Ikaw ang babaeng mahal ko ngayon. Kaya hinihiling ko na maniwala ka sa akin kapag sinabi kong ikaw ang gusto kong makasama. Ayoko nang matatakot ka sa isang multo. I don’t want any ghosts of the past between us, Yngrid. Malinaw?”

“Yes.” Pinaliguan niya ng halik ang mukha nito. “I am sorry, Kenji. I am sorry. Nawalan ako ng tiwala sa iyo, sa relasyon natin at pati na rin sa sarili ko. Hindi talaga maganda na magpakain ako sa insecurity at sa selos. Wala naman akong maikakatwirang iba kasi alam ko mali ako. Huwag ka nang magalit sa akin. Please?”

Pinigilan nito ang pisngi niya. “Hindi ako galit sa iyo.”

“Kahit parang tanga ako? Kahit na selosa ako? Kahit na na-insecure ako?”

“Lahat naman tayo nagkakamali. Alam ko na mahal mo ako kaya ka nagkakaganyan pero ayoko nang mauulit ito. Ayoko nang dahil sa di magandang hinala mo ay sasaktan mo ang sarili mo. Ayokong nasasaktan ka dahil sa akin. Mas gusto ko pa kung komprontahin mo na lang ako sa di magandang hinala mo kaysa parusahan mo ang sarili mo. I won’t tolerate that.”

Tumango siya at ihinimlay ang pisngi sa dibdib nito. “Hindi na talaga mauulit. Thank you for putting up with my weaknesses, Kenji. Nagi-guilty ako dahil pakiramdam ko hindi ako deserving na maging girlfriend mo. Pero di ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay mo sa akin. Hindi ako papayag na ang kahinaan ko ang sumira sa relasyon natin. Hindi naman si Margaret ang kalaban ko o pwedeng sumira sa atin. It is me and my negative thoughts and feelings.”

"Tama iyan." Kinintalan nito ng halik ang noo niya. “Masama pa ba ang pakiramdam mo?”

“My stomach is settled now. Hindi na rin masikip ang dibdib ko. Thank you.”

Hinaplos nito ang buhok niya. “How about we call a doctor?”

“Sa palagay ko ay hindi na kailangan. Okay na talaga ako.”

Ang totoo ay parang nagdahilan lang ang katawan niya. Nawala na ang sakit niya ngayong nasa bisig siya ni Kenji. Na parang na-stress lang siya kanina pero ngayong ayos na ang lahat sa kanila ay maayos na ulit ang pakiramdam niya.

“Sorry. Kinain ko na ang cake. Kalahati na lang ang natitira. Dahil sa kadramahan ko, hindi na tuloy tayo nakapag-celebrate. Hindi ko na-welcome nang maayos ang pagbabalik ng mga aso mo.”

“Pwede pa naman nating gawin bukas. Kahit wala na ang cake. I am sure matutuwa sila na maging parte ng pamilya si Jacko.”

“Yes. That would be lovely.” Humikab si Yngrid. Ayaw pa sana niyang matulog dahil gusto pa niyang makasama si Kenji. Gusto niyang bumawi sa mga sandali na nagtampo siya dito at nag-iiyak siya. Mukhang sumusuko na rin ang katawan niya sa lahat ng pinagdaanan niya ngayon.

Kinintalan siya ni Kenji ng halik sa noo. “Magpahinga ka na. It looks like you need it.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.