Sinibat ni Kenji ng matalim na tingin ang dalaga. “Hindi iyan magandang biro. Nakita mo na ngang muntik na siyang masaktan ni Missy.”
Biglang natutop ni Margaret ang bibig at nagpakawala ng isang mahinhing tawa. “Oh! I am sorry. Akala ko nagpa-practice siya as a stunt woman maybe. You know, baka pwede siyang mag-audition na extra sa next fantaserye ko.”
“Margaret, kung wala kang magandang sasabihin, mas mabuting tumahimik ka na lang,” mariing wika ni Kenji. Inalalayan siya ng binata na tumayo. Muling nagtahulan ang mga aso. Di lang si Missy ang umangil kay Jacko kundi pati sina Nikita at Rhodora. As if they were threatened by the new dog’s presence. Tinanguan ni Kenji ang tagapag-alaga ng mga aso. “Ipasok mo na sila sa loob.”
Hindi ito magandang senyales para sa kanilang one big happy family. Madrasta lang ang peg niya. At ang masaklap pa ay nandito ang tunay na ina ng mga aso – ang babaeng kontrabida sa buhay niya kahit na kailan.
Hinawakan ni Kenji ang braso niya at tiningnan ang gasgas doon. “O! Nasaktan ka.” Tiningnan nito ang binti niya at pumalatak. “Nasugatan ka pa tuloy.”
“Di pala nakasara ang gate kanina. Nakawala tuloy si Jacko. A-Akala ko kasi sasagpangin siya ni Missy,” sabi niya at naramdaman niya ang panginginig ng buong katawan niya. Natakot talaga siya doon. Kayang-kayang lurayin ng isang Belgian malinois ang isang maliit na shih tzu sa isang iglap. At di rin niya alam kung anong magiging kapalaran niya kung siya ang nasagpang ng malaki at matapang na aso. She didn’t even want to think about it.
“Gamutin na natin ang sugat mo sa loob,” anang si Kenji sa malumanay na boses.
Biglang pinigilan ni Margaret si Kenji sa braso. “Kenji, wait! Hindi pa ako tapos sa pagbibigay ng instruction sa iyo tungkol sa vitamins ng kids.”
“Sabi mo naman sa akin naibilin mo na sa dog minder nila ang lahat. If you are not happy about it, why don’t you just send me an email and I will print it? I have to attend to my girlfriend’s wounds,” wika ni Kenji.
Dinig na dinig ang malakas na paghigit ng hininga ni Margaret. Na parang bigla ay napuno ng maraming hangin ang maliit nitong dibdib. “D-Did you I hear you right? T-This woman is your girlfriend? Siya ang ipinalit mo sa akin?” bulalas ni Margaret at saka nakataas ang kilay siyang tiningnan mula ulo hanggang paa. “H-Hindi ko inaasahan na nagbago na pala ang taste mo sa babae.” At alam niya kung anong ibig sabihin ni Margaret base sa mapanlait na tingin nito sa kanya. Na bumaba ang taste ni Kenji sa babae.
Isang kampanteng ngiti ang sumilay sa labi ni Kenji. “I believe na nag-improve ang taste ko sa girlfriend.”
Nasapo ni Margaret ang dibdib. “E-Excuse me? G-Ganoon ka lang kadali na magpalit ng girlfriend.”
“Coming from the woman who replaced me with a new guy even before we broke up?” Pagak na tumawa si Kenji. “Margaret, I find your jokes distasteful. Hindi ka bagay na maging komedyante.”
Naumid si Margaret at napalunok. Animo’y kinokontrol lang nito ang emosyon nito pero anumang oras ay parang gusto na nitong sumabog. Mukhang dignidad at pride na lang ang pumipigil dito para tuluyang magwala at pakawalan ang poise na matagal nitong inensayo.
Nakataas ang kilay na tiningnan ng babae ang alaga niyang si Jacko. “And don’t tell me that grangy-looking dog is… your new baby?”
“Yes. Mine and Yngrid’s. His name is Jacko,” anang si Kenji at hinapit pa ang baywang niya saka kinabig ang katawan niya palapit dito. “Dapat nga mamamasyal na kami kundi ka lang dumating.”
“I just want to remind you that my dog is allergic to poorly bred animals. Ayokong ididikit ang babies ko sa mga askals,” nakataas ang kilay na wika ni Margaret saka dumako ang tingin sa kanya.
Alam niyang hindi ang breed ni Jacko ang tinutukoy ni Margaret. She was good with dogs and she obviously knew that a shih tzu was not a so-so type. Siya ang tinutukoy nito na nilalang na walang breeding. Gusto sana niya itong sagutin pero hinayaan na lang niya. Walang kwenta kung papatulan niya ito. Siya ang nobya ni Kenji. Kung may problema ito doon, mamatay ito sa inggit.
“Alam ko kung paano sila aalagaan,” anang si Kenji sa malamig na boses.
“Sana lang di mo sila mapabayaan, with your new dog, that is.”
“You don’t have to tell me what to do. Alam ko kung anong ginagawa ko. I am afraid we have to go inside, Margaret. Kailangan kong gamutin si Yngrid. Kung may concern ka pa sa mga alaga natin, pwede mo namang kausapin ang dog minder niya. Kung anumang napag-usapan ninyo, pwede naman niyang i-relay sa akin,” anang binata at saka siya inakay papasok sa bahay nito.